Alam mo ba ang pakiramdam ng “nagsawa”?
Masasabi kong kalahati ng buhay ko ay naging masaya dahil sa pagsusulat. Mula sa dyaryo noong kolehiyo hanggang sa magkaroon ng sariling blog site at umabot pa sa kung ano-anong ganap na kinakailangang magpahayag gamit ang mga nagsasalitang daliri at tintang hindi nagtatae. Bihira akong hindi nagsusulat, ngunit sa mga iilang araw ding iyon ay nagsusulat pa rin ako sa utak. Kulang ako kapag hindi ko natitipa ang mga gusto kong sabihin… hanggang tumagal nang tumagal ang pandemya.
Sa parehong panahon noong nakaraang taon ay pursigido pa akong magsulat, lalo na dito sa Aurora Metropolis na sampung taon kong inaalagaan. Napakarami ko pang sasabihin kaya sulat lang ako nang sulat, kahit pa ang iba ay mga rant at mga sentimiyentong hindi ko kayang ibulalas sa mga taong kinaiinisan ko. Basta makapagsulat, sige lang!
Ang masaklap lang: Marami pa akong gustong isulat, pero pumapalag na ang utak at kamay ko na magsulat. Bakit kaya?
Writer’s block lang ba ito? Katamaran? O baka hindi na kasi ito ang priority ko gawa ng pagtanda? O baka dumating na talaga ako sa punto na wala nang gana sa passion na nagbigay-kulay sa buhay ko sa napakahabang panahon?
May mga tagpong mas gusto ko na lang magsulat para sa pera o para sa iba, pero hindi na para sa tunay na dahilan kung bakit ipinanganak si Aurora at patuloy na nabubuhay ngayon.
May nagsabi sa akin na masuwerte ang mga taong tumatanda at nakakapagsulat pa rin ng mga kasaysayan ng sarili nila at ng mundong inikutan nila. Ito ay sa dahilang kapag nalimot nila ang kanilang mga alaala ay may paraan pa para maibalik ito sa kanilang memorya. Noong simulan ko ang Aurora noong June 10, 2010 ay yun na ang gusto kong gawin — maging imbakan ng mga kuwento at opinyon ko sa mga bagay-bagay. Sa pagsusulat man lang ay may bilang ako sa lipunan, kahit katiting lang. Nagulat na lang ako na 10 years na ang Aurora dahil sa kasamaang palad ay hindi pa rin ako ganoon kasipag magsulat para sa “anak” ko.
Ang kagandahan kapag paparating ang mga panahong ganito ay sa kabila ng pagsasawa ay bumabalik ang pag-asa. Naiisip kong kahit nahihirapan akong magsulat ay kailangan ko pa ring sumulat. Muntikan na akong humintong magsulat, pero hindi pala pwede. Sabi nga ni Jessica Zafra na nakalagay sa bio ng Facebook account ko: “If I don’t write every day, I just feel bad.” Kapag kinalimutan kong magsulat, parang kinalimutan ko ring huminga.
Ngayong 11th birthday ng Aurora Metropolis, tulad ng dati, gusto ko pa ring ipangako na patuloy na magsusulat, kahit gaano pa kahirap, katamad at ka-unorganized magsulat. Sa mga pagkakataong nakakalimot na ako, mukhang mas dapat kong maitipa dito ang mga bagay na magpapaalala sa akin sa mga tao sa kamatayan ko o sa magiging kasaysayan ko — kung may susulat man.