Papugay sa Aking “Unang” Presidente

2015-category-title-tambuli copy

aurora-2021-06-post-featured-salamat-pnoy

May 10, 2010. Bago ko ipasok ang balota sa PCOS machine, sinigurado kong properly shaded ang lahat ng binoto ko. Sa unang attempt, hindi ito tanggap ng makina. Sinabihan ako ng election officer na tingnang mabuti ang mga bilog na na-shade-an ko dahil sensitive ang makina na magde-detect nito. Pinagmasdan ko lahat hanggang sa dumapo ang mata ko sa pangalan ng pinili kong maging susunod na presidente ng Pilipinas. Hiniram kong muli ang marker para i-shade ang bilog sa tabi nito kahit well-shaded naman. Gusto ko lang makasigurado na papasok ang aking boto sa pagkapangulo. Sa pangalawang beses ay tinanggap na ng PCOS ang balota ko. Ito ang kauna-unahang beses na bumoto ako sa isang halalan. Personal ito para sa akin kaya sinigurado kong hindi ito dapat masayang, lalong-lalo na ang boto ko para sa aking pangulo — si Noynoy Aquino.

Marahil, sasabihin ninyo ay isa ako sa mga nagoyo ng tinatawag na “Cory Magic”. Siguro nga. Pero noong mga panahong iyon na puno ng korap at manloloko sa loob ng pamahalaan, tama lang na ang piliin ay isang tao na ang pangalan ay kilalang tagapagtanggol ng demokrasya at kakampi ng bayan laban sa mga nagnanakaw sa kaban ng bayan. Sa mga anak ni Ninoy at Cory ay may isang nagmana ng kanilang espasyo sa pulitika ng bansa. Bagito man sa Senado pero sigurado ang marami na hindi gagawa si Noynoy ng kataranduhan sa gobyerno na ikakasira ng pangalan ng kanyang mga dakilang magulang.

Nanalo si Noynoy. Para akong nanalo sa pustahan, pero hindi pa rin talaga ako naging sobrang interesado sa mga usapin ng pulitika… hanggang sa dumating ang Manila Hostage Crisis, ilang buwan pagkatapos niyang manumpa sa sambayanan sa Quirino Grandstand kung saan din nangyari ang trahedya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay natuto akong manimbang ng isang gobyernong kinakampihan ko pero may mga pagkakamaling nagawa sa iba’t ibang isyu.

Sa panahon ni PNoy ako nagsimula ring pumasok sa gobyerno at naranasang maging bahagi ng burukrasya. Dito rin ako naging mas aktibo sa pagbo-volunteer at nakita ang mga sakit ng lipunan na pinipilit gamutin o nakakalimutang tugunan ng pamahalaan. Dito ako mas namulat sa realidad na may mga hindi magawa ang gobyerno, hindi dahil sa hindi nila magawa, pero dahil hindi ito ang kanilang prayoridad. Sa panahon din ni PNoy ay natuto akong mas maging vocal laban sa ilang mga polisiya ng pamahalaan niya. Pero sa kabila nito ay suportado ko pa rin ang gobyerno sa simpleng paraang alam ko. Sa kabila ng mga reklamo ay nanatili pa rin ang tiwala ko kay PNoy at sa kanyang mga opisyal. Mahinahon ang daloy ng demokrasya, malaya ang media, walang limitasyon ang protesta.

aurora-2021-06-photo-pnoy-02

Kuha ko noong ika-30 anibersaryo ng People Power Revolution (February 25, 2016)

Natapos ang termino ni PNoy na puno ng pag-asang mapapanatili ang kaunlaran at kaayusan ng bansa. Pinatunayan ng kanyang anim na taon sa Malakanyang na hindi ako nagkamali ng binoto ko noong 2010. Bagaman pinili niya ang mas pribadong buhay pagkatapos ng panguluhan, nanatili ang diwa ni PNoy sa mga Pilipinong naniniwala na mas nananaig ang kaayusan kapag disente, marespeto at may dignidad ang pamahalaan… at ito ay nagsisimula sa presidente ng bansa.

