FAST POST #02: Si Mideo, Ang ‘Poleteismo’, At Ako

Magiging tapat na ako agad sa inyo: takot akong gumawa ng aking pananaw ukol sa usapin ng kontrobersyal na installation art ni Mideo Cruz na itinanghal sa Cultural Center of the Philippines na pinamagatang “Poleteismo”. Pero dahil ako’y nasa malayang bansa at may karapatan naman siguro akong tumugon sa isyu malayang tao – taos puso ko itong ibabahagi sa mga mambabasa.

Ako Bilang Isang Katoliko:

Tama. Hindi maganda sa mata nating mga debotong Kristiyano at Katoliko na makitang binababoy ang anumang larawan o imahe ng ating Panginoong Hesukristo. Isa itong mabigat na kasalanang moral na kahit maaaring hindi nasusulat sa Banal na Kasulatan ay mahigpit na pinagbabawal bilang pagsamba at paggalang sa kinikilala nating Maylikha.

 

Ako Bilang Manunuri Ng Sining:

Ang sining ay pagtatanghal ng kalayaan sa pagpapahayag? Oo. Naroon na tayo sa puntong ang pagtingin sa mga obrang tulad ng Poleteismo ay nangangailangan ng malawak na kaisipan upang unawain ang malalim na kahulugan ng exhibit. Kung sa totoong buhay, marami sa mga Pilipino ang tulad ng Poleteismo o mas malala pa. Yung tipong ginagamit ang Diyos para sa pansariling interes. Sinasamantala ang pangalan ng Panginoon upang gumawa ng mga bagay na marumi at hindi tama. Dinudungisan ang kapangyarihang atas ni Hesukristo upang makapang-abuso sa mga kababaihan, kabataan at sinumang walang laban. Sa malalim na perspektibo, mauunawaan mo si Cruz kung bakit niya nalikha ang ganitong bagay. Maaaring may pareho kaming pananaw. Pero ang mali lang niya, sinagad niya ang limitasyon ng sining kung saan marami nang tao ang hindi makaunawa at nasasaktan.

 

Ako Bilang Isang Pilipino:

Nasasangkot na naman tayo sa banggaan ng pulitika at relihiyon sa kontrobersiyang ito. Nakukuha ko ang punto na tayo’y dapat na maging mulat sa isyung ito dahil nakasalalay dito ang moralidad ng ating Simbahan at higit sa lahat, ng ating pananampalataya. Pero bukod dito, marami pa ang kailangan nating gawin. Kung hihinto tayo sa Poleteismo, sa palagay ko, mas lalong hindi yun magugustuhan ng Diyos dahil tumitigil tayo sa mga usaping madaling limutin, madaling patawarin. Kung nagkasala man, parusahan sa tamang hukuman. Pero pakiusap, galaw na tayo. Business as usual.

Siguro, kung ang exhibit na ito ay ginawa sa isang bansang walang dominanteng relihiyon, hindi ito gaanong papansinin. Kung may papansin man, ituturing nila itong isang simpleng pagpapahayag ng damdamin bilang isang tao, isang artista, isang nilikha ng Panginoon. Malas lang talaga si Cruz na ang tinamaan ng kanyang sinasabing obra ay ang pinakamalakas na simbahan sa Pilipinas.

Ang pinakapunto ko lang: Maging bukas ang ating isipan. Hindi magagalit ang Diyos kung pagmamasdan natin ang gawang ito gamit ang talino’t malalim na pag-iisip. Tandaan natin na ang Poleteismo, hindi man natin siya ituring na tunay na sining, ay nakapagpapaalala sa ating lahat na hindi natin dapat bastusin ang Diyos sa iba’t ibang adyenda. Itatak natin sa ating mga utak na ang Poleteismo ay isang malayang pagtatanghal ng isang artista, hindi isang salamin kung saan nakikita natin kung paano natin nababastos ang Panginoon sa araw-araw nating pamumuhay sa mundo. Sana nga.

