Ang Escolta sa Aking Mata (Matapos ang Isang Taon ng Gawa)

Isang Sabado ng umaga. Nakatayo ako sa harap ng historical marker na nakalagay malapit sa paanan ng tulay sa Calle Escolta. Ito ay inialay sa bayaning nagngangalang Patricio Mariano (1877-1935) at mukhang matagal nang napapabayaan. Marumi, halos hindi na mabasa ang mga nakalagay at mas masangsang pa ang amoy kumpara sa Estero dela Reina na nasa likod lang nito. Sa kalagayan ng istruktura, hindi mo aakalaing isa itong pagkilala ng bansa para sa isang natatanging Pilipino.

Ang marker ng bayaning si Patricio Mariano sa panulukan ng Callejon Banquero at Calle Escolta, bago ito muling ipinaayos.

Ang marker ng bayaning si Patricio Mariano sa panulukan ng Callejon Banquero at Calle Escolta, bago ito muling ipinaayos.

Kumpara sa ibang bayani ay hindi natin gaanong kilala si Ginoong Mariano. Ngunit kung pagbabasehan ang nakalimbag na teksto sa marker ay masasabing importante ang naiambag niya sa kasaysayan. Sapat na ang mga salitang iyon upang idulog sa mga kinauukulan ang kondisyon ng marker at para ibigay na rin sa kanya ang paggalang na tulad ng ibinibigay ng bayan kina Rizal, Bonifacio at iba pang kilalang bayani.

Enero 28, 2015. 80th death anniversary ni Ginoong Mariano. Sinulatan ng Escolta Revival Movement ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) upang ipaalam ang sitwasyon at humingi ng tulong upang maipaayos itong muli. Wala pang isang araw matapos na maipadala ang sulat, dumating ang mga mababait na tauhan ng NHCP upang pinturahan at ibalik sa dating anyo ang palatandaan. Sinabihan din nila ang katabing vendor na siguraduhing walang iihi o magdudumi sa paligid nito. Wika nga ni Kuya Jun, ang namamahala sa mga nag-ayos ng marker, kahit man lang sa simpleng paraan ay maipakita nilang pinapahalagahan nila ang Escolta sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan sa alaala ng isang bayaning maituturing na mahalaga sa nakaraan ng ating lipunan.

Ang ginawang pagsasaayos ng NHCP sa marker ni Ginoong Mariano.

Ang ginawang pagsasaayos ng NHCP sa marker ni Ginoong Mariano.

Isinama ng NHCP sa pagpipintura ng marker ang pag-aayos sa konkretong pinagkakabitan nito.

Isinama ng NHCP sa pagpipintura ng marker ang pag-aayos sa konkretong pinagkakabitan nito.

Sa ngayon ay mas maaliwalas na ang itsura ng marker ni Ginoong Mariano kaysa dati. Sa kagandahang-loob ng Escolta Commercial Association Inc. (ECAI) ay nilagyan ng karatula ang tabi ng marker upang ipaalala sa lahat na karapat-dapat ang bayaning tulad ni Ginoong Mariano sa respeto at pagkilala nating mga Pilipino.

Ang naging kalagayan ng marker ni Patricio Mariano ay maihahalintulad sa sitwasyon ng Calle Escolta. Bilang dating sentro ng komersyo, nagsilbi ang kalsadang ito sa kalakalan ng buong bansa sa napakahabang panahon. Kinilala ito at nanatiling kapaki-pakinabang sa kabila ng napakaraming trahedyang pinagdaanan nito. Sa kabilang banda, dumating ang malawakang modernisasyon at nag-iba na ang takbo ng ekonomiya. Mula sa pagiging aktibo’t maayos na kalye ay nakalimutan na’t biglang natahimik ang Escolta. Ang dating ligtas at malinis na mga bangketa ay nagiging mukha na ng kahirapang sinasalamin din ng marami pang lugar sa Kamaynilaan.

Bagaman nariyan ang dumi at kawalang-kaayusan ngayon ay hindi nito maitatago kung ano ang Escolta noon. Ang mga gusaling maituturing na survivor ng digmaan noong 1945 at ang mga kuwento ng iba’t ibang magagandang alaala ang mga sumisira sa paniniwalang sa mga aklat ng kasaysayan na lang makikita ang kalsadang minsang tinahak ng mga pinakasikat na Pilipino. Ang mga ito, kasama ang mga tao’t grupong nananalig na maibabalik pa ang dati nitong sigla ang mga patunay na sa kabila ng lahat, hindi pa patay ang Escolta.

