DEMOLISYON: Kasama ka ba sa Gumigiba ng Lipunang Manilenyo at Kasaysayan ng Pilipino?

Maraming nagsasabi na walang kasing ganda ang Maynila noon. Sa napakaraming larawang nagkalat sa Internet at social media, maiisip at para bang kaiinggitan natin ang mga taong nabuhay sa mga panahong ang lungsod ay tinaguriang Milan ng Asya at Perlas ng Silangan. Malinis na mga kalsada, eleganteng mga gusali’t istruktura, organisadong pamahalaan at payak ngunit maayos na pamumuhay. Libo-libong litrato ang nagsilbing mga bintana ng engrandeng nakaraan ng Maynila bilang isa sa mga sentro ng sining at komersyo sa Asya Pasipiko.

Ngunit nasaan na ba ang kanyang angking kagandahan ngayon?

Sinasagasaan ng globalisasyon ang mga bakas ng mayaman nitong kasaysayan sa makabagong panahon. Maigting man ang mga hakbang ng iilan na ibalik ang kaayusan pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tila nanaig din ang paglaganap ng kahirapan at krimen na unti-unting nagpapalubog sa mga alaala ng lumang lungsod. Natabunan nito ang mga pangarap na muling iangat ang karangalan ng Maynila at ipanatali sa magandang estado ang mga gusali’t istrukturang naging saksi sa kanyang kadakilaan na binuo’t pinangalagaan ng daan-daang taon.

Ang Manila Metropolitan Theater na modelo ng eleganteng sining at pagtatanghal sa kalakhan noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano ay nalalapit nang mabuwag. Karamihan sa mga tagong magagarbong bahay ng mga mayayamang Tsinoy sa Binondo ay abondonado na’t nagkukusa nang sumuko dahil sa kalumaan. Ang mga sinehang nagbigay daan sa mga ginintuang pelikula ng ating lahi sa Avenida, Recto at Quiapo ay nawalan na ng kinang at naging kanlungan na ng kahalayan. Kahit papaano’y naiaangat nang muli ang marangyang Calle Escolta na kilalang sentro ng kalakalan ng bansa noong umpisa ng ika-19 na siglo, bagaman nangangailangan ito ng mas maigting pang suporta. Ang pinakamasaklap sa lahat, ang makasaysayang Jai Alai Fronton Building sa Taft Avenue na isa sa mga naging mahalagang bulwagang pangkapulungan sa pagbuo ng pamahalaang Komonwelt, ang dating punong tanggapan ng Manila Electric and Light Company (MERALCO) sa Kalye San Marcelino sa distrito ng Ermita na namamahala sa elektrisidad at nagpapatakbo sa mga tranvia sa lungsod noon; at ang tahanan ni Dr. Pio Valenzuela sa Calle de Lavezares sa distrito ng San Nicolas kung saan inilimbag ang peryodikong “Kalayaan” na naging instrumento sa paglaki ng Katipunan ni Gat. Andres Bonifacio ay hindi na maibabalik pang muli sa mapa ng Maynila dahil sa kapabayaan ng mismong gobyerno at ng mga mamamayang inatasang mag-aruga sa mga ito.

Sa kabilang banda, ang demolisyon ay tila isang positibong simbolismo, lalo na sa pagpapanatili ng matatag pang pundasyon ng ating pamahalaan. Naging malaking bahagi dito ang social media at ang sambayanang Pilipinong gumagamit ng Internet na kung tawagin ay mga netizen. Ang paggamit ng mga mambabatas sa pork barrel ay hindi na bagong isyu hanggang sa bumulusok ang nag-aalab na damdamin ng marami noong Agosto 26 na tinaguriang “Million People March” na nagsimula sa isang simpleng post sa Facebook at pagpirma sa online petition sa website na Change.Org. Sa tagumpay nito’y kasalukuyan nang dumadaan sa proseso ang ligalidad ng paggiba sa sistema ng pork barrel at nang maidirekta ang pondo ng bayan sa dapat nitong kalagyan. Resulta din nito ang panukalang ikansela sa loob ng anim na taon ang ikaanim na artikulo sa probisyon ng Saligang Batas, ang pagbuwag sa dalawang kapulungan ng lehislatura na umano’y magdudulot ng kaayusan sa istruktura ng ating gobyerno. Ngunit habang patuloy na gumugulong ang mga pagbabago, mananatili tayong maghihintay at magtitiis sa loob ng isang parte ng nabubulok na gusaling unti-unti nating pinagtutulungang sirain at palitan ng mas malinis at matatag na bahagi.

