ANG MANINDIGAN BILANG MANUNULAT: Paggunita Sa Unang Taon Ng Aurora Metropolis

Hindi ako ang taong nagtatagal sa iisang karera. Napakarami nang larangan ang aking napuntahan pero karamihan sa mga iyon ay madali kong napagsawaan. May bahagi sa ‘kin na ako’y nanghihinayang tulad ng panghihinayang ng mga taong naniniwala sa akin, pero naninindigan ako na hindi ko pinagsisisihan ang pag-iwan ko sa mga nasabing oportunidad.

Ngunit may isang bagay ang masasabi kong imposible kong atrasan – ang pagsusulat. Inaamin kong madaldal ang aking utak at ‘emo’ ang aking puso kaya maraming posibilidad na mag-ingay din ang aking mga kamay. Ako yung tipong pang-Twitter kung bumuo ng mga ideya, pero pinipilit kong kumpulin ang aking mga nalalaman upang maging note sa Facebook o entry sa WordPress. Sa pagtitiyagang sumulat ng mga sanaysay ay naging matagumpay ako sa pag-iipon ng mga ito – at naging posible ito sa pamamagitan ng Aurora Metropolis.

Hunyo 2010 nang umpisahan ko ang Aurora Metropolis. Nagsilbing isang hakbang upang takasang pilit ang bahagi ng aking pagkatao kung saan ako’y laging bigo. Isang paraisong nagdadala sa akin sa aking paninindigan bilang manunulat. Isang daigdig na kung saan pinaparamdam ko ang aking pananaw, hindi lang para malaman ng mundo na ang mga katulad ko ay dapat respetuhin, kundi ipakita na rin sa lahat na ang sinasabi ng isang simpleng mamamayang nagmamahal sa bayan tulad ko ay may karapatang marinig ng kapwa ko at ng mga kinauukulan.

Ang Aurora Metropolis ay aking nilikha para maglathala ng mga kuwentong kapupulutan ng inspirasyon at realidad ng mga kapwa ko na kabilang sa gay/bimale community. Subalit hindi ito limitado sa mga pilosopiyang ‘maka-beki’ tungkol sa buhay at buhay pag-ibig. Ang Aurora Metropolis ang aking ‘third eye’ – ang aking mga matang nagsasalita ukol sa mga bagay na maaaring hindi napapansin ng pagkaraniwang tao sa ating lipunan. At bilang manunulat, masaya akong ialay ang lahat ng nakikita at sinasalaysay ng mga matang ito.

Maaaring muli akong maghandog ng mga kuwento ng pag-ibig sa pag-uumpisa ng ikalawang taon ng Aurora Metropolis ngayong Hunyo. Nakaka-miss na kasing magsulat ng mga nakakakilig na eksena eh. Hinahamon ko rin ang sarili kong makapagsulat ng medyo ‘daring’ na same-sex love/romance story. Sana magawa ko. Pero kung hindi ko man magawa ito, nangangako akong patuloy na magsusulat at patuloy na magiging malaman ang Aurora Metropolis. May nagbabasa man o wala, walang tigil na dadaldal ang aking utak, mag-i-emo ang aking puso at dadakdak ang aking mga kamay para makapagsalita ang aking bibig at aking mga mata. Alam ko at NANINIWALA ako na may maisusulat pa akong magsisilbing ambag sa pamamagitan ng aking panulat, at alam kong ako ay ginagabayan ng Maykapal.

May 26, 2011

11:25am

Oras. Katapatan. Sakripisyo.

Sa misang pinuntahan ko noong Palm Sunday ay tinalakay ng pari sa kanyang sermon ang kwento ng paru-paro na umiibig sa isang napakagandang puting rosas.

