FAST POST #20: Ang Unang Sulat Mula Sa Utak Na Nahihilo Para Sa Pusong Nagpipigil Umibig Nang Totoo

November 16, 2012, Biyernes, 8:30 ng gabi

Aking puso,

Alam kong sa mga oras na ito’y kontento ka sa kapayapaang iyong natatamo at dahil dyan ay napakasaya ko. Nawa’y nasa kalmadong mood ka habang binabasa ang sulat ko. Lagi ka kasing nagpa-panic kapag pinagdi-diskusyunan natin ang tungkol sa lovelife e. Yung tipong yung pagtibok mo ay nagkakaroon ng impact sa buong sistema ng taong ito, malamang, kasama na pati ako.

Ilang beses na tayong nagtalo tungkol sa pag-ibig, pero ito yung unang beses na sinulatan kita upang ipaalam sa’yo ang laman ng aking isip. Wala talaga akong ganang magsulat pero pinilit kong buuin ang liham na ito para sa isang bagay. Malakas lang siguro ang loob ko kaya ko ginawa ito kaya sana’y damhin mo.

Sa ilang buwan na hindi mo iniinda ang pagmamahal nang totoo sa iilang taong nakakasalamuha mo. Ni hindi ka nagpapadala sa kalungkutan kung nakakaranas ka ng rejection o ikaw mismo ang nanre-reject sa taong alam ko namang karapat-dapat na bigyan ng pagkakataon para mahalin mo. Alam mo bang bigla akong nag-alala sa’yo? Kasama ba yan sa mga pagbabagong gusto mong i-apply sa taong ito? Sa palagay ko, hindi ka na nagiging fair.

Maraming taon din na ikaw ang naging dehado sa larangang ito. Nakasira pa nga sa imahe mo ang mga sitwasyon para lang masabi mong karapat-dapat kang mahalin, pero lahat ng iyon ay bigo. Umiyak ka, nasaktan, nagdusa sa sakit ng bigong pag-irog. Lahat ng pagsubok na iyon, sinamahan kita, hindi dahil wala akong choice, pero dahil magkaibigan tayo. May iilang pagkakataong naging masaya ka, pero aaminin ko, kasalanan ko yung mga dahilan kung bakit mo kelangang itigil ang mga kaligayahang iyon. Gusto lang kasing protektahan nun dahil naiisip kong masasaktan ka lang kung itutuloy mo iyon. Naisip kong mas mabuting umiyak ka na ngayon pa lang, kesa bigla kang lumagapak sa kalagitnaan ng langit na iyong nadarama. Humihingi ako ng tawad sa mga pangyayaring iyon.

Ngunit nitong mga nakaraan ay naninibago na ako sa’yo. Dati, halos isakripisyo mo ang iyong sarili para lang mahalin ng mga taong gusto mong mahalin, kahit masaktan ka, ayos lang. Pero bakit ngayong nakikita na ng mas marami ang pinakamahahalagang sangkap para sa isang taong nararapat mahalin, eh doon mo naman pinipigilan ang sarili mong umibig? Naka-focus ka na lang sa mga paraan para ma-improve ang taong ito sa kanyang pisikal na katayuan na dati’y di mo iniisip na dahilan kung bakit di ka gusto ng mga taong gusto mo. Naniniwala akong hindi ka pa ginagawang manhid ng inyong mga karanasan, pero pinaparamdam mo sa akin ngayon na ayaw mo nang magmahal dahil ayaw mo nang masaktan.

Lagi kitang iniisip, kaya sana, nais kong bumawi sa’yo at sana’y pakinggan mo pa rin ako sa pagkakataong ito. Subukan mong umibig muli dahil nariyan na siya – yung taong tanggap ka kahit ano pa ang itsura mo at topak mo. Alam ko yon kahit wala akong pandama. Huwag kang matakot dahil alam kong di ka nya sasaktan. Ilang beses na niyang pinapakita sa’yo na karapat-dapat kang mahalin kahit di mo baguhin ang anyo mo. Alam kong di buo ang kagustuhan mong papayatin at pakinisin ang taong ito para lang sa dahilang may magmahal na sa inyo nang tunay. Sapat ka na sa kung ano ka para makita ka ng nilalang na mag-aalaga sa’yo at sa taong ito. Sana, kahit di mo ito maisip, hinihiniling ko sa Diyos na maramdaman mo ito. Naghihintay lang siya sa’yo at sisiguraduhin kong maghihintay lang siya sa’yo.

Hihintayin ko ang iyong tugon, aking kaibigan.

Laging tapat at nag-aalala sa’yo,
Iyong utak.

(Nasa Fast Post ang artikulong ito dahil bigla na lang napaisip ang utak ng may-akda na tulungan ang puso ng may-akda na magmahal muli.)

FAST POST #13: “Anong Drama?”

[“Anong drama?” Ito ang isang comment na natanggap ko kagabi sa isang kaibigan nang mag-post ako sa Facebook tungkol sa “tampo” ko sa isang bagong kaibigan. Nakuha ko pang depensahan ang komento ng kaibigan kong ito, pero pagka-pindot ng enter key ay tila bigla akong nabuhusan ng tubig. Napahinto. Napaisip nang malalim. Bumuntong-hininga. Nauntog sa isang malaking katotohanan.]

