FAST POST #33: Para Kina Christian at Eileen (… mula sa taong wala pang balak “lumagay sa tahimik”)

Isang pambihirang pagkakataon ang masaksihan ang isang kaibigan na nagmamartsa patungo sa kanyang panibagong kabanata – ang pagiging kabiyak ng taong kanyang minamahal. Puno ng sorpresa ang buhay sapagkat dumating na ang ganitong kaganapan kahit pakiramdam ko ay parang kahapon lang nung nagbibiruan pa kami sa loob ng AP office (student publication office ng PLM) tungkol sa kanyang buhay pag-ibig. Mahiwagang tunay ang tadhana: ang dating nene ay naging lawyer at di kalauna’y isa nang maybahay.

Ang mga kaibigan mula sa Ang Pamantasan kasama ang pinakamagandang babae sa Morong, Bataan noong April 9, 2015.

Ang mga kaibigan mula sa Ang Pamantasan kasama ang pinakamagandang babae sa Morong, Bataan noong April 9, 2015.

Selfie kasama ang bride

Selfie kasama ang bride

Ika-9 ng Abril 2015, alas-tres ng hapon ay ikinasal si Atty. Mary Eileen F. Chinte sa kasintahan niya ng humigit-kumulang limang taon na si Atty. Christian B. Cabrera. Naging saksi ang simbahan ng Nuestra Seniora del Pilar sa bayan ng Morong, Bataan sa pag-iisang-dibdib ng dalawang taong simple kung mamuhay pero walang kasing tibay ang tatag ng pagkatao.

Personal ko ring hindi makakalimutan ang araw na ito dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nag-emcee ako sa isang wedding party. Para sa akin, hindi lang ito basta simpleng hosting event dahil pinapangunahan ko ang isang kasiyahang panimula ng kanilang buhay bilang mag-asawa.

Alam nating lahat na may mga pagsubok na darating at marami sa mga iyon ang hindi ninyo makakaya nang kayo lang. Narito kaming mga kaibigan ninyo kung anuman ang kaya naming maitulong. Higit sa lahat, nariyan ang Panginoon at inyong pamilya upang maging mas matibay sa mga hamon ng buhay. Walang duda na magiging cool na magulang kayo kaya lalo kaming nananabik na makakita ng mga maliliit na version ninyo.

Masaya ang buhay, huwag masyadong sisimangot at manatiling positibo sa lahat ng bagay. Kailanman, ang mag-asawang masiyahin ay mag-asawang pagpapalain. Congratulations, Ian at Ei!

Si Mr. at Mrs. Cabrera.

Si Mr. at Mrs. Cabrera.

Kaibigan, Baka Nakalimutan Kitang Pasalamatan

Inspirado ng kantang “Best Friend”, mula sa bagong album ni Jason Mraz ngayong taon na pinamagatang “YES”:

Album cover ng YES ni Jason Mraz.

Album cover ng YES ni Jason Mraz.

Love is where this begins | Thank you for letting me in | You’ve always known where I stand | I’ve never had to pretend

And I feel my life is better | Because you’re a part of it | I know without you by my side | That I would be different

Thank you for all of your trust | Thank you for not giving up | Thank you for holding my hand | You’ve always known where I stand

And I feel my life is better | So is the world we’re living in | I’m thankful for the time I spent | With my best friend

Thank you for calling me out | Thank you for waking me up | Thank you for breaking it down | Thank you for choosing us | Thank you for all you’re about | Thank you for lifting me up | Thank you for keeping me grounded | And being here now

My life is better | Because you’re a part of it | I know without you by my side | That I would be different | Yes I feel my life is better | And so is the world we’re livin’ in | I’m thankful for the time I spent | With my best friend

You’re my best friend

Hindi ako nahihiyang aminin na kung anuman ako sa pagkakakilala ninyo ngayon, ang mga iyon ay gawa ng mga naging bahagi ng buhay ko – ang aking mga kaibigan. Sila ang nagbigay ng karamihan sa mga pagkakataong sumubok sa aking kakayahan at humubog sa aking katauhan. Sila ang tumulong sa akin na gamutin ang mga sugat ng sariling pagkakamali at umalalay sa pagkapilay ng kabiguan. Sila yung mga nakahandang mag-drowing ng mga bituin at planeta sa mga panahong ang langit ng aking mundo’y kasingdilim ng itim na kartolina.

