Ang Diwa ng Awit ng Maynila

2015-category-title-dear-manilaaurora-2021-02-post-featured-awit-ng-maynila

Tanging lungsod naming mahal.
Tampok ng Silanganan.
Patungo sa kaunlaran
at kaligayahan.

Nasa kanya ang pangarap,
dunong, lakas, pag-unlad.
Ang Maynila’y tanging perlas
ng bayan, ngayo’t bukas.

Maynila, o Maynila!
Dalhin mo ang bandila!
Maynila, o Maynila!
At itanghal itong bansa!

Maynila, o Maynila!
Dalhin mo ang bandila!
Maynila, o Maynila!
At itanghal itong bansa!

Humigit kumulang apat na siglo ang pagitan ng panahong gawing siyudad ng isang kilalang mananakop ang Maynila at ng panahong isinulat ng isang kilalang makata ang Awit ng Maynila. 1571 nang ideklara ni Miguel Lopez de Legazpi ang Maynila bilang “pinakanatatangi’t pinakatapat na lungsod” na itinalagang trono ng Kaharian ng España sa Pasipiko. Dekada sisenta nang ilunsad ng noo’y alkalde Gatpuno Antonio J. Villegas ang mga titik ng manunulat na si Amado V. Hernandez at binigyang-musika ni Felipe Padilla de Leon bilang himno ng karangalan para sa isang maringal na kabisera.

Ang bawat letra nito ay papugay sa masalimuot na kasaysayan ng siyudad. Inilalarawan ng Awit ng Maynila ang naging tungkulin ng Maynila bilang koronang perlas na hinubog ng mga dayuhan, binabad sa dugo ng mga digmaan at pinaningning sa talento ng kanyang mga mamamayan. Inihahayag nito ang adhikain ng bawat nakatira rito, nag-aaral dito at nagtatrabaho rito  Patunay ito ng dignidad ng isang tunay na hinirang na kabisera ng bansang kayang ipagmalaki ang kanyang lahi saan man sa mundo.

Ang Maynila ang mukha at kaluluwa ng Pilipinas, sa hirap o dusa, sa lungkot o saya, sa tagumpay o trahedya. Ang Awit ng Maynila ay martsa ng mga mandirigmang araw-araw na nakikibaka sa buhay, panata ng mga kabataang magsusumikap upang maging kabahagi ng pag-unlad at himig ng mga anak niyang naniniwala na ano pa man ang mangyari ay titindig siya tangan ang bandila ng isang malayang republika.

Ang Awit ng Maynila ang sumasalamin ng diwa ng pagiging isang Manileño, at sa ika-450 anibersaryo ng pagsasalungsod ng Maynila, nawa’y mas isapuso natin ang pagbigkas nito sa lahat ng okasyon. Hindi lamang ito isang kantang tumatapos sa bawat seremonya kundi isang pangako na bilang Manileño, magkakasama tayo ng ating lungsod sa pagtindig ng ating minamahal na bayan sa ating bawat galaw araw-araw.

Mabuhay ang punong kabisera ng Pilipinas!
Maligayang ika-450 Araw ng Maynila!

aurora-11-logo

Pangarap. Dunong. Lakas. Pag-unlad. Maynila. Isang tula ng pag-asa

2015-category-title-dear-manila2018-post-image-dearmanila-manila447-01

This poem is part of Aurora Metropolis’ #Manila447 Series in celebration of Araw ng Maynila. The views expressed by the author does not reflect the view of all organizations he represent or he is affiliated with.


 

PANGARAP. DUNONG. LAKAS. PAG-UNLAD. MAYNILA
Isang tula ng pag-asa

 

Gusto kong makita at mahanap,
Siyudad kung sa’n ating nilalasap,
Pamumuhay na may hinaharap,
Mamamayang may mga pangarap.

Kabiserang ganap ang pagsulong,
Gobyernong handa laging tumulong,
Sa pagsubok ay hindi uurong,
May galing at walang hanggang dunong.

Kagitingan niya ay sadyang likas,
Kisig niya’y hinding-hindi aalpas,
Ganda’t tingkad man niya ay lumipas,
Kasaysayan niya’y tunay na lakas.

Ang kanyang tunay na hinahangad,
Bayang Manileñong may dignidad,
Tapat, ‘di maihahalintulad,
Kapit-bisig para sa pag-unlad.

Patuloy mong dalhin ang bandila,
Ikaw ang natatangi niyang tala,
Ngalan mo’y laging idadakila,
Pagpugay nami’y sa’yo, Maynila!

