Kabataan. Kasaysayan. Kinabukasan.

Masyadong mabilis ang mga pangyayari ngayong buwan na ito. Halos hindi ako nakapagsulat para sa ikatlong anibersaryo ng Aurora Metropolis dahil sa biglaang pagdating nito. Hindi ko inaasahan na walang kasing laki ang natanggap kong karangalan bilang isang kabataang lider ng lungsod ng Maynila. Pagkatapos ng panunumpa ng paglilingkod ng Katipunan ng Kabataang Maaasahan (KKM) kung saan ako ang tagapagtatag, inadya ng Panginoon sa pamamagitan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na ipagkatiwala sa akin ang isang malakihang proyekto na pinondohan ng lungsod sa pamamagitan ng Youth Development and Welfare Bureau. Ito ay ang makabuluhang pagpupulong ng mga kabataan, ang kauna-unahang Manila Young Leaders Assembly, na ginanap nitong ika-22 hanggang 23 ng Hunyo 2013 sa El Cielito Hotel, Boys Scouts of the Philippines Complex, Mt. Makiling National Park, Los Banos, Laguna.

Nais kong ibahagi sa inyo ang pinakamahalagang talumpati ng aking buhay, ang opening speech ng inyong lingkod sa Manila Young Leaders Assembly. Isang karangalang itanghal ang isang programang inihahandog para sa mga piling kabataang lider ng lungsod. Isang karangalang hindi malilimot ng aking puso’t isipan magpakailanman.

Cover page ng inyong lingkod sa Facebook. Habang nagtatalumpati sa Manila Young Leaders Assembly.

Cover page ng inyong lingkod sa Facebook. Habang nagtatalumpati sa Manila Young Leaders Assembly.

Hinihiling ko na tayo’y tumayong muli sa ikatlong pagkakataon. Alam nyo naman po kung bakit natin ipinagdiriwang ang araw na ito. Ano po ba ang meron sa Lunes? (Sumagot ang mga kalahok nang sabay-sabay ng “Araw ng Maynila”) Bilang pagdiriwang, pakikiisa at pagmamahal sa pinakadakilang lungsod sa buong bansa, kantahin po natin ang Awit ng Maynila.

(Muling nagsabay-sabay na umawit ang lahat ng “Awit ng Maynila”)

Tanging lungsod naming mahal,
tampok ng Silanganan
Patungo sa kaunlaran
at kaligayahan.

Nasa kanya ang pangarap,
dunong, lakas, pag-unlad.
Ang Maynila’y tanging perlas
ng bayan, ngayo’t bukas.

Maynila, O Maynila!
Dalhin mo ang bandila.
Maynila, O Maynila!
At itanghal itong bansa.

Maynila, O Maynila!
Dalhin mo ang bandila.
Maynila, O Maynila!
At itanghal itong bansa.

Maraming salamat po. Pwede na po kayong magsiupo.

Arch. Dunhill E. Villaruel, direktor ng Youth Development and Welfare Bureau. Kgg. Nino M. dela Cruz, konsehal ng Unang Distrito ng Maynila. Sa officers at coordinators ng Youth Development and Welfare Bureau. Sa kapwa ko kabataan ng Maynila, sabi nga ni Jeorna, isang napakagandang umaga po sa inyong lahat.

Natutunan ko lang ito noong Thursday, kausapin po ninyo ang katabi nyo. Sabihin po ninyo, “be a blessing for me”. (Sabay na sasabihin ng mga kalahok sa kanilang katabi ang nasabing kataga.)

Yung nangyayari sa atin ngayon, ang Manila Young Leaders Assembly, isa siyang blessing para sa akin. Hindi lang para sa akin kundi para sa kabataan ng Maynila. Isang biyayang ipinagkaloob ng Panginoon at ginamit niya ang pamahalaang lungsod ng Maynila, at siyempre pa, ang ating pinakamamahal na ama, Kgg. Alfredo S. Lim.

