Ang Sarap at Sakit ng Pag-ibig Ayon sa Silent Sanctuary

2015-category-title-muelle copyaurora-2021-08-post-featured-silent-sanctuary

‘Di ko maintindihan ang nilalaman ng puso tuwing magkahawak ang ating kamay. Pinapanalangin lagi na tayo’y magkasama at hinihiling na bawat oras ay kapiling ka.

Tumingin ka sa aking mata at magtapat ng nadarama. Hindi gustong ika’y nawala dahil handa akong ibigin ka. Kung maging tayo, sa’yo lang ang puso ko.

Baka sakaling marinig ng puso mo ang tinig ko. Maalala mo sana ako dahil noon pa man, sa iyo lang nakalaan ang pag-ibig ko. Bawat sandali na ikaw ay kasama, para bang ‘di na tayo magkikita. Kaya ngayon, aaminin na sa’yo na mahal na mahal kita.

Mula ngayon, hindi ka na mag-iisa, huwag takot mawala. Sasamahan ka hanggang langit at hindi bibitaw sa piling mo.

Magkatabi tayo sa duyan sa ilalim ng buwan. Buhangin sa ating mga paa, ang dagat ay kumakanta. Matagal na ring magkakilala, minahal na kita. Simula pa nung una, unang makita ang iyong mga mata. Sana ay huwag nang matapos ito.

Ngunit…

Sana’y hindi na lang pinilit pa dahil wala rin palang patutunguhan kahit sabihin ko pang mahal kita. Nalulungkot, nayayamot, nagmumukmok. Hindi ko pa yata kaya pang labanan ang damdamin ko.

Hindi ko rin inakalang ikaw ay mag-iiba. Kaysaya ko sa iyong piling pero bibitaw ka rin pala. Hindi ka ba nanghihinayang sa atin? Kailangan na bang tapusin? Sandali lang. Huwag mo muna sabihing ayaw mo na. Hindi ba pwedeng pag-usapan ang lahat ng ito?

Pakiusap…

Ikaw lang ang nais kong makasama. Wala na ‘kong gusto pang balikan. Kahit ako’y papiliin, ikaw ay umasang gusto kong makapiling. Ibibgay ko ang lahat pati na rin ang iyong pangarap. Sasamahan kita kahit saan… kahit saan.

At hihiling sa mga bituin na minsan pa, sana ako’y iyong mahalin. Kahit pa dumilim ang daang tatahakin patungko sa’yo.

Siguro…

Kung ‘di man tayo hanggang dulo, huwag mong kalimutan na nandito lang ako, laging umaalay. Hindi ako lalayo.

Pero…

Darating din sa akin na malilimutan kita. Subukan mang pilitin. Baka nga hindi tayong dalawa.

Mas mabuti na ako’y lumayo. Pasensya ka na.

aurora-11-logo

Ang mga Kulay at Kahulugan ng Pagkakapantay-pantay

2015-category-title-muelle copy2021-headline-feature-fb-bahaghari-pagkakapantay-pantay

Bahaghari – lagi nating ginagamit na simbulo ng “kabaklaan”. Dahil ito siguro sa iba’t ibang kulay na sumasagisag sa pagkakaiba-iba ng pananamit, pagkilos, pakikisalamuha, pakikipagtalik o pagmamahal.

Debate pa rin sa iilan ang pagtingin sa bahaghari bilang representasyon ng mga taong hanggang sa kasalukuyan ay itinuturing na kakaiba. Para bang debate sa kung anong bagay ang dapat ihambing sa nadaramang mga emosyon, sa takbo ng panahon o anumang sitwasyon.

Ngunit hindi batid ng marami, lalo na sa mga galit na galit sa kabaklaan, ay sa bawat pagkondena nila rito ay mas pinapalinaw nila ang pagkabakla ng bahaghari. At sa bawat pambabastos, pangungutya’t pananakit ay lalo lang naninindigan ang marami na walang pwedeng kumatawan sa kabaklaan kung hindi ang bahaghari.

Sa maraming dekada ng ating paglalakbay para sa mas makataong karapatan sa sankabaklaan, hindi na mabilang kung ilang beses lumipad ang bandilang bahaghari sa alapaap ng mga protesta at pagdiriwang. Pero ikaw na laging tangan ang bahaghari sa araw-araw mong buhay, naisip mo bang bigyan ito ng mas malalim na pakahulugan? Ano para sa’yo ang pitong kulay na nagpapakilala sa’yo sa mundo?

