FAST POST 43: Dapat Ka Bang Makinig sa Advice ng mga Bitter?

Magka-chat kami kagabi ng mga kaibigan ko tungkol sa ex ng isa sa amin. Nagkataong kaibigan ko yung ex, kaya pinili (… o pinilit) kong maging neutral. Pero may isang statement ang isa sa mga kaibigan ko na nakakuha ng atensyon ko. Hindi ito tungkol sa ex ng tropa namin, kundi sa isa sa mga tropa namin na galit pa rin sa ex niyang engaged na. Sabi niya, parang hindi tama na mag-advice siya sa mga ganitong sitwasyon dahil clouded siya ng bitterness sa dati niyang karelasyon. Dahil nga magkakaibigan kami, ang akala nung isa ay nagbibiruan kaya natawa lang siya. Nag-personal message sa akin ang isa kong kaibigan: Kinain na siya ng pagka-bitter niya. Isang malaking like sign ang ni-reply ko.

Ewan ko kung achievement para sa akin na makapag-advice sa napakaraming tao tungkol sa kani-kanilang relasyon. Yung iba ay nauwi sa kasalan at yung iba ay nauwi sa kalasan. Bihira kong gawing ehemplo ang mga naranasan ko dahil hindi naman eksaktong pare-pareho ang istorya ng pag-ibig ng lahat ng tao. Pero may isang bagay akong natutunan sa isang mentor na dala-dala ko hanggang ngayon: huwag na huwag kang magpapayo sa isang taong may problema sa relasyon kung ang iisipin mo ay yung mga masasamang nangyari sa sarili mong mga relasyon.

Lahat tayo ay may karapatang magbigay ng payo sa mga taong humihingi nito. Pero hindi mo dapat gawing basehan ang bitterness mo sa naging relasyon mo para resolbahin ang gusot ng ibang tao. Sabihin na natin na makakatulong ang natutunan mo sa masamang karanasang iyon, pero hindi mo pwedeng itulad ang isang nakilala mo sa iba. Uulitin ko: walang magkakaparehong istorya ng pag-ibig. Hayaan natin ang iba na humubog ng maging susunod na kabanata.

FAST POST #14: Pag-iwas (Avoidance)

BABALA: In-love ako.

Hindi ko sana intensiyon na mag-post ngayong August. Wala kasi talaga akong maisip na pwedeng i-share sa inyo dahil sa dami ng iniisip ko. May mga gusto akong isulat, pero dahil sa kawalan ng oras eh hindi ko siya magawa. Huwag ninyong asahan na ang post na ito ay matino. Wala lang kasi akong malabasan ng inis ko tungkol sa isang bagay na may koneksyon sa puso… oo.. love life (at marami ang makaka-relate siguro. hahaha!)

Naranasan nyo na bang umiwas sa isang tao para hindi tuluyang ma-inlove? Huli ko itong naramdaman, isang taon na ang nakararaan dahil ayokong masira ang pagkakaibigan namin. Masaya akong hindi niya pa rin alam kung sino siya at kung ano ang tunay kong naramdaman ko para sa kanya noong mga panahong hindi ko siya kinausap nang sobrang tagal.

Ngayon, muli ko na namang nararanasan ang bagay na ito – ang umiwas sa isang tao upang hindi siya mahalin. Hindi ko naman talaga siya iiwasan, pero may isang sitwasyong hindi ko sinasadya ang nagbunsod sa akin na dumistansya rito. Alam ko namang hindi talaga pwedeng mahalin siya, pero hindi mo naman mapipigilan ang puso na umibig. Sa pagkakataong ito, pinipili kong hindi na magpakita muna sa kanya, at kung sakaling magkikita kami, eh babalik yung mga panahon na una ko siyang nakita – estranghero at dayo lang sa aking mga mata.

Itinatawa ko na lang itong nangyayari sa akin. 🙂