2014 YEARENDER: #fortheloveofheritage

Minsan kong nabanggit sa isa sa aking mga Facebook post noong 2013 na gugulatin ko ang buong mundo sa 2014. Nang bitawan ko ang mga salitang iyon, bukas ang aking isipan sa realidad na binigyan ko ng pinakamalaking hamon ang aking sarili bilang isang Manilenyo at bilang isang Pilipino. Nagdaan nga ang tatlong daan at animnapu’t limang araw, masasabi kong hindi naging basta-basta ang taong magtatapos. Sa kabila niyon, hindi naman ako nabigo sa aking binitawang pangako. Katuwang ang daan-daang indibidwal na aking nakasalamuha, ipinagmamalaki kong sabihin na ginulat ko ang daigdig ngayong 2014.

Rescue, revive, relive Escolta!

Ilang buwan mula nang lisanin ko ang paglilingkod bilang kabataang lider ng pamahalaang lokal ng Maynila ay dinala ako ng aking mga prinsipyo sa isang tagong kalye sa tabi ng Ilog Pasig. Ang Escolta ay nakilala bilang isa sa mga pinakaunang pangunahing kalsada sa Pilipinas at siyang nagsilbing pangunahing pook pang-kalakalan ng bansa noong ika-19 dantaon. Kaiba sa kanyang katanyagan sa nakaraang apat na siglo, ang Escolta ngayon ay tinuturing na lamang bilang isang simpleng kalye sa Maynila na hindi nabigyan ng nararapat na pagkilala sa kanyang mga naging kontribusyon sa lipunan. Gamit ang kakayahang hinubog ng tadhana sa nakalipas na mga taon ay tumulong ako sa muling pagbuhay ng makasaysayang lugar na ito. Kasama ang mga kapanalig sa Heritage Conservation Society-Youth (HCS-Y) at Escolta Commercial Association Inc. (ECAI), naipalawig sa taong ito ang awareness campaign upang makilala ng mas nakararami ang Escolta. Bawat buwan ay naitatampok sa telebisyon, pahayagan, Internet at social media ang Escolta. Dahil dito’y mas dumami na ang mga taong gusto siyang makilala nang lubusan at karamihan sa kanila ay mga kabataan. Marami pang dapat gawin pero tiwala akong mapagtatagumpayan namin ito.

#selfiEscolta

Sa mga event na in-organize ko, ang #selfiEscolta noong July 5 na ang masasabi kong pinaka-makahulugan sa lahat. Bilang kauna-unahang street heritage festival sa Maynila, ibinandera namin sa madla ang kahalagahan ng Escolta sa pamamagitan ng sunod-sunod na tour, art market at night concert. Sa kabila ng muntikan nang pagka-postpone nito at iba pang naging problema, aberya at pagsubok habang dinadaos ang #selfiEscolta, ipinagpapasalamat ko sa Maykapal na naging matagumpay ang event na ito. Nagbukas ito ng mas maraming oportunidad upang dayuhin at kilalanin ng mga kapwa Pilipino at banyaga ang Escolta.

Boses ng Escolta

Nasanay akong magsalita sa harap ng maraming tao bilang youth leader ng lungsod. Ngayong taon, malugod kong ibinahagi sa marami ang lumalaking adbokasiya ng Escolta Revival Movement. Mula PLM, La Salle Dasma at UST hanggang Inquirer, TV5 at ANC, ginamit ko ang aking kakayahang mangaral upang ilahad kung gaano kaimportante ang Escolta sa kasaysayan at kung paano makakatulong ang sambayanan sa muli nitong pagsigla.

Mula Antipolo hanggang Iloilo

Bilang aktibong kasapi ng HCS-Y ay nagkaroon ako ng pagkakataong mapasyalan ang maraming lugar kung saan makikita ang mga kayamanang hindi matutumbasan ng modernisasyon at bagong teknolohiya. Ito ang mga istrukturang naging saksi ng pagbabago ng ating lipunan ay nananatiling nakatindig at ipinapakita kung gaano karangya ang Pilipinas noon. Nariyan ang mga bahay sa Malabon, ang Santos House ng Antipolo, ang aking muling pagbabalik sa makasaysayang lungsod ng Malolos at ang napakagandang downtown ng Iloilo City.