Hindi na natin maibabalik ang dati, pero hindi pa huli ang pagtama sa mali.

postFB_official_demolisyon_ad copyMasyadong abala ang mga kabataan sa napakaraming bagay na kung minsan ay hindi nila nabubuksan ang isipan sa kahalagahan ng kasaysayan sa lipunang ginagalawan. Kaya naman ilalapit ng Katipunan ng Kabataang Maaasahan (KKM), kasama ang United Architects of the Philippines Student Auxiliary – Pamantasan ng Lungsod ng Maynila Chapter (UAPSA-PLM) ang pagkakataon para sa kabataang Manilenyo na bigyang importansya ang mga lugar na bahagi ng makulay na kasaysayan ng lungsod na nanganganib nang mabuwag o di kaya’y habambuhay na lang na masisilayan sa mga aklat at pahayagan.

Pinamagatang “Demolisyon”, ang aktibidad na ito ay katatampukan ng mga tagapagsalita mula sa iba’t ibang sektor na may malasakit sa heritage sites ng Maynila. Kabilang din dito ang ilang mga personalidad na magmumulat sa atin sa iba pang dimensiyon sa likod ng salitang ‘demolisyon’ na nagaganap sa ating lipunan. Gaganapin ito sa ika-18 ng Oktubre 2013, Biyernes, ikasiyam ng umaga hanggang ikalima ng hapon sa Bulwagang Leandro V. Locsin, National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Building, Gen. Luna Street, Intramuros, Manila. Bukas ito sa lahat ng kabataan at lahat ng gustong maging bahagi ng pagbabalik ng sigla sa lungsod ng Maynila.

Para sa ilang importanteng mga detalye, bisitahin ang aming opisyal na Facebook fanpage, http://www.facebook.com/KKMOrgManilaOfficial. Para sa mga katanungan at reservation, mangyaring tumawag o mag-text sa 0915-921-4334, o mag-email sa KKMOrganizationManila@gmail.com.

Gibain ang prinsipyo ng ‘demolisyon’.

JUAN KABATAAN: Panalangin Para Sa Malinis Na Halalan

WRITER’S NOTE: Napakasaya kong likhain ang dasal na ito dahil para sa akin, panalangin ang isa sa mga pinakamakapangyarihang sandata nating mga Pilipino upang makamit natin ang maayos at malinis na halalan. Nawa’y maging hudyat si Juan Kabataan upang mapanatili natin ang kapayapaan sa eleksyon, hindi lang sa paparating na Mayo 13, kundi sa mga susunod pang halalan sa lungsod ng Maynila na aking ikinararangal at sa ating bansang labis na minamahal.

Isang produksyon ng KATIPUNAN NG KABATAANG MAAASAHAN


JUAN KABATAAN
PANALANGIN PARA SA MALINIS NA HALALAN

Panginoon, kami’y nagpapasalamat sa bigay Mong buhay —
buhay na Iyong itinakda upang pangalagaan ang mundong Iyong obra;
buhay na Iyong pinahiram upang ibahagi sa aming kapwa;
at buhay na Iyong binigyang lakas upang paunlarin ang lipunang Iyong likha.

Ngayong eleksyon ay hinihingi namin ang Iyong gabay —
gabay para sa mga kakandidatong lider ng lungsod naming mahal;
gabay para sa mga magbabantay ng mga balotang kinalalagakan ng mga inihalal;
at gabay para sa mga boboto, gamit ang talino, dangal at mataimtim na dasal.

Amang kataas-taasan, hangad namin sa halalang ito ang pag-unlad —
pag-unlad na magpapaginhawa sa buhay ng bawat nangangailangan;
pag-unlad na magsasaayos sa sistema ng magsisilbi sa pamahalaan;
at pag-unlad na magdadala sa lahat ng magandang kinabukasan.

Nawa kaming mga kabataan ay magsilbing Iyong imahe —
imahe ng mamamayang nagtitiwala sa mga manunungkulang uupo;
imahe ng konsensyang nagpapaalalang maging tapat ang mga partidong tatakbo;
at imahe ng pwersang handang tumulong at makiisa sa mga bubuo ng gobyerno.

Buong pananampalataya kaming dumadalangin;
Nawa’y Iyong pakinggan at dinggin;
Ang aming papuri, parangal at pinagsama-samang hangarin;
Sa Iyo’y inaakyat namin.

Para sa aming hinahangad na masaganang kinabukasan, para sa Pilipinas na aming mahal na Inang Bayan, at para kay Hesukristong aming nag-iisa’t dinadakila naming Panginoon.

Amen.

