FAST POST #16: B-BER > Believe in Bolder and Exciting Realizations

PAALALA: Hindi ko po pino-promote si Justin Bieber sa title nito. Hindi niya po ako fan (kahit minsan sa buhay ko ay kumanta ako ng Baby at Eenie Meenie)

Kung naging blanko ako nitong Agosto, ngayon naman ay mananaig ang aking paniniwala na may magandang pangako para sa akin ang “ber” months.

Dito sa Pilipinas ay nagsisimula nang magbilang ang marami ng araw bago mag-Pasko. Hindi mo naman masasabing nagmamadali pero ang tingin ng mga tao sa “ber” months ay huling bugso ng paghahanda sa paggastos, paghahanap ng pagmamahal para hindi SMP o kaya maging maligalig na darating si Santa at tutuparin ang kanilang kahilingan.

Ako? Nagdaan na ako sa mga paniniwalang iyon ng aking buhay. Hindi ko sinasabing hindi na ako dadaan pa roon, pero mas maganda kung magiging iba ang pagharap ko sa “ber” months.

25 years old na ako sa Marso pero hindi ko pa rin matanto ang pagtanggap sa realidad ng daigdig. Dumaan na ako sa mga puntong ikondena ang ginagalawan kong mundo dahil wala namang tamang nangyayari rito. Pero naisip kong mali ako dahil hindi naman ito makakatulong na madagdagan ang tunay na kaligayahan sa buhay.

Ang pagtingin sa realidad ay isa sa mga bagay na napakahirap gawin. Dahil ba sa sobrang pangit ng katotohanan kaya ayaw natin makita? Siguro. Pwede. Pero kung naroon tayo sa sitwasyong makikita natin ang katotohanan bilang inspirasyon, lakas ng loob, at katibayan na tatagan ang ating pananampalataya, maaaring ito pa ang magbigay sa atin ng katiting na pag-asa at kahit papaano’y magdala sa atin ng walang kaplastikang kasayahan.

Uulitin ko po: Hindi po ako fan ni Justin Bieber kahit may mga pagkakataong na-LSS ako sa That Should Be Me at You Smile, I Smile

B-BER, Believe in Bolder and Exciting Realizations. Paniniwala sa mas lantad at kapana-panabik na katotohanan/realidad. Ganito ko gustong kaharapin ang natitirang mga buwan ng taong 2012 – ang mga “ber” month. Aaminin kong nabuhay ako sa pantasya, pangarap at panaginip sa mga taon ng aking buhay. Walang masama rito. Pero sa mga nalalabing panahon bago ako tumuntong sa edad na 25, dapat ko na sigurong tanggapin nang buong puso ang katotohanan ng buhay, hindi lang ng sa akin kundi ng aking mga taong nakakasalamuha at ang mundong aking kinalalagakan.

Ang pananalig sa realidad na may positibong pag-iisip at ngiti sa mga labi ang nagbibigay sa atin ng lakas at karunungan upang suungin ang buhay. Binigay sa atin ng Diyos sa pananampalataya sa Kanya, sa Kanyang mga salita at Kanyang mga gawa upang iparamdam sa atin na sa kabila ng kapangitan ng realidad, nariyan ang mga ito upang ibigay sa atin ang pagtingin nang tama at may timbang sa realidad kung saan tayo nabubuhay. Kapana-panabik itong pagsubok ng Panginoon sa atin, hindi lang natin natatanto nang lubusan.

Ngayon, sa unang araw ng Setyembre 2012 ay tatanaw ako hanggang sa December 31, 2012 kay Bieber, este sa ano pala… (hehe! patawa kalbo) sa pagharap sa realidad ng buhay nang may pananabik at pagtitiwalang sa basura ay may gintong makukuha; na sa pangit ay may gandang masisilayan; sa kawalan ay may liwanag na matatanaw; at sa kalungkutan ay may kasiyahang mararamdaman.

Inspirational Message Para Sa Mga Manunulat Ng Aking Pamantasang Mahal

Ito ay isang mensaheng ipinahatid para sa Publication Staff 2012-2013 ng Ang Pamantasan, ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) nang ganapin ang kanilang team building activity noong July 29 sa Cavite.

***

Ang Pamantasan (AP)

Magandang araw sa ating lahat. Unang-una, nais kong humingi ng paumanhin sa hindi ko pagdalo ngayon dahil sa ilang mga naiwang gawain dito sa Maynila. Maaaring sa mga darating na araw ay makikita ko kayo’t makakausap nang personal tungkol sa maraming bagay.

Binabati ko kayong mga nakapasa bilang mga bagong mamamahayag at manunulat ng Ang Pamantasan. Hindi sa naglalagay ako ng pangamba sa inyong mga puso, pero ang pagiging kasapi ng isa sa mga pinakaaktibong organisasyon sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ay hindi isang medalyang dapat ipagyabang sa lahat. Ang AP ay isang pagsubok para sa isang estudyanteng ang hangarin ay ihatid sa kanyang kapwa estudyante ang nangyayari sa kanilang paligid at kung ano ang kanilang magagawa para sa kapakanan ng unibersidad.