Napakaraming pinagdaaanan bago marating ang event na ito. 2011, ise-share ko lang, nang simulan namin ang Samahan ng Kabataang Maaasahan o SKM. Hindi ganoon kadali para sa akin na isang taong ayaw maglingkod sa gobyerno, na pamunuan ang isang organisasyong maglilingkod para sa gobyerno at para sa mga kabataan. Maraming testigo at naririto ang mga testigo sa kung gaano kahirap na bumuo ng isang pagkakaibigan, at sa kabila ng pagkakaibigan na iyon ay mabubuo ang isang organisasyong magtataguyod sa gusto ng ating mahal na Alkalde Alfredo S. Lim. Maraming nag-away, maraming nagkatampuhan, maraming hindi nagkaunawaan pero akala ko doon matatapos iyon. Akala ko, wala na. Akala ko, hopeless na. Naging active pa rin ako, hindi naman ako huminto doon. Naging personal ang advocacy ko kasi hindi naman nahihinto sa iisang grupo ang pagmamahal mo sa iyong bayan. Pwede mong dalhin sa pansarili mo. Naging active ako sa social media through Facebook. Sinimulan ko ang isang fanpage, ang Manila Youth Interactive na ako lang ang nagpapatakbo just to inform them sa mga impormasyon at mga balitang kailangan nilang malaman. At noong 2012, October, nang kumatok si Bb. Jeorna sa aming tahanan upang magpatulong sa closing G.I.P. Batch 02-2012. Doon ko lang naalala na meron pala akong naiwanang misyon sa buhay. Naging member rin ako ng isang international organization pero masyado akong lumingon sa global perspective na nakakalimuan ko na mayroon pala akong naiwanan sa sarili kong lungsod. Dito na nabuhay ang SKM, pero naisip ko na gusto ko ng mas matatag pang pundasyon para sa organisasyon kong ito. Kaya sa konsultasyon ko kay Konsehal dela Cruz at Arch. Villaruel na ibahin nang konti ang pangalan ng organisasyon at yun ay naging Katipunan ng Kabataang Maaasahan. Blessing-in-disguise na 150th birth anniversary ni Gat. Andres Bonifacio ngayon, so I want to make this year a memorable year for me and for the organization. Maraming nangyari, politically, sa lungsod ng Maynila. Very sad, pero sabi ko, hindi mahihinto sa isang napakasaklap na katapusan ang pagtulong sa Inang Bayan. Pagkatapos ng eleksyon, masakit man ang kalooban ng marami, ay kailangan naming ipagpatuloy ang kung ano ang nasimulan namin.

Sana mapaabot ng dalawa nating gwapong pinuno ang pasasalamat kong muli kay Mayor Alfredo S. Lim. Isang malaking biyayang 15 times ang laki ng ibinalik ng lungsod ng Maynila sa pagod, determinasyon at paghihirap ng mga kabataan ng Maynila upang itayo ang Katipunan ng Kabataang Maaasahan. At napakaswerte talaga ninyo, napakaswerte, na kasama ko kayo sa biyayang ito kaya narito po kayo ngayon sa lalawigan ng Laguna para maging participant ng Manila Young Leaders Assembly. Palakpakin nyo naman po ang mga sarili ninyo. (Nagpalakpakan ang mga kalahok.)

Ang purpose po ng Manila Young Leaders Assembly ay napakasimple lang. Marami sa atin ang nakalingon sa mga pananaw na masyadong malawak o masyadong malayo tulad ko noon na masyadong nakatingin sa perspective ng ibang kultura at perspective ng ibang lahi. Pero maiisip natin na pwede tayong maging huwarang kabataan kung maglo-localize tayo. That means, pwede tayong maging magaling sa sarili nating perspective dito sa sarili nating lupa at iyon ay ang lungsod ng Maynila.

Ang purpose nito, unang-una, imulat ang lokal na pananaw tungo sa sitwasyon na magpapaunlad ng kabataan. Hindi na tayo lalayo, sa Maynila pa lang, maraming delinkwenteng mga kabataan. Sad to say, marami sa kanila ang nalulugmok sa bisyo, nalulugmok sa kawalan ng pormal na edukasyon. Dito pa lang sa puntong ito, ay makakakuha tayo ng ideya kung paano tayo makakatulong bilang mga susunod na lider ng ating bansa at ng ating lungsod.