YESO: Isang Paggunita Sa Pandaigdigang Pagdiriwang Sa Araw Ng Mga Guro

Una kong ginamit ang pamagat ng sulating ito sa isang artikulong aking inilathala noong 2006 sa Ang Pamantasan, ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Isang tunay na simbulo ng mga guro ang yeso, o chalk sa Ingles dahil kahit anumang pasakit ang kanilang nararamdaman sa personal nilang buhay ay nagbabahagi pa rin sila ng kanilang kaalaman sa kanilang mga mag-aaral. Ako, na minsan naging estudyante, kung ano ang narating ng utak ko ngayon, ito ay utang na loob ko sa sampung alagad ng edukasyon na nagbigay sa akin ng kanilang karunungan na patuloy kong nagagamit saan man ako mapunta.

Hindi ako ekstraordinaryong tao sa lipunan, ni hindi pinangarap maging pinunong pulitikal ng bansa. Sa kabila nito’y pinagkatiwalaan pa rin ako ng iilan na sila’y pamunuan at ibahagi sa kanila ang aking nalalaman. Hindi ko pa natatapos ang aking pag-aaral sa kolehiyo, ngunit binigyan ako ng mga pribilehiyong magamit ang aking natutunan sa larangang aking gustong paglingkuran. Hindi lang ako ang nagsikap na marating ang mga ito. Lahat ng kasalukuyang nakakamit ko ay isang regalo para sa mga taong pinanggalingan ng aking intelektwal na pundasyon — ang aking mga guro.

Class pictures kasama ang aking mga paboritong guro.

Hindi ko pinangarap na maging guro, pero nagkaroon ng maraming pagkakataon na magturo sa iilang tao gamit ang mga natutunan ko sa aking mga titser. Para sa akin, hindi lang dumaan na parang ordinaryong tao ang ilan sa aking mga guro. Para sa akin, hindi lang ito isang propesyon para sa kanila, kundi malaking parte ng kanilang buhay. Para sa akin, hindi lang sila nagtuturo sa mga bata, kundi sila ang humuhubog sa mga taong huhubog ng kinabukasan. Para sa akin, hindi lang kaalaman ang kanilang kontribusyon para sa kanilang mga tinuturuan, kundi buong buhay nila ang mismong kontribusyon sa ating bansa.

Mula nang magsimula akong mag-aral ay may sampung guro akong aking laging ginugunita. Silang mga gurong nagpakita sa akin ng mga aral na patuloy kong baon sa aking buhay. Nais ko silang kilalanin sa payak na artikulong ito:

1. LINDA (Erlinda Andal, I-4 Adviser, S.Y. 1994-1995, Isabelo delos Reyes Elementary School)
Sa kanyang gabay ay una kong naranasan ang parusa dahil sa pagiging pasaway at dito ko unang tinanggap ang aking pagkakamali bilang estudyante. Hindi ko maalala kung ano ang nagawa ko, pero dahil doon ay pinatayo niya ako sa likod ng malaking pintuan ng classroom namin nang halos tatlumpung minuto. Sa pagkakatanda ko’y hindi naman ako natakot, pero itinanda ko sa aking isip na hindi na uulitin ang bagay na iyon. Dito ko unang nai-set sa sarili ko ang tunay na disiplina. Ibinibigay ko kay Maam Andal ang pagkilala dahil bilang unang guro sa elementarya, hinanda niya ako sa buhay-estudyante na matagal-tagal ko pang kakaharapin. Mabait siya, sa aking pagkakatanda, pero ibinigay niya sa akin ang isang parusang maghahanda sa akin sa napakaraming hirap na aking daranasin sa hinaharap.

2. JOSIE (Josefina Soledad, IV-2 Adviser, S.Y. 1997-1998, Isabelo delos Reyes Elementary School)
“Banlag”. Hindi ko inisip na pagtawanan si Maam Soledad dahil sa kanyang kapansanan sa mata. Sa kabila niyon, nagturo siya nang higit sa kanyang kakayahan. Sa kanyang gabay ay nagsimula akong naging aktibo sa labas ng silid-aralan, ang maging student librarian. Suportado niya ako sa responsibilidad na ito kaya naging matiyaga ako sa pagpunta sa library kapag recess namin. Sa kanya ko natutunan ang matuto ng maraming bagay sa labas ng classroom.

