Hindi Ko Dama Ang Pagkatalo…

Habang tinitipa ko ang mga salitang ito’y nasa dikit na resulta ang botong natatanggap ng dalawang kandidato sa pagka-alkalde ng Maynila. Marami na ang nagsisuko, marami na ang nasayangan, may mga natuwa pero may mga taong patuloy pa ring naghihintay sa pinakahuling balotang darating sa main server ng Manila Board of Election Canvassers sa Ninoy Aquino Stadium.

Hindi malilimutang karanasan para sa akin ang halalang lokal ngayong taon. Unang-una, ngayon ko natutunang magtiwala at sumuporta nang buong puso sa mga taong nasa pulitika ng lungsod dahil pinatunayan nilang karapat-dapat silang pagkatiwalaan. Wala sa hinuha ko noon na maglilingkod ako sa pamahalaan katulad nila, ngunit dahil sa mga personalidad na ito’y naliwanagan ang puso ko na ang serbisyo publiko ay hindi lang parang pelikula o TV show na nagpapaaliw sa mga naghihikahos na sikmura, kundi totoong maka-Diyos at makabayang gawain para sa kapwa kong naghahangad din ng masaganang kinabukasan para sa Maynila.

Ang mga ito ang naging dahilan kung bakit ako nagdesisyong sumali sa panawagang dugtungan ang kanilang pagsisilbi bilang mga punong lungsod. Ang ikampanya sila para sa isa pang termino. Tulad ng iba, binigay ko ang aking natitirang oras upang iparamdam sa mga kapwa ko Manilenyo na nararapat silang bigyan ng panibagong pagkakataon upang maglingkod sa lahat. Pinaramdam ko kung ano ako ngayon nang dahil sa taong kinakampanya ko. Hindi tulad ng dati, lumalabas ako sa kalsada, bumubulyaw ng pagsuporta, nagsasalita nang may panghihikayat at may karangalang tinatayo ang aking sarili bilang taong naninindigan na ang mga taong ito ang dapat na mamuno sa pangunahing siyudad ng Pilipinas.

At dumating nga ang araw na ito, Mayo a trese, at mukhang hindi pabor sa panig namin ang eleksyong ito. Parang pakiramdam ko ay may balat ako sa puwet… (pinipilit ko lang magpatawa) … pero seryoso, tila masakit sa aking tapusin ang artikulong ito na sasabihing kung sa bilang ng boto ang pagbabasehan ay hindi pinalad ang minamahal naming Alkalde Alfredo S. Lim para sa kanyang huling termino.

Maaaring natalo si Mayor Lim sa bilang, pero hindi ko naramdaman na natalo siya sa lakas ng suporta. Saludo ako sa kanya dahil sa kanyang sinabi na magreretiro na siya at tatanggapin nang buo ang desisyon ng nakararaming Manilenyo kapag hindi siya nagtagumpay sa halalang ito. Dito ko siya lubos na iniidolo.

Napakaswerte ko at ng maraming kabataang Manilenyo ang naging bahagi ng programa ng isa sa pinakamagaling na punong lungsod sa kasaysayan ng mundo. Sa aking sariling paraan ay ipagpapatuloy ko ang adkobasiyang itinanim sa akin ni Mayor Lim at sa aking sariling kakayahan ay pagyayamanin ko ang legasiyang kanyang iiwan para sa Maynila. Katulad ng aking ikinampanya, patuloy kong dadalhin ang kulay dilaw sa aking isip, puso at kamalayan. Patuloy akong lilingon sa pagsikat ng naninilaw na araw at patuloy na tatahakin ang tuwid na daan sa paraang alam ko.

Maligayang bati sa inihalal na bagong alkalde, Ginoong Joseph Ejercito Estrada at muling inihalal na bise-alkalde, Ginoong Francisco “Isko Moreno” Domagoso. Nawa’y makita namin ang isang bagong mukha para sa lungsod naming mahal. Sa paraang alam ng kabataang Manilenyong hinubog ng aming minamahal na “Lolo” Fred, tutulong kami sa bagong administrasyon ng Maynila.

#iwearyellowlegacy

LIMLEGACY copy