Mula artista hanggang Arsobispo

Hindi sumagi sa aking mga ambisyon ang makilala, makamayan at makausap ang mga personalidad na magiging mahalagang bahagi ng kasaysayan sa hinaharap. Sabi ko nga, kung panahon lang ngayon ng Kastila o Amerikano, masasabi ko nang napakasuwerte kong indio. Nakadaupang-palad ko ang anak ni Comedy King Dolphy na si Eric Quizon upang hingiin ang basbas ng pamilya upang itampok ang kanyang dakilang ama sa Escolta. Hindi ko aakalaing makakasama ko sa adbokasiya ang tanyag na arkitektong si ICOMOS Philippines president Arch. Dominic Galicia. Nakausap at nakatext ko rin sa ilang pambihirang pagkakataon si MMDA Chairman Francis Tolentino. Naging personal na kaibigan naman namin ang butihing administrator ng Intramuros na si Atty. Marco Sardillo. Nakakamangha rin na makamusta ang dalawang mayor ng Maynila: sina Hon. Alfredo Lim at dating Pangulong Joseph Estrada. Higit sa lahat, nakakataba ng puso ang mahawakan ang kamay, maka-selfie at biglaang maimbitahan nang personal sa kanyang Noche Buena ng Inyong Kabunyian, Luis Antonio Cardinal G. Tagle, ang arsobispo ng Maynila.

Kung ano-ano

Patuloy pa rin akong nagsusulat, bagaman hindi gaanong makapag-post sa Aurora Metropolis. Pinipilit ko pa ring tuparin ang aking pangarap na makagawa ng libro karamay ang naluluma ko nang laptop at ilang tasa ng kape. Baka next time na lang. Hindi rin mawawala ang mga inuman session, magdamagang heart-to-heart conversation sa ilang mga kaibigan at ang magmahal-at-mahalin moments. Masarap ding malasing paminsan-minsan basta kasama ang mga taong pinagkakatiwalaan mo. Natututo na akong tumawid sa manipis na pisi para magtagumpay. Naniniwala pa rin ako sa tuwid na daan. Kahit di nagsisimba, marunong pa rin akong magdasal sa Kanya sa mga oras ng problema at saya. Masaya ang buhay at walang dahilan para malugmok sa kalungkutan.

Pangarap para sa Maynila

Pinili kong mahalin ang lungsod ng Maynila dahil alam kong karapat-dapat siyang mahalin. Bilang kabisera ng Pilipinas, pinapangarap ko ang mas maganda at mas maunlad na siyudad kung saan ang lahat ay nabubuhay nang payak at maligaya. Sa kabila ng patuloy na pagbura sa mga importanteng bakas ng kanyang nakaraan, hangad kong mamulat ang lahat – ang gobyerno at mga kapwa ko Manilenyo – sa katotohanang ang pagpapahalaga sa kasaysayan ay kaakibat ng pag-unlad ng ating tanging lungsod sa kinabukasan. Hindi lahat ng luma ay hindi na kapaki-pakinabang.

Pasasalamat at pagkilala

Hindi matatapos ang artikulong ito nang hindi nagpapasalamat sa lahat ng naging bahagi ng aking paglalakbay sa taong magtatapos.

Salamat sa aking mga kasama sa HCS-Y, lalong lalo na sa pamunuan at mga aktibong kasapi dito. Patuloy nating ipaglaban ang karapatan ng mga kayamanan ng ating bayan. Mabuhay po kayo!

Salamat sa mga namumuno sa ECAI, lalong lalo na kina Ms. Cely Sibalucca, Ms. Marites Manapat, at kina Sir Robert at Ms. Lorraine Sylianteng sa lahat ng tulong at suportang binibigay ninyo sa inyong lingkod habang ginagawa ang aking mga dapat gawin sa Escolta.

Salamat sa mga taong kumikilala sa Escolta at patuloy na kumikilala sa makulay na nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng minamahal nating Queen of Manila’s Streets. Darating ang panahon na makakamit din niya ang karangalang nararapat para sa kanya.

Salamat sa Heritage Conservation Society sa pangunguna nina Ms. Gemma Cruz-Araneta at Mr. Ivan Henares sa pagtitiwala sa mga kabataan upang maging sundalo ng ating adbokasiya.

Salamat sa aking mga kaibigan: Cherry Aggabao, Prof. Neriz Gabelo, Macky Macarayan, outgoing PLM-College of Mass Communication dean Ludmila Labagnoy, Stephen John Pamorada, Clara Buenconsejo at Jericho Carrillo ng HCS-Y; Sir Marco Sardillo, Marcus Luna, Christopher Hernandez, at Herbert Eamon Bacani at Albert Ampong ng HBOX.