 

Sa kabila ng oras at paghanga na binibigay ng paru-paro sa rosas, kabaligtaran naman nito ang naging damdamin ng huli. Tila napakayabang pa nito dahil alam niyang sobrang naaakit sa angkin niyang ganda ang pobreng paru-paro. Sinubukan ng puting rosas kung ano ang kayang gawin nito para sa kanya na alam niyang mahihirapan naman ang paru-paro. Sinabi ng puting rosas na iibig lang siya sa paru-paro kapag naging pulang rosas na siya. Walang atubali ang ginawang hakbang ng paru-paro – piniga niya ang kanyang sarili sa ibabaw ng rosas – pumatak ang dugo at tuluyang nawalan ng malay ang paru-paro. Sa pagkamatay niyang ito ay siya namang naging katuparan ng rosas. Ang dugo ng nagmamahal na nilalang ang nagpabagong-anyo sa kanya. Mula sa isang puting rosas, siya ngayon ay naging isa nang napakaganda’t mas kaibig-ibig pang pulang rosas. Ang pagyayabang ng rosas ay nauwi sa kalungkutan. Hindi niya akalaing kayang gawin ng paru-paro ang bagay na yun para lang patunayan nito na tunay niyang mahal ang rosas. Minahal na niya ang paru-paro, pero ito’y huli na.

Matagal ko nang naririnig at natatanggap sa mga text message ang kuwentong ito at hindi siya nabibigong pukawin ang aking puso. Isang kuwentong para sa akin ay isang magandang pagsasalarawan kung ano ang kayang gawin ng tunay na pag-ibig – Oras. Katapatan. Sakripisyo.

Itong istoryang ito ang naging inspirasyon ko para muling sumulat. Ako ngayon ay nakapaloob sa isang relasyon na sa Lunes ay magta-tatlong linggo na. Bagama’t may masasabi akong karelasyon ay hindi ko masasabing lubusan akong masaya at kuntento. Oo, naintindihan kong marami siyang prayoridad dahil sa siya’y anim na taon na mas bata sa akin. Wala namang problema sa akin yun dahil isip-bata rin naman ako. Hindi ko rin naman hinihiling na ako ang nasa tuktok ng kanyang mga prayoridad. Pero sa isang relasyon, lalo pa’t kung ito’y nagsisimula pa lang, kailangan ng sakripisyo upang itayo ang pundasyong magpapanatili ng aming lakas bilang isa. Sakripisyong tulad ng oras, hindi para sa akin kundi para sa amin – na ngayon ay hindi niya magawa.

Medyo katangahan man, pero aminin natin, na kaakibat ng kakulangan sa oras ng iyong karelasyon ay ang pagkakaroon natin ng pagdududa. In short, inaatake tayo ng paranoia. Hindi na isyu sa akin ang kanyang kaadikan sa programang “Glee”, na tinuturing kong mortal na karibal sa kanyang oras. Pero mula nang makatanggap ako ng isang kahina-hinalang text message ng kanyang ex-girlfriend na tila sinisiraan siya sa akin, aaminin ko, nagsimula na’ng manatili sa utak ko ang kawalan niya ng katapatan sa aming relasyon. Hindi na bago sa pananaw ko ang pagiging unfaithful ng karamihan sa teenagers, lalo na sa pag-ibig. Mapusok ang mga nasa ganitong edad at napakaraming gusto sa buhay. Pero kahit alam ko ang bagay na ito, nahihirapan pa rin akong tanggapin na posibleng maranasan ko ito kung di magiging malinaw at maayos ang kinalalagyan ko sa relasyong ito.

Kahapon ay muntikan na akong humagulgol sa simbahan ng Baclaran dahil sa pag-iisip sa kahahantungan ng relasyon namin – isang bagay na hindi ko ginawa sa mga dati kong naging karelasyon. Hanggang pag-uwi ng bahay ay iyak pa rin ako ng iyak habang pinakikinggan ang “Runaway” ni Bruno Mars – ang theme song namin. In short, nag-UBER EMO ako. Pero naisip ko, kailangan ko nang itigil ang pag-atungal kong ito. May mga taong tumulong sa akin kahapon na ipagtanto sa aking sarili na mali ang ginagawa ko – na dapat ay maging normal ako na tulad ng dati. Na tumawa kahit may mga di magagandang sitwasyon. At kagabi, dun ko na itinigil ang drama.

