Post #143: Si Bonifacio, Ang Katatagan Ng Mga Pilipino At Ang Kabayanihan Ng Mundo

#Boni150

Ito ang ika-isang daan at apatnapu’t tatlong handog ng Aurora Metropolis na inilathala ngayong importanteng araw na ito, ang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio. Ang ika-143 artikulong ito (kung saan ang 143 ay nangangahulugang ‘I love you’) ay alay para sa lahat ng nagmamahal sa bansang Pilipinas, lalo na ngayong nakakaranas tayo ng napakaraming pagsubok bilang isang mamamayang Pilipino.

“Pakatandaang lagi na ang tunay na pagibig sa Dios ay siya ring pagibig sa Tinubuan at iyan din ang pagibig sa kapwa.” – Andres Bonifacio, Sampung Utos ng mga Anak ng Bayan

Ang mga aral ni Gat. Andres Bonifacio sa kasalukuyang trahedya ng ating bansa.

Ang mga aral ni Gat. Andres Bonifacio sa kasalukuyang trahedya ng ating bansa.

Ang paghagupit ni Super Typhoon Yolanda (na may international name na Haiyan) sa Samar at Leyte; ang pagtama ng magnitude 7.2 major earthquake sa Cebu at Bohol; ang mapangahas na pagsakop ng mga rebelde na nagresulta sa biglaang giyera sa lungsod ng Zamboanga at mga kontrobersiyang pulitikal sa luklukan ng pambansang pamahalaan sa Kalakhang Maynila ay hindi na mga bagong problema sa ating bansa. Mas masalimuot man ang pinsala at bilang ng mga taong apektado sa mga kalamidad ngayon, noon pa’y pinatunayan na ng ating mga ninuno na sa pagtatapos ng anumang unos, likha man iyon ng kalikasan o kalupitang gawa ng tao, may kakayahan tayong mga Pilipino na muling mabuhay nang may dignidad at umahon nang may nililingong pag-unlad.

Maging ang pagtatanggol ng Estados Unidos mula sa panggigipit ng Tsina sa isyu ng West Philippine Sea, ang pakikipaglaban para sa pagmamay-ari ng Kalayaan Group of Islands (mas kilala bilang Spratly Islands) at Sabah; o ang pagkakaisa ng maraming bansa na tumulong sa mga naapektuhan ng mga nakalipas na trahedya sa Kabisayaan ay hindi na rin ganoong kakaiba. Dumaan man tayo sa mahigit tatlong siglong pananakop, tumindig ang Pilipinas sa mga pagsubok ng ating mga dayuhang mananakop na tayo ay karapat-dapat na makilala sa pandaigdigang ugnayan at kilalanin ng mundo bilang bansang may libo-libo’t hiwa-hiwalay na isla, ngunit pinag-uugnay ng pagmamahal sa kalayaan at sa bayan.

Naitala sa kasaysayan na noon pa man, nakakaranas na ang Pilipinas ng mga natural na kalamidad dahil sa heograpikal na kalagayan nito. Magkagayunman, sa ilang beses na inulan, nilindol o pinutukan ng bulkan ang mga bayang apektado nito ay unti-unting nakakabangon at nakakabalik sa kaunlarang meron ang mga ito. Bukod dito, napagtagumpayan rin ng bansa ang mga digmaan at kaguluhang likha ng tao na nakalikha ng napakahabang listahan ng mga bayaning hinahangaan natin. Nanatili ang mga sinaunang Pilipino na maging matatag sa pananampalataya’t paniniwala sa Diyos, sa pagiging matapang, makatao at mapagkalinga sa kanilang mga kababayan – lahat ay bunsod ng maigting na pag-ibig sa kanilang tinubuang lupa. Ngunit higit sa lahat, silang mga ninuno natin ay minsang nagkusa sa pagbibigay ng tulong sa iba sa pinakasimpleng paraang kaya nila. Sila ang naging matibay na ehemplo ng bayanihan sa mga oras ng trahedyang dinaranas ng bansa tungo sa kaayusan at kasarinlan.

Sa araw na ito na ang buong bansa ay nagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ng pinakadakilang anak ng Tundo at Supremo ng bawat Pilipino na si Gat. Andres Bonifacio, tila napapanahon para sa ating lahat na konektahin ang nakaraan, kasalukuyan at kinabukasan tungo sa pag-unawa sa mga kasalukuyang nangyayari sa ating bayan. Tila umiikot lang ang mga senaryo ngayon at noong panahon ni Bonifacio, kasama ang napakarami pang bayani’t mga personalidad na nabuhay sa kanilang salinlahi. Sa puntong ito, maaaring nagagalak si Bonifacio sa kasalukuyang mga anak ng bayan na umiibig sa Pilipinas at umaaruga sa mga kapwa Pilipino, lalo na ngayon na ang buong bansa’y nasa gitna ng krisis.

