FAST POST 51: Kailan Ka Handa?

Naging topic sa isang online advent recollection ang tungkol sa pagdating ng ating Panginoon. Walang nakakaalam, ika ng pari, kaya dapat tayong maging handa sa Kanyang pagbabalik sa lupa. Nagtanong siya sa lahat na kung ngayon Siya tutungong muli sa ating daigdig, tayo ba ay handa sa Kanya? Kasunod noon ay ang tanong na noon pa ako may sagot — tayo ba ay handa sa kamatayan?

Ako? Noon pa. 25 years old. Yun ang taning ko sa sarili ko. Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko ay tapos na ang misyon ko. Sa katunayan, naghanda na ako ng parang last will na nilagay ko dito sa blog, tatlong taon bago ako mag-beinte singko. Ang sinulat kong “Sa Aking Pagyao” ay mga habilin sa aking pamilya kung sakaling malapit na akong mawala sa mundo. May iilang kaibigan na nakaalam nito, at kung sakali ngang nandoon na tayo sa punto ng pamamayapa, ay sila na ang maghahain nito sa kanila.

Pero lumipas ang panahon. Buhay pa ako. After ng 25th birthday ko noong 2013, mas marami pang nangyari na hindi ko inakala. Ang isa rito ay yung mas napalapit pa ako sa aking Maylikha.

Alam kong handa na ako kahit anong oras, at lalo kong napatunayan na dapat talaga nating ihanda ang sarili natin sa pagdating Niya. Para sa akin, hindi tayo ang may hawak ng ating tadhana. Mananatili tayo kung kailan tayo kailangan ng ating daigdig.

Sa mga susunod na araw ay susulat ako ng updated version ng aking 2010 last will. Mas maraming nagbago at mas maraming dapat pag-iwanan ng habilin. Sana lahat tayo ay handa, sa kamatayan man o sa pagbabalik ng ating Panginoon. Mahalaga ito lalo’t sa mga panahong sinusubok tayo ng panahon, ang kinakapitan lang natin ay Siya at ang pag-asa.

FAST POST #17: Ano Ang Pagiging Kristiyano? (Base Sa Aking Mga Karanasan At Natutunan)

Wala akong iko-quote na Bible verse sa artikulong ito. Lahat ng ito ay base sa aking buhay bilang tagasunod ni Hesus bilang aking Diyos at Tagapagligtas. Kung anuman ang aking masabi, nawa’y galangin ito ng mga mambabasa. Hindi intensyon ng manunulat na manira ng grupo o relihiyon. (Masyadong maaga para sa Semana Santa pero eto ang nararamdaman kong isulat ngayon.)

Lumaki ako na isang mahinang klase ng Katoliko. Sa aking natatandaan, pumupunta lang ako sa simbahan kapag: 1.) New Year 2.) birthday ko 3.) Easter Eve/Salubong 4.) Simbang Gabi [at ilang taon ko siyang nakukumpleto sa parehas na oras, 3:00am] 5.) Christmas Eve [bago mag-Noche Buena] ; at 6.) New Year’s Eve [kapag malakas ang loob kong hindi mapuputukan ng mga paputok sa kalye papunta’t pauwi] . Minsan lang sa isang taon ako nagsisimba sa araw ng Linggo o magdasal bago matulog at pagkagising. Nag-a-antanda ako kapag napapadaan sa simbahan, pero ginagawa ko lang yun dahil nakasanayan ko na dahil nga ako’y isang Katoliko.

Nitong taon ay nagpasalamat ako dahil nabuksan ang aking puso upang makilalang muli ang Diyos sa pamamagitan ng isang international youth organization na pinapatakbo ng isang born-again Christian group na base sa Korea. Naging masaya ako dahil nakakilala ako ng mga bagong kaibigan, Pilipino at Koreano, pero ang importante’y muli kong nakaharap si Hesus bilang nag-iisang nagligtas ng aking kaluluwa.

Wala akong nakitang masama sa kanilang mga pangaral dahil naniniwala akong ang mga Kristiyano, magkakaiba man ang sinasalihang grupo, ay nananalig sa kung ano ang inihayag ng Panginoon sa Bibliya. Nakabuti ang kanilang pagtuturo ng mga Salita ng Diyos upang guminhawa ang aking buhay-ispirituwal.

