THANK YOU FOR CALLING! #02 – Laging May Sunog Sa Mga Call Center

Bago ang lahat, inaalay ko ang artikulong ito sa aking kaibigan na si Salvador F. Tolibas Jr.. Siya ang isa sa mga masasabi kong TUNAY NA KAIBIGAN at kahit anumang oras na kailangan ko siya at kahit saang lugar o gala na nais kong puntahan ay darating siya at sasamahan ako kahit kailan ko gusto. Isa siyang mahalagang kaibigan na nawala sa akin at lubos ko itong kinalulungkot. Pero masaya na rin ako dahil tinigil na ng Maykapal ang kanyang paghihirap sa kanyang karamdaman at anumang pasakit na nararanasan niya sa mundong ito. Namatay siya nito lamang July 04 sa sakit na TB Meningitis.

 

Jhon, kung nasaan ka man, mami-miss ka namin. Kitakits na lang at let’s have a bonding soon, Chang.

 

 

Ang call center industry na yata ang pinakakilalang industriya sa Pilipinas na buhay na buhay mula sa pagsisimula ng gabi hanggang sa pagsikat ng araw kinabukasan. Kailangan ng mga nagtatrabaho rito na makitugma sa kasalungat na oras dahil karamihan ng mga kumpanyang may call center sa bansa ay nakabase sa Estados Unidos, Canada at Europa. Maraming naeengganyo na maging parte ng industriyang ito dahil bukod sa malaking sweldo ay may tinatawag pang ‘night differential pay’ na karagdagang bayad dahil sa pagtatrabaho sa isang ‘graveyard account’. Subalit hindi rin lahat ng call center personnel ay normal ang sistema kapag mga ganoong oras. Sabi nga nila, ang ganitong trabaho ay para sa mga may insomnia, sa mga sanay na mulat ang mga mata ‘pag hatinggabi at aktibo ang pag-iisip sa tuwing dis oras ng magdamag.

 

Mula nang mahinto ako sa pag-aaral ay nasanay akong nagiging baligtad ang body clock ko sapagkat lahat ng mga nakakasalamuha ko sa text ay gising sa gabi at tulog sa umaga. Nung nahinto rin ako ay natuto akong manigarilyo at natutunan ko ito sa mga taong gising sa hatinggabi. Sabi nga nila sa akin, kapag ayaw mo pang matulog, magyosi ka habang nagpapahangin. At oo, masarap magyosi lalo na kapag may mga ka-jamming. Bukod sa ingay nila, yosi ang isang bagay na nagpapanatili sa akin na gising sa mga oras na lahat ay tulog.

 

Yosi. Sigarilyo. Cigar. Cigarette. Tobacco. Ito na marahil ang pangalawa sa mga nauusong bisyo ng mga call center agent, una ang pagkakape. Yosi ang nagsisilbing tagapagbigay ng init sa napakalamig na panahon kapag gabi o sa todong lamig na dulot ng aircon sa loob ng mga opisina. Nagsisilbi rin itong instrumento ng napakaraming bonding moments sa labas ng mga gusali ng call center dahil nagkukumpulan ang mga magkakaibigang agents – naghuhuntahan habang humihithit-buga. May pilosopiya pa nga na hindi ka 100% Pinoy call center agent kapag hindi ka nagyoyosi. May pausong biro pa ako nung nasa call center pa ako, kung sabayang nagyoyosi ang lahat ng call center employees sa lobby o parking area ng isang building, hindi mo maikakaila na parang may sunog sa ground floor nito dahil sa dami ng binubugang usok dahil sa sigarilyo. Nakakatawa pero totoo. Nakakatawa pero ang realidad, oo, may mga nasusunog. Ito ay ang mga baga natin. Namin.

 

Aminado akong dito ako naging chain smoker. Nakakaubos ako ng isang kaha ng Marlboro Lights sa isang gabi lang dahil kailangan kong mag-energize, lalo na ‘pag tumutuntong ang lunchbreak dahil napakasarap matulog pagkatapos kumain. Dahilan din minsan ang pagyoyosi kapag bad timing na ang cubicle ko sa opisina ay nakatutok sa aircon ng BUONG opisina. Ibig sabihin, malakas, sobrang lakas, talo mo pa ang nasa Alaska, talong-talo pa niya ang makapal kong jacket.