Limang taon pagkatapos ng kanyang ginintuang yugto, June 24, 2021, habang ipinagdiriwang ng mga Katolikong Pilipino ang pagluluklok sa isa pang bagong pinuno sa katauhan ni Manila Archbhishop Jose F. Cardinal Advincula, isang balita ang gumulantang sa bansa. Sa edad na 61, pumanaw na si PNoy. Sa mga tulad kong “noytard” at purong Dilawan, natahimik ako sa gulat at ilang beses pumasok sa banyo para tumangis ng luha sa kanyang pagkawala. Huli akong umiyak nang sobra nang ganito ay noong August 8 lang noong bigla ring mawala ang tinuturing na ama ng lungsod ng Maynila na si Mayor Alfredo Lim. Masakit ito para sa akin dahil isa si PNoy sa nagmulat sa aking pulitikal na pag-iisip at nagpakita sa ating lahat na dapat tayong magtiwala sa kabutihan ng tao upang umunlad ang isang lipunan.

aurora-2021-06-photo-pnoy

Isang emosyonal na paghaharap. Huling sulyap. (June 24, 2021)

Sa kahuli-hulihang pagkakataon, sa unang gabi ng kanyang pagpanaw, nagkaroon ako ng pagkakataon na madalaw siya sa Heritage Park sa Taguig at makapagbigay-pugay nang ilang minuto sa harap ng kanyang mga abo. Minsan akong nangarap na makamayan at makausap siya nang kahit kaunti. Malungkot man na sa punto ng kamatayan ang una’t huli naming personal na pagtatagpo, isa pa ring karangalan na maiparamdam sa kanya ang pasasalamat sa pamamagitan ng panalangin. At sa una’t huling sandali, nasabi ko sa kanya sa aking taimtim na dasal na bilang boss niya ay hindi ako binigo ng aking unang pangulo sa balota.

Paalam at maraming salamat, PNoy.
Dadakilain ng kasaysayan ang naging ambag mo sa ating bayang mahal.
Hanggang sa muli, Ginoong Pangulo.

“Ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng mabuting resulta… Kung may gagawin kang mabuti, may babalik sa’yong mabuti. At kung gagawa ka ng masama, tiyak na mananagot ka… Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin ito.”

H.E. Benigno Simeon C. Aquino III (1960-2021)
Pangulo ng Pilipinas
SONA 2011

aurora-11-logo

Pasado At Kuntento: Paghimay Sa Ikalawang SONA, Ang Pangunahing Ulat Sa Bayan Ni Pangulong Benigno Aquino III

 

Nitong nakaraang Lunes lamang ay naganap ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng ikalabing-apat na pangulo ng Republika ng Pilipinas na si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na mag-uulat siya sa kanyang mga tinuturing na ‘boss’, ang mamamayang Pilipino, ng tungkol sa kanyang mga nagawa sa unang taong pagkakaupo niya bilang pinuno ng bansa.

Marami ang nagsasabing kulang ang mga sinabi ng Pangulo. Magandang talumpati pero walang sustansiya. Puro patutsada sa nakaraang administrasyon. Emosyonal ang mga pahayag ngunit walang pangmatagalang programa at puro pangako ang dala.

Kasama akong nakatutok ng buong Pilipinas sa SONA. Sa isang oras na pakikinig, aaminin ko, hindi naman lahat ng iyon ay aktwal na nasagap ng aking isip at tainga. Kaya habang nanonood ay ni-record ko ito mula sa aking cellphone upang muling mapakinggan nang masinsinan ang mga pinangako, mga pinangakong nagawa, mga ipinapangako, at mga napako sa nakalipas na isang taon ng kanyang panunungkulan.

