FAST POST #31: Kape | Pader

aurora - kape pader copy

Nitong hapon lang ay napagdesisyunan namin ng aking kaibigan na magkape sa sweets shop sa hotel na pinapaandar ng isang unibersidad sa Intramuros. Sa harapan ng daan-daang estudyanteng naglalakad sa labas ng salamin, ang pagnamnam sa kapeng iniinom ko ay siya na ring pagnamnam ko sa gandang taglay ng pader ng lumang lungsod.

Masarap ang churros at ang caramel dip. Masarap din ang kape. Kaya na-inspire akong sumulat nito. :) (Kuha ni Diane Denise J. Daseco)

Masarap ang churros at ang caramel dip. Masarap din ang kape. Kaya na-inspire akong sumulat nito. 🙂 (Kuha ni Diane Denise J. Daseco)

Hindi kasing-tamis ng caramel dip ng churros ang dinanas ng Maynila pagkatapos ng kanyang pagkawasak noong digmaan, pitumpung taon na ang nakararaan. Magkagayunman, tulad ng pagkagat ko sa churros ay nalalasap ng aking isip ang mga kuwentong sa mahigit apat na raang taon ay pinatamis ng karangalang pinanghawakan nito.

Kahit malamig, ang tapang ng kapeng hinihigop ko’y aking nararamdaman. Ngunit pumitik sa utak ko ang realidad – ramdam pa ba o pinapahalagahan pa ba ng henerasyong ito ang katapangang itinaglay ng pader ng Intramuros? Ito na raw ang panahong kung kailan ang dakilang kalasag na nagtanggol sa kabisera noon ay isa na lamang simpleng pader sa paningin ng marami. Sa kabila niyon, marami man ang hindi nakakaalam ng kanyang natatanging nakaraan ay binubuhay pa rin nito ang puso ng Maynila. Ang mga kabataang masayang tumatambay, naglalaro, gumagala o nagbabasa ng kanilang mga aralin dito – silang mga kabataan ang nagpapanatili sa ating isip ng dahilan kung bakit itinayo ang pader ng Intramuros. Ito ay ang protektahan ang kapayapaan para sa kaligayahan ng kanyang bayan.

Ang kape at ang pader ng Intramuros ay parang pag-ibig – makisig pero mapagmahal.

Kung Mangarap Ka’t Magising

(Ang pamagat ay kahalintulad sa isang pelikulang idinerehe ni Mike de Leon para sa LVN Pictures noong 1977 na kinatatampukan nina Christopher de Leon at Hilda Koronel. Walang kaugnayan ang laman ng sulating ito sa nasabing pelikula.)

Ang hukom at ang paaralang itinakda para sa kanyang dakilang pangalan.

Ang hukom at ang paaralang itinakda para sa kanyang dakilang pangalan.

Mahigit sampung taon na ang nakalilipas nang magtapos ako sa Jose Abad Santos High School sa Binondo. Aaminin ko, walang kasing saya ang naramdaman ko nang humakbang ako sa entablado, kunin ang rolyo ng papel na kunwari’y diploma at sinaksihan ang seremonyang simbulo ng pagwawakas ng kabanatang gusto ko sanang kalimutan. May mga malalapit sa akin ang nakakaalam kung gaano naging “makulay” ang buhay ko sa loob ng apat na taon na iyon. Tumuntong ako sa kolehiyo na pilit inaalis sa isip ang mga naranasan ko noong high school. Pero nanatili ang maliliit na multong nagbigay sa akin ng takot at pag-aalinlangan habang tinutuloy ang aking buhay-estudyante. Dumaan ang panahong hindi ko namamalayang ang mga sugat na iyon ay nagsilbing lakas ko sa mga nalagpasang pagsubok. Nang mapagtanto ko ito, tila gusto ko nang maalala nang paulit-ulit ang mga ito tulad ng isang libro ng kasaysayan kung saan ang mga pahina ng digmaan ay walang sawang binabalik-balikan.

