Mas Masaya Kung Matututo Tayong Makiisa’t Sumuporta! It’s More Fun In The Philippines!

Kahapon ay inilunsad ng Kagawaran ng Turismo ang pinakabagong official tourism campaign ng Pilipinas, ang “It’s More Fun In The Philippines”. Ipinagmamalaki ng DOT, sa pangunguna ni Kalihim Ramon Jimenez, Jr. na ang kampanyang ito ay di lang para eengganyo ang mga turistang pumunta ng Pilipinas, kundi hamunin sila na bisitahin ang Pilipinas at damhin ang tunay na yaman ng bansa — ang mismong mga Pilipinong magbibigay sa kanila ng ngiti at saya sa kanilang pagbisita sa bansa.

Ilang oras pa lang pagkatapos nitong maibalita ay umulan na agad ang sari-saring reaksyon ng publiko sa nasabing kampanya, dahilan kung bakit nag-trending agad sa mga social networking site ang #itsmorefuninthephilippines. Marami mang nagalak sa paglabas ng “It’s More Fun In The Philippines” ay nariyan pa rin ang mga batikos na ginaya diumano nito ang kampanya na “It’s More Fun In Switzerland” na inilabas pa noong 1951. Gayundin, tila ang ineengganyo raw ng slogan na ito ay saya para sa mga sex tourist, drug traffickers at sex workers.

“We need a line that is easily understood. Competitive. ‘More fun in the Philippines’ is true. Keri natin ito (Kaya natin ito),” – DOT Sec. Ramon Jimenez, Jr. on the concept

“Philippines ka ba? Bakit? Kasi you’re so fun to be with. BOOM!” – Rep. Teddy Casino on Twitter.

“Aside from the fun stuff, pati sa lamay, protesta, pila, nakatawa tayo. It’s REALLY more fun in the Philippines. Type ko siya.” – musician Jim Paredez on Twitter.

Ang sa akin lang:

Hindi naman dapat sobrang ‘unique’ ang konsepto ng isang kampanya. Mas maganda nga kung ito’y madaling tandaan, madaling intindihin at madaling maging bukambibig ng maraming taong makakarinig nito. Kaya natin nasasabing ginaya raw ng DOT ang tourism campaign ng Switzerland, animnapung taon na ang nakaraan, dahil WALA TAYONG TIWALA SA KAMPANYA. Humahanap agad tayo ng butas para masabi agad-agad na hindi magiging matagumpay ang programa. Hindi ko maisip kung bakit pati si Sen. Richard Gordon na lumikha ng “WOW Philippines” ay tila minamaliit ang bagong slogan.

JUDGMENTAL ANG MISMONG MGA PILIPINONG BUMABATIKOS DITO! NAKAKALUNGKOT AT NAKAKADISMAYA!

Ang katagang “it’s more fun” ay maaaring bukambibig ng marami at marahil ay marami na rin ang nakagamit. May mga tourism campaign slogan din naman ang nagamit na ng maraming beses sa maraming pagkakataon. Bakit? Dahil kasama na yun sa bokabularyo ng maraming tao.

“The line isn’t a manufactured slogan. It’s simply the truth about our country. Don’t be swayed by people who are trying to punch holes in it,” – Jimenez

NANINIWALA AKO na “it’s more fun in the Philippines” at PROUD AKO na ipagsisigawan ko ang shout out na ito sa buong mundo sa pamamagitan ng social media. Sabihin mo mang itong slogan na ito ay naulit na, walang dudang ang mismong slogan ay isang katotohanan. Sa kabila ng mga kalamidad, kaguluhan at hindi pagkakaunawaan sa ating bansa, marami pa ring dahilan ang isang Pilipino na sabihin sa ating mga kaibigang dayuhan na “it’s more fun in the Philippines!”.

Mas masaya sana kung matututo tayong makiisa’t sumuporta sa kampanyang ito. Maging bukambibig natin ito lagi dahil hindi lang iilang ahensiya o tao ang makikinabang dito, kundi ang imahe natin bilang Pilipino at imahe ng ating bansang Pilipinas.

NAKIKIISA ANG AURORA METROPOLIS SA KAMPANYANG ITO DAHIL TOTOO NAMAN… “IT’S MORE FUN IN THE PHILIPPINES!”

Maraming salamat sa ABS-CBN News at Yahoo News sa mga impormasyon sa artikulong ito.