#iwearyellow

yellow_logo_OFF copy

#iwearyellow

UNANG-UNA SA LAHAT, inaasahan ko na ang pakiramdam ng isang taong may sinusuportahan sa pulitika, pero hindi ko mawari ang iniisip sa akin ng marami, lalo na ng mga kaibigan ko na meron akong pinapanigan.

Hindi na bago sa pamilya ang magkaroon ng koneksyon sa pulitika. Nagsimula ito noong kalagitnaan ng dekada ’90 nang mapasok ang aking kuya sa Manila City Hall dahil sa paglalaro niya ng basketball. Minsan siyang naging bahagi ng official basketball team ng Lungsod ng Maynila sa isang kumpetisyon sa Vietnam. Dahil sa kanyang kontribusyon sa karangalan ng lungsod ay binarayan naman ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng permanenteng hanapbuhay.

Utang na loob. Maaaring ito ang nakikita ng marami nang magdesisyon siyang suportahan si Mayor Alfredo Lim sa pagkapangulo noong 1998. Gayundin ang naging suporta ng pamilya dahil naabot namin ang anumang tulong na natanggap ng kuya ko mula sa gobyerno. Bagama’t natalo, hindi natigil ang paghangang ito sa alkalde at hanggang sa kasalukuyan ay masasabi kong isa siya sa mga “die-hard supporter” ng butihing mayor.

Utang na loob. Hindi sa ganitong punto ko masasabi ang ginagawa kong hakbang sa buhay ko, ang ituloy ang tapat na pagtangkilik sa muling pagtakbo ni Mayor Lim sa kanyang huling termino bilang punong lungsod ng Maynila. Ang utang na loob ay isang bagay na may kapalit pagkatapos mong gawin ang pabor. Maaaring marami sa mga tagasuporta ng sinumang kandidatong nananalo ang naghahangad ng kabayaran kung sakaling magwagi ang kanilang sinuportahang pulitiko, pero buong puso kong sinasabi na wala akong hinihintay na kapalit sa mga ginagawa ko.

#iwearyellow. Lumabas ang kampanyang ito sa aking gunita nang pinagpaplanuhan kong gumawa ng isang proyektong papakinabangan ng aking itinayong organisasyon. Hindi ko nakita noon na malalagay ako sa sitwasyong magiging bahagi ng pamahalaan na magtataguyod sa kapakanan ng mga kabataan. Pero nandito na ako at tinatanggap ko nang buo ang tinalaga sa akin ng tadhana. Sa tatlong salita nabuo ang konsepto ng kampanyang ito: tiwala, paniniwala, paninindigan.

#iwearyellow. Marami man ang nagsasabing nalalayo ang imahe ng kasalukuyang Maynila, kumpara sa mga kalapit na lungsod sa Metro Manila. Pero dahil kay Mayor Lim, sa tulong ng pagtataguyod ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III sa magandang moral ng gobyerno at ng mga opisyal dito, pilit niyang binubuo ang moral na estado ng lungsod na naghihikayat sa mga Manilenyo na makiisa sa mga proyekto nito na magdadala sa ating lahat, hindi sa iilan, ng magandang resulta.

Nakatutok ang mata ng bansa sa halalang magaganap sa Maynila at hindi mahuhulaan kung sino ang tunay na nananaig sa balota ng mga Manilenyo. Ngunit alam kong matatalino ang mga ito upang makilala kung sino ang nararapat na magpatakbo ng isang Maynilang may mataas na kalidad ng moral na magbubunga nang maganda sa mga mamamayan nito. At ang kampanyang #iwearyellow ang magpapamulat sa lahat, lalong-lalo na sa mga kabataan, na dapat mangialam at makiisa ang ating sektor sa pagbibigay-liwanag sa mga botante. Kung ano ang tama. Kung ano ang dapat. Kung sino ang karapat-dapat sa tiwala ng mga mamamayan ng natatanging lungsod ng Maynila.