Nitong Linggo lang ay muli kong binuklat ang kopya ko ng high school yearbook. Muli ko itong naalala noong Sabado habang kausap ang isa sa matatalik kong kaibigan at naisip ang isang bagay tungkol dito. Isa sa pinakadulong pahina ng yearbook ay ang “class prophecy”, isang kuwentong regular na sinusulat ng isa sa mga mag-aaral ng “Section One” para sa nasabing lathalain. Nasasaad dito ang kanyang panaginip – isang class reunion na magaganap, maraming taon pagkatapos ng graduation. Magarbo ang setting, lahat ng kanyang mga kasama sa maituturing na “star section” ay may magagandang kinalalagyan sa lipunan at higit sa lahat, nagkatuluyan ang mga magkasintahan na parang fairy tale… at may bonus pang mga anak! Ngunit natapos ang istorya sa realidad – nagising ang tagapagsalaysay sa loob ng kanilang classroom, sa paninita ng kanilang adviser dahil sa ingay ng kanyang mga kaklase.

Tunay ngang napakagandang panaginip, napakagandang mga pangarap na nagwakas sa hindi magandang paggising.

Lagi kong binabasa ang class prophecy mula pa noong natanggap ko ang yearbook ko… kahit hindi naman ako nabanggit doon. Pero natatandaan ko na sumulat din ako ng sarili kong class prophecy kung saan ang mga kaibigan ko (at ako) ang bida. Badtrip lang dahil hindi ko na ito mahanap. Sinulat ko iyon noong lahat kami ay nasa kolehiyo na’t medyo nakahanay sa tunay naming buhay noong panahong iyon ang takbo ng istorya. Hindi ko ito nilagay sa akto ng panaginip kundi sa konsepto ng aming kakayanan bilang mga taong ang gusto lang ay maging masaya sa simpleng buhay. Dati kasi’y nagsawa akong mangarap at natakot na magising sa wala, kaya madali kong natanggap na ang pangarap ay matutupad kapag nasa ulirat ka.

Sa aking pagkakatanda, karamihan sa mga ito’y nagkatotoo, pero ang iilan (kasama ang sa akin) ay hindi nangyari. Sa kabila niyon, tulad ng mga hindi natupad ang tadhana sa class prophecy, porke’t hindi nagkatotoo ang hula ay hindi na naging “maganda” ang kani-kanilang buhay. Maituturing ko ang sarili ko na kapareho ng tadhana nila.

Hindi man ako nag-ambisyon para sa aking sarili, ang pangarap ko sa mga tao at senaryo sa paligid ko ay natupad naman. Dito’y namulat akong masaya dahil parang pangarap ko na rin ang naisakatuparan. Dito ko rin napagtantong hindi pala dapat tayo tumigil sa pangangarap. Magising man tayo sa sitwasyong hindi natin inaasahan, isipin natin na isa itong paraan ng tadhana upang maging daan kung para tayo sa gusto nating mangyari. Pagdating ng tamang panahon, malalaman natin kung ang pangarap na iyon ay para sa atin o isang aral lamang na sapat para ating matutunan.

Tambuli: Sampung Taon Ng Pagsusulat Para sa Lahat

(TAMBULI ang pangalan ng opinion column ng may-akda noong siya’y bahagi pa ng Ang Pamantasan (AP), ang opisyal na pahayagan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila)

Ang larawan ng inyong lingkod na ginamit para sa kanyang kolum na "Tambuli" (2004-2005)

Ang larawan ng inyong lingkod na ginamit para sa kanyang kolum na “Tambuli” (2004-2005)

Mahal ko ang pagsusulat… pero tulad ng proseso ng pag-ibig, dumaan ako sa napakatagal at masalimuot na mga karanasan bago ako tuluyang mahalin ng aking mga sinusulat at mahalin ang aking sarili bilang tunay na manunulat. Para sa isang nilalang na sagana sa mga di-malilimutang alaala, itinulak ko ang sarili ko sa mundong kung saan ang mga tao ay nabubuhay sa mga salitang iniiwan nila bago tumawid sa kamatayan. Para sa akin, ang pagsusulat ay hindi lang talento o kakayahan, kundi kayamanang pinagpapaguran at pinakikinabangan sa takdang panahon.

