Maynila, kabihasnan nga ba ng mga bigong pangarap?

2015-category-title-dear-manila2016-post-featured-image-dear-manila-maynila-bigong-pangarap copy

Noong 1571, pormal na iniangat ng mananakop na si Miguel Lopez de Legazpi ang Maynila bilang isa sa mga pinakaunang lungsod ng noo’y kakatuklas lang niyang lupain na kalauna’y tatawaging Pilipinas. Ilang taon pagkatapos niyon, sa basbas ni Haring Felipe II, iniatas dito ang taguring “Insigne y Siempre Leal Cuidad” o “Most Distinguished and Ever Loyal City”, isang patunay ng napakalaking kumpyansa ng Espanya sa Maynila bilang kabisera ng kanyang kaharian sa Silangan. Mula noon, nabuo ang mas maraming pangarap ng bawat taong naging bahagi ng komersyo at pamumuhay sa lungsod. Sa loob ng mahigit tatlong siglo, marami sa mga pangarap na ito’y namunga at nagtagumpay, ngunit marami rin sa mga ito ang nabigo’t itinapon sa kawalan ang mga nasirang ninanasa.

Nang tuluyan nang ipinasa ng Espanya ang pamumuno ng Pilipinas sa Estados Unidos, natanaw ng marami na maisasakatuparan ang mga naudlot na pangarap sa pagpasok ng bagong panahon. Simbulo ng mga pangakong ito ang Maynila kung saan nasaksihan ang unti-unting pagbabago ng lipunang Pilipino. Umusbong ang komersyalisasyon at nakisabay din ang mga Pilipinong punong-puno ng ambisyon sa pagtatanim ng mga bagong binhi ng pag-asa. Tulad ng dati, marami ang nagsitagumpay pero marami pa rin ang nabigo’t patuloy na nilalabanan ang hamon ng modernismo.

Ngunit tulad ng pinaniniwalaan nating lahat, sadyang mapagbiro talaga ang tadhana. Huminto ang napakaraming pangarap sa pagdating ng mga Hapon. Halos nagdilim ang siyudad sa ilalim ng namumulang araw na nakaguhit sa watawat ng mga bagong mananakop. Hindi nagtagal, halos lahat ng mga pangarap na naging matayog ay natumbang parang tinangay ng alon ng pinagsamang tubig at dugo. Nawasak ang Maynila. Ang dating sagisag ng matagumpay na lipunang Pilipino, di kalauna’y naiwang durog, halos walang buhay, nanlulumo at bigo.

Saglit na tinanggal ang korona sa dating reyna noong 1948 habang dahan-dahan nitong ibinabangon ang mga pangarap na minsa’y naging simbulo ng iba pang pangarap. Maraming nagsasabing unti-unti na itong nanunumbalik, pero mas marami ang hindi sumasang-ayon. Dumating ang 1976 na hindi naisakatuparan ang pagtatayo ng isang bagong kabisera kaya’t nanumbalik sa Maynila ang dakilang karangalan bilang kabisera ng Republika na noo’y itinago sa mapanlinlang na “bagong lipunan”. Dumami ang mga nangarap na iniwan ang kani-kanilang mga sinilangan para mamuhunan ng ambisyon sa Maynila. Hindi nagbago ang pattern: marami ang nagtagumpay ngunit mas marami ang nabigo. Ang masakit na katotohanan sa senaryong ito: silang mga bigo ay naging parte na rin ng unti-unting pagkabigo na maibalik sa realidad ang mga bagay na sa mga aklat ng kasaysayan na lang nakikita. Patuloy ang rehabilitasyon. Patuloy ang pagpipilit na ibalik ang modelo ng isang tunay na lungsod. Patuloy ang paglalagay ng mga kolorete na para bang reynang inaayusan para sa mga haring gustong manligaw dito. Patuloy ang buhay, ngunit tila panahon na rin ang sumuko sa kanyang pagbabalik-karangalan.

