CINEMALAYA SA AKING MATA #04: DILIM /Cuchera/

SENARYO BAGO MAPANOOD ANG PELIKULA: Sa lahat ng pelikula ng Cinemalaya ngayong taon, ito talaga ang pinaka-interesado akong panoorin. Bakit? Nagtaka ako kung bakit isang mangkok ng okra ang nasa tapat ng poster ng Cuchera na nasa exhibit sa tapat ng Tanghalang Aurelio Tolentino, kung saan may mga bagay doon na naka-display na naging malaki ang kontribusyon sa mga tampok na pelikula. Bakit nga ba okra? Para sa akin, dumami ang pakahulugan ng okra sa klase ng buhay natin ngayon pagkatapos kong mapanood ang obra ni Joseph Israel Laban. Naalala ko ang “Maynila Sa Kuko Ng Liwanag” ni Lino Brocka sa pelikulang ito. Isang istorya kung gaano naging mas mapusok pa ang mga tao para lang makaahon sa buhay – siya ang Cuchera.

 

 

Habang patagal nang patagal, habang patuloy ang pag-unlad ng lahat ng aspeto sa lipunan, habang lumalawak ang isipan ng mga tao sa mga bagay-bagay, marami ang nagsasabing lalong dumidilim ang mundong ating ginagalawan. Ang kadilimang ito ang nagpapayaman sa iilang tao at nagpapahirap naman sa iba. Pero sa mga naghihikahos, ang kadilimang ito ay nagsilbing pagkakataon para kumapit sa patalim, para mamuhay nang maluwag sa gitna ng dilim.

 

Maituturing na isang pangmulat-mata sa realidad ng kasalukuyang panahon ang Cuchera. Pinagkabit-kabit na kuwento ng mga taong nabubuhay sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot gamit ang mga ‘drug mule’ o tinatawag nilang mola. Dito idinetalye ang proseso ng paglilipat ng droga mula sa Pilipinas papunta sa Tsina at kung paano ito nakaapekto sa mga taong sangkot sa ganitong uri ng iligal na negosyo.

 

Matagal na sa ganitong kalakaran si Isabel, at sa gabing ito, sa halip na siya ang magmomola, ay siya naman ang susubok na sumabak sa pamumuhunan ng pagdadala ng mga kapsula ng droga mula rito sa bansa papunta ng Macau. Mula sa mga dayuhang naging suki niya ang ikakalakal niyang mga kapsula at ito ay kanyang ipupunla sa mga kabataang may iba’t ibang pangangailangan, mga first timer sa ganitong negosyo. Nariyan si Enzo na isang callboy na gustong magkaroon ng ekstrang pera upang pambayad sa kanyang utang sa humahawak sa kanya; si Lolita na nangangailangan ng pampagamot sa ate niyang nasira ang ulo dahil sa pagiging mola; at si Jonathan na pumalit sa kanyang kasintahang si Clarissa upang patunayang kaya niyang gawin ang lahat upang maipakita ang tunay na pagmamahal sa dalaga. Lahat sila ay naranasan sa kauna-unahang pagkakataon ang paglagakan ni Isabel ng mga kapsula sa loob ng kani-kanilang katawan. Una sa bibig, at upang maipasok ito sa kanilang sikmura ay kinakailangan nilang kumain ng nilagang okra upang dumulas ang kapsula sa kanilang lalamunan. Kapag hindi na kaya sa bibig ay sa ‘ibang butas’ naman pilit na ipapasok ang mga kapsula. Kapag naipasok na ang mga kapsula ay ihahanda na ang kanilang mga pekeng pasaporte at ticket, tutungo sa Macau at hahanapin ang contact na paghahatiran nila ng mga kapsula. Pero dahil nga first time nila, ay dinanas nila ang hirap na gawin ang mga iyon, ang hirap na may kaba na baka sila’y masuplong ng mga kinauukulan.

 

Hindi isang kathang isip na kuwento ito dahil nangyayari ito sa napakarami nating kababayan. Ginagawa nila ito upang kahit papaano’y makaahon sa kahirapan. Masasabi nating may ibang nakakalusot, pero sa pinakahuling istadistika, humigit kumulang sa 100 Pilipino ang nakakulong sa iba’t ibang bilangguan sa Tsina dahil nahuli sila sa gawaing ito. Nitong Pebrero lang ay nahatulan ng kamatayan ang tatlo sa kanila dahil sa negosyong ito. Ang pagmomola ay naging panibagong istilo ng mga malalaking sindikato upang maipasok ang droga sa ibang bansa kaya’t hirap ang ating pamahalaan kung paanong hindi makakapasok sa Pilipinas o hindi makakaalis ng bansa ang mga dumadala nito. Ang istoryang ito ay isa lamang sa daan-daan pa, kaya’t sana ay maging mas maigting ang gobyerno sa paglaban sa kalakalang ito.

