FAST POST 41: Magpasalamat

Hindi tulad ng inakala nating sobrang lakas nitong nagdaang araw, marami pa rin ang naging mahimbing ang tulog dahil hindi naging malakas ang pagpaparamdam ni Bagyong Rolly dito sa Metro Manila. Malamig ang naging buong gabi pero hindi nakakabahala at hindi naging mapaminsala.

Si #RollyPH ang sinasabing pinakamalakas na bagyo ng 2020 sa buong mundo. Walang duda ito, lalo’t napakaraming buhay ang binulabog niya, lalo na sa parte ng Bicol. Kasabay ito ng pandemya na nauna nang gumulo sa buhay ng buong Pilipinas at ng buong daigdig, at kumitil din ng napakaraming buhay. Pero sa kabila ng kinaharap nating kaliwa’t kanang trahedya, na ayon sa kilala kong pari ay “year-long Halloween”, mahirap man at masaklap ay hindi dahilan para kalimutang magpasalamat —

Magpasalamat sa mga kapamilya, mga kaibigan, mga kapitbahay, mga nakakaluwag-luwag sa buhay, sa mga lingkod bayang hindi alintana ang Sabado at Linggo para tumulong sa iba’t ibang pamamaraan, at higit sa lahat, sa Diyos na lumikha ng lahat.

Pero sana, kasabay ng pasasalamat ay ipanalangin natin ang mga dumaranas ng hirap gawa ng kalamidad. Mapalad tayong may nasisilungan, may nakakain, may kakayahan pang tumawid nang maraming araw na maginhawa. Hindi man sa materyal na bagay, huwag natin silang kakalimutan na ipagpasalamat na buhay pa at ipagdasal na marami ang tumulong sa kanila at kayanin ang pagsubok na ito.

Ang dasal ay isang bagay na hindi makakain o hindi masusuot, pero higit ito sa lahat dahil hindi matutumbasan ang dala nitong biyaya sa anyong hindi natin inaasahan… sapagkat ito ay handog ng Maykapal.

FAST POST #34: Utang na Loob

“Kung hindi dahil sa amin, wala ka dyan sa kinalalagyan mo.”

Kultura nating mga Pilipino ang tumanaw ng utang na loob sa mga tao’t grupong tumulong sa atin. Isa itong kaugaliang masasabing natatangi sa isang bansang nagsimula sa wala’t nakatanggap ng tulong at suporta mula sa iba pang bansa.

Ngunit may tanong na bumabagabag sa ilan sa atin: kailan nga ba natatapos ang utang na loob? Ito ba ay panghabambuhay o sa limitadong panahon kung kailan natumbasan na nito ang halaga ng naitulong ng pinagkakautangan mo ng loob?

Sa larangan ng paglilingkod bayan, paano kung ang isang tao’y nagbitiw sa kanyang pwesto sa isang samahang nagbigay sa kanya ng maraming koneksyon at pagkakataon, matatawag mo ba ang taong ito na “walang utang na loob”? Matatawag bang “oportunista” ang taong ito na ginamit ang mga koneksyon at pagkakataon upang iangat ang sarili at adbokasiyang pinaglalaban niya? “Makasarili” bang matatawag ang hindi pakikiisa sa grupong para sa kanya, marahil, ay hindi na direktang nakalinya sa kanyang paniniwala?

Ang pagtulong ay hindi kailanman sinusukat sa kung gaano kalaki ang kailangang ibalik sa’yo ng taong tinulungan mo. Hangga’t alam mong nakatulong ka nang taos-puso, nanatili man ito sa piling mo o bumitiw upang tumahak sa kabilang panig ng buhay, dapat mo itong ipagpasalamat. Hayaan mong palayain siya na dala ang lahat ng koneksyon at oportunidad na naibigay mo. Mas nakakagaan ng pakiramdam kung nakita mong umunlad siya at ang mga natulungan niya dahil sa mga naitulong mo.

Sa mga natulungan, walang dapat ikabahala kung ginamit mo ang koneksyon at pagkakataon sa mga akmang sitwasyon kahit pa hindi direktang apektado ang grupong dati mong kinabibilangan. Hindi lahat ng oportunista ay mapang-abuso. Hindi lahat ng bumibitiw ay tuluyang sumusuko. Hangga’t alam mong natulungan mo ang sarili mo at mas nakakatulong ka sa mas marami tulad ng kung paano ka nakatulong noong nasa loob ka pa ng dati mong samahan, hindi mo ito dapat na ipagdamdam.

Kung ano man ang naging resulta ng iyong pagtulong o pagtanaw ng utang na loob, hayaan mong tadhana o ang kasaysayan mismo ang humusga rito.

#