Isa ako sa kanila. At ngayong buwan ang unang anibersaryo ko bilang volunteer ng Escolta Revival Movement.

Larawan ng inyong lingkod habang suot ang Escolta shirt.

Larawan ng inyong lingkod habang suot ang Escolta shirt.

Hindi na bago sa akin ang magtrabaho para maayos ang lugar na tinuturing ng marami na wala nang pag-asa. Nang dalhin ako sa Escolta ng isang kaibigan mula sa Heritage Conservation Society-Youth, naging madali sa akin ang idugtong ang buhay ko doon para makatulong. Ngunit tulad ng dati kong naging misyon bilang youth leader ng gobyerno, hindi naging madali ang lahat para magkaroon ng saysay ang mga bagay-bagay. Alam ko yun dahil wala namang long exam na mape-perfect mo agad-agad. Bilang indibidwal na ating tanging hiling ay makita ang Maynila na kaaya-aya tulad ng dati, kailangan ko itong pagpaguran at kailangang magsakripisyo ng iilang bagay para gawin ang nararapat. Dito ako magsisimulang muli sa Escolta.

Hindi maiiwasan ang mga di pagkakaunawaan, colflicts of interest, miscommunication at iba pang nagiging hadlang para hindi umandar ang adbokasiya. Nakakalungkot na makita ang iilan na nag-iisip na mali ang mga ginagawa ko dahil sa napakaraming kadahilanan. Aaminin ko na ako’y may mga pagkakamali at handa akong humingi ng kapatawaran. Hindi naman ako perpektong lider. Magkagayunman, hangga’t alam kong para sa kabutihan ng marami ang misyon, gagawin ko iyon dahil alam kong may mga taong nagtitiwala sa kakayahan ko. Hindi ko sila bibiguin.

Isang malaking consolation sa akin ang maka-daupang-palad ang mga taong tinitingala sa kani-kanilang larangan. Mula sa mayor ng Maynila at chairman ng MMDA hanggang sa barangay chairman na nakakasakop sa Escolta, hindi ko inakalang ang mga personalidad na iyon ay magiging bahagi ng aking mga ginagawa. Nakakatuwang karanasan din ang lumabas sa telebisyon para i-promote ang mga gawain namin kung saan pwedeng sumali ang lahat. Kasama ang mga kaibigan mula sa iba’t ibang grupong tagasuporta, inilalahad namin sa kanila ang lahat ng tungkol sa Escolta at kung bakit mahalagang tulungan nila ang isang kalyeng kinalimutan na ng ekonomiyang lubos niyang pinaglingkuran. Nagkaroon ng mga positibong tugon, pero nariyan din naman ang mga negatibo. Magkagayunman, obligasyon namin na kunin ang pagkakataong gawing positibo ang mga negatibong resultang iyon.

twt-2014-escolta-06

Screenshot mula sa interview ng programang Cityscape ng ABS-CBN News Channel.

Pagpupulong ng Escolta community kay Manila Mayor Joseph Estrada noong Mayo 2014.

Pakikipagpulong ng Escolta community kay Manila Mayor Joseph Estrada noong Mayo 2014.

escolta-meets-mmda

Pakikipagpulong ng grupo kay MMDA Chairman Francis Tolentino.

Ang taong nagtitiwala sa akin ay naging mga bago kong kaibigan. Sila ay mga professors, architects, artists at maging high school, college at graduate school students; gayundin ang mga building owner, office employees, security guards, young professionals at mga simpleng taong araw-araw na nabubuhay sa pangarap na sana’y bumalik ang kaayusan sa pangalawa nilang tahanan. Nakakataba ng puso na makita ang mga ngiti, ang mga pasasalamat at mga salitang nagbibigay-inspirasyon sa amin na gawin ang makakaya para umusad ang kanilang mga pangarap.

