Panahon ng Pag-ibig #05: Kira, The Barista

2015-category-title-muelle-copy2016-muelle-title-kira-the-barista

Nagsimula ang hilig ko sa kape noong sinimulan kong mag-quit sa paninigarilyo. College pa lang ako ay coffee person na talaga ako pero humigit ang pagmamahal ko dito noong napadalas ang pagpupuyat ko sa first job ko. Araw-araw ay may nakalaan akong budget para sa kape na parang tulad ng ibang taong may allotment sa isang pakete ng yosi o sa paborito nilang burger. Iba talaga kasi ang sensasyong nadadala nito sa aking isipan. Mainit man o malamig, para bang laging presko sa pakiramdam ang pagdaan ng kape sa aking lalamunan at kalamnan. Alam kong mali ang halos araw-araw na sleepless nights nang dahil sa kape ngunit hindi ko naman ito pinagsisisihan dahil nagiging produktibo talaga ako.

Masasabi kong ang pag-inom nito ay regular nang parte ng araw-araw kong aktibidad. Hindi ito nawawalan ng espasyo sa buhay ko: tuwing may bagong coffee shop, tuwing may bagong variety ng coffee drink, tuwing pupunta sa iba’t ibang lugar, tuwing walang magawa, tuwing maraming ginagawa, tuwing mag-isa o kahit kasama ang aking mga kabarkada. Pero ang hindi ko makakalimutan ay noong naging instrumento ang kape sa isang taong naging “importante” sa akin – si Kira.

Bagong barista si Kira sa pinakamalapit na paborito kong coffee shop na nasa loob ng mall na pinakaaayawan ko. Yun lang ang alam ko sa kanya. Tulad ng ibang barista ay wala namang kakaiba kay Kira. Matangkad, maamo ang mga mata at gwapo kung ikokonsidera nyo ang aking standard. Nag-iba lang ang lahat nang mapansin kong nahuhuli ko siyang nakatingin sa akin kapag kailangang dumapo ng aking mga mata sa paligid. Malakas ang pakiramdam ko lalo na kapag nasa gitna ako ng pagsusulat. Ilang beses ko siyang natitiyempuhang nakatitig dahil nakaupo ako sa sofa na ang katapat ay ang coffee machine kung saan siya nakatoka. Madali akong sumimangot o mabilis tumaas ang kilay kapag may nakatitig sa akin. Ang wirdo lang dahil naaaninagan ko siyang napapangiti kapag nagsusuplado ako. May ilang beses pang siya ang gumagawa ng kape ko dahil siya nga ang nandoon sa coffee machine at napapansin kong may maliit na heart shape sa tabi ng pangalan ko. Ayaw ko sanang bigyan ito ng kahulugan pero nagkakaroon lang ng heart ang coffee cup ko kapag siya ang nag-aabot.

Hindi ko na maipaliwanag ang pakiramdam ko lalo na noong tumagal ng halos dalawang buwan na ganoon ang mga senaryo. Hindi ko na alam ang magiging reaksyon ko at hindi ito dahil sa hindi ko ito nagugustuhan.

Dumaan pa ang isang buwan. Inabot ako ng hatinggabi sa isa pang coffee shop sa mall na iyon dahil doon ko kailangang i-meet ang mga kabarkada ko. Pinauna ko silang pasakayin dahil malapit lang naman ang terminal kung saan ako sasakay. Noong ako na ang sasakay ay biglang nawalan ng jeep at biglang umulan nang malakas. Kakaiba itong malas para sa sunod-sunod kong araw na sinuswerte ako, at siyempre, sa magkahalong inis at antok ko ay dinapuan na naman ako ng moodswing ko.

Ilang minuto ang lumipas nang may nakita akong lalakeng papalapit sa kinatatayuan ko. Basang-basa siya na sumilong sa tabi ko. Pamilyar ang gray polo shirt niya. Bago ako naka-react sa nakita kong nameplate sa dibdib niya ay napansin kong nakatingin na siya sa akin. Si Kira, ang barista.

“Ay sir, hello po,” masiglang bati niya sa akin. Ngumiti siya nang napakalaki na hindi ko kailanman nakita kapag siya ang naghahatid ng order ko.

Mahinahong ngiti lang ang nasagot ko dahil nga nasa kalagitnaan na ako ng moodswing ko. Gustong gusto ko nang umuwi dahil may mga dapat akong i-check na email.

Tahimik ang mga sumunod na minuto at ang tanging naghuhumiyaw lang ay ang napakalakas na ulan at pumipitong hangin. Nakasuot na ako ng sweater pero nararamdaman ko pa rin ang panlalamig. Sinubukan kong pasimpleng tingnan siya at nakita kong halos nakayakap na siya sa kanyang bisig. Mas nanlalamig na siya lalo pa’t basa ang suot niya.

Bigla ko na lang hinubad ang sweater ko at agad kong inabot sa kanya. Pareho kaming nawirduhan sa ginawa ko.

“Shet,” ang nasabi na lang ng utak ko sa ginawa kong hindi ko naman talaga intensyong gawin. Pero nandito na ito. Wala nang atrasan.

“Giniginaw ka na. Gamitin mo muna,” kalmado kong sinabi.

Sinadya kong maging hindi convincing ang statement ko para umayaw siya pero hindi ganoon ang nangyari.

“Thank you po, Sir Renzo.”

Saglit siyang tumalikod at tinanggal ang suot na polo shirt. Lalo akong nanlamig nang humarap sa akin nang nakahubad. Buti na lang at medyo madilim kaya hindi gaanong kita ang itsura kong wirdo. Kinuha niya ang sweater sa kamay ko at sinuot habang nakangiti na parang bata. Hindi ko alam kung bakit nakita ko pa yun na lalong nagpadagdag sa nerbiyos ko. Tamang-tama lang sa kanya ang sweater ko at mukha naman siyang naging kumportable. Piniga niya ang basang polo shirt at hinawakan sa magkabilang dulo ng laylayan na parang nakasampay. Ako naman ay patuloy na nanahimik, tumitingin-tingin sa kung saan-saan at pinipilit na umiwas na makipag-usap sa kanya. Hindi naman ako sobrang introvert pero kapag pakiramdam ko ay ayokong makipag-usap ay hindi talaga ako magsasalita.

“Hindi ko po kayo nakita kanina sa coffee shop, sir,” biglang nagsalita si Kira na talagang kinagulat ko.

“Ano… kasi… nandun ako sa coffee shop sa ground floor. Dun kasi nagyaya yung mga kaibigan ko.”

“Ganun po pala,” nakangiti niyang tugon.

“Masyado na pala akong madalas doon. Namumukhaan mo na pala ako,” isang biro pero may pagka-seryoso kong sabi. Mahina siyang napahagikgik na narinig ko kahit napakalakas ng buhos ng ulan.

“Ayos lang po yun. Lagi naman kayong welcome. Kung hindi po dahil sa mga tulad ninyong loyal costumer e wala po kaming trabaho.”

Sumang-ayon naman sa kanya kahit pa naroon pa rin yung hinala kong hindi lang niya ako basta namumukhaan dahil lagi akong nagkakape doon.

“Sir, alam nyo ba na idol ko kayo?”

Mga salitang bigla na lang bumulalas mula sa kawalan! Noong una’y hindi ko alam kung paano ako magre-react sa sinabi niya. Tinanong ko siya ng bakit sa pinakamahinahon na paraan.

“Kapag nasa shop kayo kasi tapos may kausap kayo, pakiramdam ko ang dami nyo pong alam. Ibig ko pong sabihin, parang ang dami pong gustong matuto mula sa inyo dahil marami po kayong pakialam sa buhay. Ibang klase po kayo, sa totoo lang.”

Hindi ko pa rin alam kung paano ako tutugon sa mga salita niya. Ngumiti na lang ako at nagpasalamat. Pero hindi na naman napigilan ng utak ko na magsalita nang kung ano-ano.

“Kaya pala nahuhuli kitang nakatingin sa akin,” bigla kong nasabi na nagpabigla sa kanya.

Dun na ako nagsimulang matawa at sinundan naman niya ng halakhak.

“Sorry po, sir. Naa-amaze lang talaga ako,” nakangiti niyang paliwanag. “Kapag may kausap po kasi kayo at naririnig ko kayo, pakiramdam ko po ay parang ako na rin ang kinakausap ninyo at nakakatawanan ninyo. Ang weird pero ganun po talaga. Natandaan ko nga na napasimangot kayo nung nahuli nyo akong nakatitig sa inyo.”

“Wow! Talagang natandaan mo yun?!” nagulat kong tanong na nagpatawang muli sa binata.

“Ang memorable lang nun dahil first time kong nasimangutan ng customer sa coffee shop nun. Pero promise po, hindi po suplado ang naging first impression ko sa inyo.”

“Ayos lang naman. Ganun lang kasi talaga ako lalo na ‘pag nakatutok ako sa mga ginagawa ko. Don’t worry, next time, kapag nakita kitang nakatingin, ngingiti na ‘ko.”

Mukhang tanga yung sinabi ko kay Kira pero nakita kong bigla ang maamo niyang mata na nag-compliment sa kanyang labing nakangiti. Lalo akong nagmukhang tanga nung naisip kong nasobrahan yata ako sa titig na sa palagay ko’y napansin niya. Nagsimula na kaming magkaroon ng sariling mundo sa bangketang may silong na napapalibutan ng pabaha nang kalsada. Marami pang palitan ng kwento ang sumunod na isang oras hanggang sa tumila na ang ulan.

Alas-dos na ng madaling araw. Maghihiwalay na kami ng landas nang maalala kong suot pa niya ang sweater ko.

“Ibabalik ko na lang po yung sweater nyo kapag bumisita po kayo ulit sa shop. Lalabhan ko po muna,” wika niya.

“Sige no problem.”

“Thank you po ulit, Sir Renzo.”

“Renzo na lang ‘pag nasa labas tayo ng coffee shop.”

May excitement ang pagsagot niya ng “sige” nung marinig niya iyon. Sana ako lang iyon pero ilang segundo ring nakangiti siya nang ganoon. Hindi ko siya guni-guni at sigurado ako doon.

Apat na araw ang umusad at bumalik ako sa coffee shop dahil may estudyanteng gustong kumonsulta sa akin para sa thesis. Ang swerte dahil walang nakaupo sa paborito kong pwesto. Paupo pa lang ako ay nakita ko nang nakatitig siya sa akin at nakangiti. Tulad ng ipinangako ko sa kanya ay ngumiti ako pabalik na alam kong na-appreciate niya.

Habang abala ako sa pagche-check ng email sa laptop ko ay dumating na ang cafe mocha ko. Hindi ako kaagad na nakalingon pero may nakita ako kaagad na kakaibang nakasulat sa aking coffee cup.

“For my favorite coffee star: Renzo. From Kira, the barista.”

