Pansamantalang mababawasan ang katahimikan ng Kamaynilaan simula sa araw na ito, Huwebes Santo (Maundy Thursday) hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday) dahil marami sa mga kababayan natin ang uuwi sa kani-kanilang probinsya upang gunitain ang Semana Santa o ang Holy Week. Isa itong magandang pagkakataon sa mga pamilya at magkakaibigan upang makapagsalo-salo’t takasan pansamantala ang stress sa kanilang mga trabaho sa kalunsuran. Ang iba nama’y magbabakasyon sa iba’t ibang tourist destination para makapag-relax at bigyang katahimikan ang sarili sa magulong mundong ginagalawan.
Pero marami sa atin ang nakakalimot kung bakit talaga ginugunita, hindi lang ng mga Katoliko kundi ng buong Kristiyanismo na rin, ang Semana Santa. Dito’y binibigyan tayo ng malawak na panahon upang gunitain ang paghihirap ng ating Panginoong Hesukristo sa kamay ng mga taong kumukondena sa kanyang mga pangangaral tungkol sa Diyos. Binabalikan ang mga pangyayaring nagdulot ng Kanyang kamatayan at ng Kanyang muling pagkabuhay upang maluklok bilang Hari ng Sanlibutan at Prinsipe ng Kalangitan.
Bilang mga Kristiyano, alam natin na ang pakahulugan ng pagpapadala ng Diyos Ama sa Kanyang anak dito sa mundo ay upang iparamdam sa atin ang kanyang pagmamahal at ihandog sa atin ang susi sa kaligtasan. Oo. Maraming naniniwala rito. Pero kung iisipin natin, bakit tayo kailangang iligtas ni Hesus? Bakit isasakripisyo ng Diyos ang Anak Niya para sa atin?
Tayo ay pinanganak na makasalanan dahil sa pagsuway ng ating mga magulang, si Adam at Eba, sa utos ng Diyos na huwag kainin ang bunga sa isang pinagbabawal na punungkahoy. Sabi nga sa Bibliya, ang kasalanan ng isa ang nagdulot ng kasalanan sa lahat. Pero dahil sa pag-ibig ng Panginoon sa atin, inalay Niya si Hesus upang matanto natin na sa kabila ng ating pagiging makasalanan, gusto ng Diyos na maging matuwid tayo’t maging karapat-dapat na mabuhay sa Langit na kasama Niya. Nagpatunay Siya ng napakaraming hinala, ngunit hindi nakuntento ang mga tao, bagkus, ang natatanging Tagapagligtas natin ay inalipusta ng mga ito at pinatay si Hesus sa krus. Ang hindi pagtanggap sa mga pangaral ni Hesus ay isang patunay na kahit hanggang ngayon, hindi natin tanggap sa ating mga sarili na tayo’y MAKASALANAN. Pero ang pagpapako Niya pala sa krus ay isang hudyat na tapos na ang Kanyang Misyon — ang pagbayaran ang kasalanan ng mundo.
Sa panahong ito, masasabi ng marami na tanggap na sila ay tunay na makasalanan pero dahil naniniwala na sila kay Hesus bilang Panginoon, sila ay naligtas na at nararapat nang umakyat sa Langit. NGUNIT marami sa atin ang mas nagtitiwala sa sarili natin kaysa kakayahan ng Diyos. Sa tingin ninyo, bakit mali ang paniniwalang ito? Tayo ay pinanganak na makasalanan kaya’t wala tayong gagawing maganda sa mundong ito, pero dahil tayo’y nilalang ng Panginoon ay pinagkatiwalaan pa rin Niya tayo ng mga kakayahan upang mabuhay sa daigdig. Ngunit ang masakit na katotohanan, dahil sa mga kakayahang ito’y itinataas natin ang ating mga sarili na parang Diyos o minsan pa’y higit pa sa Diyos.
Sabi ni Hesus, ang sinumang naniniwala sa akin ay siyang mga taong itatatwa ako. Naging totoo ito nang ikaila ni Pedro si Hesukristo noong panahong hinuhusgahan ito ng mga tao. Sa kabila niyon ay napatawad siya ni Kristo at ipinagkatiwala ang pangangaral ng Kristiyanismo na naging susi sa pagtatayo ng Santa Iglesia Katolika. Marami sa atin ang hindi kayang itatwa ang sarili. HINDI TAYO ANG MAGALING, MATALINO, AT MAKAPANGYARIHAN DAHIL HINDI TAYO ANG TUNAY NA GUMAGALAW SA ATING MGA GINAGAWA. Matuto tayong itanggi ang ating sarili ang maniwalang si Hesus ang dahilan ng ating mga tagumpay gamit ang mga kakayahang ito.
Ngayong Mahal na Araw, kasabay ng ating paggunita sa Kanyang kamatayan at pagpuri sa Kanyang muling pagkabuhay, nawa’y matanggap natin na kailangan nating itanggi ang ating mga sarili dahil tayo ay mga makasalanan. Nawa’y matuto tayong maniwala kay Hesus sa pamamagitan ng paniniwala sa Kanyang mga salita dahil ang mga ito ang magdadala sa atin sa Kaligtasan sa takdang panahon. Nawa’y iwasan nating itaas ang ating pedestal dahil sa ating mga nakamit, bagkus, ipagpasalamat ito sa Panginoon dahil kung hindi dahil sa Kanya, hindi tayo magkakaroon ng lakas upang maisakatuparan ang ating mga gawain sa mundo.
Ito ang tunay na kahulugan ng Semana Santa. Nawa’y isabuhay natin ito, hindi sa ngayon kundi sa araw-araw nating pamumuhay bilang tao, bilang Katoliko, bilang Kristiyano.