Oo. Kami pa rin. Pero sa ngayon, hangga’t ganun pa rin siya sa relasyon namin, ay hindi ko muna siya iintindihin. May mga prayoridad din ako sa buhay. Itatak ko sa isip ko pansamantala na ako yung taong walang commitment na dinadala. Gusto kong maging kumportable ang puso ko at di muna nag-aalala sa kanya. Oo, mahal na mahal ko siya, pero hangga’t di niya naiisip na mahalaga ang oras, kahit konti, sa isang relasyon, ay magpapakasaya muna ako na tulad ng isang single. Bahala na. Go with the flow na lang.

Good Friday

5:23pm

Being A Beki Is Not A Joke… Don’t Laugh!

Isang pananaw sa aking pagbabalik sa buhay ng mga beki.

July 23, 2010. Sa di-malamang kadahilanan ay bumalik ako sa mundong sinabi kong hindi ko muna babalikan nang matagal na panahon. Dala na rin siguro ng aking pagkabagot at pangangailangan sa  pagkakaroon ng outlet of emotions, ay muli kong binuksan ang aking cellphone inbox para muling pumasok sa isang daigdig na minsan ding naglaro ng aking pagkatao – ang daigdig na bumago sa pagtingin ko bilang tao.

Sinubukan kong magtago sa anyo ng mangangasong si Artemis sa aking pagbabalik sa bi clan community. Pero hindi pala ito naging madali. On a positive note, masasabi kong may iniwanan akong tatak sa kanila na hindi nabaon sa kanilang mga alaala. Hindi nabura ang mga mabubuti’t masasamang marka ni Lem sa HBOX Nation.

Hindi naging madali ang muling pagtatayo ng reputasyon. Mahirap nang mapalabo sa mga alaala nila ang pagiging “emotero” at “asal-bata” ng isang officer na ang hawak na posisyon ay batas – batas na maraming beses kong nilabag. Sa kabila niyon, kelangan kong muling magpa-impress at muling sumabay sa sirkulasyon ng mga beki.

Hindi madaling madispatcha ang identity bilang isang malditang beki. But as of now, I already learned my lesson. The thing of the past became an instrument for me to rejuvenate myself from a bitch to a decent, more creative, and a cooler Lem – and he is Artemis.

Being a beki is not a joke. Ang pikon, talo. Ang mahina, patay. Ang walang markang iiwan, laos. Maybe, I became a beki who became annoying in the eyes of others. May talento man ay hindi napapansin dahil sa napakagaspang ng ugali. But as time goes by, I then realized that living a beki life is not an unusual one. Kung hindi ka bet-able (o may itsura) at wala pang magawang mabuti sa kapwa mo beki, pagtatawanan ka lang at lalayuan. Mas mabuting kahit hindi ka bet-able pero iba ang iniiwan mong identity sa iba, for sure, magiging maganda ang tingin sa’yo ng lahat, mas maganda pa sa mga bet-able. Jajajaja! =D

+++

I might be busy this month for an event that we are organizing – a competition called “Singing Icon: The Second Battle”. Contest ito ng mga bi-male na gustong maging angat sa lahat sa pamamagitan ng pagkanta. Dahil magiging busy ako’y magiging pasulput-sulpot muna ako sa pagsusulat. Pero hindi ako hihinto sa pag-iisip ng mga ideya na handa kong i-share sa inyo, lalo na sa mga beki na katulad ko.

.

.

September 08, 2010 4:50pm

LemOrven

PS: HAPPY BIRTHDAY MAMA MARY! Lahat ng bunga ng aking mga talentong ginagamit at pinakikinabangan ay inaalay para sa Iyo at sa Iyong Bugtong na Anak, ang pinakaguwapong boyfriend ng lahat. AMEN. =)