FAST POST #10: Ang Pagbabalik Ng Otso Pesos Na Pamasahe Sa Jeep… GRANTED!

Kahapon lang ay ilathala ko ang naging pananaw ko sa hindi pagsusukli ng 50 sentimos ng ilang jeepney drivers kapag ang binabayad mo ay hindi sakto sa PHP 8.50.

Kanina lamang ay ibinalita sa TV Patrol ang binabang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibalik sa PHP 8.00 ang regular na pasahe sa jeep (sa unang 4 na kilometro ng biyahe) sa Metro Manila simula bukas, May 15, 2012. Resulta ito nang unti-unting rollback na ilang petroleum companies sa presyo ng gasolina.

Hindi maikakailang natuwa ang maraming mananakay sa balitang ito. Hindi rin maiiwasang umalma ang ilang jeepney groups, ngunit meron ding mga grupong sumuporta sa fare rollback dahil sa pakikisama ng pamahalaang Aquino sa programang makakapagpagaan sa bigat na nararanasan ng mga jeepney driver at operator sa tuwing nagtataas ng presyo ang gasolina.

Ang unang reaksyon ko nang marinig ko ang balitang ito: “Mabuti naman. Abusado kasi ang iba sa kanila kapag nanunukli.”

Sa ngayon, tayong mga pasahero ay hindi na muna masyadong mamomroblema sa 50 sentimos. Ipunin muna natin ang mga 25 sentimos sa alkansya para sakaling bumalik sa PHP 8.50 ang pasahe sa jeep (Sabi kasi ng LTFRB na ibabalik nila sa PHP 8.50 ang jeepney fare kapag tumuntong uli sa P48.00 pataas ang kada litro ng gasolina) ay meron na tayong ipapambayad… at para may ipansukli na rin ang mga driver.

PAALALA: Kung may driver na aalma sa pagbalik ng pasahe, kunin ninyo ang plate number at ibigay sa awtoridad (LTO, LTFRB, local traffic personnel) . National government na mismo ang nagsabi kaysa nasa sa inyo ang karapatan. Huwag hayaang maabuso laban sa inyong karapatan.

FAST POST #8: Ang Saysay Ng 50 Sentimos Sa PHP 8.50 Na Pamasahe

Ngayon lang ulit ako nag-FAST POST mula pa noong Setyembre 2011 . Dapat ay noong Biyernes ko pa ito ilalathala rito, pero dahil sa dami ng ginagawa ay nitong araw ko lang naisip na i-post. Kung tutuusin, araw-araw kong naiisip ang paksang ito dahil tila hindi ito tumutugma sa sinasabi nating “pagkakapantay-pantay” sa lipunang ating ginagalawan.

Halos araw-araw akong sumasakay ng jeepney. Hindi naman ako nadismaya sa pinakahuling pagtaas ng pasahe na nagsimula noong Marso 21 dahil alam kong para ito sa kapakanan ng mga jeepney operator at driver na lubos na apektado ng palagiang pagtaas ng presyo ng gasolina. Oo. Sa palagay ko’y nakagaan sa kanila ang dagdag na singkwenta sentimos na dagdag sa jeepney fare dahil karapatan nilang kahit papaano’y magtaas kasunod ng di-mapigilang paglobo ng presyo ng likidong nagpapaandar sa kanilang mga kinabubuhay. Uulitin ko, hindi ako umalma sa pagtaas ng pamasahe, pero bakit may mga ilang jeepney driver ang hindi yata marunong makakilala sa lehitimong pamasahe at hindi nanunukli ng 50 sentimos kapag ang binayad mo ay PHP 9.00?

Noong Huwebes, May 10, papunta ako ng Manila City Hall sakay ng jeep na rutang Baclaran-Taft-Divisoria na may plate number PYZ-446. Nagbayad ako ng PHP 9.00 sa driver pero noong oras na iyon ay hindi na ako nagtaka na hindi niya ako sinuklian ng 50 sentimos. Pero may isang matandang babae ang umalma sa hindi niya pagsukli nang tama. Sampung piso ang binayad niya pero ang sinukli sa kanya ay PHP 2.00 lang. Umalma ang matanda dahil PHP 2.50 ang sukli niya dahil siya ay senior citizen. Pasigaw na nagreklamo ang driver, “Dapat kung talagang senior citizen kayo, magpakita kayo ng I.D.” Sa inis ng matanda ay binuksan niya ang kanyang bag at nilabas ang kanyang senior citizen card. Hindi na nakuhang magsalita pa ng driver at dinagdagan na lamang ng piso ang sukli ng matanda. (20 percent ang discount ng senior citizen at estudyante kaya dapat ay PHP 7.00 lang ang kanilang ibayad sa unang 4 na kilometro ng byahe nyo sa jeep.)