“Wangwang”. Una natin itong narinig sa kanya noong siya ay humarap bilang bagong panumpang Pangulo ng bansa. Ito ang naging simbulo niya sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng ilang mga nasa pamahalaan, pulisya at militar. Naging adbokasiya pa nga niya ito dahil kahit siya ang pinakamataas na pinuno ng Pilipinas ay hindi siya gumagamit ng wangwang kung hindi naman talaga kinakailangan ng pagmamadali.

“Ang mga dapat na naglilingkod ay siya pang nang-aapi. Ang panlalamang matapos mangakong maglingkod… Iyan po ang utak wangwang.”

Ngayong SONA ay patuloy niyang ginamit ang simbolismo ng wangwang bilang hadlang sa pagkakamit ng tamang pamamalakad sa pamahalaan. Tinawag niya ang mga nananamantala sa pag-unlad ng bayan bilang mga wangwang na humahawi sa mga taong nagnanais ng pagbabago.

Panata ng Administrasyong PNoy ang paglinis sa sistema ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at maging sa ilang parte ng pribadong sektor. Isa sa mga naging matunog ay ang pagsugpo sa kinasanayang sistema sa government-owned and controlled corporations (GOCCs), kung saan marami sa mga dating namuno rito ang patuloy na kinakasuhan ng katiwalian.

Inilahad niya sa kanyang ulat ang ilan sa mga naging resulta ng kanilang kampanya kontra sa mga ‘wangwang’. Nariyan ang pagsasaayos ng bidding procedures sa mga proyekto’t kontratang pinapasok ng gobyerno, lalo na sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Energy (DOE); ang pagpapalawig sa tamang pagbabayad ng buwis, malikhaing pamamahala at paggastos sa pambansang budget; pagbuwag sa maling pagpapatakbo ng pamahalaan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at ang sunod-sunod na pagsasampa ng kaso sa mga umabuso sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Naging tampok din sa talumpating ito ang pagtatalaga niya kay dating Supreme Court Associate Justice Conchita Carpio Morales bilang bagong Tanod Bayan, kapalit ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez. Matatandaang si Morales ang nagpanumpa kay Pangulong Aquino noong Hunyo 2010 at isa sa mga nagtulak upang ituloy ang Truth Commission para paimbestigahan ang mga anomalya noong panahon ni dating Pangulo’t kasalukuyang kinatawan ng Pampanga, Gloria Macapagal-Arroyo. Isa rin siya sa mga bumoto para sa ligalidad ng isinampang impeachment case laban kay Gutierrez.

“May mga nagsasabing pinepersonal ko raw po ang paghahabol sa mga tiwali. Totoo po. Personal talaga sa akin ang paggawa ng tama. Ang pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali, sinuman sila, at di lang dapat ako ang namemersonal sa usaping ito. Personal dapat ito sa ating lahat dahil bawat Pilipino ay biktima nito. Ang mali, gaano man katagal itong nanatili ay mali pa rin. Hindi pwedeng OK lang. Hindi pwedeng wala lang yan. Kapag kinalimutan natin ang mga ito, mangyayari lang ulit ang mga kamalian ng nakaraan. Kung hindi magbabayad ang mga nagkasala, parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa mga nagbabalak na gumawa ng masama na kung puwede ulitin niyo ang ginawa ninyo.”

Diretsahang pinangalandakan ni Pangulong Aquino ang pagtira niya sa dating administrasyon sa pagpapahirap nito sa taumbayan sa nakalipas na siyam na taon. Paniguradong hindi lang ako ang natuwa sa matapang na pahayag na ito ng Pangulo sa harap ng mga dating kaalyado ni dating Pangulong Arroyo sa Lehislatura.

“Ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas. Kapag tumapak ka sa Recto Bank, para ka na ring tumapak sa Recto Avenue… Wala tayong balak mang-away, pero kailangan ding mabatid ng mundo na handa tayong ipagtanggol ang sa atin.”