Nang marinig ko ang kanta ni Jason Mraz, parang nagkaroon ako ng guilt sa mga taong tinuring kong totoong kaibigan pero nakalimutan ko nang alalahanin. Parang nakaligtaan ko silang pasalamatan, lalo na yung mga kaibigang dumaan lang sa buhay ko. Nang dumaan sa aking mga tenga ang awiting iyon ay napakaraming bumalik na alaala – ang mga alaala ng kaibigang tunay pero hindi nagtagal dahil hanggang doon lang sila sa buhay ko.

Tanggap ko naman sa aking sarili na may mga taong darating at mawawala sa paligid natin. Tulad natin ay may kanya-kanya rin silang tadhanang sinusunod o nilalabag para sa ikabubuti ng kanilang buhay. Naiinis ako kapag pakiramdam ko’y iniiwan nila ako at dito ako nagi-guilty. May mga panahong itinatakwil ko sila bilang kaibigan dahil sa pagiging makasarili ko. Mali iyon pero huli na ang lahat bago ko pa matanto ang kamaliang iyon. Ngunit pagkakataon na rin ang gumagawa ng paraan upang ang mga nasunog na tulay ay dapat palitan at ilipat sa ibang parte ng magkabilang pampang. Sila naman ang mga kaibigang binigay sa akin bilang mga kayamanang dapat ingatan, gaano man sila ka-sensitibong intindihin at alagaan.

Nagbalik-tanaw ang aking utak sa nakalipas na dalawampu’t anim na taon. Maraming mukha ang bumalik sa aking gunita, bagama’t marami sa kanila ang hindi ko na maalala ang pangalan. Magkagayunman, sa mga mukhang iyon ay naaalala ko ang kanilang partisipasyon at paano sila naging tagahabi ng aking pagkatao. Ang manatili sila sa aking alaala ang isa sa mga pinakamahahalagang bagay na pinagpapasalamat ko sa Panginoon.

Pangalawa sa pamilya, ang mga matalik kong kaibigan ang pinakamahalagang handog ng Langit sa akin. Kung makakarating man sa kanila ang sulating ito at ako’y naaalala pa rin nila, nais kong sabihin ang taos pusong pasasalamat. Sa mga nananatili sa aking tabi at ginagampanan pa rin ang kanilang misyon bilang kaibigan ng imperfect na nilalang tulad ko, maraming maraming salamat at pagpasensyahan ninyo na ako. Huwag kayong magsasawa, at kung magsasawa man kayo, handa akong maghintay sa inyong pagbabalik kung gusto nyo pa.

(P.S.: Sa mga kaibigan ko, malamang ang una nyong reaksyon ay… “Hala! Nag-i-emo!” Hahaha!)

FAST POST #13: “Anong Drama?”

[“Anong drama?” Ito ang isang comment na natanggap ko kagabi sa isang kaibigan nang mag-post ako sa Facebook tungkol sa “tampo” ko sa isang bagong kaibigan. Nakuha ko pang depensahan ang komento ng kaibigan kong ito, pero pagka-pindot ng enter key ay tila bigla akong nabuhusan ng tubig. Napahinto. Napaisip nang malalim. Bumuntong-hininga. Nauntog sa isang malaking katotohanan.]

***

Hindi ko maibigay yung eksaktong dahilan kung bakit ako naging emo (emotional or read: over sa pag-e-express ng emotions) pero tandang-tanda ko pa na nagsimula ang pagtaas ng drama levels ko noong December 2006. Ito ang unang pagkakataon na sumali ako sa “clan”, isang social networking trend gamit ang cellphone at na-in love sa taong sa cellphone ko lang nakakausap. (Sun Cellular pa lang ang carrier noon ng unlicall at unlitext) Seloso kasi ako kaya’t lahat ng kaartehan ay sinasabi ko at tinetext ko, kaya’t ang epekto nun ay nagagawa kong maging pa-sweet sa text at tawag kapag kausap ko siya.

