FAST POST #20: Ang Unang Sulat Mula Sa Utak Na Nahihilo Para Sa Pusong Nagpipigil Umibig Nang Totoo

November 16, 2012, Biyernes, 8:30 ng gabi

Aking puso,

Alam kong sa mga oras na ito’y kontento ka sa kapayapaang iyong natatamo at dahil dyan ay napakasaya ko. Nawa’y nasa kalmadong mood ka habang binabasa ang sulat ko. Lagi ka kasing nagpa-panic kapag pinagdi-diskusyunan natin ang tungkol sa lovelife e. Yung tipong yung pagtibok mo ay nagkakaroon ng impact sa buong sistema ng taong ito, malamang, kasama na pati ako.

Ilang beses na tayong nagtalo tungkol sa pag-ibig, pero ito yung unang beses na sinulatan kita upang ipaalam sa’yo ang laman ng aking isip. Wala talaga akong ganang magsulat pero pinilit kong buuin ang liham na ito para sa isang bagay. Malakas lang siguro ang loob ko kaya ko ginawa ito kaya sana’y damhin mo.

Sa ilang buwan na hindi mo iniinda ang pagmamahal nang totoo sa iilang taong nakakasalamuha mo. Ni hindi ka nagpapadala sa kalungkutan kung nakakaranas ka ng rejection o ikaw mismo ang nanre-reject sa taong alam ko namang karapat-dapat na bigyan ng pagkakataon para mahalin mo. Alam mo bang bigla akong nag-alala sa’yo? Kasama ba yan sa mga pagbabagong gusto mong i-apply sa taong ito? Sa palagay ko, hindi ka na nagiging fair.

Maraming taon din na ikaw ang naging dehado sa larangang ito. Nakasira pa nga sa imahe mo ang mga sitwasyon para lang masabi mong karapat-dapat kang mahalin, pero lahat ng iyon ay bigo. Umiyak ka, nasaktan, nagdusa sa sakit ng bigong pag-irog. Lahat ng pagsubok na iyon, sinamahan kita, hindi dahil wala akong choice, pero dahil magkaibigan tayo. May iilang pagkakataong naging masaya ka, pero aaminin ko, kasalanan ko yung mga dahilan kung bakit mo kelangang itigil ang mga kaligayahang iyon. Gusto lang kasing protektahan nun dahil naiisip kong masasaktan ka lang kung itutuloy mo iyon. Naisip kong mas mabuting umiyak ka na ngayon pa lang, kesa bigla kang lumagapak sa kalagitnaan ng langit na iyong nadarama. Humihingi ako ng tawad sa mga pangyayaring iyon.

Ngunit nitong mga nakaraan ay naninibago na ako sa’yo. Dati, halos isakripisyo mo ang iyong sarili para lang mahalin ng mga taong gusto mong mahalin, kahit masaktan ka, ayos lang. Pero bakit ngayong nakikita na ng mas marami ang pinakamahahalagang sangkap para sa isang taong nararapat mahalin, eh doon mo naman pinipigilan ang sarili mong umibig? Naka-focus ka na lang sa mga paraan para ma-improve ang taong ito sa kanyang pisikal na katayuan na dati’y di mo iniisip na dahilan kung bakit di ka gusto ng mga taong gusto mo. Naniniwala akong hindi ka pa ginagawang manhid ng inyong mga karanasan, pero pinaparamdam mo sa akin ngayon na ayaw mo nang magmahal dahil ayaw mo nang masaktan.

Lagi kitang iniisip, kaya sana, nais kong bumawi sa’yo at sana’y pakinggan mo pa rin ako sa pagkakataong ito. Subukan mong umibig muli dahil nariyan na siya – yung taong tanggap ka kahit ano pa ang itsura mo at topak mo. Alam ko yon kahit wala akong pandama. Huwag kang matakot dahil alam kong di ka nya sasaktan. Ilang beses na niyang pinapakita sa’yo na karapat-dapat kang mahalin kahit di mo baguhin ang anyo mo. Alam kong di buo ang kagustuhan mong papayatin at pakinisin ang taong ito para lang sa dahilang may magmahal na sa inyo nang tunay. Sapat ka na sa kung ano ka para makita ka ng nilalang na mag-aalaga sa’yo at sa taong ito. Sana, kahit di mo ito maisip, hinihiniling ko sa Diyos na maramdaman mo ito. Naghihintay lang siya sa’yo at sisiguraduhin kong maghihintay lang siya sa’yo.

