FAST POST #24: Ang Informal Settlers sa mga Estero at Kaginhawaang Dapat Nilang Matamo

Nitong nakaraang mga araw ay napag-uusapan sa media ang pagpapaalis sa mga squatter (na ang politically-correct term ay “informal settlers”) sa tabi ng mga estero at mga ilog bilang bahagi ng paghahanda ng pambansang pamahalaan sa taon-taon nang problema ng pagbaha sa Kalakhang Maynila tuwing may bagyo. Kaalinsabay ng planong ito ang pagbibigay ng halagang 18,000 pesos sa bawat pamilya bilang pang-umpisa sa kanilang bagong buhay sa isang bagong bahay sa isang low-cost housing area kung saan libre ang kanilang renta sa loob ng isang taon. Maaari rin silang paglaanan ng puhunan kung gugustuhin nilang magkaroon ng sariling negosyo o pagkakakitaan. Sa kabila ng planong ito, marami sa kanila ang pumapalag at nagpupumilit na manatili sa kanilang mga “tahanan” dahil bukod sa malayo ang lilipatang permanent housing site ay hindi kumpleto ang kanilang mga pangangailangan sa nasabing lugar. May nakapanayam pa ngang nagkomento na para raw silang tinataboy sa labas ng Maynila dahil mahirap sila.

“Bakit ang arte ng informal settlers a.k.a. squatters?” Eto ang una kong nasabi nang marinig ko ang mga balitang kaugnay ng isyu. Lantad ang pagkagulat ko dahil nai-post ko pa ito sa Facebook.

Maaaring sa post ko ay iniisip ng iba na napakayabang ko o napaka-matapobre. Maaaring ang tingin sa akin ng iba ay malakas ang loob kong sabihin ito dahil nakatira ako sa isang maayos na komunidad sa Metro Manila at nakakatanggap ng basikong pangangailangan ng isang tao. Maaaring nabasa ng mga taong sangkot sa isyung ito ang na-post ko at tinuturing nila akong hindi makatao at kumakampi sa gobyernong walang pagmamahal sa maralitang tagalungsod. Ang sa akin lang, kung hindi makatao at maka-mahirap ang pamahalaan, hindi nila ihahain ang programang maglalagay sa kanila sa mas maayos na pamumuhay.

Napakasimple ng gustong mangyari ng administrasyong Aquino sa pag-aalis ng mga nakatira sa tabi ng daluyan ng tubig sa Kamaynilaan. Hindi na kailangang ipaliwanag sa mas mahahabang talakayan ang mga ito dahil dapat ay noon pa ito ginagawa ng ating mga nakaraang gobyerno. Malaking hakbang ito para sa ating Pangulo dahil dito masusubukan ang political will ng Palasyo pagdating sa pagsasaayos ng Metro Manila na siyang mukha ng buong Pilipinas.

Hindi ko matatangging lubos kong sinasang-ayunan ang programang ito dahil sa mga sumusunod na mithiin:

1. Tuluyang linisin ang mga estero at ilog. 2. Gawing produktibo ang mga estero tuwing tag-ulan. 3. Unti-unting buhayin ang mga estero at ilog. 4. Mailayo ang mga mamamayan sa sakit at hindi akmang pamumuhay sa gilid ng mga estero. 5. Iligtas ang mga mamamayan sa kapahamakang dulot ng baha na dadaloy sa mga estero. 6. Matuto ang mga apektadong indibidwal o pamilya na magsimula ng mas maayos na pamumuhay sa pamamagitan ng mga ibinigay na oportunidad ng pamahalaan. 7. Ipakita sa kanila na kahit bago man at malayo man sa Kamaynilaan ang kanilang nilipatan ay magagawa nitong maging maunlad kapag sila’y nagkakaisa. 8. Ipakitang hindi lang sa Maynila makikita ang kaunlaran at kaginhawaan. 9. Iparamdam na ang gusto lang ng gobyerno para sa kanila ay kaayusan at kaginhawaan para sa kanilang pamilya. 10. Ipa-realize na iwasang idahilan ang pagiging “mahirap” o gamitin ang salitang “mahirap” upang ilarawan ang sitwasyong dinaranas nila.

[Ang sumusunod na pangungusap ay post ko sa Facebook. Ito ang pinakasimple kong masasabi para sa ikasampung dahilan] Isa sa mga natutunan ko noong halalan ay ang hindi paggamit ng salitang “mahirap” sa kung anong kondisyon o sitwasyon ang mayroon tayo. Bakit? Subukan mong tanggalin ang salitang yan sa kaisipan mo at luluwag ang kalooban mo. OPTIMISM.

Maaaring hindi madali para sa gobyerno ang alisin ang mga “pasaway” sa mga estero, pero sana, SANA LANG, ay maisip nilang hindi mahalaga na sa lugar na hindi mo ligal na pag-aari ay doon ka ipinanganak, lumaki, nagkapamilya at mamamatay. Mas importante marahil na ibigay mo sa iyong pamilya o magiging anak mo ang isang bahay na maaangkin mo sa pamamagitan ng iyong pagpupursige at isang bagong buhay na malayo sa disgrasya at kawalang pag-asa.