Sa loob ng isang taon, wala naman talagang malaking pinagbago sa kalagayan ng Escolta, kahit ilang media o ilang daang turista na ang bumisita upang makita ang ganda at pangit sa dating sikat na kalsada. Ang mga pisikal na pagsasaayos ay nasa diskresyon pa rin ng Manila city government kaya patuloy naming tinatawag ang atensyon nila tungkol sa mga isyu ng security, lighting, sidewalk, walang kwentang barangay officials, pasaway na mga vendor at ang pagpapasa sa pagiging heritage zone ng Escolta.

Habang hinihintay ang mga malawakang pagbabago ay sinasamantala namin ang pagbuo ng mga event para mas mapalaganap ang kaalaman ng publiko tungkol sa Escolta. Bilang mga volunteer ay wala kaming sapat na pondo upang gumawa ng mga pisikal na pagsasaayos, kaya mas mabuting ginagamit namin ang kayamanan ng isipan at diskarte upang madala ang mga institusyong may kakayahang gawin ang mga iyon.

Ang mga pangalawang magulang namin sa ECAI ay mahigit dalawang dekada nang humahanap ng paraan para muling magliwanag ang Escolta. Sa kabila ng pagiging magkaka-kompetensya sa negosyo, ipinapakita nilang hindi saklaw ng pera ang tagal ng kanilang pagsasamahan bilang isang Asosasyon. Tanggap nila ang kanilang mga kakulangan at minsa’y hindi pagkakaintindihan dahil sabi nga nila ay “tumatanda” na’t medyo “napapagod” na sila. Kahit ganoon, naniniwala akong sa gitna ng mga pagsubok bilang isang institusyon, patuloy pa rin silang naniniwala na maaabutan pa nila ang bagong panahon ng Escolta. Kasama akong naniniwala at tumatrabaho para sa pangarap na iyon.

Ang unang taon ay umpisa pa lamang ng mas marami pang tagpo para sa akin sa Escolta. Mula sa orihinal kong pakay na suportahan ang panawagang gawin itong heritage zone ng pamahalaan, natanto ko ang sarili ko na mas marami pa akong pwedeng gawin upang makatulong.

Para sa akin, ang Escolta ay hindi lamang isang lugar na dapat puntahan para alalahanin ang kanyang kasaysayan at protektahan ang mga pamanang nasa bingit ng pagkasira. Sa aking mga mata, ang Escolta ay isang lugar kung saan masarap mangarap, kung saan ang mga pagsubok ay mahirap pero malulutas nang may pananampalataya at pag-asa, at kung saan magmumula ang bagong henerasyon ng mas produktibong mamamayang Manilenyo at Pilipino.

Nagpapasalamat ako sa mga tao’t institusyon na patuloy na sumusuporta at gumagawa ng paraan upang maibalik ang nawalang sigla ng Escolta. Nagpapasalamat din ako sa pagbibigay ng tiwala sa kakayahan ng inyong lingkod upang palaganapin ang Escolta sa lahat ng paraan at sa lahat ng pagkakataon.

Sa aking ikalawang taon, nawa’y iadya pa ng Langit ang dagdag na buhay at mas maayos na kalusugan upang ibahagi ang aking makakaya para sa ikabubuti ng Escolta. Dito ko natagpuan ang panibagong misyon na muntik ko nang iwanan at alam kong sa lugar ding ito sisibol ang aking panibagong paniniwala para sa magandang kinabukasan ng lungsod kong tinatangi’t minamahal.

Ang kasalukuyang official logo ng Escolta Revival Movement.

Ang kasalukuyang official logo ng Escolta Revival Movement.

2014 YEARENDER: #fortheloveofheritage

Minsan kong nabanggit sa isa sa aking mga Facebook post noong 2013 na gugulatin ko ang buong mundo sa 2014. Nang bitawan ko ang mga salitang iyon, bukas ang aking isipan sa realidad na binigyan ko ng pinakamalaking hamon ang aking sarili bilang isang Manilenyo at bilang isang Pilipino. Nagdaan nga ang tatlong daan at animnapu’t limang araw, masasabi kong hindi naging basta-basta ang taong magtatapos. Sa kabila niyon, hindi naman ako nabigo sa aking binitawang pangako. Katuwang ang daan-daang indibidwal na aking nakasalamuha, ipinagmamalaki kong sabihin na ginulat ko ang daigdig ngayong 2014.

Rescue, revive, relive Escolta!