Mula sa isa ay naging lima na ang puso sa tabi ng pangalan ko. Dahan-dahan akong lumingon at nakita kong si Kira pala ang naghatid ng order ko. Sa unang pagkakataon ay nakangiti siya sa harap ko bilang barista. Hawak niya rin ang sweater ko na pinasuot ko sa kanya.

“Here’s your coffee and sweater, sir! May perfume ko yan kaya mabango,” masaya niyang pagbati.

Alam kong ngumiti ako nang pagkalaki-laki dahil hindi na lang isang barista ang nasa coffee shop na ito kundi isa nang bagong kaibigan. Ayaw kong sabihing ispesyal dahil ayokong magtiwala sa ganitong pakiramdam. Mas mabuti na yung ganito kaysa maging mas wirdo pa ang sitwasyon. Hindi na kaya ng utak ko ang intindihin pa ang susunod na sakit na pwedeng danasin ng puso ko. Kumbaga, nagiging praktikal lang ako.

Nagtuloy-tuloy ang ganitong setup sa sumunod na anim pang buwan. Hindi na ako nagiging madalas sa coffee shop pero sa tuwing pupunta ako ay sinisigurado ni Kira na nakatitig sa akin at nakangiti siya sa akin, nakaharap man sa akin o yung hindi ko namamalayan dahil busy ako.

Dumating ang isang araw na nagpunta ako doon kasama si Vincent, ang ex-partner ko na nanatili pa ring kaibigan ko kahit naghiwalay kami. Makulit kami ni Vincent kapag nagkikita kami na para bang “kami” pa rin. Hindi ko noon napansin si Kira dahil nga masaya ang kwentuhan namin ng isa. Pumunta ako sa cashier para um-order ng cheese cake nang makita ko si Kira na siyang kukuha ng order ko. Normal lang ang lahat ngunit kumuha siya ng tissue at tila may isinulat doon. Inabot niya ito kasama ng sukli at wi-fi access sa coffee shop. Binasa ko ang nakasulat sa tissue habang pabalik sa upuan namin.

“Tingin ka naman sa akin o. :)”

Medyo binalewala ko ang nasa tissue nang may ipakita sa akin si Vincent sa smart phone niya. Tuloy ang tawanan namin ng mokong kong ex at sinagad ang aming bonding dahil hindi naman kami madalas na nagkikita nito. Umalis kami ng coffee shop at noong pag-uwi lang ay doon ko naalala si Kira at ang sinabi niya sa tissue. Dinatnan ako ng guilt dahil hindi ko siya napansin pagkatapos ng matagal na beses na hindi ako nakadaan sa coffee shop. Itinulog ko na lang ang pag-aalala dahil napagod ako sa trabaho noong araw na iyon.

Lumipas ang dalawang buwan. Ilang araw bago mag-Pasko. Nagmadali akong pumunta sa coffee shop bago pa ito magsara dahil nag-crave ako sa chocolate. Umabot naman ako at doo’y nakita ko si Kira na abalang-abala sa paggawa ng mga order. Hindi ko na kinuha ang atensyon niya at umupo sa paborito kong pwesto habang hinihintay ang order ko. Ilang saglit lang ay dumating ang chocolate cake ko at ang lagi kong order na cafe mocha. Alam kong siya ang gumawa ng kape ko pero walang dekorasyon ang baso ko hindi tulad ng mga dating coffee cup ko. Nalungkot akong bigla dahil parang first time na makalimutan iyon ni Kira.

Ako naman ang sumubok na sumulyap sa kanya pero busy pa rin siya sa mga ginagawa niya at halos walang sandali yatang hindi siya sumaglit ng tingin sa akin. Hindi tulad ng dati, hindi ko na sigurado ngayon kung tiningnan niya ako habang nakatuon ang atensyon ko sa ibang bagay.

Nag-text ang isa sa mga kaibigan ko na nasa coffee shop sa mall ding iyon. Bago ako lumabas ay muli kong tiningnan si Kira at ganoon pa rin ang sitwasyon niya. Hindi na ako tuluyang nang-abala at umalis papunta sa isang coffee shop.

Inabot kami ng closing time sa dami ng pinagkwentuhan namin ng kaibigan ko. Naglakad ako papunta sa sakayan para makatiyempo ng jeep. Bago pa man ako makarating sa terminal ay biglang pumatak ang malakas na ulan at napuwersa akong sumilong sa waiting shed sa tapat ng isang bangko. Wala akong dalang payong o sweater dahil kanina naman ay wala namang senyales ng masamang panahon. Wala akong choice kundi hintayin itong huminto. Inaliw ko ang sarili ko sa paglalaro ng games sa phone ko at lahat ng atensyon ko ay napunta sa laro. Saktong naubos ang lives nang naramdaman kong may katabi ako na nakasilong din sa waiting shed.

Sa kanan ko ay nakatayo si Kira, naka-sweater at may hawak na coffee cup sa kaliwang kamay at payong sa kanang kamay. Nakangiti siya sa akin habang nakatingin pero tila may kakaiba sa ngiting iyon.

“Hindi na kita inabala kasi mukhang busy ka sa games.”

“Oo nga e. Sorry hindi rin kita napansin.”

“Ayos lang. Ilang minutes kitang tinitingnan kaya alam kong hindi mo ako naramdaman.”

“Ikaw din naman kanina.”

Medyo nagmaktol ako nang sabihin iyon. Nabigla na lang ako nang ma-realize ko na sinabi iyon ng bibig ko at hindi lang ng isip ko. Nakita ko rin ang pagkabigla rin ni Kira at parang gusto ko na lang mahiya.

“Ha? Anong kanina?” tila pagtatakang tanong ng binata.

“Ano… kasi… nandoon ako kanina sa coffee shop… pero masyado kang busy. Feel ko naman, alam mong nandoon ako dahil ikaw ang gumawa ng cafe mocha ko pero hindi ka tumingin o sumulyap man lang.”

“Hala, sorry! Sa dami kasi ng ginagawa kong mixes, hindi ko na alam kung sino ang ginagawan ko ng kape dahil hindi ko na rin nakukuhang makita yung pangalan ng umo-order,” alibi niya. “Pero… oo, alam kong nandun ka. Kaya nga patago kitang hinintay.”

Ano kaya sa tingin niya ang dapat kong maramdaman?! Bigla akong na-bad trip sa sinabi niya at nagtangka nang sumugod sana sa ulan. Parang alam niyang gagawin ko iyon kaya mabilis niyang hinubad ang suot na sweater, nilagay sa balikat ko at humakbang sa labas ng waiting shed. Mabilis siyang nabasa habang hawak pa rin ang coffee cup.

“Ako na lang ang magpapakabasa para sa’yo, Renzo.”

Ito ang unang beses na tinawag niya ang pangalan ko nang walang “sir”. Nagulat ako sa sinabi niya at hindi ko akalaing may magsasabi ng ganun sa akin.

“Basa yung labas ng cup na ‘to pero sigurado akong mainit pa yung nasa loob. Para sa’yo to, idol. From Kira, your barista.”

Inabot niya ito sa akin habang tuloy-tuloy na nababasa ng malakas na ulan. Wala akong karapatang tanggihan ang kapeng iyon lalo pa’t dama kong ginawa iyon sa napaka-ispesyal na paraan.

“Alam kong may mali sa atin ngayon. Hindi ko iyon intensyon. Sorry kung ganito ang kinalabasan. Pero pakiusap ko, sana walang magbabago.”

Hindi ko naitago ang pagkadismaya pero bago pa masakop ng inis ang kabuuan ko ay pinakiusapan ko siyang sumilong na.

Bumalik siya sa waiting shed, hinubad ang gray polo shirt at sinuot ang hawak kong sweater niya.

“Ikaw muna ang uminom,” utos niya nang abutin ko sa kanya ang kapeng bigay niya. Sinunod ko naman siya at humigop nang kaunti.

Inabot ko sa kanya ang baso at bago siya uminom ay tiningnan niya muna ako. Alam niyang bigla akong nairita kaya napahagikgik siya. Inikot niya ang baso sa parte kung saan ako uminom at doon siya humigop. Tulad ng dati ay hindi ko alam ang reaksyon ko sa ginawa niya. Isa lang ang sigurado sa ngayon: tuloy ang aming pagkakaibigan.

Oo, pagkakaibigan. Kahit pa pareho kami ng wirdong pakiramdam ngayon, alam naming dalawa na hindi para “doon” ang koneksyon ng kape sa aming dalawa. Hindi namin ito idineklara nang pormal dahil nagkakaunawaan na kami sa titig pa lang. Natapos ang gabing iyon na naging malinaw at maayos. Nanatili na ang nalalaman ko lang kay Kira ay isa siyang barista. Ayoko nang may malaman pang iba.

Natapos ang Pasko at nagsimula ang bagong taon. Nagsimula ang totoong pagkakaibigan sa pagitan ng isang mahilig uminom ng kape at sa isang mahilig gumawa ng kape. Hindi humantong sa “tamang” pag-ibig ang pag-ibig namin sa kape, ngunit dahil kay “Kira, The Barista”, pakiramdam ko’y naging mas masaya ang pakahulugan sa akin ngayon ng kape. Mainit man o malamig, ang mahalaga ngayon ay may isang taong nakakonekta sa akin sa pamamagitan ng kape, at tulad ng napakaraming sleepless nights, hindi ko pinagsisisihan ang koneksyon ko sa kanya dahil naging produktibo ako sa napakaraming bagay.

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

Panahon ng Pag-ibig #04: Secret Admirer

aurora-title-novel_4 copy

Identity crisis.

Ngayon lang nalaman ni Austin ang ibig sabihin niyon. Sabi sa Internet, ito raw ay isang pag-uugaling normal na nararamdaman, lalo na ng mga teenager. Dito raw nagsisimulang malito ang mga tao at magtuklas ng mga bagay-bagay tungkol sa kanilang sekswalidad. Sa mga panahon ding ito nalalaman ng sinuman ang totoong tinitibok ng puso at bugso ng damdamin na siyang magdadala sa kanilang magiging permanenteng pagkatao sa hinaharap.

Paulit-ulit niyang naiisip ang kanyang mga nabasa. Kasabay nito ang pagbalik sa gunita niya ng isang pangyayaring naganap, tatlong buwan na ang nakalipas. Pumunta siya sa CR, naghilamos, tumingin sa salamin at tinitigan ang kanyang mukha. Bakit ba ayaw matanggal sa kanyang alaala ang senaryong iyon?

Sinakop na ng dilim ang kalangitan pero hindi pa nakakauwi ang buong Grade 11-Lacson. Ito ay upang paghandaan ang kanilang final project – isang theater play na halos buong eskwelahan ang manonood. Inaasahan ng marami ang magandang performance nila dahil sila ang star section ng 1st year senior high school. Abala ang lahat sa kani-kanilang mga gawain at may ilang eksena pa ang pinupulido para maging maayos ang presentasyon bukas.

Huling eksena na ng play pero hindi pa rin nakakapili si Austin kung ano sa dalawang version ng ending ang kanyang gagamitin. Humingi siya sa grupo ng isang oras na break para makapagpahinga ang lahat at makakain muna. Naiwan siya sa loob ng gym para ulit-uliting pag-isipan ang natitirang parte ng play.