Lubos ko ring ikinagalak ang sinabing ito ng Pangulo ukol sa pagtatanggol ng gobyerno sa karapatan nito sa kontrobersyal na Spratly Group of Islands. Ayon sa kanya, tutugunan niya ang pangangailangan sa pagpapaigting ng depensa sa soberanya ng bansa, lalong-lalo na sa pakikipaglaban ng Pilipinas sa kaso ng West Philippine Sea na dating South China Sea.  Isa itong malaking hakbang upang maging matatag ang pagkakalinaw sa usaping panteritoryo ng Republika sa mata ng buong daigdig.

Kaakibat din ng reputasyong ito sa seguridad ng Pilipinas ang pagpapatupad sa Anti-Trafficking In Persons Act, kung saan sa unang taon ni Pangulong Aquino ay may 31 human traffickers ang nahuli’t nahatulan. Dahil dito, nawala na tayo sa listahan ng Tier 2 watchlist ng Estados Unidos na kung hindi tayo matatanggal ay mauudlot ang mga benepisyong makukuha natin para sa pagsasakatuparan sa Millennium Development Goals o MDG.

Sa kondisyon naman ng ekonomiya ay kinagalak ng Pangulo ang patuloy na pag-angat ng mga bilang sa ating stock market na indikasyon ng pagganda ng ating pambansang komersyo. Kasama rin dito ang pagtaas ng ating credit ratings na nangangahulugan ng kumpyansa ng mga dayuhang nagpapautang sa ating bansa na tayo’y makakaahon sa kabila ng kabi-kabilang krisis na ating dinadanas. Apat na beses itong na-upgrade sa loob lamang ng isang taon, at dahil sa napakagandang balitang ito, 23 bilyong piso ang natipid ng pamahalaan na sana’y pambayad interes sa utang ng Pilipinas mula Enero hanggang Abril 2011. Lumiit din umano ang unemployment rate na mula 8% noong isang taon ay naging 7.2% na lang ito ngayong taon.

“Kung mang-aagrabiyado ka lang ng mahirap, huwag ka nang magtangka. Kung sarili mo lang ang payayamanin mo, huwag ka nang magtangka, kung hindi yan para sa Pilipino, huwag ka nang magtangka.”

Naging bukambibig ni PNoy ang pagiging epektibo ng Conditional Cash Transfer o ang Pantawid Pamilyang Pilipino program. Dahil umano sa programang ito ay bumaba sa 15.1% ang self rated hunger sa Pilipinas nitong Hunyo, kumpara noong Marso 2011 na may 20.5% self rated hunger percentage. 100,000 pamilya din umano ang naiahon sa kahirapan dahil sa CCT buwan-buwan. Dumarami na rin ang mga nanay at sanggol na nagpapatingin sa mga health center at umangat ang dami ng mga batang nag-aaral dahil sa suportang pampinansyal na ito.

“Mamumuhunan sa taong bayan habang namumuhunan din sa kalikasan.”

Isa sa mga pinakamagandang narinig ko sa Pangulo ay ang pagtutuon nito ng atensyon sa kahalagahan ng kalikasan bilang bahagi sa pag-unlad ng mga Pilipino. Gagawin niya umanong kapaki-pakinabang ang pagbabantay ng mga punong itatanim laban sa baha. Bibigyan ang mga benepisyaryo ng mga binhi upang tamnan at habang hinihintay na mag-ani ay bibigyan sila ng stipend bilang kabayaran sa siguradong pagbabantas sa mga puno upang iiwas ang mga ito laban sa ilegal na pagputol o pagkakaingin.

“Ayaw na natin umasa sa pang-aangkat. Ang isasaing ni Juan dela Cruz, dito ipupunla, dito itatanim, dito aanihin.”