Ilang buwan mula nang lisanin ko ang paglilingkod bilang kabataang lider ng pamahalaang lokal ng Maynila ay dinala ako ng aking mga prinsipyo sa isang tagong kalye sa tabi ng Ilog Pasig. Ang Escolta ay nakilala bilang isa sa mga pinakaunang pangunahing kalsada sa Pilipinas at siyang nagsilbing pangunahing pook pang-kalakalan ng bansa noong ika-19 dantaon. Kaiba sa kanyang katanyagan sa nakaraang apat na siglo, ang Escolta ngayon ay tinuturing na lamang bilang isang simpleng kalye sa Maynila na hindi nabigyan ng nararapat na pagkilala sa kanyang mga naging kontribusyon sa lipunan. Gamit ang kakayahang hinubog ng tadhana sa nakalipas na mga taon ay tumulong ako sa muling pagbuhay ng makasaysayang lugar na ito. Kasama ang mga kapanalig sa Heritage Conservation Society-Youth (HCS-Y) at Escolta Commercial Association Inc. (ECAI), naipalawig sa taong ito ang awareness campaign upang makilala ng mas nakararami ang Escolta. Bawat buwan ay naitatampok sa telebisyon, pahayagan, Internet at social media ang Escolta. Dahil dito’y mas dumami na ang mga taong gusto siyang makilala nang lubusan at karamihan sa kanila ay mga kabataan. Marami pang dapat gawin pero tiwala akong mapagtatagumpayan namin ito.

#selfiEscolta

Sa mga event na in-organize ko, ang #selfiEscolta noong July 5 na ang masasabi kong pinaka-makahulugan sa lahat. Bilang kauna-unahang street heritage festival sa Maynila, ibinandera namin sa madla ang kahalagahan ng Escolta sa pamamagitan ng sunod-sunod na tour, art market at night concert. Sa kabila ng muntikan nang pagka-postpone nito at iba pang naging problema, aberya at pagsubok habang dinadaos ang #selfiEscolta, ipinagpapasalamat ko sa Maykapal na naging matagumpay ang event na ito. Nagbukas ito ng mas maraming oportunidad upang dayuhin at kilalanin ng mga kapwa Pilipino at banyaga ang Escolta.

Boses ng Escolta

Nasanay akong magsalita sa harap ng maraming tao bilang youth leader ng lungsod. Ngayong taon, malugod kong ibinahagi sa marami ang lumalaking adbokasiya ng Escolta Revival Movement. Mula PLM, La Salle Dasma at UST hanggang Inquirer, TV5 at ANC, ginamit ko ang aking kakayahang mangaral upang ilahad kung gaano kaimportante ang Escolta sa kasaysayan at kung paano makakatulong ang sambayanan sa muli nitong pagsigla.

Mula Antipolo hanggang Iloilo

Bilang aktibong kasapi ng HCS-Y ay nagkaroon ako ng pagkakataong mapasyalan ang maraming lugar kung saan makikita ang mga kayamanang hindi matutumbasan ng modernisasyon at bagong teknolohiya. Ito ang mga istrukturang naging saksi ng pagbabago ng ating lipunan ay nananatiling nakatindig at ipinapakita kung gaano karangya ang Pilipinas noon. Nariyan ang mga bahay sa Malabon, ang Santos House ng Antipolo, ang aking muling pagbabalik sa makasaysayang lungsod ng Malolos at ang napakagandang downtown ng Iloilo City.

Mula artista hanggang Arsobispo

Hindi sumagi sa aking mga ambisyon ang makilala, makamayan at makausap ang mga personalidad na magiging mahalagang bahagi ng kasaysayan sa hinaharap. Sabi ko nga, kung panahon lang ngayon ng Kastila o Amerikano, masasabi ko nang napakasuwerte kong indio. Nakadaupang-palad ko ang anak ni Comedy King Dolphy na si Eric Quizon upang hingiin ang basbas ng pamilya upang itampok ang kanyang dakilang ama sa Escolta. Hindi ko aakalaing makakasama ko sa adbokasiya ang tanyag na arkitektong si ICOMOS Philippines president Arch. Dominic Galicia. Nakausap at nakatext ko rin sa ilang pambihirang pagkakataon si MMDA Chairman Francis Tolentino. Naging personal na kaibigan naman namin ang butihing administrator ng Intramuros na si Atty. Marco Sardillo. Nakakamangha rin na makamusta ang dalawang mayor ng Maynila: sina Hon. Alfredo Lim at dating Pangulong Joseph Estrada. Higit sa lahat, nakakataba ng puso ang mahawakan ang kamay, maka-selfie at biglaang maimbitahan nang personal sa kanyang Noche Buena ng Inyong Kabunyian, Luis Antonio Cardinal G. Tagle, ang arsobispo ng Maynila.

