Dear 32-Year-Old Lem

2015-category-title-tambuli copy2020-AURORA-post-featured-image

 

Dear 32-year-old Lem,

Apat na taon ang nakaraan nung huli kitang sulatan. Ang daming nangyari, at ang pareho nating hindi namamalayan ay marami na palang pagbabago sa buhay nating pareho.

Truth be told… wala ka na sa kalendaryo!

Pero akalain mo yun, narating mo pa rin ang malayo-layong edad na ito.

Oo, marami. Pero hindi mo na maalala ang lahat ng mga iyon, maliban na lang kung na-post mo sa Facebook o Instagram na lahat ay taon-taong ipinapaalala sa’yo dahil sa Facebook Memories. Siguro, kung hindi na binabalikan ng social media ang nakaraan mo, malamang ay hindi mo na rin talaga gugustuhing sariwain ang iba rito.

Alam nating pareho kung gaano mo kamahal ang kasaysayan ng bayang ito, lalo na ng ating pinakamamahal na Maynila. Marami tayong sinakripisyo para lang mapagbigyan ang iilan dahil alam nating makakatulong sila para makaahon ang ating siyudad. Alam kong hindi mo sila pinagsisisihan, pero kung ako ang tatanungin, masakit mang sabihin pero kung nasunod lang ako, mas maaga mong nakuha ang kapalarang para sa’yo.

Ngunit magkaiba ang kapalaran at tadhana.

Siguro nga ay hindi ikaw ang pinakaswerteng tao, pero itinadhana ka sa mas mahirap pero mas dakilang bagay. Hindi man dakila sa pananaw ng marami, pero sa lahat ng nagawa mo, lantad man o lihim, sobrang proud ako sa ‘yo.

Ngayong 32 ka na, naniniwala akong may mga kaya ka pang gawin. Hindi ka marunong mapagod sa pag-iisip ng mga pwedeng magawa, maliban na lang sa mas madali ka nang antukin. Pero naalala ko na sinabi mo ilang taon na ang nakaraan na gusto mo na ring magpahinga sa mga oportunidad na mas nararapat para sa mga mas bata sa atin. Nabanggit mo rin na tutulong ka lang kapag hinihingi nila ang paggabay, talento o opinyon mo. Gusto mo ng mas tahimik na buhay para sa sarili mo at lahat ng mga patungkol sa iba ay ituturing mong trabaho. Muli, kung ako lang ang tatanungin, mas gusto ko iyon dahil iniisip mo ang makakabuti para sa’yo.

Ngunit parang hindi ka mapigilan. At hindi mo rin mapanindigan ang iyong mga pinangako.

Hindi ko sinasabing hindi ka marunong tumupad sa pangako. Naintindihan ko na sinubukan mong maging makasarili sa aspetong kailangan mo nang ayusin ang sarili mong buhay para sa kapakinabangan mo. Ngunit hindi mo talaga kayang maging “makasarili”, at kung pagiging makasarili ang paglingkuran sa pinakamaliit na paraan ang iba, nananalig man sila sa kakayahan mo o hindi, siguro ay wala nang dahilan para ibahin ang pananaw na ito. Yan ay ikaw, at sa dugo at utak mo, hindi na natin siguro matatanggal ito. Simpleng tao ka lang, hindi ka kikilalanin ng kasaysayan tulad ng mga taong hinahangaan at tinitingala mo, pero maswerte ang bayang ito na may tulad mo na naging makasarili para sa karangalan ng kanyang tinatanging siyudad at para sa tinatangi niyang bansa.

At tulad ng iyong laging sigaw ng paninilbihan: Para sa Panginoon, Para sa Inang Bayan, Para sa Kinabukasan.

Wala ka na kalendaryo, pero hindi ito dahilan para mawala ka sa ikot ng mundo.

Happy 32nd birthday, Lem.

 

Nagmamahal,
The Unloveable Lem.

Dear 28-Year-Old Lem

2015-category-title-tambuli copy2015-post-featured-image-28th-birthday

Dear 28-Year-Old Lem,

Paniguradong wala ka pang natatandaan, 28 years ago. Pero sigurado akong alam mo na nung pinanganak ka noong March 3, 1988, ala-una y kinse ng hapon, may misyon kang dapat gampanan sa mundong ito.

Dumating ka sa puntong ito ng buhay na matatag pero masaya at puno ng pag-asa. Marami kang pinagdaanan na ikaw mismo ay di makapaniwalang naranasan o nalagpasan mo ang mga iyon.

Sa pagkakatanda ko, pinalaki kang tama at hindi nagkulang ang pamilya mo para dalhin ka sa landas na ang alam ng lahat ay doon ka paroroon. Ngunit sabi nga nila, walang sinuman ang magmamaneho ng biyahe mo kundi sarili mo. Nag-iba ka ng kalyeng pinasukan – malubak, malapit sa bangin, paliko-paliko. Kasama mo akong dumuyan-duyan sa bawat pagsubok at nasiraan ng bait dahil pareho nating hindi alam kung tama ang tinatahak natin. Nakita kitang nadismaya, nagalit, umiyak, at naglupasay sa mga pagkakataong kahit ikaw mismo ay hindi na naniwala sa sarili mo. Minsan ko ring nalaman na may balak kang mapabilis ang lahat. Buti na lang at napigilan kita at sinabihang huminahon sa paglalakbay dahil hindi naman kailangang magmadali.

Subukan mong balikan ang mga magagandang pangyayaring iyon. Tama ako, ‘di ba? Hehe!