Pangalawa ay iangat ang kasaysayan para maging basehan upang makakuha tayo ng mga solusyon. Marami sa atin ang umaamin na hindi magaling sa History. Na nagte-tres sa Philippine History and Government at pumapasang-awa sa Heograpiya, Kasaysayan at Sibika. Hindi ba natin naisip na lagi nating sinasabi, “history repeats itself”, pero kung di maganda ang pinanggalingan nating kasaysayan, gugustuhin pa ba nating maulit ito? Sa pamamagitan ng Manila Young Leaders Assembly, gusto naming ipamukha na napakahalaga ng kasaysayan ng Pilipinas, specifically ng kasaysayan ng lungsod ng Maynila. Masyadong malaki at masyadong mahalaga ang kasaysayan ng ating lungsod sa kasaysayan ng ating bansa. Tandaan natin na tayo ang nagdadala ng bandila ng Pilipinas. Tayo ang korona ng Republika. Kaya’t napakahalaga na tayo mismong mga kabataan ay nagpapahalaga sa sarili nating kasaysayan dahil sigurado ako na nandoon ang solusyon. Nandoon ang solusyon sa lahat ng problema, nandoon ang mga pinakamahalagang factors para makaahon tayo sa kahirapan, makaahon tayo sa kung anong meron tayo at patuloy pa rin nating nararamdaman na naroon pa rin tayo sa kasaysayang iyon.

Ang pangatlo, ang hangarin ng Manila Young Leaders Assembly ay matuto ang kabataan sa kapwa kabataan. Usually, nakikinig tayo sa mga lecture ng mas matatanda pa sa atin. Yung mga tipong fetus ka pa lang, sila, nagtatrabaho na sa professional world. Hangarin ng pagpupulong na ito ang matuto tayo sa isa’t isa. Matuto tayo sa kaalaman ng katabi natin, nasa likod natin, nasa harap natin. Tayo mismo ang matututo sa karunungan ng isa’t isa. Gusto ko, dito sa bulwagang ito, ay iikot ang karunungan, at paglabas natin, ang karunungang ito ay lalaki pa nang lalaki at makakaapekto hindi lang sa animnapung kabataang napili. Maaaring sa inyong mga unibersidad, maaaring sa inyong mga komunidad at maaaring mismo sa inyong mga sariling pamilya ay makakaapekto ang kung anumang natutunan nyo sa katabi ninyo, sa kapwa niyo kabataan na minsa’y stranger sa inyo, pero alam ko, pagtapos ng dalawang araw na ito, magiging kaibigan ninyo sila, magiging kasama nyo sila sa pag-unlad, at magiging kapwa lider nyo sila ng inyong mga organisasyon, sa mga komunidad at sa pamantasan.

Sobrang thankful ako sa City Hall sa napakalaking opportunity na ibinigay sa Katipunan ng Kabataang Maaasahan. Hindi naman hangad na maging miyembro kayong lahat ng organisasyon, bagkus, gusto namin na paglabas natin ng assembly na ito, kami ay magiging maliit ngunit mahalagang instrumento upang ipaalala na ang “TUNAY” na kabataan ay tunay na pag-asa ng Lungsod ng Maynila at ng Republika ng Pilipinas. Maraming salamat po.

Pagtatapos. Pag-uumpisa. Pagpapatuloy.

– WAKAS –

Nitong hapon lang ay matagumpay na naisagawa ang isang pagdiriwang ng pasasalamat ng mga kabataan ng lungsod ng Maynila sa mga empleyado ng Youth Development and Welfare Bureau (YDWB) na naging magulang nila’t kapatid nang sila’y naging bahagi ng Government Internship Program (GIP) at Special Program for Employment of Students (SPES). Napagkatiwalaan ang inyong lingkod na pangunahan ang pag-oorganisa sa kaganapang ito kaya kahit nakakapagod ay naging masaya naman ako habang pinaplano ang gawaing ito.