Ang Suweldo Ng Simpleng Empleyado Ng Gobyerno…

lim-vs-isko copy

UNA SA LAHAT: Sa ngalan ng aking kalayaan sa malayang pamamahayag ay sinusulat ko ang artikulong ito bilang paglalahad ng aking damdamin sa nangyayari sa aking pinakakamahal na Maynila. May pinapanigan ang sulating ito dahil sa pakiwari ko’y ito ang masakit na katotohanan na nagaganap sa pulitika ng lungsod. Anumang komentong ilalathala ng sinuman ay buong tatanggapin at gagalangin ng may-akda. Maraming salamat po.

 

Humihingi ako ng paumanhin sa mga masusugid na sumusubaybay sa Aurora Metropolis dahil sa napakamadalang kong pagpo-post ng entries sa blog na ito. Nitong mga nakaraang buwan ay tinutukan ang aking isa pang karera – ang pagiging lider ng mga kabataan sa ilalim ng pamahalaang lungsod ng Maynila. Nakakapagod man ay napakasaya kong gabayan ang mga kabataan, partikular sa Tundo na unang distrito ng lungsod, sa iba’t ibang gawaing maaaring magpaunlad ng kanilang buhay sa hinaharap. Hindi madaling trabaho na maging kuya ka sa mga binata’t dalagang walang malinaw na direksyon sa buhay kaya’t nakagagaan sa loob na makita mong sa simpleng mga salita’y nabibigyang-linaw mo ang kanilang prinsipyo para sa kinabukasan.

Nagsisilbi akong youth leader at office volunteer para sa Manila Youth Development and Welfare Bureau. Bagama’t hindi regular na hanapbuhay, itinuturing ko itong utang na loob sa gobyerno ng lungsod dahil naging susi ang mga programa ng opisina para malaman kong may magagawa ako sa mga kapwa ko kabataan. Buong puso akong tinatanggap ng mga bumubuo ng tanggapan sapagkat sa maliit kong pamamaraan ay natutulungan ko sila, wala man silang naibibigay sa aking permanenteng sweldo. Sa ngayon, dahil pinapairal ko pa ang aking prinsipyo na magkusa para sa ikauunlad ng aking kapwa at para maging produktibo sa bansa, ay hindi bumubulaga sa aking utak na nararapat ay may kapalit na salapi ang aking serbisyo.

Sweldo. Sa pamahalaan, pambansa man o lokal, isang isyung hindi maalis-alis ay ang sinasabing napakaliit na sahod ng mga empleyado. Minsan, kung hindi dahil sa maliit, nagiging alburuto ng mga manggagawa ng pamahalaan ang delay ng perang kanilang pinagpaguran. Karamihan sa kanila’y may mga pamilya o may pinaglalaanan kaya’t hindi mo sila masisisi na ireklamo nila ang mga bagay na ito. Lalo pang umigting ang bugso ng damdamin ng mga taong gobyerno nang pumutok ang balitang namimigay ng milyun-milyon ang pinuno ng Mataas na Kapulungan na si Senate President Juan Ponce Enrile nang basta-basta sa mga kapwa niya senador bilang “regalo”. Ligal man itong gawin, bilang simpleng mamamayan, ay nakakapanghinayang na isipin na kung ang perang itinuturing nilang “regalo” ay pinantutulong na lang sa mga nangangailangan na tulad ng mga empleyado ng gobyerno, pihadong mas gagaan ang kanilang pasanin at magkakaroon ng motivation ang mga ito na mas pagbutihin ang paglilingkod sa bayan.

Sweldo. Hindi lingid sa kaalaman ng marami ang isyung diumano’y hindi napapasweldo nang tama ng Manila City Hall ang mga empleyado nito, lalo na ang casual at non-regular employees. Sa kasalukuyan ay may mga kilala akong nararanasan ang ganitong problema na nagiging dahilan upang bumaba ang moral nila para pumasok sa trabaho.

