Dear 32-Year-Old Lem

2015-category-title-tambuli copy2020-AURORA-post-featured-image

 

Dear 32-year-old Lem,

Apat na taon ang nakaraan nung huli kitang sulatan. Ang daming nangyari, at ang pareho nating hindi namamalayan ay marami na palang pagbabago sa buhay nating pareho.

Truth be told… wala ka na sa kalendaryo!

Pero akalain mo yun, narating mo pa rin ang malayo-layong edad na ito.

Oo, marami. Pero hindi mo na maalala ang lahat ng mga iyon, maliban na lang kung na-post mo sa Facebook o Instagram na lahat ay taon-taong ipinapaalala sa’yo dahil sa Facebook Memories. Siguro, kung hindi na binabalikan ng social media ang nakaraan mo, malamang ay hindi mo na rin talaga gugustuhing sariwain ang iba rito.

Alam nating pareho kung gaano mo kamahal ang kasaysayan ng bayang ito, lalo na ng ating pinakamamahal na Maynila. Marami tayong sinakripisyo para lang mapagbigyan ang iilan dahil alam nating makakatulong sila para makaahon ang ating siyudad. Alam kong hindi mo sila pinagsisisihan, pero kung ako ang tatanungin, masakit mang sabihin pero kung nasunod lang ako, mas maaga mong nakuha ang kapalarang para sa’yo.

Ngunit magkaiba ang kapalaran at tadhana.

Siguro nga ay hindi ikaw ang pinakaswerteng tao, pero itinadhana ka sa mas mahirap pero mas dakilang bagay. Hindi man dakila sa pananaw ng marami, pero sa lahat ng nagawa mo, lantad man o lihim, sobrang proud ako sa ‘yo.

Ngayong 32 ka na, naniniwala akong may mga kaya ka pang gawin. Hindi ka marunong mapagod sa pag-iisip ng mga pwedeng magawa, maliban na lang sa mas madali ka nang antukin. Pero naalala ko na sinabi mo ilang taon na ang nakaraan na gusto mo na ring magpahinga sa mga oportunidad na mas nararapat para sa mga mas bata sa atin. Nabanggit mo rin na tutulong ka lang kapag hinihingi nila ang paggabay, talento o opinyon mo. Gusto mo ng mas tahimik na buhay para sa sarili mo at lahat ng mga patungkol sa iba ay ituturing mong trabaho. Muli, kung ako lang ang tatanungin, mas gusto ko iyon dahil iniisip mo ang makakabuti para sa’yo.

Ngunit parang hindi ka mapigilan. At hindi mo rin mapanindigan ang iyong mga pinangako.

Hindi ko sinasabing hindi ka marunong tumupad sa pangako. Naintindihan ko na sinubukan mong maging makasarili sa aspetong kailangan mo nang ayusin ang sarili mong buhay para sa kapakinabangan mo. Ngunit hindi mo talaga kayang maging “makasarili”, at kung pagiging makasarili ang paglingkuran sa pinakamaliit na paraan ang iba, nananalig man sila sa kakayahan mo o hindi, siguro ay wala nang dahilan para ibahin ang pananaw na ito. Yan ay ikaw, at sa dugo at utak mo, hindi na natin siguro matatanggal ito. Simpleng tao ka lang, hindi ka kikilalanin ng kasaysayan tulad ng mga taong hinahangaan at tinitingala mo, pero maswerte ang bayang ito na may tulad mo na naging makasarili para sa karangalan ng kanyang tinatanging siyudad at para sa tinatangi niyang bansa.

At tulad ng iyong laging sigaw ng paninilbihan: Para sa Panginoon, Para sa Inang Bayan, Para sa Kinabukasan.

Wala ka na kalendaryo, pero hindi ito dahilan para mawala ka sa ikot ng mundo.

Happy 32nd birthday, Lem.

 

Nagmamahal,
The Unloveable Lem.

Para sa Araw ng Maynila

2015-category-title-dear-manila2019-headline-feature-para-sa-araw-ng-maynila

This article is part of Aurora Metropolis’ #Manila448 Series in celebration of Araw ng Maynila. The views expressed by the author does not reflect the view of organizations he represents or he is affiliated with.


 

Mga kaibigang Manileño…

Alam kong alam ninyo na ipinagdiriwang natin ang Araw ng Maynila. Oo, ipagdiriwang. Hindi dahil walang pasok. Pero isang tanong ang laging lumalabas sa aking isipan: Alam pa kaya ng mga taga-Maynila kung bakit may Araw ng Maynila?

June 24, 1571, itinalagang kabisera ng Kaharian ng España sa Pasipiko ang naghaharing lupain sa tabi ng isang aktibong look sa kanluran ng Luzon. Kilala na ng marami ang yaman ng kalakalan at kultura sa Maynila bago pa dumating ang mga Kastila. Pero ang proklamasyon ni Miguel Lopez de Legazpi sa Maynila ang sinasabing nagbukas ng mas malaking pintuan ng siyudad sa buong mundo. And the rest is history.