Wala akong nakitang mali sa grupo at kanilang turo, pero ang mali ay nasa iilang tao sa loob ng grupo. Habang tumatagal ay naramdaman ko ang isang pagkakamaling sa tingin ko’y hindi maka-Kristiyano — ang kawalan ng respeto at pagkait sa pagtanggap sa tunay na ako. Sa ilang buwang pagpo-focus ko sa pagbabasa ng Bibliya ay wala akong natandaang nambastos si Hesus o nagkondena sa pagkatao ng isang tao. Kahit ang makasalana’y Kanyang tinanggap at pinatawad ang mga kasalanan. Binigyan Niya ng pagkakataon ang lahat na makilala Siya at isapuso ang Kanyang mga aral nang walang pangmamata sa tunay na katangian ng mga taong Kanyang naengkwentro.

Ganoon ang inaasahan ko noong una, tinatanggi ang mga sitwasyong aking nakita na parang di makatarungan. Pero dahil sa mga sitwasyong di intensyonal ay napagtanto kong hindi sa lahat ng pagkakataon ay pwede mong buksan ang iyong puso sa lahat ng oras dahil hindi lahat ng nakakausap mo ay mapagkakatiwalaan mo at hindi lahat ng nakikinig sa’yo ay makakaintindi sa kalagayan mo.

Wala akong sama ng loob sa grupong ito dahil binigyan nila ako ng pagkakataon upang makilalang muli ang Diyos sa aking buhay. Binigyan nila ako ng daan upang ipakita ang talento ko bilang lider at bilang kapaki-pakinabang na kabataan. Nagpapasalamat ako sa Diyos at nakilala ko sila at natuto ng napakaraming bagay para maging isang tunay na Kristiyano.

Maaaring sa artikulong ito’y sasabihin ng iilan na ako’y “natisod” na sa paniniwala ko kay Hesus at sa Magandang Balita ng Panginoon. Maaaring maraming magagalit at madidismaya. Pero mula sa natutunan ko sa kanila, ang matutunang rumespeto at tanggapin ang kahinaan ng tao ay mga bagay na dapat taglayin ng isang Kristiyano. At kung totoo silang Kristiyano at totoong naging kaibigan nila ako, ay matatanggap nila at gagalangin ang desisyong ito na idinulog ko sa Panginoon sa sapat na panahon.

Maaaring natisod nga ako bago ko muling pahalagahan si Hesus. Pero katulad ng una kong sinabi sa Facebook, aalis lang ako sa grupo pero hindi sa pananampalataya. Ang Kristiyano ay mananatiling Kristiyano hangga’t buong puso kang naniniwala na si Hesus ang iyong Panginoon at Tagapagligtas. Maaaring kailangan ng isang grupo o simbahan para mapatatag ang iyong kaluluwa para kay Hesus. Magkagayunman, hindi sa grupo ng mga tao makikita ang kasiyahan, kundi sa paniniwala mo sa Kanya..Hangga’t nananalig ka kay Hesus at nananatili sa’yo ang katangiang maka-Kristiyano, lalo na ang paggalang, pagtanggap at pagtitiwala na Diyos lang ang magbibigay sa’yo ng pagbabago at Kaligtasan, ibibigay sa’yo ng Langit ang kanyang papuri, pasasalamat at biyayang hindi mo inaasahan.
Ngayon ko lang napagtanto na ako lang ang mali sa aking pagdududa sa aking kinagisnang paniniwala, pero matagal na pala akong iniligtas ni Hesus. Tinatago lang pala ng aking pag-iisip ang pananampalataya ko sa Kanya. Gumawa lang Siya ng mga sitwasyon upang makilala ko Siyang muli at manatili sa Kanya. Gumawa Siya ng paraan upang ipunla sa aking puso na hindi basehan ang pagpapalit ng relihiyon upang maibalik ako sa Kanyang bisig.

Eto ang tunay na muling pagsilang. Ang pagbabalik loob kay Hesus bilang mas kapaki-pakinabang Niyang lingkod. Ang pananatili sa tunay na paniniwalang Katoliko gamit ang mga karanasan at mga natutunan para maging matibay na Kristiyano.