Si Austin ang sumulat at direktor ng dula. Mahigpit siya sa lahat ng bagay pero wala itong problema sa kanyang mga kaklase dahil grade 7 pa lang sila ay nakita na nila ang pagiging magaling na lider ng binata. Hindi rin ito ang unang beses niyang nakapag-direct sa isang event sa eskwela kaya tiwala ang mga ito sa pagmamando ng kanilang pagtatanghal.

“Diet ka?” tanong ni Antwan na ikinabigla ni Austin. Hindi niya namalayang pumasok ito’t nasa harapan na niya dahil sa sobrang pagtutok sa script.

“Ha?! Eh… ano… hindi pa kasi ako desidido sa last scene. Hindi ko matantya kung ano ang pwede. Tapos ka na’ng kumain?”

“Hindi ako kumain. Nagpahangin lang ako sa quadrangle. Saka medyo malayo rin yung kakainan nila. Tinamad ako kaya hindi na ‘ko sumama,” tugon ng binata. “Teka, you mean, dalawa ang ending ang play natin? Anong sabi ni Sir?”

“Ako na lang daw ang bahala dahil ako lang daw ang nakakaalam ng gusto kong mangyari sa istorya ko.”

“Tinanong mo na ba si Albert?”

“Hindi naman niya binasa ‘to mula nung nagsimula tayo. Mas gusto nya kasi sa technical kaya pinabayaan ko na.”

“Pwede ko bang mabasa?”

Agad niyang inabot ang limang pirasong papel na naglalaman ng dalawang klase ng ending. Sa loob ng ilang minuto, binasang mabuti ni Antwan at binulong niya ang bawat linyang siya mismo ang magsasabuhay sa entablado. Siya ang gaganap na Liam, ang bidang lalaki sa kuwentong sinulat ni Austin.

“Maganda silang pareho,” sabi ni Antwan na sa loob-loob ni Austin ay hindi niya gaanong ikinatuwa. “Buti ayos lang kay Sir Ash ang kissing scene?”

“Pa-fade out naman yung lights nyan kaya hindi magpapang-abot yung kiss. Pampakilig lang,” depensa ni Austin.

“Hmm… pwede ba tayong magbatuhan ng linya?”

“Sige, pero anong version?”

“Yung may kissing scene,” sagot ni Antwan na ikinagulat ni Austin.

“Ha? Bakit yan ang napili mo?”

“Nakakakilig kasi yung takbo ng istorya kaya mas okay siguro kung tatapusin natin ang play nang nakakakilig din,” sabi ni Antwan na kahit papaano’y nakakumbinsi sa isa.

Tumayo si Austin papunta sa gilid ng stage para kunin sa bag ang isa pa niyang kopya. Pabalik na siya sa kinauupuan niya nang biglang sumulpot si Antwan sa kanyang likod na muli niyang ikinagulat.

“Dito na lang tayo magbatuhan para maituro mo na rin yung blocking na naiisip mo,” wika ni Antwan sa binata.

Tulad ng sinabi ng kanilang bida, itinuro ni Austin kung paano ang magiging areglo ng last scene sa entablado. Si Antwan bilang ang role niya at si Austin bilang role ng bidang babae na si Marine na gagampanan ng kanilang kaklase na si Bianca.

“Bale ‘pag lights on, nakayakap na ako sa kanya, tama?”

“Oo. Bale yung kamay mo, nakapalibot sa baywang nya.”

“Bale ganito,” sabi ni Antwan, kasunod ang pagyakap nito kay Austin na agad pumalag.

“Uy wait! Wala nang action! Basta ganun na lang ang gawin mo,” nabiglang wika ni Austin.

“Eh… nahihirapan kasi akong hindi inaarte yung sinasabi ko. Tanungin mo pa si Bianca kapag nagpa-practice kami, inaarte na namin agad. Saka ituturo ko na rin sa kanya yung blocking pagdating niya.”

Blangko ang mukha ni Austin sa paliwanag ni Antwan. Masyado na ring late kaya dapat ay maayos na ang acting nila para makauwi na sila. Ginawa ulit ng binata ang pagyakap na parte ng nasabing eksena.

“Game na po direk ha!” may pagngising sabi ni Antwan.

Nilagay nito ang kaliwang kamay sa baywang ni Austin habang hawak ang papel sa kabila. Nilagay naman ni Austin ang kanang kamay niya sa kaliwang balikat ng kaklase at nasa kabila ang hawak na script.

“Nakalagay dito na dapat ay nakasandal ang pisngi mo sa balikat ko,” sabi ni Antwan habang nakatitig sa script.

“Mamaya mo lang yan ipagawa kay Bianca,” reklamo ni Austin na medyo naiinis na.

“Parang walang sense yung sinulat mo kung ikaw mismo, hindi mo kayang gawin ‘to!” nainis ring tugon ni Antwan. Halos dinig sa buong gym sa pagsigaw ng aktor pero nahimasmasan agad ito sa kanyang inasal.

“Sorry Austin,” nahihiyang sabi ni Antwan, sabay ngiti sa nabiglang kaklase.

Walang salitang lumabas sa mga bibig ni Austin. Tama si Antwan, sabi nya sa sarili niya. Dapat alam niya at kaya niya ang galaw ng mga karakter na kanyang sinulat. Ginawa na niya ang kung ano ang sinabi ng script: nilapat niya ang kanang pisngi sa balikat ng binata, nilibot ang kaliwang kamay sa katawan nito, hinawakan ang papel sa kanang kamay at sinambit ang linya ni Marine.

Marine: I wish this night never ends, my love. I’ve waited for this moment and now it’s happening.

Liam: Yes, my princess. I promise that I won’t lose you again. And thank you because you never surrendered your hope. Trust me, I’ll be by your side forever and will always be your protector.

(May kinuhang singsing si Liam sa kanyang bulsa at ipapakita kay Marine.)

Liam: It may not be the most expensive treasure to offer you… but please accept this as these rings symbolize my heart and soul, my love and life, you and me.

(Isusuot ni Liam ang singsing kay Marine at ang isa’y isusuot ni Marine kay Liam.)

Marine: I am ready to make my destiny with you.

(Pipikit si Marine at dahan-dahang nilalapit ni Liam ang kanyang mga labi sa mukha ng dalaga para ibigay ang kanyang matamis na halik.)

“Basta pagpikit ni Bianca, bumilang ka ng five seconds sa isip mo habang papalapit ang mukha mo sa kanya hanggang mag-lights out,” utos ng nakapikit na si Austin. “Ako ang bibilang ha. One… two… three… four…”

Bago dumating ang five ay dumampi sa kanyang bibig ang labi ni Antwan. Hindi niya alam kung bakit ganoon ang pakiramdam pero para bang huminto ang oras at tila hindi siya makagalaw. Sa kanyang pagdilat ay nakita niyang nakapikit si Antwan habang magkadikit ang mga labi nila. Naramdaman niyang binubuka nito ang kanyang bibig kaya dito na siya pumiglas sa pagkakayakap ng kaklase at binato ang mga papel na hawak niya.

“Siraulo ka ba?! Bakit mo tinuloy?!” galit na galit na sabi ni Austin kay Antwan na halatang nabigla rin sa kanyang ginawa.

“Sorry Austin! Huwag kang magalit. Hindi ko sinasadya,” nauutal na sagot ni Antwan pero bago pa siya makapagpaliwanag ay tumakbo na si Austin palabas ng gym.

Huminto siya sa pagtakbo sa garden malapit sa gate ng eskwela. Napaupo siya sa malaking bato doon, napapikit at pilit na inunawa ang nangyari. Mali iyon, pero iba ang sinasabi ng kanyang puso na hindi niya maintindihan. Lalo siyang nataranta dahil baka nakita ni Antwan na namula ang kanyang mukha nung bumitiw siya sa paghalik nito. Hinawakan niya ang kanyang labi at tila nadarama pa rin niya ang malambot at matamis na halik ng kaklase. Sa sobrang inis ay nasuntok ni Austin ang poste sa tabi ng kanyang inuupuan. Nagdugo ang kanyang kamao at mangiyak-ngiyak siya sa pagkirot nito.

“Oy direk! Bakit ka nandito?” pagbati ng kaklase niyang si Albert kasama ang iba pang kumain ng hapunan sa labas ng eskwela.

“Ha? Ano kasi… nagpapahangin lang ako. Tapos na kayong kumain di ba? Tara, tapusin na natin kasi maaga pa tayong maghahanda bukas,” medyo natatarantang tugon ni Austin.

Tinago ni Austin ang sugatang kamao sa kanyang bulsa at sumabay nang pumasok sa mga kaklase niya. Nakita niya si Antwan na nasa gitna ng stage at nakatingin sa script na nire-rehearse nila kanina. Nagtama ang mata nilang dalawa pero agad na umiwas ng tingin si Austin habang papunta sa kinauupuan niya kanina.

“Guys, eto na yung final version ng last scene. Bianca, may 30 minutes kayo ni Antwan para i-practice ‘to. Pagkatapos niyan, i-rehearse natin sa stage para sa blocking tapos mag-isang run tayo. Albert, paki-ready na nang maayos ang paglabas at pagpasok ng props. I-arrange na rin yung pagkakasunod-sunod ng music at command ng lights. Kailangan sa isang run ay okay tayo,” kalmadong pagpapaliwanag ni Austin.

Kumilos na ang lahat ng tao sa paligid pero biglang naramdaman ni Austin ang pagod sa mga mata. Tumayo siya’t kinuha ang eyeglasses sa bag na nasa gilid ng stage kung saan nagpa-practice sina Bianca at Antwan. Iniwasan niyang tingnan ang ginagawa ng dalawa dahil ramdam niyang nakatingin si Antwan sa kanya. Nang mahanap na niya ang salamin ay mabilis siyang tumakbo pabalik sa upuan. Tinutok niya ang mga mata sa hawak niyang script pero di niya maiwasang sumulyap sa kaklase.

Sa bawat sulyap niya kay Antwan ay kakaibang dagundong sa kanyang dibdib na parang bumubugbog sa kanyang puso at baga. Pilit niyang pinapasok sa kanyang utak na nagkamali lang ang binata at iyon ay isang biro lamang. Muling nagtama ang kanilang paningin at napansin niya ang mga mata ni Antwan. Kinabahan siyang ang nangyari kanina ay hindi isang pagkakamali. Mahigpit niyang pinikit ang kanyang mga mata at paulit-ulit na sinasabi sa isip na iyon ay aksidenteng dapat kalimutan at pagtawanan.