 

Iniwan ko ang call center na dala ang bisyong ito. Trending naman ang yosi session lalo na sa mga magkakaibigan kaya hindi ito nawala sa sistema ko. Hindi na ako chain smoker pero hindi ko naipapangakong hindi ako magyoyosi kapag kasama ang mga katropa ko. Pero masaya akong ibalita sa inyo na sa ngayon, isang buwan na akong nakakatiis na hindi makita at maramdaman sa aking mga labi ang yosi… at parang ayoko na.

 

Wala akong maihahaing datos sa inyo tungkol sa masamang epekto ng paninigarilyo sa ating kalusugan. Hindi ko alam kung nagkataon lang na inuumpisahan kong ikonsepto ang ganitong diskusyon o napapanahon lang na talakayin ko ito dahil nitong nakaraang linggo lang nang namatay ang kaibigan kong si Jhon. Siya ang isa sa mga masugid kong ka-jamming kapag naninigarilyo sa mga napupuntahan naming coffee shop. Hindi siya nagtrabaho sa call center pero napakalakas niyang magyosi. Namatay siya dahil umakyat umano sa utak niya ang kumplikasyon niya sa baga – isang kumplikasyong maaaring nakuha niya sa sobrang paninigarilyo.

 

Marahil, sa iilan, ang paninigarilyo ay hindi naman bisyo kundi minsanang stress reliever. Magkagayunman, kultura na sa industriyang ito ang pagyoyosi dahil sa bigay nitong pampagising. Para sa akin, WALANG MAKAKAPIGIL SA KINAUGALIANG ITO. Kung may call center man na may batas na NO TO SMOKING AGENTS, dapat ay agad na itong parangalan ng pamahalaan at ng mga ahensiyang nagkakampanya laban sa paninigarilyo – pero paumanhin dahil mukhang wala naman yatang ganitong kumpanya. Pero habang wala pang mga naglalakas-loob na gumawa ng mga ganitong polisiya, siguro, kayo na ring mga kapanalig ko sa call center ang magsimulang maghinay sa bisyong ito. Hindi man ako nakapaghain ng alternatibo bilang kapalit sa yosi, marahil ay obligasyon natin itong gawin para sa ating kinabukasan. Hindi naman masama ang sigarilyo, huwag lang talagang abusuhin.

 

Smoke moderately or smoke occasionally. It’s like avoiding too much dead air and too much hold time in your calls, or too much idle time after your calls. It might affect your call handling performance and your AHT.

THANK YOU FOR CALLING! – Ang Mga Kuwento Sa Mundo Ng Call Center

Una sa lahat, nagpapasalamat ako kay Prof. Neris Gabelo (dating dalubguro ng PLM College of Mass Communication) sa pagbibigay niya ng biglaang ideya’t inspirasyon sa akin na gawin ang ganitong klaseng lathalain. Sa dalawang taon kong na-involve sa call center industry ay hindi ko naisip na humabi ng iba’t ibang mga kuwento tungkol sa itinuturing na isa sa mga pinaka-demanding na hanapbuhay sa Pilipinas.

 

Ngayong buwan ng Hulyo, itatampok dito sa Aurora Metropolis ang mga personal kong karanasan at mga senaryong aking nasaksihan noong ako’y sumubok sa call floor. Maaaring maka-relate ang mga kapanalig kong call center agents sa mga istorya rito at nagagalak akong ihandog sa kanila ang mga ito. Makakapagbigay din ang mga ito ng mga ideya (kaaya-aya man o medyo hindi kagandahan) sa lahat kung anong klaseng industriya ang call center, gusto man nilang magtrabaho rito sa hinaharap o magkaroon lang ng dagdag na kaalaman. Para sa inyo ito…

 

*soft beep* *call in* Thank you for calling Card Services. My name is Lem. How may I help you today? *smile*