Maaaring mali ako, pero sa ilang taong pagkakakilala ko sa takbo ng Maharnilad (dahil matagal na ring naghahanap-buhay dito ang aking kapatid at asawa nito), sinisisi ko ang mga pantal sa pinipilit na ayusing pulitika sa lungsod. May mga nagsasabing dapat sisihin si Alkalde Alfredo Lim sa pangyayaring ito, pero siya nga ba talaga ang may kasalanan? Sa akin, HINDI.

Ilang termino nang naglilingkod si Lim sa Maynila at sa kanyang pamamalakad bilang ama ng kabisera ng Pilipinas, hindi nito napabayaan ang anumang sistema sa lokal na pamahalaan. Bagkus, pinipilit niyang pairalin ang political will para maging balanse ang takbo nito. Maaaring mali akong muli, pero sa aking hinuha’t pagkakaalam, sa patuloy na pagbalanse ng alkalde sa Maynila’y marami siyang nababangga. Sino? Ang mismong legislative body ng lungsod, ang City Council na karamiha’y kaalyado ng kanyang dating kasanggang si Bise Alkalde Francisco Domagoso, mas kilala bilang si Isko Moreno, ang tinuturing na malaking makinaryang tumutuligsa sa pamamalakad ng Alkalde. Silang may kakayahan upang pigilan ang anumang panukalang magpapausad sa gobyerno ng Maynila. Ang mga ito’y kapanalig ni Moreno, na hindi lingid sa marami, ay tinuring nang anak ni Lim na hinahanda niya sanang pamanahan ng Maynila gamit ang mas nararapat na paraan ng pamamahala. Sa kasamaang palad, ito ay tumiwalag kay Lim at kumampi sa isang dating Alkalde ng dati’y bayan ng San Juan, dating senador, dating bise presidente, at ika-13 pangulo ng Republika ng Pilipinas na si Joseph Estrada na kagulat-gulat na tatakbo bilang mayor ng lungsod. Hindi rin kaila ang maagang paninira nito sa alkaldeng nagsilbing tatay niya sa pamamahay na pinagtulungan nilang itaguyod na sa huli’y siya rin ang pipilit na bubuwag.

Maaaring mali ako, pero bilang mamamayang may pakialam sa sistema ng lungsod at kabataang nagnanais ng katiwa-tiwalang pamumuno para sa Maynila, masakit mang isipin na isang marumi’t nananadyang pulitika ang kumikitil sa karapatan ng simpleng empleyado ng lungsod na matanggap ang kanyang sweldo sa tamang oras. May mga tao sa City Hall na dapat ay naglilingkod nang tama ay tila nandadamay sa pag-ipit ng kapwa para lang masira ang imahe ng isang taong kilala nang nagsisilbi nang tapat sa Maynila. Kung ang sistemang iniatang sa makinarya para maging agresibo sa pagkuha ng trono ng lungsod ay paninira’t panggigipit, bahala nang ang mga iniipit ninyo ang humusga sa inyo dahil dama ko at dama ng marami ang tunay ninyong intensyon. Matuto tayong lumaban nang patas dahil ito ang tunay na pakahulugan ng malinis na pamumulitika.

Sweldo. Wala akong maisip na solusyon sa mga kaibigan ko sa Manila City Hall na nakararanas ng pagka-delay sa sahod at sa libo-libong simpleng empleyado ng gobyerno saan man sa Pilipinas na may parehong problema. Ako, bilang kabataang naglilingkod para sa kapwa ko kabataang may tinatanaw ring magandang bukas para sa ating bayan, nawa’y maging aral sa atin ang senaryong ito. Walang katumbas na halaga ng pera ang tunay na paglilingkod sa bansa, pero bilang mga lingkod sa pamahalaan sa hinaharap, ang bawat sentimong ating pinagtatrabahuhan ay malaking bagay na hindi pinagkakait ng mga lider na totoong nagsisilbi nang tama.