Wala Na Ba Talaga ang Diwa ng EDSA?

2015-category-title-tambuli copy2021-AURORA-02-EDSA

Aalalahanin ng bansa at maging ng buong mundo ang makasaysayang EDSA People Power Revolution. 35 taon na ang nakararaan ay napatalsik ng pinagsama-samang panalangin, paninindigan at pagkamakabayan ang diktaduryang nanamantala sa kahinaan ng ating demokrasya. Sa araw na iyon ay sabay-sabay na lumingon ang sangkatauhan sa kagila-gilalas na pagkakaisa ng maraming Pilipino upang ibalik sa bansa ang kalayaan, katarungan at tunay na kapayapaan.

Buhay ang mga alaala ng EDSA, pero sa panahong madali na tayong makalimot sa mga tama at mali sa ating kasaysayan, dekorasyon na lamang ang mga bantayog, mga patotoo at mga aral na dapat ay nanuot na sa bawat ugat sa sistema ng ating pamahalaan. Sinasabi ng marami na ang resulta ng People Power ay mas malalang paghihirap, mas malawak na gap sa pagitan ng mayayaman at mga dukha o mas talamak na korapsyon sa burukrasya. Para bang nagpalayas tayo ng iilang gahaman para palitan ng mas maraming kawatan.

May iniwang pangako ang EDSA at ito ay yung mga tinatawag nating diwa – mga pagkakamaling hindi lang basta-basta dapat limutin kundi mga pangyayaring dapat paghugutan ng karunungan. Ang mga kaalamang ito ay siya nawa nating magagamit upang manaig ang tama sa bawat maliliit na hakbang palayo sa malalim na nakaraan sa kamay ng rehimeng Marcos.

May napulot ang daigdig sa diwa ng EDSA. Nanganak ito ng maraming rebolusyon sa iba’t ibang lupalop kung saan tumindig ang mamamayan sa kani-kanilang mga diktador at nagwaksi sa paniniil ng mga abusado. EDSA ang naging inspirasyon nila at lahat ng ito’y nagbunga ng bagong hangin ng demokrasya sa maraming bansa.

Dito sa Pilipinas, maraming naniniwalang namamatay na ang diwa ng EDSA. Unti-unting nakakabalik ang mga taong minsang naging bahagi ng madilim na yugtong ito sa ating kasaysayan. May mga taong nilunod ng magagandang bagay para makalimot sa kademonyohan sa likod ng mga ito. Binabaliktad ng mga tinahi-tahing mito ang katotohanan para pabanguhin ang pangalan ng nabubulok na buto ni Ferdinand Edralin Marcos, ang naaagnas na balat sa likod ng foundation ni Imelda Romualdez Marcos at mga anak niyang nagmana ng kasinungalingan, pagkasakim at mataas na tingin sa sarili ng kanilang mga magulang. Wala nang pakialam ang ilang kabataan sa idinulot sa atin ng Martial Law at ng Bagong Lipunan, at ang gusto ay umusad na lamang na parang walang nangyari sa bawat ina, ama, anak, kaibigan, kasintahan o asawang pinatay, ikinulong, ginipit at pinatahimik ng diktadurya.

Maaaring natatabunan na ng mga alikabok ng nakaraan ang diwa ng EDSA, pero talaga bang ito’y malapit nang mabura?

Sa nakalipas na limang taon, maraming pagkakataon nang gustong baluktutin ng mga loyalista at troll ang matayog na kontribusyon ng People Power sa ating bansa. Pero kada taon mula 2016, walang dudang maraming tao na rin ang namumulat sa pagkakamaling dinulot ng populismo ni Duterte at ng pagkiling niya sa paniniwalang bayani si Marcos. Bagaman pinipilit na walang makita ang mga minsa’y naniwala sa aral ng EDSA, patuloy na binibigyang-liwanag ng mga nagigising sa katotohanang hindi ito ang gusto ng mga diwa ng EDSA para sa ating bayan. Na hindi ang diwa ng EDSA ang may kasalanan kundi tayong pinili na talikuran ang tagumpay ng People Power para sa kasalukuyang puro kabastusan, kayabangan at katatawanan ang inaatupag.

Buhay ang diwa ng EDSA kahit pa pilit itong binabastos ng mga hindi naniniwala sa kanya. Marupok ang demokrasya pero pinatunayan ng People Power na tayo mismo ang magtatanggol sa kanya gamit ang mga leksyong natutunan natin sa kanya. Mamamatay ang diwa ng EDSA kung papatayin natin ang panalangin, pagtitiyaga at paglaban para manatiling buhay ang demokrasya.

Mananatiling buhay ang diwa ng EDSA, at ngayong ika-35 anibersaryo nito, alalahanin natin na tayo dapat mismo ang magdala ng pagbabago habang niyayakap ang regalong mas makataong lipunan para sa atin at sa susunod na salinlahi ng ating bayan.

#EDSA35

 

2020-headline-feature-fb-aurora-10-cropped.png

Hindi Pa Ako Nakakapanood ng BL

2015-category-title-tambuli copy2020-AURORA-post-featured-boyslove

Napakainit ng reception ng mga Pinoy sa konsepto ng Boys Love (BL). Sabihin nating hindi ito ganoong bago sa pelikula at telebisyon kung ang pag-uusapan natin ay ang mga genre ng love, romance, adult teens at coming of age. Sa pagkakataon lang na ito ay mas nakasentro ang kuwento sa dalawang teenage o mid-20s na lalaki kung saan ang tingin ng lipunan sa kalalakihan ay mga nakababata pa o “boys”.