Natapos ang tatlumpung minuto kaya nagsimula na ang pag-aayos ng blocking para sa last scene. Itinuro ni Austin kay Bianca kung paano sila aanggulo ni Antwan sa entablado, kung saan dapat titingin, kung saan tatayo at kung saan hahawak. Tulad ng kanina ay pinapatong ni Austin ang pisngi ng dalaga sa balikat ng kanyang katambal at pinayakap sa baywang nito. Nung hawakan niya ang kaliwang kamay ni Antwan para dalhin sa baywang ni Bianca ay biglang humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya. Nagkatinginan silang muli at dito’y nakita ni Austin ang namumungay na mga mata ng binata. Bigla niyang binitawan ang kamay nito dahil sa isip ni Austin, alam na ng binata ang kanyang gagawin.

Nakakakilig nga ang huling eksena na ikinatuwa naman ng buong klase. Hindi tulad ng nangyari kanina, hindi nagdampi ang labi ni Antwan at Bianca hanggang mag-lights out. Pagkatapos ng rehearsal ng final scene ay nag-practice sila nang buo na may kasamang props at lighting. Naging maayos at maganda ang takbo ng isa’t kalahating oras na dula na ikinatuwa ng lahat. Binigay ni Austin ang ibang final reminder saka nagdeklara ng pack up.

“Hindi ka sasabay sa school service, dude?” pagtataka ng kaibigang si Ponce na presidente rin ng kanilang klase.

“Hindi… kasi ano… may… pupuntahan pa ako. Nasabihan ko na rin si Manong.”

“10:00pm na pero may lakad ka pa?! Wait, bakit nakabalot ang kamay mo?”

“Ha? Ano? Wala lang. Style lang. Andami mong tanong, Ponciano! Pumasok ka na para makauwi na kayo!”

“Basta kitakits na lang bukas, dude! Ingat ka sa pag-uwi! Madulas ang kalye!”

Bago sumara ang pinto ng school service ay nakita niyang nakatingin si Antwan sa kanya. Nakatira lang sila sa iisang subdivision at iisang street, kaya mula noong grade 7 ay sabay na silang pumasok sa eskwela at bumaba sa sasakyan. Pero sa araw na ito, sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi sila magkakasabay ni Antwan.

Natapos ang play, nakapasa sila’t nakatawid sa Grade 12… pero mula nang mangyari iyon ay naging mailap na si Austin kay Antwan. Lalo naging kumplikado pa ang lahat nang maging seatmate sila dahil sa paglipat ng eskwela ng isa nilang kaklase. Alam ni Antwan ang pakiramdam ni Austin kaya hindi na rin nito pinilit na maibalik ang pagiging okay nilang dalawa. Walang pansinan mula noon hanggang mag-umpisa ang klase.

Bumalik sa classroom si Austin pero wala pa ang unang teacher na makilala nila, ang kanilang bagong class adviser. Pumunta muna siya sa kanyang silya upang ituloy ang librong noong bakasyon pa niya binabasa.

“Dude, dude, dude!” pagtawag sa kanya ni Ponce na hinihingal galing sa labas ng classroom. “Tingnan mo ‘tong nakita ko sa may bulletin board ng guidance office.”

“ATTENTION: The award-winning Metropolis Glee Club is looking for new members. Auditions will be held on August 22, 10:00am at the Piano Cube. Look for Sir Polly dela Cuesta.”

“Sali tayo dito, gusto mo?”

“Pag-iisipan ko, dude. Niyayaya rin kasi ako nina Lilette na sumali sa Calle 1594. Ayokong mag-dalawang org ngayon.”

“Okay. Meron ka pang next week para pumili sa dalawa. Pero mukhang etong choir ang pipiliin ko.”

“Sabi mo sa akin kahapon, sa school paper ka sasali?”

“Yung sa Calle 1594, sigurado na naman ako dun. Sa MetroGlee, siyempre, depende yun sa titingin sa audition kung pasado ang boses ko. Saka nagpaalam na ako kay Lilette na magba-baka sakali ako doon.”

“Medyo hindi ka rin mayabang no?”

Nagpasukan na ang mga nasa labas ng classroom sa pagdating ng kanilang class adviser.

“Letter #50 – Hello ATVL, I am ready to reveal myself to you. I am ready to be rejected. Meet me at the Principal’s Garden on August 22, 5:00pm. Love, your Admirer — JDI”

“Dude, may love letter na naman?”

“Oo nga e. Pero sabi rito, makikipag-meet na raw siya,” sagot ni Austin kay Ponce. Kinuha ng huli ang papel sa kamay ng kaibigan at binasa ang laman niyon.

“Sa date ng audition ng MetroGlee ‘to e. Malamang mag-o-audition din siya doon,” sabi ni Ponce. “So you have the reason now to join the audition, huh? Sige na kasi, Austin!”

Isang taon nang sumusulat kay Austin ang isang taong di pa niya nakikilala. Linggo-linggo, hindi ito nagmimintis na mag-ipit ng green na papel sa kanyang locker at hindi nagsasawang magsabi ng paghanga at pagmamalasakit sa kanya. Sinubukan niya dati na hulihin ang kanyang secret admirer, pero bigo siyang makita kung kailan at kung paano nito nailalagay ang sulat sa locker niya. Hindi niya rin mahulaan kung sino ang gumagawa nito dahil sinasadyang computerize ang lahat ng sulat. Kilalang-kilala siya nito at nabibigla na lang kapag may sinasabi siyang bigla na lang nangyayari, tulad ng siya ang napiling magsulat ng play nila nung Grade 11.

Dumating ang araw ng audition sa Metropolis Glee Club o MetroGlee, ang official choral group ng kanilang eskwela. Marami ang gustong sumali pero sampu lang ang kukunin para madagdag sa award-winning choir. Umaga pa lang ay marami nang nag-qualify sa second round ng audition kung saan kasabay na ang training kasama ang mga member nito.

After lunch na nang dumating sina Austin at Ponce. 2pm ang napiling audition time ni Ponce na siya ring pinili ng una kaya may oras pa sila para magpa-kondisyon. Panay ang lingon ni Austin sa Principal’s Garden na hindi kalayuan sa Piano Cube. Wala pang tumatambay, walang nagtatagal, walang mukhang naghihintay, puro dumadaan lang.

“Sino dito ang nasa 2pm schedule?” sigaw ng isang babae na galing sa loob ng Piano Cube.

Nagtaas ng kamay ang dalawa at ng dalawampu pang mag-o-audition sa oras na iyon. Pinapasok na sila roon at pinaghintay sa waiting room kung saan may susundo sa kanila papunta sa audition area. Pang-15 si Austin at pang-16 naman si Ponce.

“Uy Dodi! Sasali ka pala!” sorpresang pagbati ni Ponce sa pagpasok sa kwarto ng kaklase nilang si Jane Dorothy C. Icasiano, o Dodi kung tawagin nila sa klase.

“Oo! Tapos na akong mag-audition. Okay ako sa next round,” malumanay na sabi ng nakangiting dalaga. “Ikaw lang dito ngayon?”

“Kasama ko si Austin,” sagot ni Ponce na sumakto sa pagbalik ni Austin sa kinauupuan nila.

“Dorothy! Kumusta? Nag-audition ka rin?” bungad ni Austin sa dalaga na tila ba natulala sa binata.

“Ha? Oo… oo kaninang 11:00am sked. Nakapasok ako sa susunod na audition,” tugon ng namumulang si Dodi.

“Wow, anggaling mo naman! Congratulations!” masayang bati ni Austin.

“Salamat! For sure, makakapasa rin kayo,” nakangiting wika ng dalaga. “Ano… Austin… may pupuntahan lang ako. Iwan ko muna kayo. Good luck sa inyo!”

“Alam mo bang crush ka ni Dodi?” bulong ni Ponce pagkalabas ni Dodi sa waiting room, sabay bungisngis na nagpailang kay Austin.

“Talagang sa tenga ko pa tumawa,” naasar na reaksyon ni Austin.

“Baka siya yung secret admirer mo? Nak ng… wala kang itatapon, dude!” kinikilig na sabi ni Ponce sa kaibigan.

“Sino po dito si Austin Trevor V. Lorenzana, Grade 12-Escolta?”

“Good luck, dude! Isipin mo si Dodi habang kumakanta ka! Ayiiiie!”

Sa kabila ng inis sa kaklase ay napaisip nang malalim si Austin sa posibilidad na iyon. Paano nga kung si Dodi ang kanyang secret admirer? Sa isip niya, tama si Ponce. Isa ang dalaga sa pinakamaganda’t pinakamatalinong babae sa section nila. Bagaman sobrang mahinhin, palakaibigan at hindi mahiyain si Dodi sa mga tao, lalo na ‘pag may mga activity sa school. Marami ngang nabigla nung sumali siya sa Ms. Metropolitan noong nasa Grade 10 pa sila at siya ang nanalo sa contest na iyon. Hindi siya naging mailap sa lahat kaya maraming lalaki ang rumerespeto at nagkakagusto sa kanya. Hindi si Dodi ang tipo niyang babae, pero kung siya nga ang makikita niya sa Principal’s Garden mamaya, hindi niya babalewalain ang effort na ginawa ng dalaga sa loob ng limampung linggo.

Parang blind audition ng The Voice ang sistema ng paghahanap ng bagong member ng MetroGlee. Nakatalikod ang mga music teacher at di nila nalalaman kung ano ang itsura ng kumakanta. Medyo madilim din ang ilaw sa loob ng Music Room 4 kung saan nangyayari ang isa sa tatlong audition ng choir group. Ito ang unang audition ni Austin kaya normal na kabahan siya at panay ang pag-ubo niya bago simulan ang kanyang piyesa — ‘You Raise Me Up’ ni Josh Groban.

Nasa pangatlong linya pa lang siya ay tumayo’t humarap sa kanya ang isa sa mga hurado na sa di katagalan ay sinundan na rin ng dalawa. Siguradong pasado na siya para sa susunod na round. Nakangiti siyang lumabas ng kuwarto at agad na bumalik sa waiting area para iparating ang balita kay Ponce na susunod nang tatawagin.

Sa labas na lang piniling hintayin ni Austin ang kaibigan. Pumunta muna siya sa cafeteria para bumili ng maiinom at makakain. Hindi niya naiwasang tumingin sa Principal’s Garden at tumingin sa orasan. Alas kwatro y medya ng hapon.

Niluluto pa ang patty ng paborito niyang double cheeseburger kaya umupo muna siya’t naglaro ng Candy Crush sa kanyang smartphone. Sa kanyang paghihintay ay narinig niya ang isang pamilyar na malakas na tinig.

“Saglit lang ako, Misty! Babalik din ako!” tila nagmamadaling sabi ni Antwan sa di kalayuan. Pakiramdam nito’y papalapit ang mga yabag ng paa ng kaklase sa kanya.

“Uy!” simpleng pagbati ni Antwan saka tinapik ang balikat ni Austin na tumugon naman ng pilit na pagngiti. Agad ding nawala sa kanyang paningin ang binata dahil mabilis itong lumabas ng cafeteria.

Limang minuto ang nagdaan at natapos din ang paggawa ng binili niyang merienda. Pumunta siya sa counter para magbayad at bumili na rin ng pineapple juice, saka bumalik sa kanyang kinauupuan. Nasa kalagitnaan na siya ng pagkain nang biglang mag-ring ang kanyang telepono.