 

Salamin ng totoong buhay ang paksa ng pelikula kaya’t hindi rito kinakailangan ng sobrang pag-arte at ito ang lubos na kapuri-puri sa mga artistang gumanap sa Cuchera. Para talaga kay Ma. Isabel Lopez ang tauhang si Isabel dahil nakuha nito ang pagganap bilang tumatandang prostitute na magaslaw ang galaw at pananalita. Napantayan din nito ang pagganap ni Simon Ibarra bilang si Samuel, ang asawa ni Isabel na kahit may mapupusok na gawain ay naging suportado sa kanyang kalagayan ng kanyang kabiyak. Naging katangi-tangi rin ang pagganap ng iba pang artista tulad nina CJ Ramos (gumanap na Lobo na adik at mahalay na pamangkin ni Isabel), Sue Prado (gumanap na Lolita) at ang gumanap na kumare ni Isabel na gumagawa ng pekeng pasaporte na tila matrona kung bumato ng kanyang nakakatawang mga linya.

 

Hindi madali ang gumawa ng pelikula sa gabi, kaya hinahangaan ko ang mga tao sa likod ng teknikal na aspeto nito. Naging maganda camera technique ang blur effect at pagiging malikot ng mga anggulo nito. Hindi naging ganoong kakumplikado ang paglalapat sa musika at naging tama lang ang mga ilaw. Tugma ang pananaw ng script sa kondisyon ng mga tunay na masa at hindi ginagawang detalyado ang mga salita upang ilarawan ang mga nagaganap. Walang duda na ang casting nito ay kapuri-puri dahil epektibo ang kanilang pag-arte kahit hindi nagsasalita.

 

Ang kadiliman ay mayroon ding katapusan, hindi man natin alam kung kailan. Kung ang magpapatalo tayo sa dilim ng lipunan, patuloy tayong magagamit ng mga mapang-abuso. Bagama’t iligal ang kanilang mga ginagawa, bigyan natin sila ng pag-unawa dahil hindi naman nila ito gagawin kung hindi nangangailangang umahon sa naghihikahos na pamumuhay. Sa kabila ng lahat, tayo ay mga taong sumusuong sa anumang laban upang mabuhay. Nagkataong ito ang pinili nila, pero balang araw, matatapos din ito at lahat tayo ay magiging maayos at tutungo sa kaliwanagan.

CINEMALAYA SA AKING MATA #03: SALIW /Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa/

SENARYO BAGO MAPANOOD ANG PELIKULA: Hindi ko inaasahan na mapapanood ko ang pelikulang ito. Muli, nagpapasalamat ako sa kaibigan kong si Florence dahil tinulak niya akong tunghayan ang isang obrang ito sa Cinemalaya ngayong taon. Kasama sina PLM College of Mass Communication dean Prof. Ludmila Labagnoy at Prof. Neriz Gabelo, nanood kami ng pelikulang ito sa mismong gala night noong July 22 sa Tanghalang Nicanor Abelardo. Isa na namang natatanging pelikulang maglalaro sa iyong isipan at damdaming pampanitikan – ito ang “Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa” ni Alem Chua at Alvin Yapan, sa pakikipagtulungan ng Far Eastern University.

Mapanlinlang ang mundo ng panitikan. Bawat damdamin ay pilit na tinatago sa mga salita at bawat pintig ng puso’t isipan ay hinahalay ng mga taludtod at mga masining na hakbang. Sa kabila niyon, ang panitikan ay isang maingay na alulong upang ihayag ang tunay na pagmamahal at mariing pagsasamo sa hinihinging atensyon ng isang nilalang sa isa pa.

Ang pelikulang Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa ay isang napakagandang halimbawang nagpapakita ng pagsasanib ng literatura gamit ang mga letra at mga galaw ng katawan. Sumesentro ang istorya nito sa tatlong nilalang na may iba’t ibang hangarin patungo sa iisang resulta – pagmamahal.

Hinahangaan ng estudyanteng si Marlon ang kanyang maestra sa Panitikan ng Pilipinas na si Karen. Kilalang walang asawa sa kabila ng kanyang kagandahan, naging mapusok si Marlon na pasukin ang mundo ni Karen upang ito’y kanyang mapahanga at mabihag ang puso nito. Sa pagsunod nito kay Karen ay napag-alaman niyang nagtuturo pala ng sayaw ang una pagkatapos ng pagtuturo niya sa kolehiyo. Naging pagkakataon ito para sa kanya upang magpakitang-gilas sa kanyang babaeng hinahangaan, at sa tulong ng kaklaseng si Dennis ay kukuha siya ng ‘advance lesson’ sa pagsasayaw upang mabigla si Karen na may kakayahan siya sa nasabing sining. Nais ni Marlon na kung hindi man siya manaig sa klase ni Karen sa unibersidad ay mananaig siya sa pagsasayaw na magdadala sa paghanga ni Karen sa kanya. Naging malapit sina Marlon at Dennis, at dito rin naging bukas si Marlon sa buhay ni Karen sa likod ng literatura at sayaw. Di kinalaunan ay nakumpirma ni Karen na tinuturuan ni Dennis si Marlon bago pa man siya pumasok sa klase nito, at dahil dito’y nagkaroon ng sama ng loob si Marlon kay Dennis dahil akala nito’y sinumbong siya ng huli kay Karen. Naramdaman ni Karen ang tensyon sa dalawa at pinagkasundo sa pamamagitan ng sayaw. Sa paglalaro ng kanilang mga damdamin sa bawat hakbang ay nakuha nila ang sining ng pagsasayaw, at dito’y nakumbinsi nila si Karen na sa kanila ibigay ang dalawang pangunahing tauhan sa planong dance adaptation nito na base sa alamat ni Humadapnon. Ang gaganapang tauhan ni Dennis ay si Nagmalitong Yawa na nag-anyong lalaki bilang Sunmasakay na magtatanggol sa datung si Humadapnon sa kuwebang puno ng mga kababaihang nagnanasa sa kanya. Si Humadapnon ay gaganapan ni Marlon, at sa maiigting na pagsasanay sa mga kinakailangang eksena ay umigting din ang kanilang pagsasamahan – hindi na lang para mapasaya si Karen kundi para sa kanilang mga nililihim na nararamdaman sa isa’t isa.