Sumiklab ang makasaysayang pag-aaklas noong 1986, naupo ang limang pangulo, apat na alkalde at kung sino-sinong mga opisyal ng gobyernong nangakong ibabalik ang tinagurian nilang “old glory” ng Maynila. Lahat ay nauwi sa plano, sa mga pangako at di nagtagal ay naging panaginip na lang. Hindi tumigil ang pagdagsa ng mga nangangarap at nabibigo na maikukumpara sa malinis na tubig na nahuhulog mula sa tuktok ng bundok pero mauuwi lang sa maburak at mabahong ilog. May mga pangarap na patuloy na nagtatagumpay pero di kalaunan ay iiwan ang nagsilbing lupang yumakap sa kani-kanilang mga binhi noong sila’y papalago pa lang. May mga pangarap ding nananatili pang nakatindig ngunit sa nagmamadaling pagbabago ng panahon ay tila wala nang kasiguraduhan kung magtatagal pa sila’t patuloy pang masisilayan ang susunod na salinlahi. Sa bilis ng pag-ikot ng mga kamay ng orasan ay ganun din kabilis ang kanilang pag-agnas, pagkalaglag ng pira-piraso nilang mga parte at unti-unting pagkalusaw dahil sa paglimot. Ang kabihasnang minsang kasabay na nangarap ng mga tao ay nagiging libingan na ng mga nabigong pangarap at pangako.

Sa kabila nito, marami pa rin ang mga nagmamahal sa Maynila. Sila ang mga taong buong ingat na naglalakip ng mga pangarap ng Maynila sa kanilang puso’t isipan. Para na raw silang tanga sa paningin ng mga nagpapanggap na nagpapakatotoo, pero ang totoo, silang mga ‘eksperto’ ang tanga sa katotohanang ang mga pangarap na binuo para sa Maynila ay hindi kailanman mabibigo. Ang mga pangarap na ito’y dapat mahigpit na pinaninindigan ng sinuman, pamahalaan man o kanyang mamamayan hanggang dumating ang panahong may kakayahan na silang maisakatuparan. Ang mga pangarap ay hindi nabibigo, bagkus, ito’y nananatili’t naghihintay sa ihip ng hanging may dala ng tamang pagkakataon.

May panibagong tatlong taon na naman na paparating. Marami pa rin ang naniniwalang sa pagkapanalong muli ng bagong alkalde at mga kapwa pulitiko nito ay mananatili ang kabisera sa dilim at kawalang pag-asa. Sa panahong ito, magsilbi nawang maliliit na sigla ng liwanag ang mga nagmamahal sa Maynila, lalong lalo ang mga mismong ipinanganak, lumaki at bumuo ng sariling pangarap dito. Habang hindi pa dumarating ang katuparan ng kanyang mga bigong pangarap, iakibat nawa ng mga kislap na ito ang pagganap sa mabigat na tungkulin bilang makabayan, makatao at marangal na Pilipino. Tulad ng anumang ambisyon ng bawat tao, umuusad lamang ang mga pangarap na ito kung pinapaandar ng gawa’t determinasyon at iyon ay magmumula mismo sa mga taong ipinagmamalaki ang kanilang sarili bilang Manilenyo.

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

“There is hope for Manila in Escolta”

Noong ika-12 ng Hunyo 2015, sa pagdiriwang ng ika-117 anibersaryo ng kasarinlan ng Pilipinas, mapalad ang inyong lingkod na mapili ng Inquirer.net, ang opisyal na website ng pahayagang Philippine Daily Inquirer, ang aking piyesa para sa kanilang Independence Day Essays. Malugod ko pong ibinabahagi sa inyo ito.

***

Editor’s Note: In celebration of the Philippines’ 117th Independence Day, INQUIRER.net is publishing a series of short essays submitted by our readers who answered the question: “What’s the best that you have done for our country?”

For most of us, a street is just a place where people walk or vehicles pass from and to a specific location. But for some, it becomes a silent witness to personal anecdotes or important events that have shaped moments or, sometimes, milestones in history.

Here in Manila, we have streets that are considered historical. Their written or even unrecorded stories make them alive in spirit, but some of them lack government attention, public appreciation and, in some instances, historic preservation. One of these is Escolta, a street which used to be the Philippines’ central business and shopping district.

It was March 2014 when I started volunteering at Escolta. I just felt that with all things I’ve learned as a concerned Manileño, a history lover, a former college editor and a full-fledged volunteer, I know I can contribute to strengthening public awareness for Escolta’s revitalization.