Mas kakayanin ko nang dumalo sa mga misa tuwing Linggo, isasapuso ang bawat antandang aking gagawin kapag ako’y dumadaan sa harap ng simbahan, at magiging mas makabuluhan na ang aking magiging dasal tuwing gabi at umaga para magpasalamat sa buhay na kanyang ipinagkatiwala.

Sa Ngalan Ng Ama, Ng Anak, At Ng Espiritu Santo. Amen.

FAST POST #16: B-BER > Believe in Bolder and Exciting Realizations

PAALALA: Hindi ko po pino-promote si Justin Bieber sa title nito. Hindi niya po ako fan (kahit minsan sa buhay ko ay kumanta ako ng Baby at Eenie Meenie)

Kung naging blanko ako nitong Agosto, ngayon naman ay mananaig ang aking paniniwala na may magandang pangako para sa akin ang “ber” months.

Dito sa Pilipinas ay nagsisimula nang magbilang ang marami ng araw bago mag-Pasko. Hindi mo naman masasabing nagmamadali pero ang tingin ng mga tao sa “ber” months ay huling bugso ng paghahanda sa paggastos, paghahanap ng pagmamahal para hindi SMP o kaya maging maligalig na darating si Santa at tutuparin ang kanilang kahilingan.

Ako? Nagdaan na ako sa mga paniniwalang iyon ng aking buhay. Hindi ko sinasabing hindi na ako dadaan pa roon, pero mas maganda kung magiging iba ang pagharap ko sa “ber” months.

25 years old na ako sa Marso pero hindi ko pa rin matanto ang pagtanggap sa realidad ng daigdig. Dumaan na ako sa mga puntong ikondena ang ginagalawan kong mundo dahil wala namang tamang nangyayari rito. Pero naisip kong mali ako dahil hindi naman ito makakatulong na madagdagan ang tunay na kaligayahan sa buhay.

Ang pagtingin sa realidad ay isa sa mga bagay na napakahirap gawin. Dahil ba sa sobrang pangit ng katotohanan kaya ayaw natin makita? Siguro. Pwede. Pero kung naroon tayo sa sitwasyong makikita natin ang katotohanan bilang inspirasyon, lakas ng loob, at katibayan na tatagan ang ating pananampalataya, maaaring ito pa ang magbigay sa atin ng katiting na pag-asa at kahit papaano’y magdala sa atin ng walang kaplastikang kasayahan.

Uulitin ko po: Hindi po ako fan ni Justin Bieber kahit may mga pagkakataong na-LSS ako sa That Should Be Me at You Smile, I Smile

B-BER, Believe in Bolder and Exciting Realizations. Paniniwala sa mas lantad at kapana-panabik na katotohanan/realidad. Ganito ko gustong kaharapin ang natitirang mga buwan ng taong 2012 – ang mga “ber” month. Aaminin kong nabuhay ako sa pantasya, pangarap at panaginip sa mga taon ng aking buhay. Walang masama rito. Pero sa mga nalalabing panahon bago ako tumuntong sa edad na 25, dapat ko na sigurong tanggapin nang buong puso ang katotohanan ng buhay, hindi lang ng sa akin kundi ng aking mga taong nakakasalamuha at ang mundong aking kinalalagakan.

Ang pananalig sa realidad na may positibong pag-iisip at ngiti sa mga labi ang nagbibigay sa atin ng lakas at karunungan upang suungin ang buhay. Binigay sa atin ng Diyos sa pananampalataya sa Kanya, sa Kanyang mga salita at Kanyang mga gawa upang iparamdam sa atin na sa kabila ng kapangitan ng realidad, nariyan ang mga ito upang ibigay sa atin ang pagtingin nang tama at may timbang sa realidad kung saan tayo nabubuhay. Kapana-panabik itong pagsubok ng Panginoon sa atin, hindi lang natin natatanto nang lubusan.

Ngayon, sa unang araw ng Setyembre 2012 ay tatanaw ako hanggang sa December 31, 2012 kay Bieber, este sa ano pala… (hehe! patawa kalbo) sa pagharap sa realidad ng buhay nang may pananabik at pagtitiwalang sa basura ay may gintong makukuha; na sa pangit ay may gandang masisilayan; sa kawalan ay may liwanag na matatanaw; at sa kalungkutan ay may kasiyahang mararamdaman.