Salamat sa’yo Escolta dahil dama kong ako’y iyong pinagkakatiwalaan. Mananatili ako sa’yo hangaang sa iyong muling pagsigla.

Salamat sa aking pamilya na patuloy na umuunawa sa akin. Sa kabila ng pagsubok na ating nararanasan ngayon, nawa’y manatili tayong malakas at manalig sa Maykapal. Kaya natin ito!

At ang pinakahuli, maraming salamat sa ating Panginoong Hesukristo, sa ating Inang Maria at Poong Sto. Nino. Salamat po sa pagbibigay Ninyo ng tuloy-tuloy na biyaya, sorpresa at talento upang gawin ang aking misyon sa mundong ito. Patuloy po Ninyong basbasan ang aming lungsod at tanging bansa ng pagpapala at lakas upang harapin ang mga pagsubok. Inaalay po namin ang tagumpay ng aming bayan sa Inyong karangalan. Amen.

Halos katumbas ng pagmamahal sa ating pamilya at Diyos ang pag-ibig natin sa ating bayan. Hangad ko na mas maraming Pilipino ang magmahal sa bansang ito sa darating na taon, lalo pa’t isa ito sa mga mahahalagang sangkap ng kaunlaran. Ang 2014 ay isang pahiwatig na tayo, bilang Pilipino ay nabubuhay nang may dahilan at ito ay para mahalin ang bayang ipinagkatiwala sa atin ng Langit. Sana’y pahalagahan natin ito.

Ang “Pagpatay” Sa Escolta

UNANG-UNA SA LAHAT. Ipagpaumanhin po ninyo dahil naging inactive ang Aurora Metropolis nitong mga nakaraang buwan. Pero sobra akong nagpapasalamat at nakakataba ng puso na makitang mataas pa rin ang bilang ng mga bumibisita rito. Abala po ang inyong lingkod sa paghahanda sa isang malaking adbokasiya. Ito po ay ang Escolta na siyang malugod kong ibabahagi sa artikulong ito.

 

Kailan ba maituturing na patay na ang isang lugar? Ano ba ang mga senyales na ang partikular na komunidad o siyudad ay patungo na sa estadong hindi na nito kayang tumindig sa pundasyong pinilay ng trahedya? Sino ang makapagsasabing ang kamatayan nito ang naging mitsa ng paghihingalo ng lungsod na minsang kinilala ng daigdig bilang prinsesa ng Malayong Silangan?

Wala akong mahalagang alaala ng aking kabataan sa Escolta, maliban na lang sa mga sandaling dinadala ako ng aking kuya sa Simbahan ng Sta. Cruz. Doon kasi dumadaan ang jeep na sinasakyan namin. Wala rin akong pinapahalagahang lugar sa Escolta, ni walang kakilalang dinadalaw doon. Hindi ko kilala ang Escolta… hanggang tadhana na mismo ang nagdala sa akin sa matimtimang lugar na ito.

Marami ang hindi nakakakilala sa Escolta sa kasalukuyang henerasyon. Kung mayroon man, marahil ay masasabi lang nila’y “noon, maganda ang lugar na ‘yan, pero tuluyan nang napag-iwanan ng panahon”. Kung kinikilala man ng kasaysayan ang kontribusyon nito sa lipunan, iyon ay makikita na lamang sa mga gula-gulanit at inaalikabok na libro at peryodiko sa mga silid-aklatan. Ngunit nang naumpisahan kong tuklasin ang Escolta, masasabi kong hindi pa patay ang distritong ito. Para sa akin, ang Escolta’y natutulog lamang at naghihintay sa mga taong nagmamahal sa kanya — mga taong magbibigay sa kanya ng pagpapahalaga tulad ng dati.

Ang distrito ng Escolta sa anggulo mula sa Jones Bridge.

Ang distrito ng Escolta ngayon sa anggulo mula sa Jones Bridge.

Ang Calle sa Kanyang Ginintuang Buhay

Nasasaad sa mga tala ng kasaysayan na ang Escolta ay nagsimulang magsilbi bilang lugar ng kalakalan noong 1594, dalawampu’t isang taon pagkatapos masukob ni Miguel Lopez de Legaspi ang lupaing tinawag niyang Maynila. Matatagpuan sa hilagang pampang ng Ilog Pasig, ang kalyeng ito ay perpektong lokasyon upang lagakan ng mga produktong ibinabagsak sa Manila Bay na idinadaan sa ilog at inihahatid sa mga negosyanteng nakabase sa Downtown Manila.

