Sa halos isang buwan ng todong init ng tag-araw, sa wakas, umulan na rin dito sa Maynila. Maling sabihin pero sa panahong nameligro ang mga dugo natin sa pagtaas ng temperatura ay naging biyaya ang Bagyong Dante na kahit papaano’y nagpalamig sa ating kapaligiran.
Musika sa tenga ko ang mga patak ng ulan. Iba ang pakiramdam na dulot nito sa balat ko at sa kaluluwa ko. Tila ba isang gamot ng ginhawa sa katawan kong madaling pagpawisan at mahapo sa matinding init. Ngunit hindi pa roon ang binibigay sa akin ng mga butil ng tubig mula sa langit.
Ngayong gabi, habang tinitipa ko ang mga salitang ito ay pinipili kong huwag munang matulog, kahit sa mga ganitong maulan na panahon ay mas masarap matulog. Baka kasi pagtapos nito ay panibagong paghihintay na naman sa ulan? Marahil. Kaya habang mahinahon pa ang pagbuhos nito (at sana’y huwag masyadong lumakas) ay sasamantalahin ko na ang pakikinig dito. Maya-maya ay magluluto ako ng pancit canton para bigyang dampi ng init ang aking sikmura habang ninanamnam ang ginhawa sa pagpatak ng ulan.