Kalayaan 2014: Pangarap. Dunong. Lakas. Pag-unlad.

Sa gitna ng pag-iisip kung paano ko isusulat ang ispesyal na okasyon sa araw na ito ay bigla na lang pumasok sa isip ko ang Awit ng Maynila, ang opisyal na himno ng punong kabisera ng Pilipinas. Hindi ito nagpapigil at tuluyang binigkas ng aking mga labi nang may kasamang himig at damdamin. Nasa ikalawang taludtod pa lang ako ng kanta ay napatigil ako sa una’t ikalawang linya, at nagdesisyon akong ito ang gagamitin kong anggulo para gunitain sa taong ito ang isa sa mga pinakamahalagang petsa ng mga Pilipino bilang isang malayang lahi.

Kalayaang tuparin ang pangarap.

Mapalad ang henerasyong ito dahil malaya tayong isakatuparan ang gusto nating direksyon sa buhay. Hangga’t ikaw ay nagsusumikap, buong buhay mong nanamnamin ang tagumpay ng iyong pinapangarap. Ang mga tulad nina Jose Rizal at Andres Bonifacio ay nangarap din para sa sarili at sa bayan ngunit ang naging katuparan ng mga ito ay kamatayan. Nakakalungkot na hindi nila nakita o naramdaman ang pagpupursigi sa kanilang inaasam dahil sa kawalan ng kasarinlan noong kanilang panahon.

Kalayaang mapalawak ang dunong.

Ipinagkait ng mga mananakop noon ang kalayaan ng napakaraming Pilipino para pumasok sa mga institusyong pangkarunungan. Sa kasalukuyan na ang edukasyon ay inilalaan para sa lahat at ang daloy ng impormasyon ay libre sa pamamagitan ng bagong teknolohiya, marami sa atin ang nagpupursiging matuto kahit nakararanas ng matinding kahirapan. Hindi tulad noon, walang hangganan ngayon ang pagkakataon ng sambayanan para linangin ang isip sa loob at labas ng paaralan – isang anyo ng kasarinlang nagpapalaya sa sinuman sa kamangmangan.

Kalayaang patunayan ang lakas.

Napatunayan ng lahing ito ang lakas ng naghihimagsik na Pilipinong gustong lumaya sa kamay ng mga mananakop. Magkagayunman, marami sa kanila ang nalagay sa kapahamakan o nauwi sa kamatayan para ipakita na ang lakas ng mamamayan ang dapat manaig sa kabuktutan ng noo’y malupit na pamahalaan. Ngayon, kahit sino ay may tsansang magpahayag ng kanilang saloobin sa pamamagitan ng Internet, social media at blogging. Sa ganitong mga paraan, naipapakita ng isang Pinoy ang lakas niyang taglay bilang nagmamalasakit na mamamayan. Naging daan din ang mga ito upang magtipon ang sinumang may iisang adhikain nang hindi humaharap sa digmaan at hindi nakakaranas ng pisikal na karahasan.

Kalayaang matamo ang pag-unlad.

Noon, ang kaunlaran ay para lamang sa mga kalalakihan, mayayaman at may pinag-aralan. Dumating ang puntong ang kababaihan ay nakulong lang sa tahanan, ang mahihirap ay inaabuso ng mga elitista, at ang mga walang karapatang pumasok sa paaralan ay natututo lang sa kanilang karanasan at pagdurusa. Ang bunga ng kalayaang pinaglaban ng ating mga ninuno ang sumira sa tanikala ng mga nasabing pagmamalupit. Bukod sa kasarinlan, iniwan nila sa atin ang kalayaang paunlarin ang sarili bilang tao at bilang Pilipino. Ngayon, sinuman sa atin ay pwedeng umunlad nang walang tinitignang kasarian, estado sa buhay o nakamit na karangalang pang-akademiko. Kung taglay ng Pilipino ang kasipagan, pagmamahal sa sarili, pagpapahalaga sa kapwa at pananampalataya sa bayan at Diyos, tayo ay uunlad at mabubuhay na malaya.

Kayamanan natin ang kalayaan at dapat natin itong bigyan ng kahalagahan. Lubos man ang ating paggamit nito, huwag nawa natin itong abusuhin at gamitin nang may mabuting kamalayan at positibong kaisipan. Samakatuwid, ang pagdiriwang natin ng kalayaan ng ating minamahal na bansa ay maging makulay at makabuluhan ngayon at sa mga susunod pang henerasyon.

Mabuhay ang kasarinlan! Mabuhay ang Republika ng Pilipinas!

16842_1229172370980_2011547_n

DAAN-DAANG TAO SA AKING PANINGIN SA LOOB NG LIMANG MINUTO: Isang Paggunita Sa Pagdiriwang ng Araw Ng Kalayaan

Nakaharap ako sa isang malawak na salamin. Nasa ibabaw ko ang nagliliwanag na luntiang logo ng isang sikat na American coffee shop, tila nakangiti sa mga taong lumalabas at pumapasok sa isang mall sa Maynila na pagmamay-ari ng isang mayamang Intsik, tila inaanyayahang pumasok sa kanilang tindahan. Matapos ang napakalakas na buhos ng ulan noong isang araw na nagresulta sa pagsuspinde ng elementary at high school classes sa Kamaynilaan kahapon, di magkamayaw ang marami sa paglalakad sa kung saan-saan nila gusto. Daan-daang taong dumadaan sa aking paningin sa loob ng limang minuto. Bata, matanda, medyo bata, medyo matanda, estudyante, negosyante, nagsa-shopping o mga simpleng naglilibot para magliwaliw at magpalamig.