For over a year now, I have been involved in organizing walking tours and events, and extending their presence on social media. These activities encourage everyone to appreciate, contribute and invest in the street and its iconic buildings. I also serve as coordinator between Escolta’s community leaders and institutions that can possibly contribute to its restoration. We’ve just commenced the Escolta Volunteer Arm, an ensemble of students and young professionals who want to volunteer in reactivating Escolta as a creative hub for young Filipinos.

Through vociferous yet civil means, I hope our government will realize that Escolta is worthy of beautification and redevelopment. In time, with all joint efforts, the historic business center will rise as the city’s promising tourist destination alongside Intramuros and Luneta.

Making people aware of the importance of preserving our 444-year-old capital city’s heritage, like Escolta, is the best thing that I have done, so far, for our country.

***

Published article URL: http://opinion.inquirer.net/85737/there-is-hope-for-manila-in-escolta

Ang Escolta sa Aking Mata (Matapos ang Isang Taon ng Gawa)

Isang Sabado ng umaga. Nakatayo ako sa harap ng historical marker na nakalagay malapit sa paanan ng tulay sa Calle Escolta. Ito ay inialay sa bayaning nagngangalang Patricio Mariano (1877-1935) at mukhang matagal nang napapabayaan. Marumi, halos hindi na mabasa ang mga nakalagay at mas masangsang pa ang amoy kumpara sa Estero dela Reina na nasa likod lang nito. Sa kalagayan ng istruktura, hindi mo aakalaing isa itong pagkilala ng bansa para sa isang natatanging Pilipino.

Ang marker ng bayaning si Patricio Mariano sa panulukan ng Callejon Banquero at Calle Escolta, bago ito muling ipinaayos.

Ang marker ng bayaning si Patricio Mariano sa panulukan ng Callejon Banquero at Calle Escolta, bago ito muling ipinaayos.

Kumpara sa ibang bayani ay hindi natin gaanong kilala si Ginoong Mariano. Ngunit kung pagbabasehan ang nakalimbag na teksto sa marker ay masasabing importante ang naiambag niya sa kasaysayan. Sapat na ang mga salitang iyon upang idulog sa mga kinauukulan ang kondisyon ng marker at para ibigay na rin sa kanya ang paggalang na tulad ng ibinibigay ng bayan kina Rizal, Bonifacio at iba pang kilalang bayani.

Enero 28, 2015. 80th death anniversary ni Ginoong Mariano. Sinulatan ng Escolta Revival Movement ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) upang ipaalam ang sitwasyon at humingi ng tulong upang maipaayos itong muli. Wala pang isang araw matapos na maipadala ang sulat, dumating ang mga mababait na tauhan ng NHCP upang pinturahan at ibalik sa dating anyo ang palatandaan. Sinabihan din nila ang katabing vendor na siguraduhing walang iihi o magdudumi sa paligid nito. Wika nga ni Kuya Jun, ang namamahala sa mga nag-ayos ng marker, kahit man lang sa simpleng paraan ay maipakita nilang pinapahalagahan nila ang Escolta sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan sa alaala ng isang bayaning maituturing na mahalaga sa nakaraan ng ating lipunan.

Ang ginawang pagsasaayos ng NHCP sa marker ni Ginoong Mariano.

Ang ginawang pagsasaayos ng NHCP sa marker ni Ginoong Mariano.

Isinama ng NHCP sa pagpipintura ng marker ang pag-aayos sa konkretong pinagkakabitan nito.

Isinama ng NHCP sa pagpipintura ng marker ang pag-aayos sa konkretong pinagkakabitan nito.

Sa ngayon ay mas maaliwalas na ang itsura ng marker ni Ginoong Mariano kaysa dati. Sa kagandahang-loob ng Escolta Commercial Association Inc. (ECAI) ay nilagyan ng karatula ang tabi ng marker upang ipaalala sa lahat na karapat-dapat ang bayaning tulad ni Ginoong Mariano sa respeto at pagkilala nating mga Pilipino.

