Kabayaran ng Kalayaan

2015-category-title-tambuli copy2019-headline-feature-kalayaan

Naniniwala ba kayong may katumbas na halaga ang kalayaan ng ating bansa?

Hindi lingid sa ating kasaysayan na binenta tayo ng mga Kastila sa Amerika sa halagang 20 milyong dolyares sa pamamagitan ng Treaty of Paris noong December 10, 1898. Kahit pa idineklara ni Emilio Aguinaldo ang kalayaan sa Kawit anim na buwan bago ang Kasunduan, karamihan pa rin sa mga bahagi ng bansa ang nakapailalim sa Hari ng Espanya at nakompromiso ang Pilipinas pabor sa mga Amerikano para lang matigil ang Spanish-American War.

Ilang dekada ang lumipas, ipinaubaya ng pamahalaang sibil ng Estados Unidos ang kasarinlan sa Pilipinas pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong July 4, 1946. Maaaring nakalaya tayo sa mga dayuhang mananakop pagdating sa pagpapatakbo ng pamahalaan, pero malinaw na nagkaroon pa rin ng kompromiso pagdating sa komersyo, militarisasyon at relasyong diplomatiko.

Muntik nang maging kompromiso ang buhay ng milyon-milyong tao sa EDSA para maipagtanggol ang demokrasya mula sa militar na hawak pa rin noon ng diktador na si Ferdinand Marcos. Sa kabutihan ng tadhana, hindi na kailangang dumaan sa dahas ang rebolusyon at nagkusang umalis ang pamilyang Marcos. February 25, 1986 nang muling lumaya ang ating bansa mula sa diktadura.

Pera, impluwensya, buhay. Anuman ang naging kabayaran ng ating tinatamasang kalayaan ngayon, isipin natin na may responsibilidad tayo bilang mga malayang mamamayan na pahalagahan at pangalagaan ito. Maraming nakompromiso para lang malaya tayong gumalaw, makapagsalita at mamili para sa sarili natin, para sa pamilya natin at para sa bayan natin.

Ngayong ika-121 anibersaryo ng ating kalayaan, paalala sa atin na huwag sasayangin ang pribilehiyo ng kalayaan. Huwag nating hayaang pasindak sa takot, karahasan at panlilinlang para isuko ang ating kalayaan. Gamitin ang kalayaan sa makabayang paraan, pero huwag sosobra para lang masikil ang kalayaan ng iba.

Mabuhay ang kalayaan. Mabuhay ang Republika ng Pilipinas!

#Kalayaan2019

 

 

cropped-article-stoper.png

November 8, 2016: Ang Petsang Hindi Makakalimutan

2015-category-title-tambuli copy2016-post-featured-image-marcos-not-a-hero

Taong 2005 noong una akong bigyan ng pambihirang pagkakataon para makapagsulat para sa nakararami. Bilang Mass Communication student, ang pribilehiyong maging parte ng isang outlet na tulad ng student publication ay magkahalong kapangyarihan at responsibilidad. Ang mga panahong iyon ay mapanghamon para sa malayang pamamahayag sa loob ng aking pamantasan kaya hindi mo basta-basta masasabi ang mga bagay na gusto mo o ayaw mo. Sa dalawang taon ng pagiging miyembro ng school paper, masasabi kong nagamit ko ang mga ipinagkatiwalang espasyo sa akin para mabigyan ng kaalaman at maging boses ng mga estudyanteng takot na marinig ang hinaing sa noo’y makapangyarihang mga tao sa pamunuan ng unibersidad.

Tunay na karangalan para sa akin na maging mumunting lingkod ng demokrasya mula pa noong campus journalist pa ako at kahit hanggang ngayon na nakakapagsulat ako sa pamamagitan ng online social media. Ipinagpapasalamat ko ang pribilehiyong ito sa mga nag-alay ng buhay para maiparating ang kani-kanilang ideolohiya at adbokasiya upang maibalik ang demokrasya sa lipunan, lalo na sa libo-libong pwersahang kinitil ang buhay, nawalang katawan (literal na hindi pa nahahanap hanggang sa kasalukuyan) at binusalang bibig para kontrolin ang malayang pamamahayag noong panahon ng Martial Law, ang pinakamadilim na yugto ng ating kasaysayan na naganap sa sapilitang ikatlong termino ng dating pangulong Ferdinand Marcos. Kaya naging masakit para sa akin ang naging hatol ng nakararaming mahistrado ng Korte Suprema na ihimlay na sa wakas ang namayapang diktador sa Libingan ng mga Bayani noong ika-8 ng Nobyembre 2016.

sc-decision-marcos-burial-abscbnnews

Sila ang ilan sa mga dahilan kung bakit hindi malilimutan ang November 8, 2016 (ABS-CBN News)

Tanghali noon nang marinig ko ang balita ng pag-sang-ayon ng siyam na hukom ng Supreme Court sa Marcos burial. Sinubukan kong iwasan ang lahat ng balitang sumusulpot sa Facebook news feed ko pero tila ayaw ng tadhanang itago sa akin ang masakit na katotohanan. Para sa tulad kong naniniwala sa halaga ng ngayo’y tatlumpung taong gulang nating demokrasya, ang hatol na ilibing ang diktador sa tabi ng iba pang bayani ay matinding insulto sa mga taong ginamit ang pawis, panulat at dugo para ilabas ang Pilipinas sa bangungot na likha niya at ng kanyang mga kaalyado.