Kanino ba dapat ang responsibilidad ng pagkakaroon ng 50 sentimos? Sa driver o sa pasahero? Eto ang sa akin:

Ang mga jeepney operator at driver ang nag-angat ng petisyong magtaas ng pamasahe. Hindi naman nasunod ang hinihiling nila, dapat nilang respetuhin ang tugon ng pamahalaan dahil pinag-aaralan naman ito ng mga ahensiyang may sakop dito. Buti na nga’t tinaas ang pamasahe. Sana huwag nilang abusuhin ang saysay ng 50 sentimos sa kasalukuyang presyo ng pamasahe. Para sa akin, maghanda sila ng maraming 25 sentimos upang ipangsukli. Ito dapat ang maging responsibilidad ng kanilang sektor upang maging tama ang pagkakapantay-pantay ng sektor ng mga commuter at silang mga nagbibigay ng serbisyo tulad ng sa grupo ng transportasyon. Para naman sa mga commuter, subukan nating sundin minsan ang sikat na katagang “Barya lamang po sa umaga”. Manatiling kalmado sa pakikipag-usap sa driver. Ngunit ang pinakaimportante sa lahat, lalo na kung kayo ay estudyante o senior citizen, alamin po ninyo ang inyong karapatan ukol sa discount ng pamasahe.

Alam natin na may halaga pa rin ang 50 sentimos sa pamumuhay ng bawat Pilipino. Tandaan nating hindi mabubuo ang piso nang walang 2 50 sentimos o 4 na 25 sentimos. 🙂

Ang Batang Pulubi Sa Harrison Street

Hindi ako madaling maawa sa mga pulubi.

Meron akong paniniwala na ang mga pulubi ay mga di kanais-nais na elemento sa kalsada ng Kamaynilaan. Para sa akin, sila yung mga taong tamad magtrabaho’t iaasa sa pagpapaawa ang kanilang pinambubuhay sa araw-araw. Minsan nama’y iniisip kong isa silang parte ng sindikato na nangangalap ng pera para makagawa ng mga krimen sa ating lipunan. Hindi naman ako nag-iisa sa pananaw na ito, kaya Ito ang aking mga malalaking dahilan kung bakit hindi ko sila pinapansin kapag nasa jeep ako o naglalakad sa mga bangketa. Kahit punasan pa nila ang sapatos ko (na kahit punasan nila’y di nalilinis dahil maruming basahan pa ang kanilang pinampupunas), kalansingin ang kanilang instrumento ng mga tugtuging wala sa tono at gumawa ng mga kaawa-awang sulat, hinding-hindi ko sila bibigyan ng piso…

… pero isang gabi, may isang eksenang tumunaw ng aking puso na kinalauna’y natutunan kong kaawaan at hangaan.

Hindi ko alam ang kanyang pangalan, pero nakatatak sa aking isipan ang mukha ng batang pulubing ito na umaangkas sa panulukan ng Harrison Street at Buendia sa Pasay. Hindi siya kakaibang pulubi kung titignan ang itsura – madungis, mabaho, nakakadiri. Ganito ko siya unang nakita sa salamin (dahil nakaupo ako sa tabi ng jeepney driver) .