Tulad ni Bonifacio, marami sa mga naging biktima ang patuloy na namumuhay sa katatagan, pananalig sa Panginoon at natitirang pag-asa sa gitna ng ng trahedya. Kahit gutom, uhaw, nawalan ng tahanan o minamahal, ang ilan sa kanila’y piniling dumamay at makibahagi sa pagtulong sa kapwa nila nasalanta. Tulad din ng ating bayani, walang alinlangang ginawa ng mga pulis at sundalo ang kanilang tungkulin nang doble sa kanilang tipikal na responsibilidad. Higit pa sa pagiging tagapagpatupad ng batas, nagsilbi silang karpintero, arkitekto, doktor, nars, guro at lingkod bayang handang maging pundasyon ng mga apektadong lugar hanggang unti-unti silang makatindig nang normal. Mas kahanga-hangang katangian ang ipinakita ng mga ordinaryong taong nagsilbing volunteer na, tulad ni Bonifacio, ay inambag ang sariling oras, boses, lakas at kakayahan upang makatulong at maging katuwang sa mga pinagdaraanan ng mga kababayan. Nabura ang mga harang na naghihiwalay sa mga mahirap, middle class at mayaman sa loob ng mga relief warehouse at evacuation center kung saan sama-sama silang kumikilos para sa iisang layunin at panalangin.

Marahil ay ikinatutuwa ring masaksihan ni Bonifacio ang pagbabalik sa Pilipinas ng bulto-bultong puwersa ng mga dayuhan sa lahat ng sulok ng daigdig, hindi upang sakupin tayong muli, kundi upang maging pinakabagong mga bayani para sa ating bansa. Sa mga pagsubok na dinanas ng bansa ay nakita nating nagtagpo para sa iisang hangarin ang mga bansang matagal nang  magkakaalyado, ang mga dating nagtapos ang ugnayan dahil sa digmaan at kahit ang may mga nagpapatuloy na hidwaan. Kahit din sa kabila ng mga isyung kinakaharap ng kani-kanilang mga pamahalaan at lipunan, nagsikap silang ipadala ang kanilang puwersang pang-militar, volunteers at maging tulong pinansyal ng mga mamamayan nito upang makadagdag sa muling pag-angat ng mga naapektuhan.

Ipinanganak noong 1863 sa Tundo, Maynila, isa’t kalahating siglo na ang nakararaan, dumating sa ating lipunan ang isang Andres Bonifacio. Ang kanyang kapanganakan ay tila ba isang simbolikong pagdating ng pag-asang hangad ng isang bansang noo’y naka-kadena sa kolonya at nangangarap ng malayang buhay bilang tao at bilang Pilipino. At ngayong mismong araw na ito ng kanyang kaarawan, nawa’y maging instrumento ang buhay ng “Hamak na Dakila” upang muling magdala ng pag-asa sa mga kababayan nating sa ngayon ay sumisilip ng liwanag mula sa ilalim ng mga guho. Kaakibat ang mga bayani mula sa iba’t ibang lahi ng daigdig, ang ispiritu ng kanyang kabayanihan at kadakilaan ay manatili sa mga susunod pang henerasyon ng mga Pilipino. At tulad ng kalayaang kanyang pinagpagurang makamtan bago siya pumanaw, patuloy na magiging bahagi ang mga aral na iniwan ni Bonifacio sa muling pagbangon ng ating bayang patuloy na lumalaban sa hamon ng panahon.

Mabuhay si Gat. Andres Bonifacio! Mabuhay ang buong mundo! Mabuhay ang matatag na lahing Pilipino!