Kung ano-ano

Patuloy pa rin akong nagsusulat, bagaman hindi gaanong makapag-post sa Aurora Metropolis. Pinipilit ko pa ring tuparin ang aking pangarap na makagawa ng libro karamay ang naluluma ko nang laptop at ilang tasa ng kape. Baka next time na lang. Hindi rin mawawala ang mga inuman session, magdamagang heart-to-heart conversation sa ilang mga kaibigan at ang magmahal-at-mahalin moments. Masarap ding malasing paminsan-minsan basta kasama ang mga taong pinagkakatiwalaan mo. Natututo na akong tumawid sa manipis na pisi para magtagumpay. Naniniwala pa rin ako sa tuwid na daan. Kahit di nagsisimba, marunong pa rin akong magdasal sa Kanya sa mga oras ng problema at saya. Masaya ang buhay at walang dahilan para malugmok sa kalungkutan.

Pangarap para sa Maynila

Pinili kong mahalin ang lungsod ng Maynila dahil alam kong karapat-dapat siyang mahalin. Bilang kabisera ng Pilipinas, pinapangarap ko ang mas maganda at mas maunlad na siyudad kung saan ang lahat ay nabubuhay nang payak at maligaya. Sa kabila ng patuloy na pagbura sa mga importanteng bakas ng kanyang nakaraan, hangad kong mamulat ang lahat – ang gobyerno at mga kapwa ko Manilenyo – sa katotohanang ang pagpapahalaga sa kasaysayan ay kaakibat ng pag-unlad ng ating tanging lungsod sa kinabukasan. Hindi lahat ng luma ay hindi na kapaki-pakinabang.

Pasasalamat at pagkilala

Hindi matatapos ang artikulong ito nang hindi nagpapasalamat sa lahat ng naging bahagi ng aking paglalakbay sa taong magtatapos.

Salamat sa aking mga kasama sa HCS-Y, lalong lalo na sa pamunuan at mga aktibong kasapi dito. Patuloy nating ipaglaban ang karapatan ng mga kayamanan ng ating bayan. Mabuhay po kayo!

Salamat sa mga namumuno sa ECAI, lalong lalo na kina Ms. Cely Sibalucca, Ms. Marites Manapat, at kina Sir Robert at Ms. Lorraine Sylianteng sa lahat ng tulong at suportang binibigay ninyo sa inyong lingkod habang ginagawa ang aking mga dapat gawin sa Escolta.

Salamat sa mga taong kumikilala sa Escolta at patuloy na kumikilala sa makulay na nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng minamahal nating Queen of Manila’s Streets. Darating ang panahon na makakamit din niya ang karangalang nararapat para sa kanya.

Salamat sa Heritage Conservation Society sa pangunguna nina Ms. Gemma Cruz-Araneta at Mr. Ivan Henares sa pagtitiwala sa mga kabataan upang maging sundalo ng ating adbokasiya.

Salamat sa aking mga kaibigan: Cherry Aggabao, Prof. Neriz Gabelo, Macky Macarayan, outgoing PLM-College of Mass Communication dean Ludmila Labagnoy, Stephen John Pamorada, Clara Buenconsejo at Jericho Carrillo ng HCS-Y; Sir Marco Sardillo, Marcus Luna, Christopher Hernandez, at Herbert Eamon Bacani at Albert Ampong ng HBOX.

Salamat sa’yo Escolta dahil dama kong ako’y iyong pinagkakatiwalaan. Mananatili ako sa’yo hangaang sa iyong muling pagsigla.

Salamat sa aking pamilya na patuloy na umuunawa sa akin. Sa kabila ng pagsubok na ating nararanasan ngayon, nawa’y manatili tayong malakas at manalig sa Maykapal. Kaya natin ito!