Nagkaroon ako ng matinding interes sa pagsali sa newspaper sa aking paaralan noong elementary at high school. Pangarap ng inyong lingkod ang mailathala ang aking gawa sa pahayagang isang beses lang sa isang taon kung lumabas. Malakas ang loob ko dahil matataas lagi ang nakukuha kong marka sa mga sulatin. Ngunit sa iilang pgkakataong sinubukan kong kumuha ng pagsusulit sa dyaryo ng eskwela ay kabaligtaran nito ang nangyayari – rejected.

 

Tumuntong ako sa kolehiyo na hindi dinala ang ambisyong magsulat. Pero tila nahinog na ang panahon at mismong tadhana na ang nagbibigay sa akin ng oras upang patunayan ang meron ako pagdating sa pagsusulat.

Unang linggo ng Hulyo 2004, sampung taon ang nakalipas, sa bulletin board sa ground floor ng Gusaling Lacson. Nakita ko at ng aking mga kaklase ang isang anunsyo kung saan ang unibersidad ay naghahanap ng mga bagong staff writer sa Ang Pamantasan, ang opisyal na dyaryo ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Marami sa mga kamag-aral ko ang interesadong sumali sa competitive examinations, at dahil interesado sila ay naging interesado na rin ako. Sa huling araw ng submission ng application form ay natuklasan kong iilan na lang kaming mga tutuloy sa pagsusulit sa AP. Hindi ko makakalimutan ang hapong iyon habang hawak ang form ko – ang hapong bibitawan ko ang isang desisyong babago ng aking buhay. “Wala nang atrasan!” Yan ang natatandaan kong sinabi ko at saka ko pinasa ang aking aplikasyon.

Ika-24 ng Hulyo 2004, kabado ako sa araw ng exam. Hindi pa kasi ako gaanong bihasa sa malalim na Ingles na siyang wikang gamit sa mga artikulong sinusulat sa AP. Mukha ring may mga karanasan na sa campus journalism ang mga kasama kong kumukuha ng pagsusulit. Ngunit sa loob-loob ko, kung ano ang alam ko ay yun ang gagamitin ko. Hindi na pwedeng mag-back out. Tinapos ko ang exam nang magaan ang loob at hindi tulad noon, wala akong hinihintay na resulta.

Lumipas ang mga araw at patuloy kong inoobersabahan ang buhay kolehiyo. Tutok ako sa pag-aaral at ginagamay ang mga pagsubok bilang freshman ng isang prestihiyosong unibersidad. Katatapos lang ng isang seminar sa gymnasium nang makasalubong namin sa hallway ng Gusaling Villegas ang presidente ng student council. Kami ang hinahanap niya, ako at isa ko pang kaklase na nagbigay sa amin ng kaba. Sinundan na lang namin siya at papunta kami sa Gusaling Atienza. Halos malapit na kami sa isa sa mga room nang itanong namin kung saan kami pupunta. “Nakapasa kayo sa AP! May interview kayo ngayon!”

Sa isang silid ay naroon at nakaupo ang labindalawang mag-aaral kung saan ang ilan sa kanila’y pamilyar sa aking paningin. Pinapuwesto kaming dalawa sa bandang gitna at sinabihang maghintay na tawagin para sa interview. Sa paglibot ng aking mata’y napansin kong sa itsura pa lang ay makikita ang pagkakaiba ng kanilang mga karakter. Sa pagpapakilala namin ay dito ko nalamang hindi lahat kami ay nasa kursong Mass Communication. Mayroong Accountancy, Business Administration, Education, Psychology at Social Work.

Dumating na ang pagkakataon ng aking panayam. Wala akong gaanong natatandaan noong oras na iyon kundi may anim na tao sa aking harapan at ilan sa kanila’y masasabing mga “makapangyarihan” sa Pamantasan. Hindi ko rin matandaan kung ano ang mga itinanong nila, kung ano ang mga naging sagot ko at kung ano ang pakiramdam ko nang matapos ang interview.