Aaminin ko, hindi madali para sa akin ang gumawa ng programang magtatapos sa isang maligayang kabanata ng buhay ng maraming kabataang tulad ko. Sa loob ng dalawang taon, malaki ang naging impluwensiya sa akin ng pagiging youth leader at government volunteer kung saan nakakilala ako ng napakaraming kaibigan, at sumubok ng napakaraming karanasan. Sa mga panahong ito’y umunlad ang aking kakayahan at kamalayan sa mga isyung nakakaapekto sa mga kabataan, dahilan upang maging ako’y produktibong kasapi ng lipunan. Ngunit dahil sa hindi inaasahang pagkakataon noong eleksyon ay natapos ang makabuluhang sandaling ito para sa akin sa apat na sulok sa loob ng Manila City Hall.

Kung iisipin, hiindi ako makapaniwalang ako ang mamamahala sa palatuntunang ito. Ilang beses na rin akong umiyak at nalungkot dahil dito. At sa palatuntunang ako ang isa sa mga pangunahing humabi, tila opisyal ko na ring tinutuldukan ang aking responsibilidad sa ahensiyang pangkabataan ng lokal na pamahalaan.

– SIMULA –

Isang linggo pagkatapos ang pagkatalo ni Mayor Alfredo Lim laban kay dating Pangulong Joseph Estrada sa pagka-alkalde ng lungsod, napagdesisyunan kong sumama sa leadership camp ng mga kabataan ng ikalawang distrito. Bukod sa kailangan ko na rin ng bakasyon sa labas ng kalungsuran ay gusto ko ring magkaroon ng pagkakataong makapagnilay sa mga kaisipang bumagabag sa aking kaluluwa na dulot ng pagkatalo ng partidong aking kinabibilangan. Hindi ito ang unang pagkakataon na sumali ako sa naturang leadership camp na ginanap sa Pangil, Laguna ngunit may isang lugar akong pinagkaitan kong puntahan. Isang paraisong hindi ko akalaing magbibigay ng kasagutan sa aking di kumportableng puso.

At sa aking pagbabalik sa Ambon-Ambon ay panimula ng isang bagong pahina ng aking buhay — mga bagong kaibigan at pagtawid sa panibagong lugar na ituturing kong tahanan. Sa maiksing panahong ito’y napuno ng halakhakan, kwentuhan at pagtatanto ang dalawang araw na camp kung saan nakagaanan ng loob ang ilan sa mga kabataang may alab ng pagkakaisa at pagbabago para sa kanilang kapwa. Sila ang mga kabataan ng “D2 Organisasyon ay Sikat” (DOS), ang isa sa mga pangunahing youth organization sa District 2 ng Maynila. Sa kanila ako nakakuha ng panibagong inspirasyon at panghikayat na huwag tumitig sa kabiguan ng pagkatalo, bagkus, ay humabi ng simula mula rito.

Nakakabigla man ang mga pangyayari sa mga nagdaang araw, inadya marahil ng Maykapal na lumikha ng dagdag kabanata para sa aking buhay bilang kabataang lider ng lungsod. Tulad sa mga panulat, hindi iisang tuldok lamang ang maaaring tumapos sa isang makabuluhang talata. At kung ihahambing sa sitwasyon, ang pagkatalo ay hindi hudyat ng katapusan, kundi posibleng magbuo ng panimulang tagumpay tulad ng mga bagong kaibigan.

– SUSUNOD –

Sa huling bahagi ng programa’y nagbanggit ng isang kataga ang aming direktor, Arch. Dunhill Villaruel, na tila nagpabigat sa aking pakiramdam, pakiramdam na talagang tapos na nga ang lahat. “Signing off”. Pero sa kalagitnaan ng kabigatang ito ay may pumitik sa aking hinuha. Nakalimutan kong hindi pa talaga tapos ang tunay na dahilan ng palatuntunang ito. Pansamantalang tapos na ang terminong may tapat at malinis na paglilingkod sa lungsod, ngunit kung ibabalik ko ang aking realisasyon habang ako’y nagninilay sa ilalim ng bumabagsak na tubig mula sa talon ng Ambon-Ambon, sa aking puso at sa aking isip, tuloy-tuloy pa ang aming laban.