Hihintayin ko ang iyong tugon, aking kaibigan.

Laging tapat at nag-aalala sa’yo,
Iyong utak.

(Nasa Fast Post ang artikulong ito dahil bigla na lang napaisip ang utak ng may-akda na tulungan ang puso ng may-akda na magmahal muli.)

Ang Pagiging Pinuno Gamit Ang Tunay Na Puso

Ang pinuno ba’y ipinapanganak o hinuhubog ng mga karanasan ng kanyang buhay?

Minsan ko nang narinig sa aking mga guro noong elementarya na ako’y magiging isang magaling na lider paglaki ko. Tumatatak ito sa aking isipan hanggang sa ngayon. Kung tutuusin, isa itong compliment, tama? Pero nang aking pagnilay-nilayan ang papuring ito, may nakabiting tanong sa aking sarili: ano nga ang magaling na pinuno? Magaling nga ba talaga akong pinuno?

Bilang estudyante, hindi ko inasam na tumuntong sa entablado ng graduation ceremonies noong elementary at high school bilang isang honor student. Makapasa lang, OK na. Magkagayunman, mas aktibo ako sa mga gawain kung saan dahil na rin sa aking mga nalalaman ay ako ang napipiling maging lider ng isang pangkat o grupo. Kung may matatanggap na karangalan ay ako ang unang makakasagap, at kung may pagkakamaling hindi inaasahan, ako ang unang tatanggap ng sisi. Ganito lang ba talaga tumatakbo ang buhay ng isang lider?

Dumating sa buhay ko ang isang senaryong sinubok ang aking karakter bilang pinuno nang sumali ako sa isang programang hain ng pamahalaang lungsod ng Maynila para sa mga kabataan. Oo, mayabang ako sa puntong iyon dahil sa dami ng pinagdaanan ko sa maraming bagay ay magaling na ako at halos alam ko na ang lahat. Gayundin ang tingin sa akin ng iba kaya mas lalo pa akong tumataas, kaya ganun na lang ang tiwala sa akin ng mga mas nakakataas para hawakan ang grupo ng kabataan mula sa aming distrito. Dumaan ang mga papuri sa aking harapan na tila binubuhat ako sa rurok ng langit, tila walang katapusang ginhawa na ayoko nang bumaba sa pedestal ng iba. Pero natapos ang mga ito at dumating ang tunay na hamon. Worst case scenario, kumbaga. Naghahanda ang lahat ng distrito para sa closing ceremonies ng programa kaya’t lahat ng preparasyon ay nakatuon sa mga officer ng grupo, kung saan ako ang mas nakakaangat (kahit hindi ako ang presidente). Dumating sa punto na dahil alam nilang marami kang alam ay iaasa nila sa’yo ang mga responsibilidad at tinatanggap mo kahit di mo na kaya. Ang pinakamasakit sa lahat ay ang expectation nila sa’yo, na kapag hindi mo sila nakumbinsi na ang ginagawa mo ay tama ay ikaw pa ang mapapasama. Dito ako tuluyang sumuko at dito ko napagtanto na hindi lang sila ang mahina kundi ako mismo. Natapos ang programa na hindi ako naging kumportable, bagkus, para akong kulay pula na mainit sa mata ng marami.

Pumasok ang taong 2012 na napakaraming pangakong gustong ialay para sa aking kinabukasan, pero may isang pagkakataong binigay sa akin ang Diyos para masagot ang isang malaking tanong sa aking isipan — ang pagkakaroon ng pagkakataong maging lider sa Kanyang paningin.