Naalala ko rin yung mga nakaaway at nakasamaan mo ng loob. Nahuhuli kita na iniisip mo sila minsan. Gustuhin man kitang sawayin pero na-realize ko na hindi kita pipigilang alalahanin sila dahil isa sila sa mga dahilan kung bakit ka malungkot, at kalaunan ay dahilan kung bakit ka malakas. Hayaan mo na lang sila! Nagawa ko ang magagawa mo at alam nating pareho na di nila kayang gawin iyon. Inggit lang sila! Hahaha!

Pero Lem, sa lahat ng pagkakataong kasama kita, masasabi kong naging makabuluhan ang buhay mo. Nakarating ka sa mga lugar hindi dahil tinahak mo ang tamang daan kundi dahil pinatunayan mong mas maraming dunong ang binibigay ng mga karanasan ng buhay kaysa sa mga leksyong nanganganak ng diploma. Kinilala ka ng mga tao dahil sa mga karanasan mo at mga natutunan mo sa mga taong nagtiwalang dapat sa’yong ipasa ang mga kaalamang iyon. Higit ka pa sa mga taong ang tingin sa mundo ay isang malaking unibersidad, imbes na isang paraisong puno ng excitement, learning at kababalaghan. Proud ako sa’yo. Proud na proud.

28 years old ka na at natutuwa ako kapag naririnig sa iba na hindi ka mukhang 28. Totoo naman yun! Nakakabata talaga ng pagkatao ang pagtawa at yun ang isa sa mga pinaka-ispesyal mong katangian. But please keep in mind na kahit mukha kang bagets ay hindi na tayo bumabata. You know what I mean. Masarap kumain. Masarap uminom. Pero sana, kung kakayanin nating pareho, subukan na nating magbawas. Alam ko namang ayaw mong magpapayat nang sobra kaya kahit konting effort lang. Hehe!

Hay naku, Lem. Time flies so fast. Masaya akong nakakasabay pa rin tayo, pero sana, magkaroon tayo ng mas maraming oras na mas mabagal ang galaw ng lahat.

Yung may panahon tayo para ipahinga ang isip, yakapin ang katahimikan at mahalin ang sarili nang higit sa lahat. Marami na tayong nilaan na panahon para mahalin ang bayan natin kaya sana, sa ika-28 taon natin sa daigdig ay magkaroon tayo ng maraming pagkakataon na alagaan at intindihin ang nag-iisa nating puso, nag-iisang katawan at nag-iisang katauhan.

Sige, hanggang dito na muna! Pilitin mong maging makabuluhan ang araw na ito ha? Happy birthday, Lem!

Nagmamahal,
The Invisible Mature Lem

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

HALO-HALONG KULAY: Ang Ikalimang Taon ng Aurora Metropolis

Lahat tayo ay may kanya-kanyang makukulay na paglalakbay. Bagaman bahagi na nito ang mga madidilim na sandali, hindi mawawala sa atin ang saya, sorpresa, pagtataka at iba pang ekstraodinaryong pakiramdam na nagbibigay kahulugan sa buhay natin. Lahat ng ito, kung hindi man ay karamihan ay malugod nating binabahagi sa ating mga kaibigan at sa ibang taong gutom sa ideya’t inspirasyon.

Ang bawat salita, talata at pangungusap na ating kinukuwento ay nagiging susi sa pagbuo ng iba pang magagandang istorya nang hindi natin namamalayan. Sa pagsusulat, tayo mismo ay nagiging parte ng paglalakbay ng ibang tao at nagiging parte ng kanilang kanya-kanyang halo-halong kulay.

Ipinanganak ko ang Aurora Metropolis noong ika-14 ng Hunyo 2010. Kahit taon-taon ay kumukonti ang mga nailalathala kong artikulo, hindi ko ito magawang pabayaan. Bakit? Dahil alam kong kapag dumating ang oras na wala akong matakbuhan o masigawan, nariyan siya’t handang ilaan ang kanyang blangkong pahina para pakinggan ang sinisigaw ng aking isip gamit ang panulat. Nandito lahat ang pinaka-makukulay kong mga sandali, hindi lang bilang manunulat kundi bilang isang taong malaya, may ipinaglalaban at nagmamahal. Sa 164 na artikulong nakaimbak dito, halos lahat ng kulay ng buhay ko o buhay ng mga taong nakakasalamuha ko ay nailahad ko na. Walang kapantay ang panahong tinitipa ko ang mga istoryang iyon at lahat sila ay labis kong ipinagmamalaki.

Sa ikalimang taong kaarawan nito, nagpapasalamat ang Aurora Metropolis sa mga taong nagbigay-kulay sa lahat ng kwentong ibinahagi nito. Pinapasalamatan ko rin ang bawat emosyong naramdaman ko, mula sa pinakamalungkot at pinakamasaya na nagtulak sa akin para maisulat ang bawat artikulong narito. Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa Panginoon na nagbigay sa akin ng kakayahang magsulat na hinasa ng mga karanasang bumuo sa aking pagkatao.

Muli akong humihingi ng paumanhin sa sinuman (kung mayroon man) na sumusubaysay sa Aurora Metropolis. Hindi ko ulit maipapangakong makasulit ng mas marami pang artikulo dahil sa ginagawang mahalaga ng inyong lingkod. Ang tanging maipapangako ko lamang ay sa tuwing susulat ko, naroon ang iba’t ibang kulay sa inyong pagbabasa.

Muli, sa ikalimang pagkakataon, maraming salamat po.

aurora-prof-pic-2015-1