 

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

Kalayaan 2014: Pangarap. Dunong. Lakas. Pag-unlad.

Sa gitna ng pag-iisip kung paano ko isusulat ang ispesyal na okasyon sa araw na ito ay bigla na lang pumasok sa isip ko ang Awit ng Maynila, ang opisyal na himno ng punong kabisera ng Pilipinas. Hindi ito nagpapigil at tuluyang binigkas ng aking mga labi nang may kasamang himig at damdamin. Nasa ikalawang taludtod pa lang ako ng kanta ay napatigil ako sa una’t ikalawang linya, at nagdesisyon akong ito ang gagamitin kong anggulo para gunitain sa taong ito ang isa sa mga pinakamahalagang petsa ng mga Pilipino bilang isang malayang lahi.

Kalayaang tuparin ang pangarap.

Mapalad ang henerasyong ito dahil malaya tayong isakatuparan ang gusto nating direksyon sa buhay. Hangga’t ikaw ay nagsusumikap, buong buhay mong nanamnamin ang tagumpay ng iyong pinapangarap. Ang mga tulad nina Jose Rizal at Andres Bonifacio ay nangarap din para sa sarili at sa bayan ngunit ang naging katuparan ng mga ito ay kamatayan. Nakakalungkot na hindi nila nakita o naramdaman ang pagpupursigi sa kanilang inaasam dahil sa kawalan ng kasarinlan noong kanilang panahon.

Kalayaang mapalawak ang dunong.

Ipinagkait ng mga mananakop noon ang kalayaan ng napakaraming Pilipino para pumasok sa mga institusyong pangkarunungan. Sa kasalukuyan na ang edukasyon ay inilalaan para sa lahat at ang daloy ng impormasyon ay libre sa pamamagitan ng bagong teknolohiya, marami sa atin ang nagpupursiging matuto kahit nakararanas ng matinding kahirapan. Hindi tulad noon, walang hangganan ngayon ang pagkakataon ng sambayanan para linangin ang isip sa loob at labas ng paaralan – isang anyo ng kasarinlang nagpapalaya sa sinuman sa kamangmangan.

Kalayaang patunayan ang lakas.

Napatunayan ng lahing ito ang lakas ng naghihimagsik na Pilipinong gustong lumaya sa kamay ng mga mananakop. Magkagayunman, marami sa kanila ang nalagay sa kapahamakan o nauwi sa kamatayan para ipakita na ang lakas ng mamamayan ang dapat manaig sa kabuktutan ng noo’y malupit na pamahalaan. Ngayon, kahit sino ay may tsansang magpahayag ng kanilang saloobin sa pamamagitan ng Internet, social media at blogging. Sa ganitong mga paraan, naipapakita ng isang Pinoy ang lakas niyang taglay bilang nagmamalasakit na mamamayan. Naging daan din ang mga ito upang magtipon ang sinumang may iisang adhikain nang hindi humaharap sa digmaan at hindi nakakaranas ng pisikal na karahasan.

Kalayaang matamo ang pag-unlad.

Noon, ang kaunlaran ay para lamang sa mga kalalakihan, mayayaman at may pinag-aralan. Dumating ang puntong ang kababaihan ay nakulong lang sa tahanan, ang mahihirap ay inaabuso ng mga elitista, at ang mga walang karapatang pumasok sa paaralan ay natututo lang sa kanilang karanasan at pagdurusa. Ang bunga ng kalayaang pinaglaban ng ating mga ninuno ang sumira sa tanikala ng mga nasabing pagmamalupit. Bukod sa kasarinlan, iniwan nila sa atin ang kalayaang paunlarin ang sarili bilang tao at bilang Pilipino. Ngayon, sinuman sa atin ay pwedeng umunlad nang walang tinitignang kasarian, estado sa buhay o nakamit na karangalang pang-akademiko. Kung taglay ng Pilipino ang kasipagan, pagmamahal sa sarili, pagpapahalaga sa kapwa at pananampalataya sa bayan at Diyos, tayo ay uunlad at mabubuhay na malaya.

Kayamanan natin ang kalayaan at dapat natin itong bigyan ng kahalagahan. Lubos man ang ating paggamit nito, huwag nawa natin itong abusuhin at gamitin nang may mabuting kamalayan at positibong kaisipan. Samakatuwid, ang pagdiriwang natin ng kalayaan ng ating minamahal na bansa ay maging makulay at makabuluhan ngayon at sa mga susunod pang henerasyon.

Mabuhay ang kasarinlan! Mabuhay ang Republika ng Pilipinas!

16842_1229172370980_2011547_n