3. ESTER (Estrellita Regala, VI-1 Adviser, S.Y. 1999-2000, Isabelo delos Reyes Elementary School)
Hindi siya ang aking unang terror teacher, pero siya ang tumatak sa akin dahil para siyang nanay ko. Tinuturing na isa sa mga de-kalibreng guro ng aming eskwela at sa ilang dekada ng kanyang pagtuturo ay kilala siyang terror. Nung makilala ko siya’y hindi siya ang masungit na titser na nilalarawan ng aking mga kapatid. Ang ilan sa kanila’y naging estudyante ni Maam Regala kaya kilala ko nang kaunti bago ko siya unti-unting nakilala, hindi bilang terror, kundi bilang pangalawang ina. Isa rin siya sa mga nagkumbinsi sa akin na maging involve sa mga extra-curricular activity tulad ng pagiging student assistant sa Reading Center. Pagkatapos ng klase’y tutulong kami sa pag-aayos ng mga libro at iba pang reading materials na amin ding nagagamit para sa aming mga assignment. Siya rin ang kauna-unahang taong hindi ko kamag-anak na kasamang manood ng sine, kung saan kasama niya ang anak niyang babae at sinama niya akong manood ng pelikula sa noo’y bagong Tutuban Mall Cinema. Sa lahat ng ito’y ginabayan ako ni Maam Regala na paigtingin ang disiplina at paghandaan ang mas mabibigat pang responsibilidad sa pag-aaral at sa buhay.

4. BELEN (Belen Taroma, HEKASI Teacher, 1999-2000, Isabelo delos Reyes Elementary School)
Kung meron akong tunay na terror teacher, ito ay si Maam Taroma, titser ko sa HEKASI. Kilala siya sa salitang “double-time!” dahil ayaw niya ng babagal-bagal sa kanyang mga pinapagawa. Namamalo sa kamay kapag hindi nakakasagot sa recitation at gusto niya na organisado ang notebook bago niya i-check. Mortal na magkabanggaan si Maam Taroma at ang adviser ko na si Maam Regala, at ilang beses din namin silang nakitang nagkaharap at nagtalo. Matapang si Maam Taroma pero matindi ang paninindigan. Noong panahong estudyante niya kami ay nagre-review siya para maging abugado kaya inilalarawan niya ang kagustuhan niya sa batas sa pamamagitan ng kanyang pagtuturo. Sa kanya ko unang natutunan ang disiplina ng kolehiyo dahil ganoon siya kahigpit. Sa kabila niyon ay marami akong natutunan sa kanya at hinding-hindi siya malilimutan ng kanyang mga naging estudyante tulad ng aking ilang kapatid na naging mag-aaral din niya.

5. MILA (Milagros Lagasca, I-1 Adviser, S.Y. 2000-2001, Jose Abad Santos High School)
Matangkad na babae at may tindig kung lumakad, pero hindi naitago ng mga tuyong lapnos na balat at nagdikit-dikit na daliri sa kamay ang kanyang nakaraan. Sa kabila ng trahedyang kanyang dinanas ay hindi ito naging hadlang upang ituloy ang pagtuturo nang marami pang taon. Si Maam Lagasca ay kapatid ng isa sa mga kilalang pulis noon at naging laman din ng balita nang minsang sunugin ang sarili dahil diumano sa bigong pag-ibig. Magaling na guro si Maam Lagasca na madali kong nakagaangan ng loob. Siya ang pinakamaagang titser sa eskwela noon at dahil maaga din ako kung pumasok kaya kami na ang nagbubukas ng faculty room. Siya ang aking kakwentuhan sa umaga bago ang flag ceremony kaya naging suking tambay din ako doon. Trademark ni Maam Lagasca ang pangungurot ng singit kapag walang assignment at nakadalawa rin ako sa kanya. Kinatakutan ko siya sa loob ng classroom pero sinisigurado niyang isa siyang kaibigan sa labas.

6. ANGIE (Angela Jarangote, Social Studies Teacher, S.Y. 2002-2003, Jose Abad Santos High School)
Kung may masasabi akong pinakapaborito kong guro, siya ay si Mam Angie. Isa sa mga pinakamatagal at pinakamagaling na guro ng aming eskwela, nakilala rin siya na terror teacher noong dekada 80. Sa kabila ng pagiging mahigpit sa loob ng classroom ay isa siyang relihiyosang babae na matatag na nananampalataya sa kapangyarihan ng dasal. Hindi ako nahirapang maging malapit kay Maam Angie dahil malaki rin ang aking interes sa Geography at Economics. Naalala ko pa na ang grupong aking pinamumunuan ang kinuha niyang mag-report sa demo teaching niya para sa Division of City Schools at hinding-hindi ko makakalimutan iyon. Bukod dun, siya ang lubos na nagbukas ng aking puso sa Diyos nang kunin niya ako bilang miyembro ng Marian Youth Movement, isang organisasyong maraming dekada na niyang pinamamahalaan. Pinanganak akong Katoliko pero siya ang nagturo sa akin na magdasal ng rosaryo, dahilan upang tuwing umaga, bago mag-flag ceremony ay ako ang nangunguna sa pagrorosaryo sa buong eskwela. Hindi natapos sa pagiging titser si Maam Angie dahil kahit noong nakapagtapos kami ng high school at nasa kolehiyo na ako ay isa siya sa mga kinasasabikan kong dalawin.