Ang naging kalagayan ng marker ni Patricio Mariano ay maihahalintulad sa sitwasyon ng Calle Escolta. Bilang dating sentro ng komersyo, nagsilbi ang kalsadang ito sa kalakalan ng buong bansa sa napakahabang panahon. Kinilala ito at nanatiling kapaki-pakinabang sa kabila ng napakaraming trahedyang pinagdaanan nito. Sa kabilang banda, dumating ang malawakang modernisasyon at nag-iba na ang takbo ng ekonomiya. Mula sa pagiging aktibo’t maayos na kalye ay nakalimutan na’t biglang natahimik ang Escolta. Ang dating ligtas at malinis na mga bangketa ay nagiging mukha na ng kahirapang sinasalamin din ng marami pang lugar sa Kamaynilaan.

Bagaman nariyan ang dumi at kawalang-kaayusan ngayon ay hindi nito maitatago kung ano ang Escolta noon. Ang mga gusaling maituturing na survivor ng digmaan noong 1945 at ang mga kuwento ng iba’t ibang magagandang alaala ang mga sumisira sa paniniwalang sa mga aklat ng kasaysayan na lang makikita ang kalsadang minsang tinahak ng mga pinakasikat na Pilipino. Ang mga ito, kasama ang mga tao’t grupong nananalig na maibabalik pa ang dati nitong sigla ang mga patunay na sa kabila ng lahat, hindi pa patay ang Escolta.

Isa ako sa kanila. At ngayong buwan ang unang anibersaryo ko bilang volunteer ng Escolta Revival Movement.

Larawan ng inyong lingkod habang suot ang Escolta shirt.

Larawan ng inyong lingkod habang suot ang Escolta shirt.

Hindi na bago sa akin ang magtrabaho para maayos ang lugar na tinuturing ng marami na wala nang pag-asa. Nang dalhin ako sa Escolta ng isang kaibigan mula sa Heritage Conservation Society-Youth, naging madali sa akin ang idugtong ang buhay ko doon para makatulong. Ngunit tulad ng dati kong naging misyon bilang youth leader ng gobyerno, hindi naging madali ang lahat para magkaroon ng saysay ang mga bagay-bagay. Alam ko yun dahil wala namang long exam na mape-perfect mo agad-agad. Bilang indibidwal na ating tanging hiling ay makita ang Maynila na kaaya-aya tulad ng dati, kailangan ko itong pagpaguran at kailangang magsakripisyo ng iilang bagay para gawin ang nararapat. Dito ako magsisimulang muli sa Escolta.

Hindi maiiwasan ang mga di pagkakaunawaan, colflicts of interest, miscommunication at iba pang nagiging hadlang para hindi umandar ang adbokasiya. Nakakalungkot na makita ang iilan na nag-iisip na mali ang mga ginagawa ko dahil sa napakaraming kadahilanan. Aaminin ko na ako’y may mga pagkakamali at handa akong humingi ng kapatawaran. Hindi naman ako perpektong lider. Magkagayunman, hangga’t alam kong para sa kabutihan ng marami ang misyon, gagawin ko iyon dahil alam kong may mga taong nagtitiwala sa kakayahan ko. Hindi ko sila bibiguin.

Isang malaking consolation sa akin ang maka-daupang-palad ang mga taong tinitingala sa kani-kanilang larangan. Mula sa mayor ng Maynila at chairman ng MMDA hanggang sa barangay chairman na nakakasakop sa Escolta, hindi ko inakalang ang mga personalidad na iyon ay magiging bahagi ng aking mga ginagawa. Nakakatuwang karanasan din ang lumabas sa telebisyon para i-promote ang mga gawain namin kung saan pwedeng sumali ang lahat. Kasama ang mga kaibigan mula sa iba’t ibang grupong tagasuporta, inilalahad namin sa kanila ang lahat ng tungkol sa Escolta at kung bakit mahalagang tulungan nila ang isang kalyeng kinalimutan na ng ekonomiyang lubos niyang pinaglingkuran. Nagkaroon ng mga positibong tugon, pero nariyan din naman ang mga negatibo. Magkagayunman, obligasyon namin na kunin ang pagkakataong gawing positibo ang mga negatibong resultang iyon.

twt-2014-escolta-06

Screenshot mula sa interview ng programang Cityscape ng ABS-CBN News Channel.

Pagpupulong ng Escolta community kay Manila Mayor Joseph Estrada noong Mayo 2014.

Pakikipagpulong ng Escolta community kay Manila Mayor Joseph Estrada noong Mayo 2014.

escolta-meets-mmda

Pakikipagpulong ng grupo kay MMDA Chairman Francis Tolentino.