CINEMALAYA SA AKING MATA: Pananaw Sa Mga Piling Obrang Tampok Sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival

 

 

 

 

 

Sinasabi ng marami na unti-unti nang namamatay ang sining ng pelikula sa Pilipinas. Mas nananaig na ang Hollywood at foreign films sa ating mga pinilakang tabing at ang dating mga sikat na moviehouse na na pangunahing instrumento sa pagpapaunlad ng Sine Filipino noong nakaraang limampung taon ay naglaho na. Wala mang halaga sa nakararami ang realidad na ito, isaisip natin na ang senaryong ito ay may malaking epekto sa pangangalaga ng ating kultura at pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.

 

Noong 2005 ay isinilang ang isang pagdiriwang na nagtatanghal sa mga tao at grupong pag-asa ng Sine Filipino na mag-aahon sa kanya sa pagkalugmok at muling mag-aangat sa kanya sa dati nang karangalan nito bilang pinakamakulay na industriya ng pelikula sa Asya sa hinaharap. Ang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival –nakapaghatid na at patuloy pa ring naghahatid ng mga likha mula sa bagong henerasyon ng mga Pilipino na ang hangad ay makatulong sa kinabukasan ng industriyang nilulugmok na ng kahirapan, pamumulitika at Kanluraning paghanga. Sa Cinemalaya, nagiging posible ang mga pelikulang hindi sumusunod sa takbo ng komersyalismo at ang tanging pangunahing hangarin ay maiangat ang pelikulang Pinoy hindi lang bilang isang produktong ibinibenta, kundi isang sining na hinuhubog, inaalagaan at pinagmamalaki sa lahat.

 

Nasa kolehiyo pa lang ako ay naging hilig ko na at ng mga kaibigan ko ang manood ng mga pelikula sa Cinemalaya taon-taon. Sobra akong pinahanga ng mga pelikulang natunghayan ko na rito sa napakaraming aspeto – mga aspetong hindi ko laging nakikita sa mga hinahain ng mainstream/commercial cinema. Dito rin sa Cinemalaya ay naging bukas sa mga tulad kong normal na mamamayan ang pasukin at pamanghain ng Sentrong Pangkalinangan ng Pilipinas (Cultural Center of the Philippines) na isang patunay na dapat itrato natin ang lahat ng pelikula bilang buhay na tagapagtaguyod at biswal na mensahero ng sining at kulturang Pilipino.

 

Hindi talaga ako mahilig na gumawa ng mga rebyu ng mga pelikula, pero sa pagkakataong ito, bilang personal na papugay sa Cinemalaya, magiging bahagi ng Aurora Metropolis ang tatawagin kong ‘Cinemalaya Sa Aking Mata’. Hindi ito pormal na rebyu, pero dito ay ibabahagi ko ang aking mga simpleng pananaw sa mga obrang tampok tuwing panahon ng Cinemalaya. Ngayong 2011, sa katatapos lang na ikapitong taon ng Cinemalaya, ay sisimulan ko ang serye ng mga lathalaing ito sa pamamagitan ng pagtatampok sa mga pelikulang “Maskara” ni Laurice Guillen (ang opening film ng Cinemalaya ngayong taon), Sawasdee Bangkok (isa sa mga tampok na banyagang pelikula mula sa Thailand), “Cuchera” ni Joseph Israel Laban, at “Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa” nina Alvin Yapan at Alemberg Ang.

 

Isang taos-pusong pasasalamat sa aking mga kaibigang sina Florence Rosini (tagapagtatag ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila Film Society), Cherry Aggabao, Anthony Macarayan, Prof. Nerissa Gabelo ng St. Scholastica’s College-Department of Language and Literature at PLM-College of Mass Communication dean, Prof. Ludmila Labagnoy.

 

MATUTUNGHAYAN NYO DITO ANG ‘CINEMALAYA SA AKING MATA’ SA LUNES, AGOSTO 01, 2011 HANGGANG SA BIYERNES, AGOSTO 05, 2011. INYO PO ITONG ABANGAN. MARAMING SALAMAT PO.