***

Hindi ko maibigay yung eksaktong dahilan kung bakit ako naging emo (emotional or read: over sa pag-e-express ng emotions) pero tandang-tanda ko pa na nagsimula ang pagtaas ng drama levels ko noong December 2006. Ito ang unang pagkakataon na sumali ako sa “clan”, isang social networking trend gamit ang cellphone at na-in love sa taong sa cellphone ko lang nakakausap. (Sun Cellular pa lang ang carrier noon ng unlicall at unlitext) Seloso kasi ako kaya’t lahat ng kaartehan ay sinasabi ko at tinetext ko, kaya’t ang epekto nun ay nagagawa kong maging pa-sweet sa text at tawag kapag kausap ko siya.

Kung hindi ako nagkakamali ay nauso ang terminong emo noong mga bandang 2007 o 2008, na patungkol sa isang music format ng tugtog na umusbong mula sa alternative rock genre. Kasabay ng mga senti moment ko ay ang pagkahilig ko sa mga emo music, kaya’t binansagan ko na ang sarili ko na EMO mula noon. Sa paglago ng ganitong klaseng mga kanta, natanto kong unti-unti na rin palang lumalala ang kaemohan ko sa buong katauhan ko. Marami na akong nasirang pakikisama (kaibigan man, ka-flirt, ka-M.U. at mga past romantic relationship ko) dahil sa ganitong behavior ko. Napasama ang imahe ko sa maraming tao kapag umiiral ang pagiging emo sa maling lugar o sitwasyon. Pinilit kong dahan-dahang ibaba ang level ng pagiging emo ko, pero naging mahirap ito para sa akin lalo na noong naging libre ang paglalabas ng aking emo sentiments nang dahil sa Facebook at Twitter. Kahit ang blog kong ito’y nabuo dahil sa kaemohan ko sa pagiging hopeless romantic ko. (nakakatawa, nakakahiya pero yun ang totoo)

“Anong drama?” Ito ang isang comment na natanggap ko kagabi sa isang kaibigan nang mag-post ako sa Facebook tungkol sa “tampo” ko sa isang bagong kaibigan. Nakuha ko pang depensahan ang komento ng kaibigan kong ito, pero pagka-pindot ng enter key ay tila bigla akong nabuhusan ng tubig. Napahinto. Napaisip nang malalim. Bumuntong-hininga. Nauntog sa isang malaking katotohanan.

*PAALALA: Ang susunod na mga pangungusap ay maaaring maglaman ng mga kaemohan ng may-akda. Pakiunawa po. Maraming salamat.*

Malaya tayong nakakapagbulalas ng ating emosyon. Sa pamamagitan ng maraming pamamaraan ay naipaparamdam natin ang ating mga saloobin. Madalas, dahil libre nating gawin ito ay nakakalimutan nating mag-preno ng ating mga salita na ang nagiging resulta ay maaaring sakit o insulto sa mga taong pinatutungkulan/tatamaan nito. Tila para tayong nagiging kotseng sira ang preno na anumang oras ay pwedeng makaaksidente at makasakit ng mga tao.

Hindi naman talaga masamang magpaka-emo. Ngunit sa aking sitwasyon, na-realize ko na maraming beses akong umabuso sa pagiging emo ko. Maaaring naging daan ito upang mabuksan ang aking malikhaing puso’t kaisipan (tulad ng Aurora Metropolis), pero naging mitsa rin ito sa akin na maging sobrang sensitibo sa kung anong mga salita o kilos ang umaapekto sa akin. Tanda kong hindi ako sobrang sensitibo bago pumasok sa akin ang ganitong kaisipan. Marahil na rin siguro sa pagpipilit na magkaroon ng lovelife (hahaha) at pagiging sobrang involve sa pagkatao’t maging emosyon ng mga taong kinakaibigan/kaibigan/nagugustuhan/minamahal ko. Ganito rin ang epekto kapag ako’y binabalewala sa lahat ng bagay at sitwasyon na madalas kong ikinatatampo sa mga kinakaibigan/kaibigan/nagugustuhan/minamahal ko.

“Anong drama?” Naging alarm sa akin ang comment na iyon ng aking kaibigan (dahil na rin siguro na siya’y isa sa mga tumutulong sa akin upang palakasin ang pananampalataya ko sa Panginoon) na hanggang sa mga oras na ito’y malalim kong pinag-iisipan nang paulit-ulit. Dumating sa aking puso ang binabalak kong unti-unting “pagbabago” sa ganitong klaseng aspeto ng aking buhay. Ngunit sa huli, nitong gabi lang ay kinatok ni Hesus ang aking puso at hindi hinayaang masunod ang pagbabalak para sa aking sarili. Hahayaan ko Siyang gumawa ng paraan upang mabawasan ang pag-uugali kong ito.

Muli. Hindi masamang mag-emo. Ito ay nilalagay sa lugar at binabagayan ng sitwasyon. Ipapaayos ko sa Diyos ang preno ng aking puso upang gumanda ang daloy ng aking puso sa puso ng iba. Hindi naman talaga maaalis ang drama sa ating buhay. Ang importanteng pakatandaan natin sa lahat ay ang katotohanang hindi matinding bugso ng emosyon ang nararapat na lumabas sa ating puso, kundi pagmamahal sa kapwa, pag-unawa sa mga bagay-bagay at pananampalataya sa ating unang mahal, ang ating Panginoon.