DAAN-DAANG TAO SA AKING PANINGIN SA LOOB NG LIMANG MINUTO: Isang Paggunita Sa Pagdiriwang ng Araw Ng Kalayaan

Nakaharap ako sa isang malawak na salamin. Nasa ibabaw ko ang nagliliwanag na luntiang logo ng isang sikat na American coffee shop, tila nakangiti sa mga taong lumalabas at pumapasok sa isang mall sa Maynila na pagmamay-ari ng isang mayamang Intsik, tila inaanyayahang pumasok sa kanilang tindahan. Matapos ang napakalakas na buhos ng ulan noong isang araw na nagresulta sa pagsuspinde ng elementary at high school classes sa Kamaynilaan kahapon, di magkamayaw ang marami sa paglalakad sa kung saan-saan nila gusto. Daan-daang taong dumadaan sa aking paningin sa loob ng limang minuto. Bata, matanda, medyo bata, medyo matanda, estudyante, negosyante, nagsa-shopping o mga simpleng naglilibot para magliwaliw at magpalamig.

Sa mata ng marami, ang paglalakad ay isa sa mga pinakasimpleng paraan ng pagpapakita ng kalayaan. Ang mga paa’t binti na kung saan-saang panig dumadako upang mapuntahan ang nais kalagyan.

Kalayaan. Malayung-malayo sa eksenang nasaksihan ng kasaysayan, isang daan at labing-tatlong taon na nakalilipas. Nakita kaya o nahulaan man lang nina Rizal, Bonifacio, Aguinaldo at ng mga bayaning rebeldeng nagtulak sa kampanya ng paglaya ng bansa ang kasalukuyang imahe ng malayang Pilipinas? Palagay ko – hindi.

Ang paglaya ay may positibo’t negatibong implikasyon. Kung malaya man tayo’ng tuluyan, may ilan naman sa atin ang nakakulong sa masasamang bisyo at mga maling paniniwala’t pamumuhay. Lumaya nga tayo sa mga sinasabi nilang ‘mapang-api’, pero tayo naman ang kasalukuyang nang-aapi sa ating sariling kultura’t pagkakakilanlan. Ang kalayaan naman pagdating sa komersyalismo at globalisasyon ay hindi naman masama. Nagmumukha lang itong sobrang masama dahil tayo mismo ang nagpapakita na MAS TANGGAP at MAS GRANDIYOSO para sa paningin natin ang kultura ng mga dayuhan kaysa ating sariling kultura. Ang kalayaan din ang nagbukas ng pintuan ng mundo sa ating mga isla, pero hindi ibig sabihin niyon ay iwanan natin ang Pilipinas upang magpatali sa nationality ng ibang lahi.

Kapag naiisip ko ang mga dayuhang pilit na nagsasalita ng Tagalog o anumang dayalekto ng ating bansa, at ito’y buong ipinagmamalaki pa nilang pinangangalandakan sa Youtube; o mga dayuhang malaki ang papuri sa ganda ng Pilipinas hindi lang dahil nakapangasawa sila ng Pilipino, dumadapo sa akin ang YABANG. Naiinggit ang ibang dayuhan sa klase ng kalayaang di nila nakita sa mas malayang Estados Unidos. Naiinggit sila sa ating kalayaan sa pamamayahag, na bagaman nasisikil, ay patuloy na namamayagpag ang katotohanan sa tamang lugar o sitwasyon. Naiinggit sila sa napakarami pang katangian ng ating kalayaang tinatamasa – isang bagay na dapat pala’y wala tayong karapatang ipagyabang dahil inaabuso natin ito.

Nagdiriwang tayo ng Araw ng Kalayaan tuwing ika-12 ng Hunyo taon-taon. Pero may mga pagkakataong naitatanong ko sa aking gunita kung dapat pa ba tayong magsagawa ng mga aktibidad para gunitain ang petsang ito. Oo siguro, upang manatiling sariwa sa atin at sa susunod pang henerasyon ang natatanging araw na iyon, kung kailan pormal na idineklara sa Kawit ang pormal na pagkalas ng mga kayumanggi sa pamamahala ng mga mestizo. Maaaring ang sagot ko ay… huwag na! Bakit? Dahil para lang tayong nagpapakitang-tao na kunwari’y mahal natin ang minimithi nating kasarinlan, na ang totoo’y pagmamahal na pang-isang araw lang.

Ito ay isang pagtatantong gusto kong iparating sa mga makakabasa nito. Ang Hunyo 12 ay isang petsang hindi lang ginugunita sa araw lang na iyon. Kung ikaw man ay nakakalakad nang walang nakakapigil o walang matinding nagmamasid, lagi mo sanang isipin na araw-araw ay Hunyo 12 – ang petsang dapat pahalagahan, pangalagaan at protektahan ARAW-ARAW.

SIYANGA PALA, kung hindi man ako, sana’y may isang Pilipinong makagawa ng kantang kasing-moderno ng “Fireworks” o “Born This Way” na sumasalamin sa tunay na pagpapahalaga at paggamit sa kalayaan. Kung maka-compose man ako o makabuo talaga ng isang awitin sa hinaharap ay malugod ko itong ibabahagi sa inyo. 🙂

Sa lahat ng mga Pilipino sa Pilipinas at sa buong mundo, at para na rin sa mga dayuhang nagdedeklara ng kanilang mga sarili na sila’y Pinoy, Maligayang Araw Ng Kalayaan po sa ating lahat! Mabuhay ang unang Republika ng Asya. Mabuhay ang lahing kayumanggi. MABUHAY ANG PILIPINAS!

.

.

June 09, 2011.11:57pm