“Nasaan ka?” sabi ni Ponce mula sa kabilang linya.

“Nandito sa cafeteria. Bakit?” sagot ni Austin habang ngumunguya.

“Dude! Tama ako!” pabulong na wika ni Ponce na nagpataka sa binata.

“Tama?! Saan? Na hindi ka pasok ka sa audition?”

“Baliw! Pasado ako. Pero kasi… basta! Pumunta ka na lang dito sa Principal’s Garden para ma-gets mo!”

Nailunok ni Austin ang laman ng bibig niya na halos mabilaukan siya. Mabilis niyang ininom ang pineapple juice at lumabas ng cafeteria. Hindi na niya naubos ang kinakaing burger.

Limang minuto bago mag-alas singko, tanaw niya ang isang babaeng nag-iisang nakaupo sa Principal’s Garden, tila may hinihintay na kung sinuman. Habang papalapit siya’y tuluyan niyang naaaninag ang itsura nito at unti-unting nakikilala ang mukha ng dalaga. Ilang metro na lang ang layo ng binata nang lumingon sa kanya ang babaeng iyon at sinalubungan siya ng magandang ngiti.

“Hello… Dorothy,” nakangiti ngunit kalmadong sabi ni Austin kay Dodi.

“Hello Austin. Kumusta ang audition?”

“Nakapasa ako.”

“Wow congrats! Pero… parang hindi ka masaya?” tanong ng dalaga sa kaklase.

“Hindi ha! Masayang masaya ako… sobra,” marahan niyang tugon kay Dodi habang titig na titig sa mukha nito.

“Sure ka?”

“Siyempre! Kasi nakapasa ka… at ako…” naging seryosong tono ng binata na nagpatawa kay Dodi. Nataranta ang mukha ni Austin dahil feel niya ay may nasabi siyang hindi tama. “Ah… eh… I mean… si ano Ponce din nakapasa! Nakapasa tayong magkaklase. Masaya yun, ‘di ba?”

Habang nagtatawanan ang dalawa ay papalapit naman ang tumatakbong si Antwan na nanggaling sa loob ng main building. Hindi napansin nina Austin at Dodi ang pagdating ng kaklase nila na tila ba nagulat na makita sila.

“Dodi?!” tila nagulat na pagbati ni Antwan nang makita ang dalaga.

“Uy Antwan! Bakit?” nakangiting tugon ni Dodi sa kaklase.

“Wala naman,” seryosong wika nito, sabay takbo papasok ng Piano Cube.

“Oy! Antwan! Bakit kaya umalis agad yun?” pagtataka ng dalaga at ni Austin. “Uhm… teka lang ha, pupunta lang ako sa cafeteria. May kailangan lang akong asikasuhin”

“Gusto mo… samahan kita?” tanong ng binata na nagpabigla kay Dodi.

“Ha?! Bakit? Eh… huwag na.”

“Nagugutom ako!” sigaw ni Ponce na tila ba nang-aasar sa kaibigan. “Tara dude! Kain tayo! Masaya ako! Masayang masaya ako para sa’yo!”

“Siraulo,” napipikong bulong ni Austin na nagpabungisngis sa kanyang bestfriend.

“Pupunta ka rin ba sa cafeteria, Dodi?” tanong ni Ponce sa dalaga na tumugon ng pag-oo. “Yun pala e! Tara na Austin! Sabay-sabay na tayo ni… Dorothy. Hahaha!”

Ewan. Hindi niya maintindihan ang kanyang nararamdaman. Parang may pinasok na speaker sa loob ng puso niya sa sobrang pagtibok nito. “Ganito ba ang magmahal?” tanong niya sa kanyang isip. Wala siyang ideya. Ngunit kung babalikan niya ang lahat ng sulat na natanggap niya mula sa kanyang secret admirer, siguro eto na nga ang tinatawag nilang pag-ibig.

Bukod sa regular nilang pagkikita sa klase at sa MetroGlee ay halos gabi-gabing nagkaka-text sina Austin at Dodi. Ang binata na ang nag-initiate ng move dahil gusto niyang bumawi sa ginawang effort ni Dodi dati. Walang araw na hindi nag-mintis si Austin sa pagpapadala ng mga text na “good morning smile <3” at “good night hugs <3” sa dalaga. Tulad ng sikretong pag-iiwan ng letter, palihim ding naglalagay si Austin ng papel na naglalaman ng tulang kay Dodi niya inaalay. Ang ginagamit niyang pen name sa kanyang mga sinusulat – Melian.

Matapos ang tatlong buwang training ay nakapasa sina Austin, Dodi at Ponce sa sampung bagong miyembro ng MetroGlee.

Hindi pa umuwi sina Austin at Dodi pagkatapos ng kanilang weekly practice para sa paparating nilang concert. Hindi na sumama si Ponce dahil tatapusin pa niya ang book report na ipapasa nila sa makalawa. Pagdating talaga sa important projects, hindi mo siya talaga mapipilit na gumala sa kung saan saan.

Pumunta sa coffee shop ang dalawa para bigyan ng oras ang kanilang ispesyal na pagkakaibigan. Sa gitna ng mga baso ng caramel macchiato at signature hot chocolate ay masaya silang nagkuwentuhan ng kung ano-ano tungkol sa mga kaklase nila, mga kasama sa choir at kung ano-ano pa. Kasama na rito ang mga pahapyaw na tanong para makilala nila ang bawat isa. Sa nagdaang mga buwan ay ganito sina Austin at Dodi – masaya sa simpleng tawanan, titigan at pagkakaintindihan. Hindi kailanman pinag-usapan ng dalawa ang mga sulat na iniiwan sa locker ng binata sa loob ng isang taon. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay makilala si Dodi nang higit pa.

“Nasa labas na si Papa. See you on Monday,” sabi ni Dodi.

“Sige Dorothy. Pero saglit! May ibibigay ako sa’yo,” tugon ni Austin, sabay kuha ng mp3 recorder sa bulsa ng kanyang bag. “May favor sana ako. Paki-record yung boses mo habang kinakanta mo yung tatlong pinaka-paborito mong kanta.”

“Ha? Bakit?” medyo natatawang pagtataka ng dalaga.

“Ano kasi… gusto ko sanang ikaw ang kakanta ng iko-compose kong love song para sa benefit concert.”

“Bakit naman ako? Mas okay kaya ang boses ni Pipa!”

“Masyadong pang-opera yung boses nya. Ang element ng love song na gagawin ko eh may power pero dama pa rin yung epekto ng pag-ibig sa kanta. Parang si Aia ng Imago.”

“Aysus! Baka naman pagsawaan mo ang boses ko sa kakapakinig mo!”

“Hindi ko siya pagsasawaan. Mas gusto ko pa nga siyang manuot sa puso ko e.”

“Hahaha! Writer ka nga talaga,” humahalakhak na reaksyon ng dalaga at saka kinuha ang hawak na mp3 recorder ni Austin. “Sige aalis na ako, baka manuot na agad ako sa puso mo e.”

Tawa nang tawa ang binata sa banat ni Dodi bago tuluyang lumabas ng coffee shop. Kahit nasa kotse na ay nakatingin pa rin ang dalaga kay Austin at gayundin naman ang huli. Kumaway ng pagpapaalam ang binata bago pa man makaalis ang kotse.

Binuksan saglit ni Austin ang tablet bago tuluyang umalis sa coffee shop. Hindi niya palaging binubuksan ang kanyang Facebook account dahil sa dami ng ginagawa niya. Inisa-isa niya ang mahigit 200 na notification at nag-comment sa mga post kung saan siya ay na-mention.

“Jedi Ilagan tagged you in a photo”

Isa sa mga litratong kinunan noong nagpa-practice sila sa theater play noong Grade 11, nakita ni Austin ang larawan nilang dalawa ni Antwan na puno ng ngiti habang magkaakbay. Pero ang nakakuha sa kanya ng atensyon ay ang caption nito.

“Meet my boss. Our theater play director. ATVL, I’m proud to be your fan. Hehe! #admirerJDI”

Nagulat si Austin sa nabasa niyang post ni Antwan at bumalik ang lahat ng nilalaman ng mga sulat na binigay ng kanyang secret admirer. Ayaw niyang paniwalaan ang kanyang nakikita. Siya ba si JDI na nag-iiwan ng mga love letter sa locker niya pero bakit si Dodi ang nasa Principal’s Garden nung oras na yon? Binitiwan niya ang hawak na tablet, kinusot ang mga mata at pumikit. Muling bumabalik sa kanyang gunita ang pangyayaring sinusubukan niyang kalimutan, at isang aksidenteng dapat niyang kalimutan at pagtawanan na lang.

Panahon ng Pag-ibig #03: Yakap Ko Ang Iyong Ngiti

panahon-ng-pag-ibig-03-yakap

[Inspirado ng rendition ng “Yakap” ni Charice]

***

“Ano naman yung pakiramdam na muli na namang tinangkilik ng mga tao ang pelikula mo? And this is not just another blockbuster movie! Its first day made history in Philippine cinema! Kamusta naman yun?”

“Grabeng saya! Ibang klaseng suporta kasi ang binigay ng mga kaibigan natin at lubos akong nagpapasalamat sa kanila.”

“Saka sa mga nabasa naming reviews, sumasang-ayon kami sa sinasabi nila na bawat role na ginagampanan mo ay talagang ginagawa para sa’yo. What can you say about that?”

“Yung anim na pelikulang ginawa ko saka etong ‘Rainbow’ ay sinulat ni Joshua Castillo na matalik kong kaibigan since college. Kapag siya ang sumusulat ng mga pinapagawang pelikula sa akin, binabagay nya yung mga character ko sa kung sino ako sa totoong buhay, kung ano ang galaw ko sa tunay na mundo, at kung ano ang kakayahan ko bilang ordinaryong tao. Kaya kung may isa pang dapat papurihan sa tagumpay ng mga naging pelikulang pinagkatiwala sa akin, si Josh po yun.”

Lumingon si Quark sa likod ng maraming kamera. Nasa bandang likod pala ng isang cameraman ang taong hinahanap niya at tagong nanonood sa kanyang panayam, si Josh. Ngumiti siya nang makita niya ito. Gayundin din naman si Josh na nagpakita ng ngiti kay Quark, ang kanyang ‘kaibigan’, ang artistang tinagurian ng industriya bilang “Zac Efron”, hindi lang ng Pinoy showbiz kundi ng buong Asya.

***

“Nagustuhan mo ba yung sinabi ko kanina sa interview?”

“Okay lang. Pero sana hindi mo na sinabi yun. Sa’yo nakatapat ang limelight at hindi sa akin.”

“Eh… sinabi ko lang ang totoo. Saka… if I know… gusto mo rin naman yung narinig mo e. Hihi!”

“Loko loko ka talaga Wacky! Pero… salamat… dahil sinasama mo ako sa success mo. Maraming salamat.”