Maraming nag-aakala na ang pelikulang ito ay isang pink film, o pelikulang tumatalakay sa same sex issues at sinasabing ginamit lamang ang kuwento ni Humadapnon upang pagtakpan ang anggulo ng romantikong damdamin ng dalawang parehong kasarian. Pagbibigyan ko ang mga nagsasabi ng mga ganoong perspektibo – oo, maaaring ituring na pink film ang obrang ito – pero hindi ito isang ordinaryong pink film na laging tumatalakay sa kalaswaan o makamundong relasyon ng dalawang lalaki. Ito ang pelikulang masasabi kong nabibilang sa iilang pelikulang nagpapamalas sa mga sarado ang utak na ang pagiging ispesyal ng mga same sex ay nagagamit sa produktibong paraan. Sa bawat saliw ng mga titik ay may kaakibat na pagkamalikhain upang mabuo ang sining ng sayaw. Ito ang pelikulang dapat pamarisan pagdating sa paggawa ng pink films dahil sa mga ganitong obra ay maitatanghal ang pagpapahalaga ng same sex sa panitikang unti-unti nang binabalewala ng mga Pilipino sa kasalukuyan.

Walang katumbas ang galing sa pagganap ni Jean Garcia bilang Karen. Tila umuurong ang kanyang edad nang unti-unti dahil kung nakilala natin siya bilang matandang dalagang si Miss Minchin sa “Sarah: Ang Munting Prinsesa” noon ay nakikita natin siya ngayon na sumasabak bilang isang mananayaw na tinalo pa ang mga kabataang babae. Ipinamalas din dito ni Garcia ang galing niya hindi lang sa pag-arte kundi sa pagbabasa ng mga obrang pampanitikan at sa aking pananaw ay nagawa niya ito nang tama at may damdamin. Gayundin sina Rocco Nacino at Paulo Avelino na naging sobrang galing sa pag-arte at sa pagsasayaw. Aaminin ko, hindi ko gusto ang kanilang pag-arte sa telebisyon, kaya nasorpresa ako dahil sobrang napahanga nila akong dalawa. Nakuha nila ang tunay na emosyon ng mga galaw at mata ng mga taong may nililihim tulad ng isang tunay na same sex. Kahit ang pagbato nila ng mga ‘cheesy’ na dialogue ay nabigyang katarungan nang mahusay. Dito natin mapapatunayan na ang artista’y magiging epektibo kung mabibigyan siya ng tamang role at script upang ilabas ang kanyang tinatagong galing. Nais ko ring palakpakan ang napakaayos na partisipasyon ng mga mag-aaral ng Far Eastern University (FEU) at ng Company Of Dance Artists (CODA).

Higit sa lahat, sobrang kapuri-puri ang teknikal na aspeto ng pelikula, bagama’t ito ay may limitadong budget lamang. Naging mas makabuluhan ang grandiyosong choreography rito dahil sa mga nilapat na orihinal na awitin at musika. Isa pa, napakasaya ring marinig sa ganitong klaseng pelikula ang mga obrang pampanitikan ng mga piling manunulat na nagbigay ng halaga at kulay sa pangunahing hangarin ng istorya. Para sa akin, isa ito sa mga tunay na art films at isang obrang nagpapaangat ng moral ng mga nasa same sex upang maging mahusay sa larangan ng sining na tunay na yaman ng bansang ito.

Ang sayaw ay isang biswal na panitikan. Ang isang magandang sayaw ay nakikita sa saliw ng mga hakbang kung saan mararamdaman ang emosyon ng isang tao kahit hindi siya nagsasalita. Gayundin ang pag-ibig, nararamdaman ang tunay na pagmamahal ng isang taon, hindi sa mga magagandang salitang sinasambit o sa mga galaw na nakakapagpakilig. Tulad ng sayaw, ang tunay na pag-ibig ay nakikita sa saliw ng mga hakbang kung saan mararamdaman ang sinseridad ng puso at pagiging totoo ng damdamin na para bang isang natatanging obra ng sining.