FAST POST #24: Ang Informal Settlers sa mga Estero at Kaginhawaang Dapat Nilang Matamo

Nitong nakaraang mga araw ay napag-uusapan sa media ang pagpapaalis sa mga squatter (na ang politically-correct term ay “informal settlers”) sa tabi ng mga estero at mga ilog bilang bahagi ng paghahanda ng pambansang pamahalaan sa taon-taon nang problema ng pagbaha sa Kalakhang Maynila tuwing may bagyo. Kaalinsabay ng planong ito ang pagbibigay ng halagang 18,000 pesos sa bawat pamilya bilang pang-umpisa sa kanilang bagong buhay sa isang bagong bahay sa isang low-cost housing area kung saan libre ang kanilang renta sa loob ng isang taon. Maaari rin silang paglaanan ng puhunan kung gugustuhin nilang magkaroon ng sariling negosyo o pagkakakitaan. Sa kabila ng planong ito, marami sa kanila ang pumapalag at nagpupumilit na manatili sa kanilang mga “tahanan” dahil bukod sa malayo ang lilipatang permanent housing site ay hindi kumpleto ang kanilang mga pangangailangan sa nasabing lugar. May nakapanayam pa ngang nagkomento na para raw silang tinataboy sa labas ng Maynila dahil mahirap sila.

“Bakit ang arte ng informal settlers a.k.a. squatters?” Eto ang una kong nasabi nang marinig ko ang mga balitang kaugnay ng isyu. Lantad ang pagkagulat ko dahil nai-post ko pa ito sa Facebook.

Maaaring sa post ko ay iniisip ng iba na napakayabang ko o napaka-matapobre. Maaaring ang tingin sa akin ng iba ay malakas ang loob kong sabihin ito dahil nakatira ako sa isang maayos na komunidad sa Metro Manila at nakakatanggap ng basikong pangangailangan ng isang tao. Maaaring nabasa ng mga taong sangkot sa isyung ito ang na-post ko at tinuturing nila akong hindi makatao at kumakampi sa gobyernong walang pagmamahal sa maralitang tagalungsod. Ang sa akin lang, kung hindi makatao at maka-mahirap ang pamahalaan, hindi nila ihahain ang programang maglalagay sa kanila sa mas maayos na pamumuhay.

Napakasimple ng gustong mangyari ng administrasyong Aquino sa pag-aalis ng mga nakatira sa tabi ng daluyan ng tubig sa Kamaynilaan. Hindi na kailangang ipaliwanag sa mas mahahabang talakayan ang mga ito dahil dapat ay noon pa ito ginagawa ng ating mga nakaraang gobyerno. Malaking hakbang ito para sa ating Pangulo dahil dito masusubukan ang political will ng Palasyo pagdating sa pagsasaayos ng Metro Manila na siyang mukha ng buong Pilipinas.

Hindi ko matatangging lubos kong sinasang-ayunan ang programang ito dahil sa mga sumusunod na mithiin:

1. Tuluyang linisin ang mga estero at ilog. 2. Gawing produktibo ang mga estero tuwing tag-ulan. 3. Unti-unting buhayin ang mga estero at ilog. 4. Mailayo ang mga mamamayan sa sakit at hindi akmang pamumuhay sa gilid ng mga estero. 5. Iligtas ang mga mamamayan sa kapahamakang dulot ng baha na dadaloy sa mga estero. 6. Matuto ang mga apektadong indibidwal o pamilya na magsimula ng mas maayos na pamumuhay sa pamamagitan ng mga ibinigay na oportunidad ng pamahalaan. 7. Ipakita sa kanila na kahit bago man at malayo man sa Kamaynilaan ang kanilang nilipatan ay magagawa nitong maging maunlad kapag sila’y nagkakaisa. 8. Ipakitang hindi lang sa Maynila makikita ang kaunlaran at kaginhawaan. 9. Iparamdam na ang gusto lang ng gobyerno para sa kanila ay kaayusan at kaginhawaan para sa kanilang pamilya. 10. Ipa-realize na iwasang idahilan ang pagiging “mahirap” o gamitin ang salitang “mahirap” upang ilarawan ang sitwasyong dinaranas nila.

[Ang sumusunod na pangungusap ay post ko sa Facebook. Ito ang pinakasimple kong masasabi para sa ikasampung dahilan] Isa sa mga natutunan ko noong halalan ay ang hindi paggamit ng salitang “mahirap” sa kung anong kondisyon o sitwasyon ang mayroon tayo. Bakit? Subukan mong tanggalin ang salitang yan sa kaisipan mo at luluwag ang kalooban mo. OPTIMISM.

Maaaring hindi madali para sa gobyerno ang alisin ang mga “pasaway” sa mga estero, pero sana, SANA LANG, ay maisip nilang hindi mahalaga na sa lugar na hindi mo ligal na pag-aari ay doon ka ipinanganak, lumaki, nagkapamilya at mamamatay. Mas importante marahil na ibigay mo sa iyong pamilya o magiging anak mo ang isang bahay na maaangkin mo sa pamamagitan ng iyong pagpupursige at isang bagong buhay na malayo sa disgrasya at kawalang pag-asa.