Ang Sarap at Sakit ng Pag-ibig Ayon sa Silent Sanctuary

2015-category-title-muelle copyaurora-2021-08-post-featured-silent-sanctuary

‘Di ko maintindihan ang nilalaman ng puso tuwing magkahawak ang ating kamay. Pinapanalangin lagi na tayo’y magkasama at hinihiling na bawat oras ay kapiling ka.

Tumingin ka sa aking mata at magtapat ng nadarama. Hindi gustong ika’y nawala dahil handa akong ibigin ka. Kung maging tayo, sa’yo lang ang puso ko.

Baka sakaling marinig ng puso mo ang tinig ko. Maalala mo sana ako dahil noon pa man, sa iyo lang nakalaan ang pag-ibig ko. Bawat sandali na ikaw ay kasama, para bang ‘di na tayo magkikita. Kaya ngayon, aaminin na sa’yo na mahal na mahal kita.

Mula ngayon, hindi ka na mag-iisa, huwag takot mawala. Sasamahan ka hanggang langit at hindi bibitaw sa piling mo.

Magkatabi tayo sa duyan sa ilalim ng buwan. Buhangin sa ating mga paa, ang dagat ay kumakanta. Matagal na ring magkakilala, minahal na kita. Simula pa nung una, unang makita ang iyong mga mata. Sana ay huwag nang matapos ito.

Ngunit…

Sana’y hindi na lang pinilit pa dahil wala rin palang patutunguhan kahit sabihin ko pang mahal kita. Nalulungkot, nayayamot, nagmumukmok. Hindi ko pa yata kaya pang labanan ang damdamin ko.

Hindi ko rin inakalang ikaw ay mag-iiba. Kaysaya ko sa iyong piling pero bibitaw ka rin pala. Hindi ka ba nanghihinayang sa atin? Kailangan na bang tapusin? Sandali lang. Huwag mo muna sabihing ayaw mo na. Hindi ba pwedeng pag-usapan ang lahat ng ito?

Pakiusap…

Ikaw lang ang nais kong makasama. Wala na ‘kong gusto pang balikan. Kahit ako’y papiliin, ikaw ay umasang gusto kong makapiling. Ibibgay ko ang lahat pati na rin ang iyong pangarap. Sasamahan kita kahit saan… kahit saan.

At hihiling sa mga bituin na minsan pa, sana ako’y iyong mahalin. Kahit pa dumilim ang daang tatahakin patungko sa’yo.

Siguro…

Kung ‘di man tayo hanggang dulo, huwag mong kalimutan na nandito lang ako, laging umaalay. Hindi ako lalayo.

Pero…

Darating din sa akin na malilimutan kita. Subukan mang pilitin. Baka nga hindi tayong dalawa.

Mas mabuti na ako’y lumayo. Pasensya ka na.

aurora-11-logo

Papugay sa Aking “Unang” Presidente

2015-category-title-tambuli copy

aurora-2021-06-post-featured-salamat-pnoy

May 10, 2010. Bago ko ipasok ang balota sa PCOS machine, sinigurado kong properly shaded ang lahat ng binoto ko. Sa unang attempt, hindi ito tanggap ng makina. Sinabihan ako ng election officer na tingnang mabuti ang mga bilog na na-shade-an ko dahil sensitive ang makina na magde-detect nito. Pinagmasdan ko lahat hanggang sa dumapo ang mata ko sa pangalan ng pinili kong maging susunod na presidente ng Pilipinas. Hiniram kong muli ang marker para i-shade ang bilog sa tabi nito kahit well-shaded naman. Gusto ko lang makasigurado na papasok ang aking boto sa pagkapangulo. Sa pangalawang beses ay tinanggap na ng PCOS ang balota ko. Ito ang kauna-unahang beses na bumoto ako sa isang halalan. Personal ito para sa akin kaya sinigurado kong hindi ito dapat masayang, lalong-lalo na ang boto ko para sa aking pangulo — si Noynoy Aquino.