Paakyat na sina Josh at Quark sa tinutuluyan nilang unit. Agad na nagsara ang pintuan ng elevator papunta sa ikawalong palapag. Sa tuwing silang dalawa lang ang nakasakay dito ay tila bumabagal ang takbo ng elevator at para bang nagpapabagal din ng kanilang mundo. Hinarang ni Josh ang brief case sa kanang kamay ni Quark at sa kaliwang kamay niya upang hindi maabot ng lente ng CCTV. Nagsimulang gumalaw ang hinliit ni Josh patungo sa hinliit ng aktor. Nang magdugtong ang kanilang mga hinliit ay unti-unti nang dinikit ni Quark ang lahat ng kanyang mga daliri sa isa hanggang sa hawak na nila ang kamay ng isa’t isa. Napakahigpit na pagkakahawak. Tumingin ang binatang writer kay Quark at nakita nitong nakatingin na ito sa kanya, nakangiti at nagniningning ang singkit na mga mata. Ang mga nakaw na sandaling tulad nito ang pinakagusto nila, kung saan sa gitna ng maingay na mundo ay nakakahanap sila ng ginhawa. Kaginhawaang punong-puno ng kaligayahan na nag-uugnay sa kanilang mga pusong minamahal ang isa’t isa.

Nagtapos din ang napakahabang araw na iyon. Mula umaga ay kaliwa’t kanang interviews at press conferences ang dinaluhan nilang dalawa dahil sa tagumpay ng kanilang pelikula. Sanay na sila sa ganitong senaryo kapag lumalabas si Quark sa pelikula pero iba ang tagumpay ng “Rainbow” dahil sa unang araw pa lang nito sa takilya ay kumita na ito ng mahigit 50 milyong piso. Bihira itong mangyari sa isang local movie kaya’t ipinagbubunyi ng lahat, lalo na ng mga fan ni Quark ang pagiging box office nito sa pinilakang tabing. Ngunit higit sa lahat, ang artistang si Quark Garcia at ang manunulat na si Joshua Castillo ang talagang pinakamasaya. Silang dalawang magkaibigan. Silang dalawang higit pa sa matalik na kaibigan ang turing sa isa’t isa.

***

Tatlong araw ang nakalipas. Pagkatapos ng kanyang live guesting sa morning show ay dumiretso agad siya sa opisina ng Star Talents, ang management arm ng Channel 3 na humahawak sa mga homegrown talent ng istasyon. Pagkapasok pa lang niya sa pintuan ay sinalubong siya agad ng kanyang handler at hinila papuntang conference room para sa isang maganda ngunit biglaang balita.

“Panibagong pelikula agad, Lana?! Don’t get me wrong ha, pero hindi ba pwedeng magpahinga muna ako kahit two months lang?”

“Kinausap ko na sila tungkol dyan dahil nga kagagaling lang natin sa ‘Rainbow’, pero ihahabol kasi nila raw ito sa Toronto International Film Festival e. Ikaw talaga ang gusto nilang magbida sa pelikula nila kasama si Zac Efron at Morgan Freeman. Take note, for international release. Nakausap na rin nila si Mr. J at pumayag naman siya. Chance mo na ‘tong makilala as Hollywood actor. Aayaw ka pa ba, Quark?”

***

“Josh, kasi ano… may bagong project ako. Di pa ako nagye-yes kasi sabi ko pag-iisipan ko pa.”

“Alam ko na yun. Yung Hollywood movie? Okay lang naman sa akin.”

“Paano mo nalaman?”

“Saan ba ako nagtatrabaho?”

“Eh… anong masasabi mo dun?”

“Okay nga lang.”

Okay lang daw, pero wirdo ang nararamdaman ni Quark sa pag-sang-ayon ni Josh. Patuloy na nakatutok ang mga mata nito sa laptop, may tina-type na kung ano na hindi man lang siya nilingon kahit saglit. Alam niyang may pagtutol ito sa gagawing proyekto. Lumapit si Quark sa kanyang kinauupuan at niyakap siya nang mahigpit. Ilang segundong hindi nagsalita si Josh samantalang nakatitig lang sa tina-type niyang script ang nagpapa-kyut na artista sa kanyang likuran.

“Hindi ko siya tatanggapin.”

“Ha?! Bakit?! Opportunity kaya yan para sa’yo.”

“Eh ayaw mo kasi.”

“Wala akong sinabing ayaw ko. Okay nga lang, di ba?”

“Kilalang kilala kita, Josh.”

“Magiging masaya ako kapag naging Hollywood star ka na. Kasi magiging proud ako na ang bestfriend ko ay hindi na lang basta heartthrob sa Pilipinas kundi sa buong mundo…”

Napangiti si Quark sa sinabi ni Josh. Tinanggal ng huli ang suot na eyeglasses at tumingin kay Quark, ngumiti at hinalikan siya sa pisngi.

“… huwag kang mag-alala. Kaya kong maghintay. Mayroon kang babalikan dito sa Pilipinas kasi alam kong babalik ka.”

“Promise?”

“Sabi nga ni Nolan sa ‘Rainbow’ nung kausapin niya si Rina habang papalubog ang araw sa Baywalk… wala sa bibig ang salitang pangako, nasa utak iyon at nasa puso.”

Tila natanggalan ng tinik sa lalamunan si Quark nang marinig iyon sa taong napaka-espesyal para sa kanya. Hinawakan niya ang pisngi ni Josh, dinampi ang mga labi sa noo, ilong, baba at ang huli’y sa labi nito. Pumikit ang kanilang mga mata, sabay na nagbilang ng sampung segundo habang magkadikit ang mga labi, sabay na dumilat at ngumiti sa gitna ng kanilang matamis na halik. Lagi nilang ginagawa iyon dahil doon nila nararamdaman na ang halik ng bawat isa ang simbulo ng kanilang matamis na pagsasama.

***

Kinabukasan ng hapon. Maagang natapos ang taping ni Quark sa teleserye kung saan siya kasama. Makikipagkita sana siya kay Josh para yayaing magkape at para sabay na rin silang umuwi. Naghintay siya sa coffee shop ng alas singko pero alas-siyete na ng gabi ay hindi pa ito nagre-reply sa kanyang mga text o hindi sinasagot ang kanyang mga tawag.

“Wacky! Buti naabutan pa kita. Sorry.”

“Paalis na talaga dapat ako. Tine-text kita kanina pa. Bakit di mo sinasagot ang mga tawag at text ko?”

“Naka-silent mode kasi ang phone ko. May story conference kanina kasama yung producers at writers ng gagawin mong Hollywood movie. Grabe ang brainstorming nila e family drama lang naman ang gagawin.”

“Talaga? Isasama ka ba nila sa magsusulat?”

“Ewan ko. Pero kinonsulta nila ako tungkol sa mga character na ginampanan mo sa mga pelikula mo dati.”

“Ganun ba? Sana isama ka nila no?”

“Imposible yun. Magagaling yung naghahabi ng pelikula nyo. Saka may dalawang show akong sinusulat ngayon at ako rin ang pinapasulat ng Star Theater para sa MMFF entry this year. Malamang din naman na hindi papayag si Lana na sumama ako.”

“Kung sabagay. Pero mas magiging effective ako kapag kasama ka.”

“Aysus! Kayang kaya mo yan! Dumarami na ang mga oportunidad para sa’yo. Lumalawak na ang mundo mo. May mga taong mas kaya kang paunlarin bilang artista. Masaya na ako kapag naiisip kong natulungan kita sa maliit kong paraan para umangat tayong pareho sa mga karera natin na magkasama tayo.”

“Yan ang mami-miss ko sa’yo e. Always positive! Lagi akong mag-o-online. I-message mo ako lagi ha. Continue making me inspire.”

“At talagang ako pa ang sinabihan mo nyan! Active na active ako sa Facebook at Twitter kaya araw-araw na mapupuno ang inbox mo sa akin. Alam mo namang mas madaldal ang mga daliri ko kesa bibig ko.”

“Hahaha! Alam na alam ko yun, siyempre. Ibang klase ngang dumaldal ang mga daliri mo e, award winning!”

Napuno ng tawanan ang kwentuhan nilang dalawa. Napuno ng saya ang mga nalalabing araw na magkasama sila hanggang sa umalis si Quark papuntang Amerika para simulan ang shooting ng isang napakalaking pelikula. Isa itong pagkakataon para sa isang Pilipino na magbida kasama ng mga bigating artista ng Hollywood. Hindi pinaramdam ni Josh ang lungkot sa pagpunta ng binatang artista sa ibang bansa. Patuloy siyang naging positibo, masayahin at supportive para kay Quark dahil yun ang Josh na alam niyang minahal ng kanyang ‘kaibigan’.

***

Anim na buwan ang nakalipas. Pareho silang naging abala sa kani-kanilang trabaho, pero tulad ng kanyang ipinangako, araw-araw na nagse-send si Josh ng message sa Facebook at Twitter account ni Quark. Tila ba kasama sa kanyang routine ang padalhan ng mga personalized inspirational quote ang aktor tuwing umaga pagkagising at tuwing gabi bago matulog. Hindi alintana ni Josh kung mag-reply ito o hindi, ang importante, lagi niyang nasa puso si Quark.

“Mr. J, pinapatawag nyo raw po ako?”

“Yup. Pasensiya na kung biglaan na kailangan pa kitang pauwiin dito sa Manila. How’s our filmfest shoot in Sorsogon?”

“Maayos naman po. Nung iniwan ko po sila doon, patapos na po ang last scene. Bale next week, ready na po siya for post production.”

“Very good. At least, wala nang gaanong conflict sa susunod mong project.”

“Next project po?”

“The management has decided to pull you out from your two TV shows. You will be joining the Universal crew in Chicago for Quark’s movie. Their team needs you to cover the important scenes of the film. Natandaan daw nila yung pitch mo nung brainstorming at they considered it.”

***

“Nice to see you again, Mr. Castillo. Hope you still remember me?”

“Of course, Mr. Johnson. Thank you for inviting me to be part of your movie.”

“Just call me Hanz. Thank you for accepting our offer. One of our writers needed to quit the movie because of some personal matters. Anyway, I know you were very busy writing for different TV shows in the Philippines. I hope you will enjoy our working environment here.”

“Yes I will, Mr. Johnson. By the way, where’s Quark?”

“I’m not sure… oh! There he is!”

Lumingon si Josh sa kanyang bandang likuran at nakita niya si Quark na palabas sa isang tent, may hawak na napakakapal na script at abalang-abala sa pag-aaral nito. Sa sobrang tuwa at pagkasabik ay napatakbo siya’t biglang niyakap si Quark nang napakahigpit na ikinagulat ng aktor.

“Josh?!”

“Oh! Gulat na gulat ka? Kumusta na?”

“Ayos naman. Eto, sobrang busy sa movie. Almost everyday since I arrived here, lagi kaming nasa shoot. Ikaw, kumusta ka na?”

“Lagi naman akong busy e, pero ngayon, dito na ‘ko magiging busy.”