Pula: Ang kulay ng pakikibaka

Kapag sinabing ‘pakikibaka’, hindi lamang ito pisikal na paglaban sa prinsipyo, ideolohiya o adbokasiya. Isa itong regular na krisis, lalo na sa pang-araw-araw na pamumuhay ng maraming bakla. Hindi lamang ito kulay ng sumisirit na dugo kundi kulay ng tumitibok na puso. Oo, ang pag-ibig ay isang pakikibaka. Pero hindi rin lahat ng pakikibaka ay karahasan dahil ito ay pagkakataong patunayan ang sarili sa isa, sa iba o sa madla. Sa panahong nariyan pa rin ang talamak na panghuhusga sa sankabaklaan, hindi pa rin nawawala ang katotohanang kailangan nating patunayan ang presensya natin sa lipunan. Masakit, pero kailangan nating tanggapin na kasama pa rin ito sa ating pakikibaka.

Kahel: Ang kulay ng kasiyahan

Ang salitang gay sa Filipino ay nangangahulugang masaya. At tila inadya rin na ang salitang gay sa Filipino ay bakla. Kumbaga sa tagsibol, ang lahat sa paligid natin ay nagiging masaya kapag namumukadkad na ang mga papausbong na prutas at bulaklak na nagbibigay ng ligaya hindi lang sa ating mata kundi sa ating kaluluwa. Ang sankabaklaan ay regalo ng Maykapal na namumukadkad ng napakaraming halakhak, lalo na’t nasa kalagitnaan tayo ng patong-patong na pagdurusa at kalungkutan. Ang kabaklaan ay isang unique na pinagmumulan ng saya sa kahit sino, sa kahit anong oras na kailangan ng kanilang maaliwalas na sibol.

Dilaw: Ang kulay ng liwanag

Kaakibat ng saya ang liwanag. Bawat bakla ay may pinagmulang kadiliman, magkagayunman, hindi ito dahilan upang magningas ng kanilang kinang. Mapanubok ang naging buhay ng marami sa sankabaklaan, pero marami sa kanila ang nagiging talang gabay ng mga nawawalan ng pag-asa. Marami ang naging inspirasyon para magsumikap, magsipag, magpakatino o kaya’y maging inspirasyon din sa iba. Lagi nating nakikita ang kabaklaan bilang isang komedya na nauuwi sa panlalait at panghahamak sa kanila. Ngunit hindi naging bakla ang bakla upang maging katawa-tawa. Ang pagpapasaya ay isang tanging kakayahan na naibibigay ng taong nakakatindig sa lungkot ng buhay. At tulad ng bahaghari, nagsasabog sila ng masasayang liwanag pagkatapos ng napakalakas na ulan.

Luntian: Ang kulay ng hinahon

Masayahin man o kung minsa’y maingay, ang bawat bakla ay may panahon ng hinahon. Tulad ng mga halaman, sila’y tahimik na sumasabay sa ihip ng hangin at naghihintay ng sikat ng araw upang maging biyaya sa iba. Ang sankabaklaan ang ehemplo ng napakatagal na pagtitiis, lalo na’t hindi pa rin ganap ang pagtanggap ng lipunan sa kanila. Palaban man, sila mismo ay kayang manahimik sa pagkakataong dapat manahimik. At oo, marunong silang magdasal. Oo, nakakahanap sila ng kahinahunan sa pamamagitan ng pagdarasal at malakas na pananampalataya sa Panginoon. At sa pamamagitan nito, kahit pa kinamumuhian sila ng iilan ay nananatili ang kanilang postura dahil alam nilang hindi sila ang gumagawa ng mali sa mata ng Diyos at ng lipunan.

Bughaw: Ang kulay ng kalayaan

Kung may isang salitang napakagandang ilarawan ng sankabaklaan, ito ay kalayaan. Hindi lang ito basta “going out of the closet”. Ilang beses na napatunayan ng maraming bakla na ang paglaya ang pinakamalaking hakbang para makamit ang pagtanggap ng lipunan. Nakakalungkot lang na sa iba ay trahedya ang paglaya, pero marami sa atin ang hindi tumitigil na iparamdam sa iba pang nagtatago na kung handa na silang lumaya, mayroong aalalay sa kanila. Ang kalayaan ay basikong karapatan na may kaakibat na responsibilidad. Ang baklang marunong magpahalaga sa kalayaan ay baklang marunong tumanggap ng realidad at baklang marunong lumaban para sa kasiyahan ng lahat.

Indigo: Ang kulay ng pahinga

Bawat takipsilim ay nagdadala ng ginhawa pagkatapos ng magulong araw. Sa buhay ng isang bakla, bawat oras ay tila pagpapatunay ng kanyang lugar sa lipunan. Ngunit sa maraming tao, ang kanilang presensya ay ginhawang may kalakip na seguridad at pag-aaruga. Sila ang mga nagsilbing nanay at tatay na kahit hindi nagluwal ng mga anak ay naging mabubuting magulang para sa mga kabataan. Sila ang mga nagsilbing kapamilya kahit hindi kadugo, mga beshie na handang magtanggol, mga nagmahal sa kabila ng maraming kakulangan at mga makabayan na nagpapanatili ng demokrasya ng ating bayan.