Marahil, sasabihin ninyo ay isa ako sa mga nagoyo ng tinatawag na “Cory Magic”. Siguro nga. Pero noong mga panahong iyon na puno ng korap at manloloko sa loob ng pamahalaan, tama lang na ang piliin ay isang tao na ang pangalan ay kilalang tagapagtanggol ng demokrasya at kakampi ng bayan laban sa mga nagnanakaw sa kaban ng bayan. Sa mga anak ni Ninoy at Cory ay may isang nagmana ng kanilang espasyo sa pulitika ng bansa. Bagito man sa Senado pero sigurado ang marami na hindi gagawa si Noynoy ng kataranduhan sa gobyerno na ikakasira ng pangalan ng kanyang mga dakilang magulang.

Nanalo si Noynoy. Para akong nanalo sa pustahan, pero hindi pa rin talaga ako naging sobrang interesado sa mga usapin ng pulitika… hanggang sa dumating ang Manila Hostage Crisis, ilang buwan pagkatapos niyang manumpa sa sambayanan sa Quirino Grandstand kung saan din nangyari ang trahedya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay natuto akong manimbang ng isang gobyernong kinakampihan ko pero may mga pagkakamaling nagawa sa iba’t ibang isyu.

Sa panahon ni PNoy ako nagsimula ring pumasok sa gobyerno at naranasang maging bahagi ng burukrasya. Dito rin ako naging mas aktibo sa pagbo-volunteer at nakita ang mga sakit ng lipunan na pinipilit gamutin o nakakalimutang tugunan ng pamahalaan. Dito ako mas namulat sa realidad na may mga hindi magawa ang gobyerno, hindi dahil sa hindi nila magawa, pero dahil hindi ito ang kanilang prayoridad. Sa panahon din ni PNoy ay natuto akong mas maging vocal laban sa ilang mga polisiya ng pamahalaan niya. Pero sa kabila nito ay suportado ko pa rin ang gobyerno sa simpleng paraang alam ko. Sa kabila ng mga reklamo ay nanatili pa rin ang tiwala ko kay PNoy at sa kanyang mga opisyal. Mahinahon ang daloy ng demokrasya, malaya ang media, walang limitasyon ang protesta.

aurora-2021-06-photo-pnoy-02

Kuha ko noong ika-30 anibersaryo ng People Power Revolution (February 25, 2016)

Natapos ang termino ni PNoy na puno ng pag-asang mapapanatili ang kaunlaran at kaayusan ng bansa. Pinatunayan ng kanyang anim na taon sa Malakanyang na hindi ako nagkamali ng binoto ko noong 2010. Bagaman pinili niya ang mas pribadong buhay pagkatapos ng panguluhan, nanatili ang diwa ni PNoy sa mga Pilipinong naniniwala na mas nananaig ang kaayusan kapag disente, marespeto at may dignidad ang pamahalaan… at ito ay nagsisimula sa presidente ng bansa.

Limang taon pagkatapos ng kanyang ginintuang yugto, June 24, 2021, habang ipinagdiriwang ng mga Katolikong Pilipino ang pagluluklok sa isa pang bagong pinuno sa katauhan ni Manila Archbhishop Jose F. Cardinal Advincula, isang balita ang gumulantang sa bansa. Sa edad na 61, pumanaw na si PNoy. Sa mga tulad kong “noytard” at purong Dilawan, natahimik ako sa gulat at ilang beses pumasok sa banyo para tumangis ng luha sa kanyang pagkawala. Huli akong umiyak nang sobra nang ganito ay noong August 8 lang noong bigla ring mawala ang tinuturing na ama ng lungsod ng Maynila na si Mayor Alfredo Lim. Masakit ito para sa akin dahil isa si PNoy sa nagmulat sa aking pulitikal na pag-iisip at nagpakita sa ating lahat na dapat tayong magtiwala sa kabutihan ng tao upang umunlad ang isang lipunan.

aurora-2021-06-photo-pnoy

Isang emosyonal na paghaharap. Huling sulyap. (June 24, 2021)

Sa kahuli-hulihang pagkakataon, sa unang gabi ng kanyang pagpanaw, nagkaroon ako ng pagkakataon na madalaw siya sa Heritage Park sa Taguig at makapagbigay-pugay nang ilang minuto sa harap ng kanyang mga abo. Minsan akong nangarap na makamayan at makausap siya nang kahit kaunti. Malungkot man na sa punto ng kamatayan ang una’t huli naming personal na pagtatagpo, isa pa ring karangalan na maiparamdam sa kanya ang pasasalamat sa pamamagitan ng panalangin. At sa una’t huling sandali, nasabi ko sa kanya sa aking taimtim na dasal na bilang boss niya ay hindi ako binigo ng aking unang pangulo sa balota.