Ilang araw lang ang lumipas ay lumabas ang resulta. Nakapasa ako sa screening at opisyal na naging miyembro ng editorial board ng AP sa ika-25 taon nito. Nagbalik-tanaw sa akin ang lahat ng panahong nangarap akong magsulat at mailathala ang aking artikulo sa pahayagang nababasa ng aking mga kapwa mag-aaral. Ang aking pangarap ay nagkaroon ng katuparan pero ang kaakibat nito ang mas malaki pang hamon – ang aking kumplikadong buhay bilang estudyante at mamamahayag.

Matindi ang mga pagsubok sa loob ng college publication. Hindi na ito basta-bastang pagsusulat ng balita at lathalain. Mahirap sa tulad kong baguhan ang magipit sa mga bagay-bagay noong panahong naiipit sa dalawang pwersa ang AP. Sa kabila ng pagsuporta ng marami, may mga pangyayaring di-inaasahang maikokompromiso para maprotektahan ang karapatan sa kalayaan ng pamamahayag. Isa sa mga ito ang pagkalagay sa alanganin ng aking estado sa Pamantasan. Sa tuwing naiisip ko ang kinahinatnan ng senaryong ito, nananatili ang matatag kong paniniwalang hindi ako nagsisisi sa kung anuman ang naging parte ko sa AP noong panahong iyon. Hindi ko pinagsisisihan na pinasok ko ang pagiging rebelde sa panulat dahil alam kong tama kami sa paraan ng pakikipaglaban para sa katotohanan. Naging biktima man ako, nanalig akong sa dulo ng kadiliman ay may liwanag – ito nga ay naganap.

"THE BIG 5". Kapag tinanong mo kung sino sila sa AP, sila yung mga taong gagawin ang lahat para makalusot at makapaglabas ng issue noong panahong ang AP ay nasa estado ng paghahanap muli ng pagkakakilanlan nito sa loob ng PLM.

“THE BIG 5”. Kapag tinanong mo kung sino sila sa AP, sila yung mga taong gagawin ang lahat para makalusot at makapaglabas ng issue noong panahong ang AP ay nasa estado ng paghahanap muli ng pagkakakilanlan nito sa loob ng PLM.

Tatlong taon akong naging bahagi ng AP ngunit isang ugat ng puso ko ang patuloy na dinadaluyan ng aking dugo papunta sa institusyong ito. Ang pinagpatuloy na pakikibaka ng aming samahan laban sa noo’y malupit na pamunuan ng PLM ay maituturing na kasaysayan at hanggang sa kasalukuyan ay pinakikinabangan ng mga sumunod sa amin. Ang aking dugong manunulat ay pinadaloy ko sa ibang kabataang tulad ko ay nangarap at marami sa kanila’y naging matagumpay. Masaya akong alam nila na lubos ko silang ipinagmamalaki.

Ang mga aral na natutunan ko sa loob ng student publication ay naging sandata ko sa napakaraming sitwasyon. Naging gamit ko ang mga ito sa patuloy kong pagtuklas sa napakalaking daigdig ng panitikan, usaping panlipunan at pangkalahatang kaunlaran. Lahat ng ito’y naghubog sa akin bilang taong ang nais para sa lahat ay maayos na kaisipan tungo sa maayos na lipunan.

Patuloy kong dadalhin ang tambuling binuo ko, sampung taon ang nakakaraan… at sisiguraduhin kong ang tambuling iyon ay patuloy pa ring magiging kapaki-pakinabang, hindi lang ako bilang manunulat kundi ako bilang Pilipinong naglilingkod sa bayan.

Sampung taon ang nakalipas. May nag-iba pero alam ko, nananalaytay pa rin sa lahat ang "Dugong Manunulat".

Sampung taon ang nakalipas. May nag-iba pero alam ko, nananalaytay pa rin sa lahat ang “Dugong Manunulat”.