At ang pinakahuli, maraming salamat sa ating Panginoong Hesukristo, sa ating Inang Maria at Poong Sto. Nino. Salamat po sa pagbibigay Ninyo ng tuloy-tuloy na biyaya, sorpresa at talento upang gawin ang aking misyon sa mundong ito. Patuloy po Ninyong basbasan ang aming lungsod at tanging bansa ng pagpapala at lakas upang harapin ang mga pagsubok. Inaalay po namin ang tagumpay ng aming bayan sa Inyong karangalan. Amen.

Halos katumbas ng pagmamahal sa ating pamilya at Diyos ang pag-ibig natin sa ating bayan. Hangad ko na mas maraming Pilipino ang magmahal sa bansang ito sa darating na taon, lalo pa’t isa ito sa mga mahahalagang sangkap ng kaunlaran. Ang 2014 ay isang pahiwatig na tayo, bilang Pilipino ay nabubuhay nang may dahilan at ito ay para mahalin ang bayang ipinagkatiwala sa atin ng Langit. Sana’y pahalagahan natin ito.

Ang Bus Ban At Ang “Modernong Intramuros” Na Maynila

Nakaugalian ko nang maging online lagi mula nang iwan ko ang Manila City Hall, gawa ng pagpapalit ng bagong administrasyon sa pamumuno ni dating Pangulong Joseph Estrada at re-electionist Vice Mayor Isko Moreno. Good news at bad news ito para sa akin, pero mas iniisip ko ang kabutihang dulot ng gawaing ito. Ang pagbubukas ng Facebook ay parang pagbabasa ko ng broadsheet, kung saan mas madaling makakuha ng mga balita para sa aking sarili at para sa pinapatakbo kong page na Manila Youth Interactive. Dito rin ako nakakakuha ng inspirasyon para makapagsulat muli ng kuwento at artikulo para sa Aurora Metropolis na madalang kong nagagawa nung mga panahong ako ay nasa serbisyo sa mga kabataan.

Heto ang buhay ko ngayon, nagigising para humanap ng kapaki-pakinabang na mga salita at nakakatulog sa kakahanap ng mga ito. Sa ganitong paraan, para pa rin akong naglilingkod sa mga kabataang nakikinabang sa mga impormasyong kailangan nilang malaman.

Sa kabila nito, tila hindi ko pa rin pinapakawalan ang sarili ko sa anino ng clock tower ng Maharnilad. Nakakahanap pa rin ng tiyempo ang tadhana na mangialam ako sa pulitika ng lokal na pamahalaan. Ginagalang ko nang taos sa puso at tanggap na nang buong buo ang pagkapanalo ni Erap at Isko bilang mga pinuno ng Maynila, ngunit narito pa rin sa loob ko ang pag-aalab na bantayan sila sa mga hindi nila dapat gagawin sa aking minamahal na lungsod. Kumbaga, hindi ko maitatago ang katotohanang kritiko ako ng kasalukuyang administrasyon sa lungsod. Hindi ninyo ako masisisi. Hindi ko sila binoto at kailangan nilang patunayan sa akin, bilang nagmamalasakit na Manilenyo, na hindi nagkamali ang mga taong muling naghalal sa kanila sa pwesto. Sabihin ko mang wala akong pakialam dahil hindi ko sila ibinoto, hindi ko maitatago ang malasakit ko sa Maynila. Dito ako nakatira, dito ako nabubuhay, at ang tanging pambawi ko sa mga nagawa ng lungsod sa akin ay protektahan siya sa pinakasimpleng pamamaraang kaya ko.

Hulyo 22. Umaga. Bumungad sa aking Facebook news feed ang balitang pinipigilan ng pamahalaang lungsod na papasukin ang mga bus sa Maynila bilang solusyon sa napakalalang sitwasyon ng trapiko. Hindi ang pagpasa ng ordinansa ang laman ng balita kundi pagkabigla’t galit ng mga mananakay ng bus dahil sa araw lang din na yaon nila nalaman na may ganitong batas na pala sa siyudad. Kahit ang mga bulwagang pambalitaan ay nagulantang dito dahil hindi umano nagpaabiso ang lokal na pamahalaan na magpapatupad sila agad-agad ng ganitong programa. Resulta nito ang malawakang kalituhan sa pagitan ng mga pasahero at mga bus driver na napagbubuntunan ng inis dahil dito.