Noong bata pa ako, bago kami mag-one-day-holiday dahil Araw ng Maynila ay may mga activity kami sa eskwela para gunitain ang okasyon. At kahit June 24, may mga kaklase akong pupunta sa iba’t ibang lugar sa Maynila para magsaya sa mga event na ino-organize para sa ispesyal na araw ng aming siyudad. Masasabi kong ang henerasyon ko ay maswerte dahil alam namin kung bakit walang pasok ang June 24. Siguro, meron piniling magpahinga, pero ginawa ang araw na ito para imulat ang ating mga mata at isipan sa halaga ng kasaysayan ng siyudad na minamahal at kinaiinisan natin paminsan-minsan.

Payong Manileño, lalo na sa mga kabataan: Huwag natin hahayaang maging mangmang sa tunay na kahulugan ng Araw ng Maynila. Ang pagpasyal sa mahahalagang lugar sa ating siyudad ay simple ngunit mahalagang pagbibigay-pugay sa kadikalaan ng Maynila sa kasaysayan ng daigdig.

Nandyan ang Rajah Sulayman Park sa may Malate na nakaharap sa Manila Bay. Nandyan din ang Intramuros, ang dambana ni Andres Bonifacio sa tapat ng Manila City Hall, ang Chinatown sa Binondo at, siyempre, ang Escolta na isa sa mga nagpanatili ng korona ng Maynila bilang isa sa mga pinakamahalagang siyudad sa mundo sa nakalipas na mga siglo.

At siguradong sa mga paaralan ninyo ay kinakanta ang Awit ng Maynila. Tulad ng kung paano ninyo kinakanta ang Lupang Hinirang, nawa’y isapuso ninyo ang ating himno. Sa bawat titik nito ay nakaukit ang ambag ng ating siyudad sa ating lahi. Hangga’t patuloy nating tinatatak sa ating puso’t isipan ang mga salitang ito ay walang dudang patuloy nating ipagmamalaki ang ating pagka-Pilipino.

Let’s be proud of our Manila. It is not just a capital city, but also a center of Filipino pride, now and always.

Let’s explore Manila!

 

Lem Santiago
Blogger, Aurora Metropolis

 

 

cropped-article-stoper.png

May Siyam na Buhay ang Manunulat

2015-category-title-tambuli copy2019-headline-feature-aurora-9

Para sa isang manunulat, ang isang araw na hindi nakakapagsulat ng kahit ano ay isang mortal na kasalanan.

Pang-personal man o para sa trabaho, o kahit pa komentaryo sa mga isyu, ang tinta sa pluma ng manunulat ay dapat gamitin at abusuhin upang maubos at mapunan ng panibago. Kumbaga sa paghahalintulad, ang manunulat–tulad ng mga pusa–ay may siyam na buhay na kahit anong mangyari ay magbabalik sa paglalahad ng saloobin gamit ang mga letra.

Siyam na taong gulang na ang Aurora Metropolis ngayong buwan na ito. Nung una, hindi ko alam kung dapat pang ipagdiwang ng inyong lingkod ang sandaling ito dahil una, kahit pa may sarili nang domain name ay nanatili pa rin itong inactive. Para sa akin, malaking kasalanan ang mapabayaan ang Aurora na maaari sanang mag-ambag nang mas malaki pa hindi lang sa akin bilang manunulat kundi sa ating bansang nahihilig magbasa ng kung ano-ano. Lalo itong naging malaking kasalanan mula nang mapasok ako sa hanapbuhay na nalalapit sa pagsusulat pero mismong platform ko ay hindi ko masulatan para sana pwedeng pagkunan ng kabuhayan.

Ngunit sa kabila nito, naisip kong bigla na kahit pala maraming oras na natahimik ang Aurora ay napagtanto kong hindi pa siya patay, hindi rin naghihingalo. Hangga’t patuloy akong nagsusulat, para man sa aking social media accounts at para sa aking trabahong may kaakibat na mga adbokasiya, ang Aurora ay buhay at nakakapaghatid ng inspirasyon sa kahit sino nang walang humpay.

Ang mga katotohanang ito ang aking mga dahilan upang ipagdiwang ang ikasiyam na kaarawan ng aking pinakamamahal na tahanan bilang manunulat. Muli, hindi ko maipapangako na magiging aktibo muli ang Aurora, pero kukunin ko ang mga libreng pagkakataon para makapagsulat para dakilain ang Diyos, para magsilbing alternatibong tinig ng Inang Bayan at para bigyang-lakas ang damdamin ng mga Pilipino para sa kanilang kapakanan at para sa kanilang kinabukasan.

Maraming salamat sa mga kaibigan na patuloy na nagpapalakas ng loob sa akin na magsulat. Maraming salamat sa mga estrangherong nakaka-appreciate ng aking mga sulat at nanghihikayat na patuloy lang na magsulat. Higit sa lahat, maraming salamat sa Panginoon dahil pinapaalala Niya na ang talentong pahiram Niya ay mananatili kung gagamitin sa mga bagay para sa magagandang dahilan — lumagpas man ng siyam ang nagamit kong buhay bilang manunulat.

 

 

cropped-article-stoper.png