Nanaghoy ang puso ko sa pag-usad ng mga oras pagkatapos na ilabas ang desisyon na naging dahilan para sumama ang pakiramdam ko. Sa kabila niyon, naisip kong kailangan kong ipakita ang aking protesta at kailangan kong iparamdam ang aking pagkadismaya. Kahit pa hilong-hilo ay pinilit kong sumabay sa daloy ng social media na nagpo-post ng pinaghalo-halong galit, lungkot, panghihinayang at panlulumo sa tila pagwawalang-bahala ng punong sangay ng Hudikatura sa demokrasyang sila dapat ang nagpoprotekta. Nakakagigil ang mga dahilan ng mga pumabor na mahistrado at tulad ng marami, hindi malunok ng konsensya ko na tila iniba ng mismong mga punong tagapagtanggol ng katarungan ang kahulugan ng salitang bayani para lang mapagbigyan ang walang katuturang paglilibing ni FM sa himlayang hindi siya karapat-dapat.

Hindi ko itinatago na ang nananalaytay sa aking dugo ay Ilokano, ang mga magulang ko ay minsa’y mga lantarang Marcos loyalist at may mga kamag-anak akong kumampanya sa kandidatura ng pagka-bise presidente ni Bongbong Marcos. Sa kabila ng lahat ng iyon, hindi ko itinuring na idolo si Marcos ang buhay ko dahil lang pareho kaming Ilokano. Lumaki ako sa panahong unti-unting itinatayong muli ng bayan ang mga pundasyon ng demokrasya, lumaki sa lipunang umiikot sa napakaraming ideolohiya, relihiyon at politikal na pananaw. Namulat akong naririnig ang iba’t ibang opinyong katulad o kasalungat ng sa akin at mula doon ay namulat din ako sa pagbuo ng sarili kong prinsipyo. Lahat ng ginagawa ko ngayon ay nagagawa ko nang dahil sa demokrasyang muling binuhay ng mga bayaning nagtibag sa diktador na ngayon ay pinagsisiksikang kilalaning bayani sa pamamagitan ng paglilibing sa kanya ng pamilya niya sa Libingan ng mga Bayani. Ibaon man nila ang mga labi niya at bigyan ng “hero’s burial” sa isang sagradong himlayan, hindi nito maililibing ang naging hatol sa kanya ng kasaysayan na hindi kailanman mapapaganda ng tulad ng ginawa nila sa katawan niyang matagal nang naaagnas.

marcos-corpse-afp-photo

Ang tunay na itsura ng bangkay ng diktador. (Larawan mula sa Agence France Presse)

Masakit mang tanggapin na itatatak ang November 8, 2016 sa talambuhay ng ating bansa sa karima-rimarim na dahilan, binibigyan din tayo nito ng pagkakataon na palakasin pa ang panawagang huwag makalimot sa mga naidulot ng diktadurya sa Pilipinas. Huwag kakalimutan kung sino ang mga namatay, mga nadehado, mga nawawala at mga patuloy na nagpapatatag ng demokrasyang pinagbuwisan nila ng buhay. Huwag din nating kakalimutan ang mga kasabwat sa pagkagahaman, mga bumaluktot ng katotohanan upang bigyang rason ang mga kasalanan, at mga intensyunal na nagbura sa kanilang kamalayan ng mga naganap na karahasan. Higit sa lahat, huwag natin kakalimutan ang mga nakinabang sa kapangyarihan at kayamanan ng mga mamamayan, mga ginamit ang kapangyarihan para pwersahing ibahin ang takbo ng kasaysayan at ang mismong diktador na dahilan kung bakit dumausdos sa lugmok ang ating bayan.

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

 

 

Para Saan Ang Kalayaan?

Natutunan natin sa kasaysayan na hindi tumigil ang mga nakalipas nating salinlahi para makamit ang kalayaan. Sa pagdaan ng maraming siglo, hindi mabilang ang mga kababayan nating nagsakripisyo para sa isang pangarap na noo’y itinuturing na suntok sa buwan. Marami sa kanila ang nabigo, unti-unting sumuko’t naghintay na lamang sa isang himala hanggang sa kanilang huling hininga.

Ngunit sabi nga natin, ang lahat ng pagdurusa, pagtitiis at pakikibaka nila ay may kapalit na naaangkop na kahihinatnan. Isang daan at labing pitong taon ang nakakaraan, sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagdiwang natin bilang isang bayan ang kasarinlan. Mula noon, unti-unting naipalasap sa lahat ng panig ng bansa ang pagiging malaya at pagtamasa sa pantay na karapatan at oportunidad.

Tayo ngayon ay isang lipunang ganap ang kalayaan, ngunit aminin natin, ang kalayaang ipinamana sa atin ng mga ninuno ay tila hindi nagagamit sa paraang nararapat. Ang kasarinlang dapat ay magbibigay ng pagkakataon sa bawat isa na maging produktibong mamamayan ay nauuwi sa paglaganap ng iba’t ibang klaseng kawalan ng karapatan at katarungan. Ang Pilipinas na lumaya sa tatlong banyagang mananakop ay tila ba nagiging alipin ng kahirapan na tayo mismo ang may sala.

Para saan ba talaga ang kalayaan? Karapat-dapat ba tayo sa pribilehiyong ito?

Hindi hangad ng artikulong ito na idikta ang mga posibleng dahilan. Madali nating masasagot ang mga ito, at marahil, kahit sino’y makakapagbigay ng mga pinakamatatalinong sagot. Pagnilayan natin ang mga tanong na ito at sabihin ang mga sagot sa ating mga sarili nang taos sa puso at may bukas na pag-iisip.

Maligayang Araw ng Kalayaan, Republika ng Pilipinas! Mabuhay ang malayang Pilipino!

#