Larawan mula sa Manila Bulletin Online

Larawan mula sa Manila Bulletin Online

Mabilis na ipinasa ng Sangguniang Panglungsod noong ika-16 ng Hulyo ang Council Resolution No. 48 na nagbabawal sa lahat ng bus na walang permanenteng terminal sa lungsod na manatili sa saan mang panig ng siyudad at kumuha ng pasahero sa nasasakupan ng Maynila. Kasabay nito ang paglalabas ng traffic guidelines kung saan sila hihinto’t pinahihintulutang magbaba at magsakay ng kanilang pasahero. Para naman sa mga bus na may terminal dito, lalo na sa mga bumibiyahe ng pa-probinsya, hinahayaan silang pumasok sa lungsod ngunit magbababa o magsasakay lamang ng kanilang mga pasahero sa mga himpilan nila. Sa pagsasakatuparan ng batas na ito’y hindi naabisuhan ng City Hall ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na siyang nangangasiwa sa ligalidad ng ruta ng public transportation sa bansa. Nilalabag umano ng Maynila ang batas trapiko dahil hinaharang umano nito ang mga ligal na bus na dumaan sa mga kalsada ng lungsod para makarating sa rutang itinakda ng kani-kanilang prangkisa. Para naman sa mga bus operator, malaking perwisyo ito para sa kanila dahil hindi lang sila nawawalan sila ng kita kundi sila rin ang unang naaagrabyado sa reklamo ng kanilang mga pasahero. Sa ilang araw na epektibo ang ordinansang ito’y naging kapansin-pansin ang napakaayos na daloy ng trapiko sa mga kalye, lalo na sa mga lugar na nirereklamo noon na masikip, mabigat at magulo dahil sa mga nagbabalagbagang bus.

Sa aking pagsubaybay sa mga detalye’t ibang mahahalagang impormasyon sa isyung ito, biglang pumasok sa aking gunita ang isang lugar na mahalaga sa kasaysayan ng Maynila — ang Intramuros. Sa loob ng mahigit tatlong siglo ay naging pinaka-eksklusibong distrito ng Pilipinas ang Intramuros. Patunay ang makakapal na pader na naghihiwalay sa mga Pilipinong “Indio” at sa noo’y itinuturing na korona ng pamahalaang kolonyal ng Espanya sa Asya Pasipiko. Kontrolado ng pamahalaan ang loob ng buong Intramuros na tila nasa loob ng isang malaking kamay na bakal ang pagpapatupad ng kaayusan sa distrito. Bukod sa naroon ang sentro ng gobyerno ay pinapatili nito ang mataas na pagtingin at paggalang ng lahat sa Intramuros bilang kabisera ng mga makapangyarihang Kastila hindi lang ng bansa kundi ng buong Malayong Silangan.

Hindi ba maganda ang ordinansang ito? Maaaring oo sa palagay ng marami. Masyado nang malaki ang Maynila at ang pangangailangan sa transportasyon ang isa sa mga pangangailangan upang gumalaw ang ekonomiya at pamumuhay dito. Narito pa rin ang ilan sa mga pinakaimportanteng kalsadang daanan patungo sa mga lugar ng hanapbuhay at mga paaralan sa kalakhan. Dahil sa batas na ito, ang mga dating nagtitipid na mananakay ay gagastos ng higit para sa pamasahe dahil sila’y magdadalawa o magtatatlong sakay papunta sa kanilang destinasyon.

Ngunit babalik ako sa konsepto ng Maynila bilang bagong Intramuros. Maaaring wala nang pader ang lungsod para maiwalay tayo sa iba pang bayan, pero dahil sa ordinansang ito ay nararamdaman kong muli ang tanyag na binakurang siyudad ng ika-16 na siglo. Positibo ang epekto? Para sa akin, positibo sa anggulong ito ay isang malaking hakbang na sa aking palagay ay makakatulong sa atin bilang mga disiplinadong Manilenyo. Marami sa atin ang hindi marunong sumunod sa batas trapiko na isa sa mga pinakapayak na regulasyon sa kahit saan mang bansa sa mundo. Kung saan-saan na lang tayo bumababa at sumasakay nang hindi namamalayang may tamang lugar pala para sa sakayan at babaan, lalo na sa mga pangunahing kalsada ng lungsod. Marami rin sa ating mga driver, bus man o jeepney, tricycle at iba pang uri ng transportasyon, ang hindi rin sumusunod sa itinakdang panuntunan sa pagkuha ng pasahero, bagkus, ginagawang kumpetisyon ang pagkuha ng mananakay sa kalye kahit hindi doon ang tamang sakayan. Sa iba namang hindi sa Maynila ang pangunahing ruta, problema sa kanila ang pag-balagbag sa mga kalsada na ginagawang paradahan para madaling makakuha ng pasahero.