Ang pagiging bahagi ng AP, bilang mata, tenga, ilong, dila, balat at puso ng lahat ng mag-aaral, ay isang pagkakataon upang ibahagi ang iyong dedikasyon, hindi lang para sa mga kapwa estudyante o para sa mga tao sa loob ng Pamantasan. Bilang iskolar ng Maynila, kayo ay naglilingkod sa mamamayan tulad ng isang tunay na journalist. Tangan ninyo ang panulat na makakapagpabago o makakapagpatatag sa pananaw, paniniwala, pag-iisip at panlasa ng mga kabataang sa kasalukuyan ay walang pakialam sa mga nangyayari sa kanyang kapaligiran. Ang AP ay binuo hindi lang para ihayag ang saloobin ng PLMayer sa mga hinaing at opinyon sa institusyon, kundi para maging salamin ng isang PLMayer sa mga bagay na dapat nyang gawin bilang produktibong parte ng Pamantasan at ng bayan.

Gayundin, ang AP ay isang organisasyong ang hangarin ay magkaroon ng iisang puso, hindi lang bumuo ng pagkakaibigan kundi magkaroon ng iisang puso para paglingkuran ang Pamantasan. Ang organisasyon ay hindi tatakbo dahil lang sa galaw ng isang tao. Ang AP ay isang pangunahing organisasyon na nagpapakita ng tunay na pagkakaisa at disiplina sa tinatamasang kalayaan. Ang responsableng panulat ay kailangan upang maging kapaki-pakinabang ang salita ng bawat isa. Kasama nito ang pagtuturingan ninyo bilang magkakapamilya at magkakapatid na magtutulungan at magdadamayan sa bawat gawain.

Umaasa sa inyo ang mga mag-aaral. Kayo ang magiging tagapagpatupad ng hiling ng marami na marinig ang boses ng kabataan at mag-aaral sa administrasyon ng unibersidad o sa tagapamuno ng ating pamahalaan. Maging responsable, maging mapanuri, maging isang tunay na modelo ng disiplina at ng katotohanan.

Sa walong taon kong konektado sa AP ay nasaksihan ko ang mga pagbabago. Naririto kaming mga kuya’t ate ninyo upang bigyan kayo ng mga payong maaaring makatulong sa pamamahala ninyo ng AP. Hindi kami mangingialam sa kung paano ninyo pamamahalaan ang AP, bagkus, pipilitin namin maging tagapangaral ng aming mga karanasan bilang mga batang mamamahayag na minsang nagalak, naiyak, nakipaglaban, nakiisa at nakipagtawanan sa mga nangyayari sa loob ng ating eskuwelahan. Ito lang ang aming magiging parte, dagdag pa ang aming panalangin na bigyan kayo ng Diyos ng karunungan upang magampanan ninyo ang tungkulin sa Pamantasan at sa bayan.

Sa ika-33 taon ng paglathala, nawa’y maging instrumento kayo ng katotohanan, kagalingan, pagkamalikhain at karangalan sa loob ng Pamantasan. Uulitin ko, ang AP ay hindi isang medalyang iyong ipagmamalaki sa lahat. Ang AP ay isang pagkakataon upang ipakita sa lahat na ikaw, bilang estudyante at kabataan ng Maynila, ay may magagawa para sa Diyos, para sa bayan at para sa kinabukasan.

Sa ngalan ng daan-daang patnugot at manunulat sa nakalipas na 33 taon, tinatanggap namin kayo nang buong puso, ang Editorial Board at ang lahat ng mga bagong manunulat, sa institusyong aming patuloy na minamahal at ikinararangal, ang tunay na tagapagbantay ng katotohanan at demokrasya para sa PLM, para sa Maynila, para sa Pilipinas.

Para sa malayang pamamahayag, MABUHAY KAYO , ANG PAMANTASAN PUBLICATION STAFF 2012-2013.

closet queen / baklang maton

Ginawa ko ang tulang ito para sa mga patuloy pa ring nagtatago sa kanilang totoong nararamdaman sa buhay Enjoy!

closet queen / baklang maton


pusong natigang

sa paglilihim,

pagkakalakeng

pangangatawan

ang pinangtaklob

sa inaanyong

kababaihan.

ang paglipad sa

tunay kong nais

ay kalayaang

ipaglalaban,

datapwa’t hadlang

ang mapanghusga’t

mapagkunwari.

tangging ilantad

ang kinikimkim

ay hindi tangka,

walang magawa

kundi itago,

nagsusumigaw

kong pulang kapa.

.

.

July 18, 2010 / 12:24am

Intramuros, Manila

LemOrven