“Ate, Kuya, pengeng barya…” Ordinaryong dialogue ng mga pulubi, ordinaryong itsura ng isang nagmamakaawang gusgusing bata, ngunit may isang bagay akong hinangaan sa batang ito. Mula sa kanyang mga mata ay nakita ko ang sinseridad ng pagsasabi ng salitang “SALAMAT PO”. Nakita ko kung paano siya tumingin sa mga pasaherong hiningian niya ng barya noong unang araw na makita ko siya. Hindi man kita sa kanyang mga labi ang saya, pero tila ipinaparamdam niya ito mula sa kanyang puso. Ang mas kahanga-hanga pa rito ay yung pagsasabi niya ng pasasalamat sa driver na nagpaangkas sa kanya – isang katangiang ni minsan ay hindi ko nakita sa ibang batang pulubi. Sinundan ko ng tingin ang musmos hanggang nakalayo na ang jeep. Naantig ang aking puso’t kusang napaluha sa labis na awa sa bata. Pumikit ako at nanalangin na sana’y maging laging ligtas ang batang pulubi na iyon sa mapusok na paraiso ng kalunsuran.

Hindi iyon ang nag-iisang pagkakataon na nakita ko siya. Muli, umangkas siya mula sa kanto ng Buendia at Harrison. Ito ang unang beses na nagtama ang aming mga paningin, at hindi nabago ang sinseridad ng kanyang mga mata. Hindi ko siya hinintay na humingi sa akin at agad ko siyang binigyan, at natanggap ko ang salitang “salamat po Kuya”. Nang siya’y makababa, pumikit ako’t nanalangin para sa kanyang kaligtasan sa kalsada.

Kanina’y napakalakas ng ulan. Nakaupo ako sa gilid ng jeep at nanginginig sa lamig nang biglang umakyat ang batang pulubi sa parehas na lugar. Basang-basa’t walang suot na T-shirt o sando, nanlilimahid sa grasa ang katawan at maging ang suot na khaki shorts. Halatang nilalamig ang kanyang murang katawan at pilit na kinakaya ang hagupit ng hanging dulot ng ulan. Walang masyadong pasahero sa jeep kaya’t umupo siya sa mismong harap ko. Kasabay ng panginginig ang mga salitang “pengeng barya, Ate, Kuya, pangkain ko lang po.” Hindi ako nakapag-react bigla dahil ayaw matanggal ng aking mga mata sa kalunos-lunos na sitwasyon ng batang pulubi. Dumukot ako sa aking bulsa at binigyan siya ng limang piso. Dito’y nakita ko nang malinaw ang isang guhit ng ngiti, kasunod ang mga salitang “salamat po”. Binigyan din siya ng dalagang nakaupo sa kanyang hilera kaya’t natuwa naman ako. Bumaba siya sa kanto ng Vito Cruz at mukhang papasok ng 7-11 upang siguro’y bumili ng makakain. Muli, tiningnan ko siya habang unti-unting nawawala sa aking paningin.

Hindi ako madaling maawa sa mga pulubi, maliban sa batang ito. Hindi ko alam kung bakit. Kung tatanungin ninyo ako, hindi ito basta-basta awa dahil kung awa lang pala ito eh baka mas marami akong inaabutan ng barya. Para sa akin, iba ang batang pulubi sa Harrison Street.

Mula sa kanyang malalaking mata na napupuno ng emosyon mula sa araw-araw na pagsubok ng kanyang buhay, ang tanging handog ko sa kanya na alam kong mas makakatulong kesa barya ay ang aking panalangin. Panalangin na sana’y walang mangyaring masama sa kanya. Panalangin na sana’y maliwanagan ang kanyang mga magulang o kaanak na hindi siya nararapat na hayaan sa mundo ng kalsada. Panalangin na sana’y may mabuting loob na alisin siya sa ganoong klaseng sitwasyon upang maramdaman niya na siya’y bata at hindi basura ng lipunan. Panalangin na sana, hindi mawala sa batang ito ang sinseridad at katotohanan mula nang una ko siyang makita. Panalangin na sana, makilala ko siya, makausap, maging kaibigan at maging mabuting kuya para sa kanya.

Wala akong pagkakataon na kunan siya ng larawan nang palihim, pero kung makikita nyo ang batang pulubing aking tinutukoy kapag dumaan ang jeep ninyo sa bandang Buendia at Harrison, huwag niyo po sanang pagdamutan. Pakisabi na rin sa kanya na mag-ingat sa kalsada at God bless. Huwag kayong mag-alala, ibibigay niya sa inyo ang isang totoong pasasalamat dahil dudugtungan niyo ang buhay niya na pinagbabantaan ng nagngangalit na sikmura sa araw-araw.

Lagi siyang nasa mga dasal ko.