Dumaan ang mahigit tatlong daang taon, mula sa pagiging simpleng daungan ay nakasabay ang Escolta sa pag-unlad ng noo’y gumagandang merkado sa kabisera ng bansa. Unti-unti nang nagsulputan ang mga istruktura’t gusaling pang-komersyo na kinalauna’y nagtakda sa Escolta bilang punong distrito ng napakaraming industriya sa Maynila. Kabilang sa mga makasaysayang pangyayari dito ay ang pagsilang ng kauna-unahang sinehan at pagpapakilala sa sining ng pelikula sa mga Pilipino noong 1897.

Mas tumingkad ang imahe ng Escolta sa pagdating ng mga Amerikano sa Pilipinas sa umpisa ng ika-20 siglo. Patuloy itong gumanap sa kanyang estado bilang pangunahing lugar ng kalakalan sa lungsod. Kinunsidera ng mga mananakop ang potensyal ng Escolta ito sa ekonomiya ng kanilang bagong kolonya. Patunay dito ang pagsibol ng mga eleganteng gusali na pinaninirhan ng mga primera-klaseng tindahan na nagtitinda ng mga mamahaling produkto mula sa Estados Unidos, Europa at Asya. Narito rin ang mga punong himpilan ng mga pangunahing institusyong pampinansyal at pangangalakal. Sa bawat opisina rito’y nagtatagpo ang iba’t ibang mga lahi upang bumuo ng mga kasunduang pang-negosyo sa Pilipinas o para sa kani-kanilang mga bansa.

Kabilang sa mga tanyag na institusyong bumase rito ay ang Philippine National Bank, Bank of the Philippine Islands at ang Philippine office ng National City Bank of New York na kilala ng buong mundo ngayon bilang Citibank. Naging tahanan din ito ng Manila Stock Exchange na ninuno ng kasalukuyang Philippine Stock Exchange. Sa Escolta rin ipinanganak noong 1939 ang dzRH sa itaas na palapag ng H.E. Heacock Building. Ito ang ikaapat na istasyon ng radyo ng bansa at ang nananatiling buhay na himpilan ng kanyang panahon.

Ang Calle sa Kanyang Panghihina, Paghihingalo at “Kamatayan”

Nanatili ang operasyon sa Escolta nang masakop ng Imperyong Hapon ang Pilipinas. Maraming dayuhang kumpanya ang kinuha ng mga Hapones, samantalang ang mga may-ari ng ilan sa mga ito ay ikinulong at pinahirapan. Nanatili ang ganitong kalakaran hanggang 1945 nang lumusob ang puwersang pandigma ng mga Amerikano bilang hakbang sa pagbawi ng pinakamahalagang siyudad sa Silangan sa kamay ng mga Hapones. Libo-libong gusali ang nasira at daang libong mga tao ang nasawi sa tinaguriang Battle for Manila. Kasabay nito ang pagka-paralisa ng punong kabisera at kabilang dito ang pagkadurog ng Escolta.

Dumaan sa rehabilitasyon ang Maynila sa tulong ng pamahalaang Amerikano. Kaalinsabay ng pagbibigay ng lubos na kalayaan sa bansa noong 1946, isa sa mga naging prayoridad ng Estados Unidos ang pagpapaayos ng mga pangunahing istruktura ng pamahalaan na sa hinaharap ay siyang magpapatakbo sa pinakawalan nitong teritoryo sa Pasipiko.

Unti-unting bumalik sa kanyang kinagisnang sistema ang Escolta, ilang taon pagkatapos ng digmaan. Nagsibalikan ang ilang mangangalakal upang muling buksan ang mga naiwang negosyo.

Sa mga panahong ito’y naitakda ang ilang mga mahahalagang pangyayari sa ating bansa tulad ng pagsilang ng dzBB noong 1950 sa Calvo Building na siyang ninuno ng kasalukuyang GMA Network Inc.; ang paglalagay sa kauna-unahang elevator system sa bansa sa Burke Building; at pagpapasinaya sa bagong punong gusali ng PNB noong 1966.