“Huh? What do you mean?”

“Kasama na ako sa mga gagawa ng screenplay ng movie nyo. Na-suprise nga ako sa desisyon ng management na ipadala ako rito e.”

“That’s good. At least someone can orchestrate my character into a more realistic one. Naku! Teka lang Josh ha! May tatapusin pa akong sequence e. I’ll get back to you later.”

***

Oo nga. Baka busy lang siya. Eto ang laging pumapasok sa utak ni Josh. Anim na buwan mula nang makaalis siya sa Pilipinas, hindi man lang nakapag-reply si Quark sa isa sa kanyang mga mensahe. Kanina, parang hindi nagulat si Quark at hindi man lang nakakitaan ng saya na makita siya. Pinag-iisip siya ng mga pangyayaring ito, pero narito siya para magtrabaho, para hubugin ang karakter ni Quark na nararapat na makita ng buong mundo.

Alas-dos ng madaling araw. Hindi siya makatulog dahil sa jet lag. Hindi niya sinayang ang oras kaya’t agad niyang kinuha ang kumpol ng mga papel na naglalaman ng sequence list at first draft ng script ng bahagi ng pelikula kung saan siya naatasang sumulat. Inabot siya ng alas-otso ng umaga sa pag-aaral ng mga ito bago humarap sa laptop upang dugtungan ang script na hindi natapos ng naunang writer sa kanya. Nakatutok siya sa bawat letra ng mga tauhan at sinunod niya ang suhestiyong nauna niyang sinabi sa mga producer noong nagkaroon ng brainstorming session sa Maynila. Walang isang beses na nakahigop siya ng tinimpla niyang kape at sa paglamig nito’y doon na tuluyang nag-init ang kanyang mga daliri sa pagtipa ng mga eksena. Pabalik-balik ang kanyang paningin sa monitor ng laptop at sa mga papel sa kanyang harapan kaya hindi na niya namalayang magga-gabi na ulit. Hindi pa binubuksan ni Josh ang kurtina mula nang dumating siya sa kanyang tinutuluyan kaya’t hindi niya nasilayan ang unang umaga, tanghali at hapon sa likod ng mga bintana. Naka-kalahati na siya sa mga sinusulat niya bago naramdaman ang pagod sa kanyang mga mata.

Sumandal siya sa kanyang inuupuan, pinikit ang mga mata, at tuluyang nagpahinga.

***

“Congratulations guys! What an impressive movie! This will be released in three months and all of us will go to Manila for the worldwide premiere!”

“Cheers for Zac, Morgan and Quark! Cheers for Hanz, Director Riddle, and to Universal! Cheers for all our American and Filipino crew who help us made this film! Cheers for all of us!”

Isang taon ng pagpapagod, pagpupuyat at paghihintay. Sa wakas ay natapos na rin ang ‘Louie’s Crib’, ang napakalaking pelikulang katatampukan ng isang Pilipinong artista, isang pangyayaring uukit ng kasaysayan sa pinilakang tabing ng Pilipinas. Sa wakas din ay makakauwi na rin ng bansa ang mga Pilipinong crew na naging bahagi nito para makapagpahinga at makapaghanda para sa worldwide premiere day ng nasabing pelikula. Kasama rito sina Quark at Josh.

“Hey Josh!”

“Dale! Good thing you’re here. I will give you something. Hmm here!”

“Wow! Can I open this box now?”

“Go ahead.”

Nakatanaw sa di kalayuan si Quark habang masayang nag-uusap si Josh at kasama nitong writer na si Dale. Kung hindi lang siya kailangang i-entertain ang mga lumalapit sa kanya ay pupuntahan na niya ang mga iyon. Nagseselos siya sa mga nakikita niya.

“Geez! Dried mangoes and a Les Miserables shirt personally signed by Lea Salonga with my name! How did you get these?”

“I ask dad to make all those possible. You told me before that you really like dried mangoes and you are a fan of Lea Salonga. My plan is to give that box before we leave the day after tomorrow, but I was afraid that you will leave Chicago right after this. That’s why I brought it here at the party and… tadaaa! Surprise!”

“Hahaha! Yeah. I am so surprised! Thank you Josh. Hmmm well, I also have a surprise for you but it’s in our room. We’re not leaving yet ‘coz we have some business to finish here. You know… some post production thingy before they release the copy outside the U.S. Anyway, if you want, I will go to your room tomorrow to give my surprise.”

“Sure.”

***

“Oh Quark! Ikaw pala. Sobrang late na ha.”

“Antagal mong buksan yung pinto?”

“Hindi ko narinig e. Saka nag-aayos na kasi ako ng mga gamit para hindi na ako magra-rush sa pag-alis sa isang araw. Ay hindi, bukas na nga pala yun.”

“Babalik na tayo sa dati, Josh.”

“Ha? Hindi kita naintindihan.”

“Pagbalik natin sa Pilipinas, babalik na tayo sa dati. I miss you.”

“Nakainom ka. Magpahinga ka na.”

“Na-miss lang kita, nakainom na agad? Teka nga! Is this because of that Dale huh?”

“Bakit naman nadamay si Dale dito?”

“Kanina, answeet ninyo. No! Mali ako! Matagal ko na palang napapansin na sobrang sweet nyo. Hindi mo nga ako pinapansin kahit nagpapapansin ako di ba?”

“I will talk to you when you’re not drunk anymore.”

“Kayo na ba? Is this the end of ours? Napunan ba nya ang pagkukulang ko? Well, in fairness, he’s cute, he’s intelligent, he’s witty, he’s sexy. Anlaki laki ng lamang nya sa akin. Artista lang naman ako e. Ano! Magpaliwanag ka!”

“Get out. Leave.”

“I will take it as a yes. Fuck!”

***

“Dale? Sorry, I just woke up. What can I do for you?”

“Hi Quark. Uhm… Josh told me to give this letter to you. Dude, I feel so sorry for what happened. Josh and I were relatives. He’s my cousin. My mom is his dad’s sister. I just knew this thing when I saw his Facebook account that’s why we’re close. He’s my only relative from the Philippines and I am always excited to talk to him about our country ‘coz I’ve never been there. I also knew that you and Josh are partners, at least, best friends. He entrusted me on this matter and I’m really grateful for knowing this. He always set his mind like he’s so inspired by looking at your photos while we’re writing and reviving scripts. He respected your job that’s why he doesn’t bother to reach you on the set. I am explaining this not to clear myself. I just don’t want to see my cousin sad for the last time. I need to go. See you later.”

Nawala ang hangover ni Quark. Sa nagtapos na gabi’y tila kulang pa ang mga luhang bumuhos sa kanyang mga mata dahil sinaktan niya ang taong nagmahal sa kanya dahil lang sa maling pagseselos.

***

Joaquin,

“Wala sa bibig ang salitang pangako, nasa utak iyon at nasa puso.”

Hindi si Nolan ang unang nagsabi ng mga salitang ito. Wala akong ideya kung natatandaan mo pa, pero five years ago, ang mga salitang iyon ay una kong marinig sa’yo nung ipagtapat mong gusto mo ako pagkatapos ng mga nangyari sa atin. Nakabukas ang mga bintana habang nasisinagan ng papasikat na araw ang mga katawan nating bigkis ang bawat isa. Hindi bigkis ng pagkakaibigan kundi bigkis ng dalawang kaluluwang nagmamahalan. Si Nolan ay ikaw noong una kitang makilala noong college, kaya nung gawin natin ang ‘Rainbow’ at pinapanood kang ginagawa mo ang mga eksena, hindi ko mapigilang mahalin ka nang mas higit pa dahil tila bumalik ang Joaquin Roque Garcia na inibig ko bilang ordinaryong tao, ang matalik kong kaibigan na gwapo pero wirdo.

May mga panahong pinagsisisihan kong isa ako sa mga taong nagbura ng alaala ko para lang mabuo ang isang Quark Garcia. Kaya nung pinasa ko ang script ng ‘Rainbow’, hindi ko hinayaan ang sinuman na baguhin ang bawat letra na naroon. Sabi ko kay Mr. J at Lana, gumawa na lang sila ng sarili nilang screenplay kung may babaguhin sila sa anumang bahagi ng script. Ang pag-depensa ko sa ‘Rainbow’ ay parang pagbawi ko sa mga panahong minahal ko ang isang artista kaysa minahal ko ang isang kaibigang una kong nakilala.

Sa loob ng isang taon na narito ako sa Amerika para sumamang gawin ang pelikula mo, nirespeto ko ang mga sandaling gusto kitang tanungin kung bakit hindi mo sinasagot ang mga message ko sa Facebook at Twitter kahit sinasabi sa akin ni Lana na nakikibalita ka sa mga nangyayari sa Pilipinas gamit ang Facebook. Nirespeto ko ang mga oras na dinadaanan mo lang ako at pinagtatanungan kung paano i-e-execute ang mga sinulat ko. Nirespeto ko ang mga araw na istranghero ako para sa’yo, na mas nakikihalubilo ka pa sa iba kahit nasa kabilang table lang ako. Nirespeto ko ang mga pagkakataong gusto kong magalit dahil nalaman kong nagkaroon kayo ng relasyon ni Dale mula nang tumuntong ka dito sa Amerika. Hindi ko magawang kumprontahin ka dahil ayokong masira ang focus natin sa trabaho. Higit pa roon, ayokong masira ang pagkakaibigan natin na binuo ng maraming taon ng pagsubok.

Tapos na ang ‘Louie’s Crib’, babalik na tayo sa Pilipinas, pero dahil sa mga nangyari, pinipili kong huwag muna tayong bumalik sa dati. Na-realize kong nasaktan ako nang sobra-sobra. Hinayaan kong magkunwaring manhid para lang itago ang sugat na lagi kong tinitiis habang naririto tayo. Dito ko napatunayan na parang kailangan mo lang ako para tuntungan mo para makaangat ka sa gusto mong puntahan. Wala akong reklamo doon dahil ginusto ko iyon. Dahil mahal kita.

Pinsan ko si Dale at walang anumang ibang ispesyal sa amin kundi ang pagiging mag-kamag anak. Kung may dapat mang sisihin sa pagkasira ng relasyong ito, ako iyon… dahil hindi ko nagawang ipagtanggol ang sarili ko tulad ng pagtatanggol ko na huwag masira ang pagmamahal ko sa’yo. Nagawa kong lahat ang ipinangako ko sa’yo. Pinapalaya ko na ang iyong puso.

Ang iyong kaibigan,
Joshua

***

“Kasado na bukas ang worldwide premiere. Ikaw ang sasalubong kina Zac at Sir Morgan sa hotel na tutuluyan nila. Magkakaroon ng staff dinner and then, last preparation for tomorrow. Gustong magsuot ng barong ni Sir Morgan, according to his handler.  Tapos… Oy! Nakikinig ka ba?”

“Ha? Eh oo. Tuloy mo lang yung sinasabi mo, Lana.”

“Okay ka lang ba, Quark?”