Kung hindi ako nagkakamali ay nauso ang terminong emo noong mga bandang 2007 o 2008, na patungkol sa isang music format ng tugtog na umusbong mula sa alternative rock genre. Kasabay ng mga senti moment ko ay ang pagkahilig ko sa mga emo music, kaya’t binansagan ko na ang sarili ko na EMO mula noon. Sa paglago ng ganitong klaseng mga kanta, natanto kong unti-unti na rin palang lumalala ang kaemohan ko sa buong katauhan ko. Marami na akong nasirang pakikisama (kaibigan man, ka-flirt, ka-M.U. at mga past romantic relationship ko) dahil sa ganitong behavior ko. Napasama ang imahe ko sa maraming tao kapag umiiral ang pagiging emo sa maling lugar o sitwasyon. Pinilit kong dahan-dahang ibaba ang level ng pagiging emo ko, pero naging mahirap ito para sa akin lalo na noong naging libre ang paglalabas ng aking emo sentiments nang dahil sa Facebook at Twitter. Kahit ang blog kong ito’y nabuo dahil sa kaemohan ko sa pagiging hopeless romantic ko. (nakakatawa, nakakahiya pero yun ang totoo)

“Anong drama?” Ito ang isang comment na natanggap ko kagabi sa isang kaibigan nang mag-post ako sa Facebook tungkol sa “tampo” ko sa isang bagong kaibigan. Nakuha ko pang depensahan ang komento ng kaibigan kong ito, pero pagka-pindot ng enter key ay tila bigla akong nabuhusan ng tubig. Napahinto. Napaisip nang malalim. Bumuntong-hininga. Nauntog sa isang malaking katotohanan.

*PAALALA: Ang susunod na mga pangungusap ay maaaring maglaman ng mga kaemohan ng may-akda. Pakiunawa po. Maraming salamat.*

Malaya tayong nakakapagbulalas ng ating emosyon. Sa pamamagitan ng maraming pamamaraan ay naipaparamdam natin ang ating mga saloobin. Madalas, dahil libre nating gawin ito ay nakakalimutan nating mag-preno ng ating mga salita na ang nagiging resulta ay maaaring sakit o insulto sa mga taong pinatutungkulan/tatamaan nito. Tila para tayong nagiging kotseng sira ang preno na anumang oras ay pwedeng makaaksidente at makasakit ng mga tao.

Hindi naman talaga masamang magpaka-emo. Ngunit sa aking sitwasyon, na-realize ko na maraming beses akong umabuso sa pagiging emo ko. Maaaring naging daan ito upang mabuksan ang aking malikhaing puso’t kaisipan (tulad ng Aurora Metropolis), pero naging mitsa rin ito sa akin na maging sobrang sensitibo sa kung anong mga salita o kilos ang umaapekto sa akin. Tanda kong hindi ako sobrang sensitibo bago pumasok sa akin ang ganitong kaisipan. Marahil na rin siguro sa pagpipilit na magkaroon ng lovelife (hahaha) at pagiging sobrang involve sa pagkatao’t maging emosyon ng mga taong kinakaibigan/kaibigan/nagugustuhan/minamahal ko. Ganito rin ang epekto kapag ako’y binabalewala sa lahat ng bagay at sitwasyon na madalas kong ikinatatampo sa mga kinakaibigan/kaibigan/nagugustuhan/minamahal ko.

“Anong drama?” Naging alarm sa akin ang comment na iyon ng aking kaibigan (dahil na rin siguro na siya’y isa sa mga tumutulong sa akin upang palakasin ang pananampalataya ko sa Panginoon) na hanggang sa mga oras na ito’y malalim kong pinag-iisipan nang paulit-ulit. Dumating sa aking puso ang binabalak kong unti-unting “pagbabago” sa ganitong klaseng aspeto ng aking buhay. Ngunit sa huli, nitong gabi lang ay kinatok ni Hesus ang aking puso at hindi hinayaang masunod ang pagbabalak para sa aking sarili. Hahayaan ko Siyang gumawa ng paraan upang mabawasan ang pag-uugali kong ito.

Muli. Hindi masamang mag-emo. Ito ay nilalagay sa lugar at binabagayan ng sitwasyon. Ipapaayos ko sa Diyos ang preno ng aking puso upang gumanda ang daloy ng aking puso sa puso ng iba. Hindi naman talaga maaalis ang drama sa ating buhay. Ang importanteng pakatandaan natin sa lahat ay ang katotohanang hindi matinding bugso ng emosyon ang nararapat na lumabas sa ating puso, kundi pagmamahal sa kapwa, pag-unawa sa mga bagay-bagay at pananampalataya sa ating unang mahal, ang ating Panginoon.