Ang Escolta noong dekada '60, ilang taon pagkatapos ng digmaan. Unti-unting bumabangon ngunit halos wala nang bakas ng marangyang kahapon. (Larawan mula sa Manila Nostalgia blog)

Ang Escolta noong dekada ’60, ilang taon pagkatapos ng digmaan. Unti-unting bumabangon ngunit halos wala nang bakas ng marangyang kahapon. (Larawan mula sa Manila Nostalgia blog)

Sa kabila ng pilit na pag-angat ulit ng Escolta ay hindi na nito tuluyang nakabalik sa nakagisnan nitong pagkakakilanlan. Sa pag-usad ng dekada ’70 ay unti-unti nang nagsisialisan ang mga tanggapang nakabase dito bago ang giyera. Ang iba nama’y tuluyan nang nagsara at isa na lamang alaalang natabunan ng panibagong yugto ng ating kamalayan.

Makalipas ang ilang dekada, ang Escolta na kilala sa kanyang maharlikang pagkakakilanlan ay nananahimik at nananatiling minumulto ng kanyang naranasang trahedya. Sa mata ng marami, ang Escolta ay patay na at isa nang inaagnas na gunita ng Maynilang ginahasa ng pinaka-masaklap na giyera sa kasaysayan ng daigdig.

Ang Calle ng Pag-asa

Ang Escolta ngayon ay isa na lang simpleng masikip na kalsada sa Binondo. Ang katahimikan dito’y hindi kaayusan ang pakahulugan. Nagsisilbi itong kanlungan ng ilang walang matirhan na kung minsa’y nagdadala ng gulo at krimen sa lugar. Dulot nila ay pagkabahala sa mga taong nagtatrabaho rito. Ang Escolta ay ginagawa na lamang na paradahan ng mga negosyante, isang bagay na lalong nagpapababa sa matayog niyang imahe sa nakaraan.

Sa kabila ng kawalang-importansya ng iilan, nakasilip pa rin ang liwanag ng pag-asa sa Escolta sa pamamagitan ng mga taong nagpapakita ng suporta rito. Sa sinasabing “yugto ng kamatayan” ng distrito, nananatili pa rin ang mga indibidwal na ayaw iwanan ang Escolta sa napakaraming dahilang hindi maiaalis sa kanilang puso’t isipan. Silang mga lumaki, nagkapamilya at nagmahal sa kalyeng nagbahagi ng kanilang pagkatao. Nariyan rin ang mga grupong hangad ay ipalaganap sa mga Pilipino na ang Escolta ay buhay. Kung hindi man buhay sa ekonomikal na aspetong pinanghawakan nito noon, ang kalyeng ito ay nararapat na itratong buhay na patunay ng mayaman nating sining at kultura. Hangarin din ng mga organisasyong ito na tulungan ang mga negosyong nananatili sa Escolta sa pamamagitan ng aspetong panturismo na malaking bahagdan sa ekonomiya ng Maynila.

Ang Calle sa Gitna ng Banta at Hamon

Hindi maikakailang salat ang nakukuhang suporta ng Escolta sa maraming institusyon, lalong-lalo na sa pamahalaang lungsod. Sa napakaraming pagkakataon, bigo ang Manila City Hall na makita ang potensyal ng Escolta na makatulong sa alanganing sitwasyon ng ekonomiya ng lungsod. Diumano’y sila pa mismo ang nagsasabing patay na ang naturang distrito — mga salitang hindi kapani-paniwalang manggagaling sa mismong gobyernong nakakasakop dito.

Ang El Hogar at ang Capitol Theater. Mga gusali ng Escolta na parehong nanganganib.

Ang El Hogar at ang Capitol Theater. Mga gusali ng Escolta na parehong nanganganib.

Ang banta ng demolisyon sa Capitol Theater at ang walang katiyakang kondisyon ng El Hogar Building sa Muelle dela Industria ay ilan sa mga malalaking bangungot na kapag hindi nabantayan ay dudurog nang biglaan sa pag-asa ng mga nagmamahal sa Escolta. Hindi nakikita ng lokal na pamahalaan at ilang negosyante ang kakayahan ng mga gusaling tulad nito na magdala ng kita para sa kanila at sa mga magiging empleyado nila. Ang mga tulad nito’y istrukturang ang halaga ay hindi kayang tumbasan ng salapi dahil ito’y kayamanan ng ating lahi. Ang pagpapanatili ng mga ito ay isang makabuluhang promosyon upang makapag-engganyo ng maraming negosyo at epektibong turismo kung saan lahat ay makikinabang. Masakit mang tanggapin pero ganito ang lokal na gobyerno ng Maynila ngayon — nasa harapan na ang posibleng kaunlaran pero manhid pa rin sa makabuluhan at epektibong pamumuhunan.