Hindi ko aakalaing ang pagiging kinatawan ng mga kabataan ng Tundo sa 2011 World Camp Philippines na inorganisa ng International Youth Fellowship (IYF) ang magiging susi para masagot ang tanong na ito. Hindi ko gaanong sineryoso ang youth convention na ito dahil may mga bagay doon na lubos kong pinagtatakhan gaya ng pag-alam sa mundo ng puso ng mga kabataang lider. Mundo ng puso? Alam ko may mamimilosopo sa inyo sa mga salitang iyon gaya ko nang una kong marinig iyon. Ang hindi ko alam, planado pala ang lahat ng ito. Planado Niya.

Sa World Camp na iyon ay nanalo ako sa isang eleksyon bilang youth head of advertising, at ang nakakatawa roon ay sobra sobra pa sa majority votes ang nakuha ko. Hindi ko pa rin sineryoso ang pagkakahalal kong iyon. Hindi ko sineryoso ang pagkakataong iyon hanggang dumating ang Korean Camp noong Enero na inorganisa rin ng IYF. Sumama ako sa Korean Camp para makakita ng maraming Koreano, makapamasyal sa Nueva Ecija na hindi ko pa napuntahan noon, at lumayo sa napakaingay na Maynila. To sum it up, gusto ko ng comfort at peace of mind… pero higit pa roon ang nakuha ko. Sa isang linggo ko sa Korean Camp kasama ang grupo ng Korean student volunteers ay nakita ko sa kanila ang mga ngiting di matumbasan sa tuwing nakakasalamuha nila at natuturuan ang mga kabataang Pilipino. Yun yung mga ngiting galing sa puso na talagang nakakahawa. Kahit sa gitna ng pagod, puyat at tinding init ng panahon (dahil hindi sila ganoong sanay sa klima ng bansa) ay patuloy pa rin silang masaya sa kanilang ginagawa na tila ayaw nilang matapos ang mga aktibidad para sa mga kabataan. Ang iba sa kanila’y naging kaibigan ko, at nang dumating ang oras na paalis na sila’y dito ako nanghinayang at nalungkot, pero alam kong hindi rito nagtatapos ang lahat. Dito nag-uumpisa ang kasagutan ng aking matagal nang katanungan.

Pagkatapos ng Korean Camp ay nagtuloy-tuloy ako sa pagiging aktibong miyembro ng IYF. Nakikibahagi ako sa kanilang mga aktibidad kung saan natututo na rin akong makisalamuha nang bahagya sa iba’t ibang klase ng tao. Pero ang pinakaimportante sa lahat ay nang makilala ko ang aking sarili bilang pinuno gamit ang aking tunay na puso.

Tayong lahat ay pinuno sa ating sariling pamamaraan, pero ang hindi natin maiaalis ay ating pagiging makasalanan. Hindi tayo magagaling na pinuno, bagkus, tayo’y punung-puno ng kasamaan sa ating puso. Pero dahil sa mga pagkakataong ibinigay sa akin ng Panginoon sa pamamagitan ng IYF, nalaman ko na ngayon na ang tunay na lider ay hindi mataas kaysa Diyos. Alam dapat ng tunay na lider ang buhay ng tunay at nag-iisang pinakamagaling na pinuno sa kasaysayan ng mundo. Ang tunay na lider ay hindi naglilingkod sa tao, kundi naglilingkod para sa ikalulugod ng Maykapal. Alam ng tunay na lider na siya’y makasalanan at hindi nararapat na umakyat sa langit. Ang tunay na lider, ginagamit ang kanyang tunay na puso at yun ay ang pusong dapat na kumunekta lagi-lagi sa ating Panginoon.

 Sa paparating na Abril 11-13 ay gaganapin ang 2012 IYF World Camp Philippines sa Maynila… at hindi na lamang ako basta participant lang. Isa na ako sa mga bahagi ng event na ito at isa na ako ngayon sa mga kabataang gustong magpakilala sa kanila ng mundo ng puso sa iba pang kabataang lider. Sa aking kakayahan, gusto kong maging pinuno hindi lang para sa mga tao, gusto ko ring maging pinuno na matuwid sa paningin ng tunay na lider nating lahat, walang iba, kundi ang ating Panginoon.

2012 IYF World Camp Philippines Official Poster