“Oo naman. Ah… kumpleto ba kaming pupunta bukas sa premiere?”

“When I checked the confirmation list earlier, isa lang ang hindi pupunta… si Josh. On leave pa rin siya. We’ve been trying to contact him, pero hindi siya sumasagot. Ine-enjoy siguro ang bakasyon. Ikaw, nakakausap mo ba siya?”

***

Dumating ang araw na pinakahihintay ng lahat, ang worldwide premiere day ng ‘Louie’s Crib’ na ginaganap sa tanyag  na Star Global Plaza. Dumating ang mga pinakamalalaking tao sa lipunan, hindi lang sa Pilipinas kundi sa Asya at Amerika. Sa loob ng tatlong buwang paghahanda’y ipinakita ng mga Pilipinong crew ng pelikula sa buong mundo ang isang red carpet event na higit pa sa mga nakikita nila sa Hollywood.

Dumating sa tamang oras ang tatlong ginoong bituin ng pelikula, senyales ng pagsisimula ng kauna-unahang pagtatanghal ng nasabing pelikula sa Pilipinas at sa buong mundo. Nagsiupuan na ang lahat at hinanda ang mga sarili sa magagandang eksenang hinabi ng dalawang lahi sa loob ng dalawang oras. Nagtapos ang pelikula na nakatanggap ng labinlimang minutong standing ovation na ikinatuwa ng mga Pilipino’t Amerikanong gumawa nito. Lumabas sila ng sinehan na kinakamayan ang bawat isa para sa kanilang napakagandang pagganap.

Sinabihan ang lahat ng staff ng pelikula na tumungo sa VIP lounge ng Star Global Plaza para sa celebrity celebration dinner na inorganisa ng Star Theater na main distributor ng ‘Louie’s Crib’ sa buong Asya. Bago pumunta sa loob ay tumungo muna sa C.R. si Quark para mag-ayos. Ilang saglit pa lang na humarap siya sa salamin ay may bumulaga sa kanyang mga mata, ang taong lumabas sa isa sa mga cubicle, si Josh. Nagtagpo ang kanilang mga mata, at tulad ng kanilang nararamdaman sa tuwing sumasakay sila sa elevator ay muling bumagal ang kanilang mundo.

Hindi niya pinalagpas ang pagkakataong yakapin ang ‘kaibigan’ kaya’t agad niya itong hinagkan nang walang kasinghigpit.

“Josh! Sabi ko na nga ba e! Pupunta ka dahil eto yung movie na pinagpaguran talaga natin. Alam mo, parang hindi ako yung napapanood ko dun sa pelikula kanina. Maraming nagsasabi na anggaling nung sumulat dahil sa approach nung character ni Brook. Ikaw yun Josh! Ikaw na naman ang bumuo kay Brook! Proud na proud ako sa’yo.”

Hindi pumapalag si Josh sa pagkakayakap habang tuwang tuwang nagkukuwento si Quark. Natapos na siyang magsalita pero tila wala itong narinig. Dito na unti-unting naramdaman ng aktor ang lungkot, ang pinakamasakit na pagtugon ng una, ang hindi paggalaw at hindi nito pagyakap sa kanya. Bumitiw siya sa pagkakayakap at tinitigan ang blankong mukha ni Josh.

“Mahal kita Josh. Miss na miss na kita.”

“Pumunta lang ako dito para panoorin yung pelikula. Aalis na rin ako. Nagpaalam na ‘ko kina Dale at Hanz na hindi makaka-attend sa gala dahil may mga kailangan pa akong gawin. Sige na.”

Hindi nakapagsalita si Quark. Akmang palabas na si Josh nang hawakan ni Quark ang dalawang kamay nito. Marahang inaalis ni Josh ang mahigpit na pagkakahawak ng huli ngunit hindi ito pumipiglas. Matapang ang mga mata ni Quark, pahiwatig na hinding hindi niya bibitiwan si Josh hangga’t hindi niya ito nasusuyong bumalik sila sa dati. Aminado siyang nasasaktan siya sa nangyayari sa kanila kaya naman hindi niya hahayaang basta-basta matatapos ang relasyon nila. Aminado siyang naging makasarili siya sa kanilang pagsasama pero hindi niya maikakailang si Josh lang ang nagmahal sa kanya sa kung ano siya noon hanggang sa kung naging ano siya sa ngayon. Ayaw ni Quark na mawala si Josh. Hindi ngayon. Hindi kailanman.

“Wala na tayo. Tapos na tayo. Pabayaan mo na ako.”

“Hindi ako naniniwala sa’yo, Josh. Ayokong mawala ka sa akin. Sorry kung nasasaktan na pala kita sa pagiging selfish ko. Sorry sa mga nagawa ko nung nasa U.S. pa tayo. Hindi ko sinadyang maging taksil ako sa’yo. Oo, naging kami ni Dale pero tinigil ko yun nung dumating ka sa Chicago. Humiwalay na ako nun. Maniwala ka. Sorry kasi hindi ko namalayang halos wala na yung Joaquin na bestfriend mo, na minahal mo. Gagawin ko ang lahat para bumalik tayo sa dati. Walang silbi ang lahat ng nangyayari sa akin kung mawawala ka lang.”

“Tama na! Sinagad mo na ang pagmamahal ko! Hindi na kita mahal!”

Agad na nakabitiw si Josh at dire-diretsong lumabas ng C.R. Naiwan si Quark, nanghihina, umiiyak at nagsisisi.

***

“At nagbabalik po tayo sa Showbuzz This Week, at kasama po natin ang mahusay na aktor ng henerasyong ito, Quark Garcia.”

“Good afternoon, Tito Boy.”

“Bago tayo mag-commercial break kanina ay pinakita ang mabigat mong mga mensahe sa Twitter nitong mga nakaraang araw, lalo na yung pinakahuli. Ang sabi mo doon, ‘No need to be sorry because this is the real me. Accept me for who I am. I love him more than my job.’ Pagkatapos na i-post mo ang tweet na ito ay dumagsa ang mga hinalang isa kang bakla. Diretsahang tanong, sino si Joshua Castillo sa buhay mo?”

“Si Joshua Castillo ay writer ng mga pelikulang ginawa ko, including ‘Rainbow’ and ‘Louie’s Crib’. Sino siya sa buhay ko? My bestfriend for 10 years and my boyfriend for 5 years now. Bakla raw ba ako? Oo, dahil yun ang definition ng marami sa isang lalaking nagmahal sa kapwa lalaki.”

“Bakit mo ginagawa ang pag-amin na ito sa kabila ng kasikatang tinatamasa mo ngayon? Saan ka kumuha ng lakas ng loob para ipagtapat ito sa publiko, lalo na sa mga tagahanga mo?”

“Ayoko siyang mawala, Tito Boy. Masyadong mahabang kuwento pero, inaamin kong kasalanan ko kung bakit gusto nyang makipaghiwalay. Ginagawa ko ‘to dahil mas magaan pa sa akin kung mawala ang karerang pinaghirapan ko kaysa masira yung pagkakaibigan at pagmamahal na pinaghirapan naming i-grow. Hindi ako takot na husgahan ng kahit sino, saka tulad nung sinabi ko sa tweet ko, wala akong dapat ipag-sorry sa pagsasabi ko ng totoong ako. Ang dapat kong ipag-sorry ay yung nagawa ko kay Josh.”

“Mensahe mo sa mga tagahanga mo?”

“Mga kaibigan, kung talagang kaibigan ninyo ako, galangin nyo ang nararamdaman ko. Kung napaibig ko po kayo sa mga nagawa kong pelikula, siguro, oras ko naman po para humingi ng tulong sa inyo para pagbigyan niya akong muling mahalin siya, ang taong minamahal ng aking puso. Ang taong wala ako sa mga piling ninyo kung wala siya. Siya ang bumuo sa akin at siya lang ang bubuo sa puso ko. Tulungan po ninyo ako.”

“Mensahe mo naman para kay Joshua.”

“Oras na para maging si Nolan para sa’yo. Bigyan mo ulit ako ng pagkakataong patunayan na mahal kita. Wala sa bibig ang salitang pangako, nasa utak iyon at nasa puso. Yun ang gagawin ko ulit ngayon. Mahal na mahal kita.”

***

“Masyadong challenging ang script mo para sa mainstream, Josh. Kakagatin kaya ito ng mga tao?”

“Hindi naman po imposibleng mangyari yan sa showbiz, Mr. J. Si Quark Garcia nga ang ginawa kong main lead dyan dahil kailangan nating i-angat ang career niya dito sa network. Kakalipat lang niya sa atin kaya dapat mag-ingay agad ang pangalan niya sa Channel 3. Nanggaling na rin siya sa indie kaya walang problema sa kanya ang ganitong daring role. Wholesome love story pa etong idea ko, eh yung mga ginagawa niya dati, may nudity scenes pa! Saka uso naman ang gay-themed films at shows ngayon kaya dapat tayong maki-trend. Eh kung hindi po ninyo gusto yung pitch ko, ipapasa ko na lang po siya para sa IndieArt Film Festival.”

“Wala naman akong sinabing hindi ko gusto yung plot mo, Josh. Maganda siya para sa ‘kin pero siyempre, it’s still our bosses’ decision kung mapu-push ito ng Star Theater. Hmmm… o sige, iko-consider ko ito. Malaki naman ang tiwala ng management sa’yo kaya malaki yung chance na ma-approve eto.”

“Kayo na rin ang bahalang mag-lobby nyan kina Boss at Madam kung sakaling nag-aalangan sila.”

“Okay. Pero teka, Joshua Castillo yung character nung lover ni Quark dito e. Eto ba talaga yung pangalan? Pangalan mo? At eto yung working title, di ba? Yakap Ko Ang Iyong Ngiti?”

“Yung sa title, yan na po. Pero yung sa name nung lover, hindi. Sample lang po yan. Papalitan ko rin kapag na-approve na.”

“I see. I will just inform you kapag okay na ‘to sa taas. Basta sa akin dito sa Star Theater, approve na ‘to. Ihanda mo na lang ang sarili mo sa defense at kakausapin ko na rin si Quark tungkol dito.”

“Yes! Thank you, Mr. J!”

Lumabas si Josh na masaya dahil nagkaroon ng liwanag ang pagpapalabas ng kanyang unang pelikula na siya ang nagsulat ng screenplay. Para sa isang straight na lalaki, hindi madali para sa kanya ang humabi ng ganitong klaseng pelikula, kaya’t kinailangan niyang kumonsulta sa mga kaibigang gay at lesbian. Para sa isang straight na lalaki, eto ang paraang kaya niyang gawin upang maipakita ang suporta sa mga kaibigan niyang nasa LGBT na nagmamahal din nang totoo at walang takot. Para sa isang straight na lalaki, eto ang isang kuwentong gusto niyang ialay sa isang taong hindi nya nagawang mahalin hanggang mamatay, ang best friend nyang bakla na nasawi sa isang aksidente, isang taon na ang nakalipas.

***