Ang taong nagtitiwala sa akin ay naging mga bago kong kaibigan. Sila ay mga professors, architects, artists at maging high school, college at graduate school students; gayundin ang mga building owner, office employees, security guards, young professionals at mga simpleng taong araw-araw na nabubuhay sa pangarap na sana’y bumalik ang kaayusan sa pangalawa nilang tahanan. Nakakataba ng puso na makita ang mga ngiti, ang mga pasasalamat at mga salitang nagbibigay-inspirasyon sa amin na gawin ang makakaya para umusad ang kanilang mga pangarap.

Sa loob ng isang taon, wala naman talagang malaking pinagbago sa kalagayan ng Escolta, kahit ilang media o ilang daang turista na ang bumisita upang makita ang ganda at pangit sa dating sikat na kalsada. Ang mga pisikal na pagsasaayos ay nasa diskresyon pa rin ng Manila city government kaya patuloy naming tinatawag ang atensyon nila tungkol sa mga isyu ng security, lighting, sidewalk, walang kwentang barangay officials, pasaway na mga vendor at ang pagpapasa sa pagiging heritage zone ng Escolta.

Habang hinihintay ang mga malawakang pagbabago ay sinasamantala namin ang pagbuo ng mga event para mas mapalaganap ang kaalaman ng publiko tungkol sa Escolta. Bilang mga volunteer ay wala kaming sapat na pondo upang gumawa ng mga pisikal na pagsasaayos, kaya mas mabuting ginagamit namin ang kayamanan ng isipan at diskarte upang madala ang mga institusyong may kakayahang gawin ang mga iyon.

Ang mga pangalawang magulang namin sa ECAI ay mahigit dalawang dekada nang humahanap ng paraan para muling magliwanag ang Escolta. Sa kabila ng pagiging magkaka-kompetensya sa negosyo, ipinapakita nilang hindi saklaw ng pera ang tagal ng kanilang pagsasamahan bilang isang Asosasyon. Tanggap nila ang kanilang mga kakulangan at minsa’y hindi pagkakaintindihan dahil sabi nga nila ay “tumatanda” na’t medyo “napapagod” na sila. Kahit ganoon, naniniwala akong sa gitna ng mga pagsubok bilang isang institusyon, patuloy pa rin silang naniniwala na maaabutan pa nila ang bagong panahon ng Escolta. Kasama akong naniniwala at tumatrabaho para sa pangarap na iyon.

Ang unang taon ay umpisa pa lamang ng mas marami pang tagpo para sa akin sa Escolta. Mula sa orihinal kong pakay na suportahan ang panawagang gawin itong heritage zone ng pamahalaan, natanto ko ang sarili ko na mas marami pa akong pwedeng gawin upang makatulong.

Para sa akin, ang Escolta ay hindi lamang isang lugar na dapat puntahan para alalahanin ang kanyang kasaysayan at protektahan ang mga pamanang nasa bingit ng pagkasira. Sa aking mga mata, ang Escolta ay isang lugar kung saan masarap mangarap, kung saan ang mga pagsubok ay mahirap pero malulutas nang may pananampalataya at pag-asa, at kung saan magmumula ang bagong henerasyon ng mas produktibong mamamayang Manilenyo at Pilipino.

Nagpapasalamat ako sa mga tao’t institusyon na patuloy na sumusuporta at gumagawa ng paraan upang maibalik ang nawalang sigla ng Escolta. Nagpapasalamat din ako sa pagbibigay ng tiwala sa kakayahan ng inyong lingkod upang palaganapin ang Escolta sa lahat ng paraan at sa lahat ng pagkakataon.

Sa aking ikalawang taon, nawa’y iadya pa ng Langit ang dagdag na buhay at mas maayos na kalusugan upang ibahagi ang aking makakaya para sa ikabubuti ng Escolta. Dito ko natagpuan ang panibagong misyon na muntik ko nang iwanan at alam kong sa lugar ding ito sisibol ang aking panibagong paniniwala para sa magandang kinabukasan ng lungsod kong tinatangi’t minamahal.

Ang kasalukuyang official logo ng Escolta Revival Movement.

Ang kasalukuyang official logo ng Escolta Revival Movement.