Sa mata ng marami, ang paglalakad ay isa sa mga pinakasimpleng paraan ng pagpapakita ng kalayaan. Ang mga paa’t binti na kung saan-saang panig dumadako upang mapuntahan ang nais kalagyan.

Kalayaan. Malayung-malayo sa eksenang nasaksihan ng kasaysayan, isang daan at labing-tatlong taon na nakalilipas. Nakita kaya o nahulaan man lang nina Rizal, Bonifacio, Aguinaldo at ng mga bayaning rebeldeng nagtulak sa kampanya ng paglaya ng bansa ang kasalukuyang imahe ng malayang Pilipinas? Palagay ko – hindi.

Ang paglaya ay may positibo’t negatibong implikasyon. Kung malaya man tayo’ng tuluyan, may ilan naman sa atin ang nakakulong sa masasamang bisyo at mga maling paniniwala’t pamumuhay. Lumaya nga tayo sa mga sinasabi nilang ‘mapang-api’, pero tayo naman ang kasalukuyang nang-aapi sa ating sariling kultura’t pagkakakilanlan. Ang kalayaan naman pagdating sa komersyalismo at globalisasyon ay hindi naman masama. Nagmumukha lang itong sobrang masama dahil tayo mismo ang nagpapakita na MAS TANGGAP at MAS GRANDIYOSO para sa paningin natin ang kultura ng mga dayuhan kaysa ating sariling kultura. Ang kalayaan din ang nagbukas ng pintuan ng mundo sa ating mga isla, pero hindi ibig sabihin niyon ay iwanan natin ang Pilipinas upang magpatali sa nationality ng ibang lahi.

Kapag naiisip ko ang mga dayuhang pilit na nagsasalita ng Tagalog o anumang dayalekto ng ating bansa, at ito’y buong ipinagmamalaki pa nilang pinangangalandakan sa Youtube; o mga dayuhang malaki ang papuri sa ganda ng Pilipinas hindi lang dahil nakapangasawa sila ng Pilipino, dumadapo sa akin ang YABANG. Naiinggit ang ibang dayuhan sa klase ng kalayaang di nila nakita sa mas malayang Estados Unidos. Naiinggit sila sa ating kalayaan sa pamamayahag, na bagaman nasisikil, ay patuloy na namamayagpag ang katotohanan sa tamang lugar o sitwasyon. Naiinggit sila sa napakarami pang katangian ng ating kalayaang tinatamasa – isang bagay na dapat pala’y wala tayong karapatang ipagyabang dahil inaabuso natin ito.

Nagdiriwang tayo ng Araw ng Kalayaan tuwing ika-12 ng Hunyo taon-taon. Pero may mga pagkakataong naitatanong ko sa aking gunita kung dapat pa ba tayong magsagawa ng mga aktibidad para gunitain ang petsang ito. Oo siguro, upang manatiling sariwa sa atin at sa susunod pang henerasyon ang natatanging araw na iyon, kung kailan pormal na idineklara sa Kawit ang pormal na pagkalas ng mga kayumanggi sa pamamahala ng mga mestizo. Maaaring ang sagot ko ay… huwag na! Bakit? Dahil para lang tayong nagpapakitang-tao na kunwari’y mahal natin ang minimithi nating kasarinlan, na ang totoo’y pagmamahal na pang-isang araw lang.

Ito ay isang pagtatantong gusto kong iparating sa mga makakabasa nito. Ang Hunyo 12 ay isang petsang hindi lang ginugunita sa araw lang na iyon. Kung ikaw man ay nakakalakad nang walang nakakapigil o walang matinding nagmamasid, lagi mo sanang isipin na araw-araw ay Hunyo 12 – ang petsang dapat pahalagahan, pangalagaan at protektahan ARAW-ARAW.

SIYANGA PALA, kung hindi man ako, sana’y may isang Pilipinong makagawa ng kantang kasing-moderno ng “Fireworks” o “Born This Way” na sumasalamin sa tunay na pagpapahalaga at paggamit sa kalayaan. Kung maka-compose man ako o makabuo talaga ng isang awitin sa hinaharap ay malugod ko itong ibabahagi sa inyo. 🙂

Sa lahat ng mga Pilipino sa Pilipinas at sa buong mundo, at para na rin sa mga dayuhang nagdedeklara ng kanilang mga sarili na sila’y Pinoy, Maligayang Araw Ng Kalayaan po sa ating lahat! Mabuhay ang unang Republika ng Asya. Mabuhay ang lahing kayumanggi. MABUHAY ANG PILIPINAS!

.

.

June 09, 2011.11:57pm