7. FINA (Adolfina Rebucas, IV-2 Adviser, S.Y. 2003-2004, Jose Abad Santos High School)
Isa sa mga pinakamagagaling na guro ng Ingles sa eskwela, napakapalad kong naging estudyante ni Maam Rebucas. Bukod kay Maam Angie, si Maam Rebucas lang ang gurong lubos kong pinagkakatiwalaan ang mga payo sa pag-aaral at pagiging estudyante. Masayahin at laging positibo sa pagtuturo, hindi ko siya malilimutan bilang aking huling gurong tagapayo noong high school.

8. LEILA (Leila Almeda, Social Studies Teacher, S.Y. 2003-2004, Jose Abad Santos High School)
Kung mababasa ito ng aking mga kamag-aral noong 4th year high school, malamang ay pagtawanan nila ako. Dito ako naumpisahang akusahan ng pagiging sipsip sa titser dahil ako at ang isa ko pang kaklase ang lagi niyang pinagkakatiwalaan at ako pa mismo ang sumusulat ng mga grado namin sa mismong grading book niya. Maprinsipyong guro, kahit may pagkatamad si Maam Leila at lagi naming niloloko kapag nakatalikod ay masasabi kong binigyan niya rin ako ng di malilimutang aral sa buhay.

9. LUDZ (Ludmila Labagnoy, College of Mass Communication Dean, Pamantasan of Lungsod ng Maynila)
Siya ang masasabi kong mentor sa mga ginagawa ko sa kasalukuyan. Hindi pa ako nakakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo pero tulad ng nasabi ko’y nabibigyan ako ng oportunidad na maging bahagi ng mga produksyon o mga gawaing may koneksyon sa larangan ng mass communication. Isa ang mga payo ni Maam Ludz ang tunay na nagbibigay sa akin ng inspirasyon na gawin nang tama at nararapat ang mga ito. Kahit kaibigan ang turing namin sa kanya ay naroon pa rin ang aking pinakamataas na respetong aking mabibigay sa isng guro. Matagal naming dinasal na maging dekana siya ng College of Mass Communication (CMC) at natupad nga iyon. May kakulangan man sa mga pangangailangan ng kolehiyo’y inihahain ni Maam Ludz ang kanyang makakaya para sa karangalang itinaguyod ng mga nauna sa kanya. Kami rin na mga dati niyang estudyante ay suportado siya rito bilang kapalit ng mga payo’t kaalamang binigay niya sa amin bilang guro at tagapayo.

10. RAFFY (Rafael L. Santiago, Jr., Filipino Area Head, School of Multidisciplinary Studies, De La Salle-College of Saint Benilde)
Siya ang aking kuya. Maraming beses ko na siyang nabigo dahil sa mga pinaggagawa ko sa aking buhay. Magkagayunman ay patuloy niya pa rin akong sinusuportahan. Natatandaan ko pa noong bata ako na tinutulungan niya ako sa aking mga assignment kahit busy siya sa paggawa ng kanyang mga gagamitin sa pagtuturo noon sa Diliman Preparatory School at La Salle Green Hills. Hindi rin siya tumigil ng pagsuporta sa akin noong maging campus journalist ako sa PLM. Dismayado man ay hinayaan ako ng aking kuya na matuto sa tunay na eskwelahan ng buhay, ang realidad. Hindi man sapat na kabayaran ang tulungan ko siya sa kanyang mga kinakailangan sa pagtuturo sa St. Benilde, lagi kong dinadalangin ang kanyang kalusugan at lagi siyang gabayan ng Diyos sa kanyang mga ginagawa. Para sa akin, siya ang gurong kinakailangan ng mga kabataan sa ngayon. Proud na proud ako sa kanya.

Ang ilan sa kanila’y hindi ko man madalaw ngayon, ngunit ngayong World Teacher’s Day, idinadalangin ko sa Panginoon na kung nasaan man sila, ihatid nawa Niya ang aking pasasalamat dahil kung hindi dahil sa kanila, wala ako rito, natutong mag-isip, magsulat, manindigan at maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng Diyos at ng bayan.

Para sa lahat ng mga guro sa buong Pilipinas at sa buong mundo… HAPPY TEACHER’S DAY!