Ang ordinansang ito ay tila isang kamay na bakal na kailangan sa loob ng ating lungsod. Maaaring mahirap at hindi kaaya-aya kung titingnan, ngunit naiintindihan ko ang kalaliman nito bilang isang solusyon, hindi lang sa problema ng trapiko sa Maynila kundi sa problema natin bilang mga tao. Dala natin ang pangalan ng bansa at obligasyon ng lokal na pamahalaan na panatilihin ang pinakamataas na paggalang sa Maynila bilang kabisera ng Pilipinas. Dapat tayong mga Manilenyo ang siya mismong nagbibigay-galang sa kung anong meron tayo sa loob ng lungsod tulad ng mga taong naninirahan noon sa Intramuros. Dapat tayong mga Manilenyo ang nagpapakita ng pinakamataas na disiplina, hindi lang sa kalye kundi sa aspeto ng pamumuhay na magdadala rin naman sa atin sa kaunlaran tulad ng mga Manilenyo noon sa Intramuros. Sa mga bus naman, nawa’y napag-isip-isip na ninyo na ang Maynila ay hindi lang basta tinatawiran para makarating lang sa inyong ruta. Ang Maynila ay tulad pa rin ng karangalang tinamasa ng Intramuros, isang matatag na lungsod na isinasaalang-alang ang kabutihan, kaligtasan at kaayusan ng nasasakupan nito. At tulad naman ng prinsipyo ni dating Mayor Alfredo Lim, sa Maynila, ang batas ay pinapatupad para sa lahat at walang taong mas mataas pa sa batas. Samakatuwid, bawat kalsada ng Maynila ay mahalaga kaya’t walang sasakyan, driver,operator o pasahero man ang dapat bumalagbag nang basta-basta, lalo na sa mga batas na isinasakatuparan dito.

Wala mang bus noong unang panahon, ngunit ang istriktong pagpapatupad ng batas tulad ng ordinansang ito ay para sa ikabubuti muli ng Maynila bilang susi sa kaunlaran. Nararanasan man natin ang perwisyong dulot nito sa kasalukuyan, tandaan natin na tayo’y dumaraan sa kalunos-lunos na proseso ng pagbabago na magpapatanto sa atin na tayo mismo ang may kasalanan kung bakit tayo nagkaroon ng ganitong problema. Sa sitwasyong ito, tayo mismo ang makakahanap ng libo-libong paraan para makapag-adjust sa mga pagbabago. Hindi tayo mga bobong umaasa lang sa instant at parang mga spoiled brat na magmamaktol kapag hindi naibigay ng pamahalaan ang gusto natin, kahit hindi na ito tama o nararapat.

Saludo ako sa pamunuan nina Mayor Erap at Vice Isko sa unang hakbang na kanilang pinapatupad sa kanilang unang termino sa Maynila. Nawa’y mapanindigan nila ang kagandahan ng regulasyong ito para sa pang-matagalang resulta ng kaayusan dito. Maliban sa mga pagkakamali tulad ng hindi maayos na malawakang pag-a-anunsyo nito sa publiko, hindi maayos na koordinasyon sa pambansang ahensyang may sakop nito at sa ilang mga bagay na dapat isaalang-alang bago ipatupad ang ordinansa (tulad ng kaaya-ayang loading and unloading bays at paglalagay ng jeepney terminals sa mga lugar na ito upang mapagsakyan ng mga pasahero galing sa labas ng Maynila), ang paghihigpit sa batas trapiko ay isang magandang solusyong dapat kaharapin ng lahat ng nakikinabang sa mga kalsada ng lungsod dahil dito magsisimulang dumaloy ang disiplina hindi lang ng sektor ng public transportation kundi nating lahat.

Sumusuporta po ang inyong lingkod sa hakbanging ito, ngunit MAS HIGIT AKONG NAGBABANTAY, muli, BILANG ISANG NAGMAMALASAKIT NA MANILENYO.