Namamangha ako sa mga kakilala kong patay na patay sa BL series at nakakaaliw basahin ang mga post nila sa social media. Pero aaminin ko: hindi pa ako nakakapanood ni isang BL series, galing man yang Thailand o gawa sa ating bansa. Napanood ko ang Call Me By Your Name last year pero yun lang yun. Nakukuntento ako sa trailer, pagkatapos niyon ay ayos na ako dahil pakiramdam ko ay alam ko na ang istorya. Cute naman ang mga bida, pero hindi talaga ako matulak ng bandwagon para sundan ang kasikatan nila. Noong una, akala ko ay nabi-bitter lang ako dahil maiinggit lang ako sa kilig ng mga istorya nila. Lumalabas ang insecurity ko sa mga taong fairy tale ang love story. Pero noong napag-isip-isip ko, hindi ito ang lumalabas na totoong rason.

My views are personal and may be unpopular, but let me elaborate:

Real Experiences

Marami na akong nasaksihan na iba’t ibang kaso ng “boy’s love”. Hindi pa uso ang Zoom ay may nakita na akong nagka-ibigan nang dahil sa video chat. May mga kilala ako na galing sa Catholic school na nagkagustuhan. May ka-clan ako dati na nagkagusto sa DOTA player at naging sila dahil sa magdamagang paglalaro sa internet cafe.

Sa mundo noon ng mga clan ay napakaraming gay love stories ang nasaksihan mismo ng mga mata ko. Ang iba ay, sabihin na nating, naranasan ko. Marami ang masaya ang naging takbo, ang iba ay nagtagal at tuloy sa kani-kanilang buhay at ang iba ay, kung hindi naging masama ang hiwalayan ay naging trahedya.

Sa trailer pa lang ng Hello Stranger ay may naalala na akong mga tao mula sa nakaraan. Paano pa kaya sa iba pang BL movies at series?

Not Making It Too Special

Idol ko ang ilang mga direktor, writer mga artista at producer ng BL. Hanga ako sa kanilang katapangan na maiangat ang ganitong konsepto sa kamalayan ng ordinaryong Pilipinong manonood. Hindi lang dahil para sa #LoveWins, ang tagumpay ng BL ay isang hakbang pausad sa pagtanggap ng lipunan sa equality, lalo na pagdating sa pag-iibigan ano pa man ang SOGIESC ng mga tao.

Pero sa paglobo ng BL sa Pilipinas ay para bang lumalabas ang sentimiyento ng iilan na kapag hindi mo pinanood ang mga ganitong palabas ay hindi mo sinusuportahan ang laban ng mga LGBTQIA++ para sa aming karapatan. Pero kung titingnang mabuti ay hindi dapat ganito ang pananaw ng hardcore advocates na para bang dapat ay gawing ispesyal o kakaiba ang viewing experience ng BL.

Paumanhin, pero para sa akin ay walang ispesyal sa BL. Huwag natin itong ituring na kakaiba sa mga pelikulang napapanood natin dahil lang dalawang lalaki ang tambalan. Kung may ispesyal man dito, ito ay ang ideyal na lahat tayo ay may karapatang magmahal.

Becoming Hopeless Romantic

Nasabi kong akala ko ay bitter lang ako o insecure sa mga istorya sa BL. Initial reaction naman ito ng mga taong umibig at nasaktan. Pero kung re-review-hin nyo ang blog ko ay marami rin akong nasulat na gay love story na papasang BL story. Dun ko naisip na natural pala ang pagka-hopeless romantic ko.

Aaminin ko na may kurot sa puso ang mga ganitong klaseng kuwento sa akin. Sa kabilang banda, alam kong may parte rito ang katotohanang hanggang kilig lang ang lahat at hindi ito mangyayari sa akin. May piraso ng realidad sa isip at puso ko na kahit gaano kasarap ang magmahal ay hindi ito nabibigay sa lahat. Hindi ko sinasabing hindi ako lovable, pero dahil alam ko ang twist and turns ng love, ako na rin ang umiilag sa sakit na pwedeng idulot ng sarap ng pagmamahal.

You may find my reasons for not watching BLs as individualistic. But why not? Love is, after all, an individual expression for another person. Lahat tayo ay nagmamahal dahil para ito sa atin. On the other hand, BLs are manifestations of society’s ongoing process of acceptance for equality and genderless love – and this is not a notion of individualism. Nae-enjoy ng lahat – babae, lalaki, LGBT – ang BL series at movies dahil dinadala nito ang mga manonood sa kung paano tunay na nagmamahal ang tao sa anumang pagkakataon o sitwasyon. Ang BL ay patunay na walang ispesyal na uri ng pag-ibig na, tulad ng habambuhay kong pinapaniwalaan, “love is love”.

Makakanood din ako ng isa o dalawang BL in the future. Babalitaan ko kayo. Gagawa pa ako ng review. 🙂

2020-headline-feature-fb-aurora-10-cropped.png