Tulad ng aking sinabi, posibleng binuklat na ng Diyos ang susunod na libro ng aking kasaysayan at ayokong biguin ang tadhana sa pagkakataong ito. Nariyan ang DOS, ang panibagong mga kabataan at kaibigan, at mga bagong sitwasyon na iikot sa aking mundo. Batid kong may kadahilanan ang mga ito at kung anuman ang mga pangyayaring ito, susi iyon na dapat kong panindigan ang pagbabagong sinimulan ko, dalawang taon na ang nakararaan. Hindi magiging sagabal ang itinuring kong wakas upang hindi magpatuloy sa paglalakbay na ito.

Narito ako, ang inyong manunulat, ang inyong lingkod, na nagsasara ng lumang wakas at mag-uumpisa sa bagong simula, at susunod sa tuloy-tuloy na pangako para sa Panginoon, para sa Inang Bayan at para sa kinabukasan ng kapwa ko kabataan.

Ang manunulat kasama ang mga kasapi ng DOS.

Ang manunulat kasama ang mga kasapi ng DOS.

FAST POST #19: Subliminal Messages

Wala ako sa tamang pag-iisip ngayon para bumuo ng isang article. Medyo masama ang pakiramdam ng inyong lingkod habang tinitipa ang post na ito kaya parang Twitter lang ang labas ng impormasyon galing sa utak ko. Cluttered ang mga ideya na di sapat para makabuo ng mas malaking pangungusap o talata. Ngunit kahit ganoon, hayaan ninyo akong magbahagi ng dalawampung bagay na nasa isip ko sa mga oras na ito.

1. Gusto kong bawasan ang pagkain ko ng kanin… pero lagi namang masarap ang ulam.

2. Kaya nagkasakit ako ngayon dahil (yata) sa pakikinig ko ng Wild Confessions noong October 16. Tawa kasi ako ng tawa nun kaya inubo ako nang malala.

3. Hindi ko trip makipagtext sa lahat. Mas gusto ko lang mag-GM.

4. Maganda ang bagong Christmas station ID ng ABS-CBN. Walang kokontra.

5. Panatag akong mananalo ulit si Barrack Obama sa U.S. elections. Kung hindi man, okay lang. Di naman ikabababa ng pride ko yun.

6. Kampante pa rin ako sa administrasyong Aquino. Mas tumatag ang paniniwala kong gaganda pa ang ekonomiya ng Pilipinas sa kanyang panunungkulan.

7. Nakakairita ang mga Pilipinong nagsasabi na racist daw ang mga Pilipino.

8. Nakakatawa (with sarcasm) ang ilang mga taong nagmamagaling at nagpapanggap na may alam kung paano mamanduhin ng pamahalaan ang Pilipinas. May ginagawa ba sila para makatulong sa gobyerno para sa bansa?

9. Walang pakialam ang ibang tao kung maka-Liberal ako. At wala rin akong pakialam kung maging oportunista sila sa gobyerno ngayon.

10. Ayoko na kay Isko Moreno. Akala nya ikakapanalo nya ang paninira kay Mayor Lim. Sana di na ginagatungan pa ni Erap.

11. Mas bilib pa rin ako sa mga pelikulang gawa ng Pilipino.

12. Masyado raw O.A. ang Pilipino kung mag-react kapag sinisiraan ang bansa natin o ang lahi natin. Kapwa Pilipino pa natin ang nagsasabi nun. Eh ano naman? Kaya nga tayo nagre-react dahil masakit ang katotohanan at di mo masisisi ang mga nasaktan dahil nanggaling na tayo sa panahong inapak-apakan na tayo pero di tayo lumaban.

13. Di ko type si Bella Padilla at Lovi Poe, at lalong di ko type si Marian Rivera

14. Maraming beses na di na ako natutuwa sa tatay ko.

15. Gusto kong mag-aral ng Creative Scriptwriting course sa Asian Academy of Television Arts.

16. Nangangati ang lalamunan ko. Kelan kaya mawawala ito?

17. Gusto kong mag-videoke.

18. Sinusumpa ko ang mga taong tutol na magkaroon ng prosesong pangkapayapaan sa Mindanao.

19. Nakakatuwa! May ANC na kami sa cable.; at

20. Bawal akong umibig ngayon.

Karamihan sa mga sinabi ko ay may sama ng loob. Sana, sa pamamagitan nito ay mabawasan ang bigat sa puso ko.