FAST POST 51: Kailan Ka Handa?

Naging topic sa isang online advent recollection ang tungkol sa pagdating ng ating Panginoon. Walang nakakaalam, ika ng pari, kaya dapat tayong maging handa sa Kanyang pagbabalik sa lupa. Nagtanong siya sa lahat na kung ngayon Siya tutungong muli sa ating daigdig, tayo ba ay handa sa Kanya? Kasunod noon ay ang tanong na noon pa ako may sagot — tayo ba ay handa sa kamatayan?

Ako? Noon pa. 25 years old. Yun ang taning ko sa sarili ko. Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko ay tapos na ang misyon ko. Sa katunayan, naghanda na ako ng parang last will na nilagay ko dito sa blog, tatlong taon bago ako mag-beinte singko. Ang sinulat kong “Sa Aking Pagyao” ay mga habilin sa aking pamilya kung sakaling malapit na akong mawala sa mundo. May iilang kaibigan na nakaalam nito, at kung sakali ngang nandoon na tayo sa punto ng pamamayapa, ay sila na ang maghahain nito sa kanila.

Pero lumipas ang panahon. Buhay pa ako. After ng 25th birthday ko noong 2013, mas marami pang nangyari na hindi ko inakala. Ang isa rito ay yung mas napalapit pa ako sa aking Maylikha.

Alam kong handa na ako kahit anong oras, at lalo kong napatunayan na dapat talaga nating ihanda ang sarili natin sa pagdating Niya. Para sa akin, hindi tayo ang may hawak ng ating tadhana. Mananatili tayo kung kailan tayo kailangan ng ating daigdig.

Sa mga susunod na araw ay susulat ako ng updated version ng aking 2010 last will. Mas maraming nagbago at mas maraming dapat pag-iwanan ng habilin. Sana lahat tayo ay handa, sa kamatayan man o sa pagbabalik ng ating Panginoon. Mahalaga ito lalo’t sa mga panahong sinusubok tayo ng panahon, ang kinakapitan lang natin ay Siya at ang pag-asa.

FAST POST #29: Wake Me Up When September Ends

Matatapos ang buwan ng Setyembre na may dinaramdam ang aking katawan.

Habang tinitipa ang artikulong ito ay ikalawang araw na akong may sakit. Akala ko noong una ay normal na pangangalay lang ng aking kaliwang binti ang problema. Hindi ko nagawang makapunta sa isang ispesyal na pagdiriwang dahil dito at sobra ko itong ikinalungkot. Dumating ang gabi at dito ko naramdamang mainit na ang katawan ko. Nilalagnat na ako, sabi ko sa aking sarili. Pinilit kong hindi magpahalatang ganoon na kainit ang pakiramdam ko dahil ayoko ring mag-alala ang mga tao sa aming tahanan. Ayoko na ring maging karagdagan sa alalahanin nila.

Sa kalaliman ng gabi ay dumating sa aking pag-iisip ang napakaraming bagay. Paano na ang mga inaasikaso kong aktibidad para sa mga kabataan? Paano na ang mga bagay na gusto ko pang gawin sa hinaharap? Paano ko na maitatama ang mga nagawa kong mali? Napakaraming tanong ang dumating sa aking utak, pero ang hindi ko inaasahan ay ang tuldok ng lahat ng ito. Natatakot akong mamatay, at kung mangyayari man ito ay dapat na akong maghanda.

Kanina, gumising akong ang tumutugtog sa radyo ay “What A Wonderful World” ni Stevie Wonder. Nakatatak pa rin sa aking isipan ang kamatayan kaya’t bago bumangon ay nagsimula ako sa panalangin. Buhay pa ako at sobra ko itong ipinagpapasalamat sa Panginoon. Magkagayunman, sa unang pagtayo ko sa araw na ito ay nanatili pa rin sa aking pag-iisip ang mga dapat kong gawin. Pabilis nang pabilis ang oras kaya’t hindi talaga tamang dumating ang sakit na ito. Lumala ang aking lagnat, ngunit hindi pwedeng maapektuhan nito ang mga kinakailangan sa mga susunod na araw. Sa gitna ng pagkabahalang ito ay pumitik sa akin ang isang bagay na nakalimutan kong mapagtanto.

Ang pagkakaroon ko ng sakit ay tila ba isang panggising sa akin ng Diyos. Hindi ko alam kung para saan, para kanino o para sa anong sitwasyon, pero itinuring ko itong paalala na kailangan kong mahalin ang aking sarili, lalo na ang aking kalusugan. Bukod pa roon, mukhang marami rin akong nakakalimutan dahil sa sobrang pagkaabala sa mga bagay-bagay na hindi ko mailarawan gamit ang mga salita. Sa huli, habang patuloy na lumalaban sa aking nararamdaman hanggang sa mga oras na ito, dito pumasok sa akin na ang kamatayan ay bahagi ng paghahanda ng tao sa ating pagbabalik sa Kanya. Kaya habang tayo’y nabubuhay pa ay gawin natin ang lahat, lalo na sa ikabubuti ng ating mga sarili. Sa pagtatapos ng ating buhay, lahat tayo ay babalik sa Kanya at ikararangal na ang pinahiram Niyang katawan sa atin ay napangalagaan natin ayon sa kung paano tayo nabuhay sa mundong nilikha ng Langit para sa minamahal Niyang mga nilalang.

At tulad nga ng pamagat ng isang banyagang awitin, ginising ako ng Panginoon sa pagsasara ng buwan ng Setyembre. Bahala na Siya sa akin, at kung ipag-aadya man ng karugtong na buhay, ay kailangan ko nang bumangon sa Kanyang panggigising.

FAST POST #22: Babang Luksa

Nang subukan kong balikan ang isang artikulo noong isang taon ay hindi ko mapigilang lumuha. Tila bumalik ang pakiramdam ng pangungulila sa pagkawala ng isang kapatid, isang kapamilya at isang kaibigan.

Isang taon na ang nakalilipas nang pumanaw si Bunny, ang aming kuneho. Hindi ko naman matatanggi na nasa puso ko pa rin ang kalungkutan, na sa tuwing makakakita ako ng kuneho ay siyang lagi ang tangi kong naaalala.

Tulad ng isang namatayan, sa paggunita ng unang anibersaryo ng kanyang kamatayan, ay kinakailangan ko nang mag-babang luksa. Marahil ay ito na ang panahon upang tanggapin nang buo ang kanyang kamatayan.

Mananatili siyang buhay sa aking alaala. Lagi mo kaming bantayan, Bunny.