Inilahad din niya ang malaking pagbabago sa agrikultura ng bansa, lalo na sa industriya ng bigas. Magandang marinig na umangat ng 15.6% ang inaning palay dito sa ating bansa sa tulong ng pagpopondo ng gobyerno sa pagbili ng mga binhi ng palay. Binawasan na rin nito ang pag-aangkat natin ng bigas sa ibang bansa upang maiwasang mabulok ang mga sobra-sobrang toneladang binili natin na matatambak lang sa mga bodega.

“Ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng mabuting resulta… Kung may gagawin kang mabuti, may babalik sa’yong mabuti. At kung gagawa ka ng masama, tiyak na mananagot ka… Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin ito.”

Tunay ngang ipinapakita ni PNoy ang hindi nito pagwawalang-bahala sa kahalagahan ng malinis na kalooban at magandang pag-uugali sa kanyang administrasyon. Inaasahan natin lagi sa SONA ang pagpapaganda ng mga materyal na imprastraktura at kalagayan ng ating pananalapi, pero ito na yata ang unang SONA sa loob ng dalawang dekada na binigyan ng importansya ang mga maliliit na pagpapahalaga sa ating paligid – at ito ay sa pamamagitan ng pagpapasalamat. Maliit man ito o simple kung gagawin, para sa Pangulo, ang pagsasabi ng ‘maraming salamat’ sa mga taong gumagawa ng mga makahulugang bagay para sa interes ng nakararami ay mahalaga para iangat ang moralidad ng bawat tao. Isasabit ko na rin dito ang pagbibigay ng espasyo para ipagmalaki ang mga imbensyong Pilipino na pinapakinabangan dito sa ating sariling bayan, ang pagtataas ng dangal sa mga nagtatrabaho sa bureaukrasya, at ang pagpapaiwas sa lahat na maging utak alimango at pagiging negatibo.

“Sa lahat ng mga kasama natin sa tuwid na daan, kayo ang lumikha ng pagkakataong baguhin ang dinatnan at gawing mas maganda ang ipapamana natin sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino.”

Nanggaling tayo sa panahong hindi natin alam kung saan tayo patungo dahil sa nagkalat na pagkakamali sa sistema ng ating gobyerno sa matagal na panahon. Sa mga nagawa ng ating Pangulo, masasabi ko naman na tayo’y tuloy-tuloy na umuusad. Bagaman nagkaroon lang ako ng konting panghihinayang dahil hindi niya nabanggit ang patuloy na pagtulak sa Reproductive Health Bill, Freedom Of Information Bill at pagpapabilis sa takbo ng kaso ng Maguindanao Massacre, para sa akin, pagbibigyan ko pa ang ating Pangulo ng oras para isakatuparan ang mga ito.

Tandaan natin na unang taon pa lang niya ito sa anim na taong kanyang ipinangako sa atin na maglilingkod sa bansa. Marami pang taon ang gugugulin upang maging ganap ang kanyang mga binabalak na programa. Kung nangako man siya ng pagbabago, huwag natin itong madaliin. Kung nagmamadali tayo para sa pagbabago, tumulong tayo sa kanya sa ating sariling mga pamamaraan upang makamit ang mga ito. At tulad nga ng aking nabanggit sa post ko noon sa Dear Noynoy fanpage sa Facebook noong isang taon na naere sa isang news program, “hindi lang siya ang dapat na mag-angat ng Republikang ito, DAPAT TAYO RIN.”

Para sa akin, ang SONA na ito at ang unang taon ni Pangulong Aquino sa Malakanyang ay PASADO. Kung may mga inaasahan man tayong marinig, hindi ito dahilan para hindi tayo makuntento. Bagkus, patuloy tayong magmasid, magbantay at sumuporta sa mga magagandang adhikain ng taong hinalal at pinagkatiwalaan ng mas nakakaraming Pilipino noong halalan. At tulad ni PNoy, ipinagmamalaki kong sabihin sa pagtatapos ng sanaysay na ito:

“Maraming maraming salamat po sa pagbabagong tinatamasa natin ngayon. BUHAY NA BUHAY NA ANG PILIPINAS AT ANG PILIPINO!”