Lila: Ang kulay ng karunungan

Hindi maitatanggi ang ambag ng sankabaklaan sa napakaraming larangan, ngunit hindi tulad ng pagdadamot ng lipunan ng kanilang mga karapatan, hindi sila kailanman nagkubli ng kaalaman, kakayahan at karanasan sa lahat. Hindi naging hadlang ang poot ng ilan sa kabaklaan upang maging puno ng karunungan lalo na para sa mga magmamana ng ating bayan. Sila ang mga institusyon sa mga pamantasan, tagapaghubog ng mga talento, tagapagsaliksik ng mga makabagong bagay, gabay ng buhay at nagtataguyod ng mas makataong Pilipinas. Ang sankabaklaan ay malaking ugat sa sanga-sangang pinagmumulan natin ng karunungan bilang isang bayan, sapat ito hindi lang para sila’y pasalamatan kundi para galangin, kilalanin at parangalan.

Malayo pa ang tagumpay tungo sa tunay na pagtanggap ng lipunan at pagkilala sa kanilang karapatan. Pero tulad ng bahaghari, malayo man at hindi tiyak ang kaloob sa dulo nito, nararapat lang itong simbulo ng pag-asa. Wala mang kasiguraduhan, ang bahaghari at ang sankabaklaan ay mananatiling kulay ng sankatauhan saan man sa daigdig tayo mapadpad.

Happy Pride!

aurora-11-logo

Muntik Na Akong Humintong Magsulat

2015-category-title-tambuli copy2021-headline-feature-fb-aurora-11

Alam mo ba ang pakiramdam ng “nagsawa”?

Masasabi kong kalahati ng buhay ko ay naging masaya dahil sa pagsusulat. Mula sa dyaryo noong kolehiyo hanggang sa magkaroon ng sariling blog site at umabot pa sa kung ano-anong ganap na kinakailangang magpahayag gamit ang mga nagsasalitang daliri at tintang hindi nagtatae. Bihira akong hindi nagsusulat, ngunit sa mga iilang araw ding iyon ay nagsusulat pa rin ako sa utak. Kulang ako kapag hindi ko natitipa ang mga gusto kong sabihin… hanggang tumagal nang tumagal ang pandemya.

Sa parehong panahon noong nakaraang taon ay pursigido pa akong magsulat, lalo na dito sa Aurora Metropolis na sampung taon kong inaalagaan. Napakarami ko pang sasabihin kaya sulat lang ako nang sulat, kahit pa ang iba ay mga rant at mga sentimiyentong hindi ko kayang ibulalas sa mga taong kinaiinisan ko. Basta makapagsulat, sige lang!

Ang masaklap lang: Marami pa akong gustong isulat, pero pumapalag na ang utak at kamay ko na magsulat. Bakit kaya?

Writer’s block lang ba ito? Katamaran? O baka hindi na kasi ito ang priority ko gawa ng pagtanda? O baka dumating na talaga ako sa punto na wala nang gana sa passion na nagbigay-kulay sa buhay ko sa napakahabang panahon?

May mga tagpong mas gusto ko na lang magsulat para sa pera o para sa iba, pero hindi na para sa tunay na dahilan kung bakit ipinanganak si Aurora at patuloy na nabubuhay ngayon.

May nagsabi sa akin na masuwerte ang mga taong tumatanda at nakakapagsulat pa rin ng mga kasaysayan ng sarili nila at ng mundong inikutan nila. Ito ay sa dahilang kapag nalimot nila ang kanilang mga alaala ay may paraan pa para maibalik ito sa kanilang memorya. Noong simulan ko ang Aurora noong June 10, 2010 ay yun na ang gusto kong gawin — maging imbakan ng mga kuwento at opinyon ko sa mga bagay-bagay. Sa pagsusulat man lang ay may bilang ako sa lipunan, kahit katiting lang. Nagulat na lang ako na 10 years na ang Aurora dahil sa kasamaang palad ay hindi pa rin ako ganoon kasipag magsulat para sa “anak” ko.

Ang kagandahan kapag paparating ang mga panahong ganito ay sa kabila ng pagsasawa ay bumabalik ang pag-asa. Naiisip kong kahit nahihirapan akong magsulat ay kailangan ko pa ring sumulat. Muntikan na akong humintong magsulat, pero hindi pala pwede. Sabi nga ni Jessica Zafra na nakalagay sa bio ng Facebook account ko: “If I don’t write every day, I just feel bad.” Kapag kinalimutan kong magsulat, parang kinalimutan ko ring huminga.

Ngayong 11th birthday ng Aurora Metropolis, tulad ng dati, gusto ko pa ring ipangako na patuloy na magsusulat, kahit gaano pa kahirap, katamad at ka-unorganized magsulat. Sa mga pagkakataong nakakalimot na ako, mukhang mas dapat kong maitipa dito ang mga bagay na magpapaalala sa akin sa mga tao sa kamatayan ko o sa magiging kasaysayan ko — kung may susulat man.

aurora-11-logo