Matagal nang hamon sa Manila City Hall ang ganitong senaryo. Napakarami nang heritage structures ang nawala nang dahil sa tinatawag nilang “development”. Para sa kanila, walang kuwentang pamumuhunan ang pagpapaayos ng mga ito. Tila ba mababaw ang ganitong pananaw dahil kung ito ay tunay na pasakit sa pondo ng bayan, marahil ay hindi naging matagumpay ang mga heritage city na ngayon ay inuulan ng turista at kita. Hindi nila natatanto na kung anumang puhunan ang ilalagak nila sa mga alaala ng ating kasaysayan ay babalik sa kanila at siyang ipapakain nila sa kanilang mamamayan. Ito ang “development” na dapat ipamulat sa ating nagbubulag-bulagang gobyerno.

Magkagayunman, naniniwala pa rin ang marami sa pamahalaan ng Maynila na makasama sa adbokasiyang ito. Walang lugi sa pagpapaganda sa Escolta dahil hindi limitado sa iilan ang napipintong tagumpay nito. Ito ay tagumpay ng lungsod at tagumpay ng henerasyong ito.

Ang Calle sa Aking mga Mata

Hindi ako taga-Escolta. Wala akong di-malilimutang alaala sa Escolta. Wala akong kaibigan sa Escolta. Wala akong pakialam sa Escolta. Pero bakit dumating ako sa puntong kailangan kong mabuhay para sa Escolta?

Para sa isang Manilenyong gustong makitang muli ang kadakilaan nito tulad noon, pangarap kong umunlad ang punong kabisera nang higit pa sa kung gaano siya kaunlad bago sumiklab ang digmaan. Kung tutuusin, halos tayo na lang ang siyudad na hindi nakakaahon sa kahirapang lumala mula pa noong 1945. Malaking dahilan ang maling mentalidad ng mga nasa bureaukrasya at maling mentalidad ng taumbayan. Maaaring hindi ganoon kadaling gawan ng solusyon ang mga ganitong kaisipan, pero tulad ng mga nakakasama ko sa adbokasiyang ito, patuloy pa rin akong naniniwala at kumikilos sa abot ng aking makakaya.

Ang ilan sa mga bumubuo ng ECAI, ang aming mga ikalawang magulang sa adbokasiya. (Larawan mula sa Facebook page ni Arch. Dom Galicia)

Ang ilan sa mga bumubuo ng ECAI, ang aming mga ikalawang magulang sa adbokasiya. (Larawan mula sa Facebook page ni Arch. Dom Galicia)

Sa nakaraang isang buwan ng aking paglalakad sa Escolta ay lalo kong naunawaan ang halaga nito, lalo pa nang makilala ko ang mga tao sa likod ng Escolta Commercial Association Inc. (ECAI). Ito ay samahan ng mga property owner sa distrito na naglalayong gawin ang kakayanin ng kanilang kapasisad upang maibalik ang sigla ng Escolta. Ang mga tulad nila ang nagmulat sa akin sa mas malalim pang kasaysayan nito mula sa kanilang perspektibo. Sa kanilang mga kuwento, karanasan at pakikipaglaban para sa Escolta, pakiramdam ko’y kuwento, karanasan at pakikipaglaban ko na rin ang sa kanila. Naihain nila sa akin ang napakaraming dahilan kung bakit hindi patay ang Escolta at napakaraming dahilan upang gisingin ang natutulog nitong diwa.

Ang Escolta ay itinuring ko nang pangalawang tahanan at ang mga taga-ECAI ang aking naging ikalawang magulang. Kasama ang aking mga kinakapatid sa Heritage Conservation Society at sa mga organisasyong sumusuporta sa Escolta, kami ay sabay-sabay na nangangarap para sa distritong nagsilbing puso ng ekonomiya ng Pilipinas. Panahon na upang ibigay sa Escolta ang mas mataas na pagkilala, hindi lang ng kasaysayan kundi ng mga Pilipino ngayon at sa hinaharap.

Hindi ako taga-Escolta. Wala akong di-malilimutang alaala sa Escolta. Wala akong kaibigan sa Escolta. Wala akong pakialam sa Escolta. PERO NGAYON, para sa akin, mas ipinagmamalaki kong ako ay Manilenyo at kasama sa muling pag-angat ng Escolta. Dito ako bubuo ng mas maraming di-malilimutang alaala at makakakilala ng mas marami pang kaibigan. Higit sa lahat, mamahalin ko’t papahalagahan ang Escolta dahil naniniwala akong ang pagbangon niya ay hudyat ng nalalapit na kaunlaran para sa Maynila.