Paalam at maraming salamat, PNoy.
Dadakilain ng kasaysayan ang naging ambag mo sa ating bayang mahal.
Hanggang sa muli, Ginoong Pangulo.

“Ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng mabuting resulta… Kung may gagawin kang mabuti, may babalik sa’yong mabuti. At kung gagawa ka ng masama, tiyak na mananagot ka… Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin ito.”

H.E. Benigno Simeon C. Aquino III (1960-2021)
Pangulo ng Pilipinas
SONA 2011

aurora-11-logo

Ang Diwa ng Awit ng Maynila

2015-category-title-dear-manilaaurora-2021-02-post-featured-awit-ng-maynila

Tanging lungsod naming mahal.
Tampok ng Silanganan.
Patungo sa kaunlaran
at kaligayahan.

Nasa kanya ang pangarap,
dunong, lakas, pag-unlad.
Ang Maynila’y tanging perlas
ng bayan, ngayo’t bukas.

Maynila, o Maynila!
Dalhin mo ang bandila!
Maynila, o Maynila!
At itanghal itong bansa!

Maynila, o Maynila!
Dalhin mo ang bandila!
Maynila, o Maynila!
At itanghal itong bansa!

Humigit kumulang apat na siglo ang pagitan ng panahong gawing siyudad ng isang kilalang mananakop ang Maynila at ng panahong isinulat ng isang kilalang makata ang Awit ng Maynila. 1571 nang ideklara ni Miguel Lopez de Legazpi ang Maynila bilang “pinakanatatangi’t pinakatapat na lungsod” na itinalagang trono ng Kaharian ng España sa Pasipiko. Dekada sisenta nang ilunsad ng noo’y alkalde Gatpuno Antonio J. Villegas ang mga titik ng manunulat na si Amado V. Hernandez at binigyang-musika ni Felipe Padilla de Leon bilang himno ng karangalan para sa isang maringal na kabisera.

Ang bawat letra nito ay papugay sa masalimuot na kasaysayan ng siyudad. Inilalarawan ng Awit ng Maynila ang naging tungkulin ng Maynila bilang koronang perlas na hinubog ng mga dayuhan, binabad sa dugo ng mga digmaan at pinaningning sa talento ng kanyang mga mamamayan. Inihahayag nito ang adhikain ng bawat nakatira rito, nag-aaral dito at nagtatrabaho rito  Patunay ito ng dignidad ng isang tunay na hinirang na kabisera ng bansang kayang ipagmalaki ang kanyang lahi saan man sa mundo.

Ang Maynila ang mukha at kaluluwa ng Pilipinas, sa hirap o dusa, sa lungkot o saya, sa tagumpay o trahedya. Ang Awit ng Maynila ay martsa ng mga mandirigmang araw-araw na nakikibaka sa buhay, panata ng mga kabataang magsusumikap upang maging kabahagi ng pag-unlad at himig ng mga anak niyang naniniwala na ano pa man ang mangyari ay titindig siya tangan ang bandila ng isang malayang republika.

Ang Awit ng Maynila ang sumasalamin ng diwa ng pagiging isang Manileño, at sa ika-450 anibersaryo ng pagsasalungsod ng Maynila, nawa’y mas isapuso natin ang pagbigkas nito sa lahat ng okasyon. Hindi lamang ito isang kantang tumatapos sa bawat seremonya kundi isang pangako na bilang Manileño, magkakasama tayo ng ating lungsod sa pagtindig ng ating minamahal na bayan sa ating bawat galaw araw-araw.

Mabuhay ang punong kabisera ng Pilipinas!
Maligayang ika-450 Araw ng Maynila!

aurora-11-logo