FAST POST #32: MAGNIFICAT – POPE FRANCIS SA PILIPINAS

“Ang puso ko’y nagpupuri, nagpupuri sa Panginoon. Nagagalak ang aking espiritu sa ‘king Tagapagligtas.”

Ang Santo Papa, Pope Francis at Pangulong Benigno Aquino III sa pagdating niya sa bansa noong Enero 15. (Mula sa CNN)

Ang Santo Papa, Pope Francis at Pangulong Benigno Aquino III sa pagdating niya sa bansa noong Enero 15. (Mula sa CNN)

Mailalarawan ang damdamin ng bawat Katolikong Pilipino sa kilalang awit ng papuri ni Birheng Maria (Lukas 1:46-55) ang apat na araw na pagdalaw ng Mahal na Santo Padre, Pope Francis sa Pilipinas.

Si Pope Francis kasama ang matalik na kaibigan at Arsobispo ng Maynila, Inyong Kabunyian Luis Antonio G. Cardinal Tagle (Kuha mula sa Internet)

Si Pope Francis kasama ang matalik na kaibigan at Arsobispo ng Maynila, Inyong Kabunyian Luis Antonio G. Cardinal Tagle (Kuha mula sa Internet)

Punong-puno ng kagalakan ang pagsalubong sa kanya ng marami mula nang lumapag ang Sri Lankan Airline sa Villamor Airbase patungo sa Apostolic Nunciature na kanyang opisyal na tahanan sa bansa hanggang sa kanyang mga dadaanan patungo sa Manila Cathedral Basilica, Mall of Asia Arena, Tacloban Airport, Palo Cathedral, Quirino Grandstand at sa pag-alis nito bago pumasok sa Shepherd One plane ng Philippine Airlines.

Itinuturing na mapalad ang mga taong nakakita sa kanya, lalo na sa mga nakahawak ng kamay niya, nakahalik sa singsing, nakausap at personal niyang nabasbasan ng panalangin.

Ang pagbisita niya ay tila malaking pagpapala ng Panginoon sa bansa nating patuloy na sinusubok ng napakaraming dagok.

Ang pagdaan ng Popemobile ng Papa Francisco sa Roxas Boulevard (Kuha mula sa Time Online/Reuters)

Ang pagdaan ng Popemobile ng Papa Francisco sa Roxas Boulevard (Kuha mula sa Time Online/Reuters)

Sa kabila ng iilang pumupuna sa pananampalatayang pinalakas ng Papa, ang Pilipinas ay naging tunay na sambayanan ni Hesus sa maikling panahon. Sa kanyang pagbabalik sa kabisera ng Santa Iglesia sa lungsod ng Vatican, marami ang umaasang mas titibay ang Katolisismo sa Asya kung saan ang Pilipinas ang mangunguna dito.

Sa dinala niyang di matatawarang ngiti sa mga naging gawain niya, makakasigurado siyang mas gagabayan siya ng Maykapal sa Kalangitan dahil sa dadaming Pinoy na magdarasal para sa kanyang kaligtasan at mabuting kalusugan.

Ang matamis niyang ngiti habang binabasbasan ang mga biktima ng Bagyong Yolanda (Haiyan) na dumalo sa kanyang misa sa Tacloban Airport (Kuha ng Dailymail)

Ang matamis niyang ngiti habang binabasbasan ang mga biktima ng Bagyong Yolanda (Haiyan) na dumalo sa kanyang misa sa Tacloban Airport (Kuha ng Dailymail)

Panalangin para kay Papa Francisco

Panginoon,

Maraming salamat po sa pagkakataong dalawin ng Santo Padre ang Iyong bayang Pilipinas.

Isang biyaya para sa aming bansa ang makapunta sa aming bansa ang gabay Mong hinirang.

Pinagpala kaming marinig ang Iyong Mensahe gamit ang kanyang tinig

At hinayaan kaming masilayan ang Iyong Ngiti gamit ang kanyang labi.

Panginoon,

Hinihiling ng Iyong sambayanan ang laging kabutihan ng Kahalili ng disipulo Mong si Pedro.

Ilayo Mo siya sa sakit o anumang pisikal na karamdaman.

Nawa’y matanggap niya ang Iyong proteksyon mula sa sinumang gagawa ng masama

O magtatangka ng akto ng kawalang respeto sa kanya.

Panginoon,

Ibigay Mo sa kanya ang patuloy na kalakasan, karunungan at kababaang loob

Upang ipalaganap ang pananampalataya sa daigdig na Iyong nilikha.

Gabayan Mo siya sa lahat ng kanyang mga gawain

At gawing ligtas ang anumang paglalakbay na kanyang tatahakin.

Panginoon,

Ang aming puso bilang isang bansa ay tunay na nagpupuri

Dahil sa pagbibigay Mo sa amin kay Papa Francisco

Nagpapasalamat kami’t nagagalak sa pagdadala Mo ng kaligtasan

Sa pamamagitan niya na ang aming pontipikado at ang Iyong Mabuting Pastol.

Itinataas namin ang lahat ng ito sa pangalan ng Iyong anak na si Hesukristo, kasama ni Inang Maria at ng Espiritu Santo.

Amen.

papal-visit-manila-2015-logo

FAST POST #23: Halalan 2013 – Nangangamba, Nananampalataya, Naninindigan…

Isa sa pinaka-makasaysayang hakbang na ipinatupad ng pamahalaan ng Pilipinas ay ang pagsasagawa ng automated election system noong 2010. Bagaman sa unang pagkakataong ginamit ang makabagong teknolohiya sa halalan dito sa bansa ay nagkaroon ng mga aberya at napakaraming sektor ang nagduda’t natakot sa inilabas na resulta ng mga precinct count optical scan (PCOS) machines, maituturing pa ring tagumpay sa pangkalahatan ang 2010 elections na nagluklok kay Senador Benigno “Noynoy” Aquino III bilang ika-15 pangulo ng Republika.

Bago maganap ang halalan ngayong araw na ito ay bumalik ang mga alinlangan sa kaayusan ng automated elections. Tiniyak man ng Commission on Elections (COMELEC) na magiging maganda ang sistema ng mga PCOS, ay naglabasan pa rin ang mga hinala ng pagkabalido ng magiging resulta nito bunsod ng gulong kinasangkutan ng Smartmatic-TIM sa IT provider nito sa Estados Unidos. Nagresulta ito ng pagka-delay ng source code ng mga PCOS, o ang human readable instruction sa paggamit ng mga makina kung sakaling may mangyaring hindi tama sa kalagitnaan ng pagpoproseso at transmission ng mga ito. Sa napakaraming isyung naglabasan, ngayong Mayo 13, Lunes, ay tuloy na tuloy na ang Halalan 2013.

Labinlimang minuto bago mag-ikapito ng umaga ay dumating na ako sa Mababang Paaralang Isabelo delos Reyes sa Tundo, ang eskuwela kung saan ako bumoboto. Maraming tulad ko ang naging maagap sa pagboto kaya’t nakakatuwang makita ang ganitong senaryo. Tumunog ang school alarm, hudyat ng pagbubukas ng halalan.

Precinct No, 0152-A. Madali kong nahanap ang aking presinto, agad na hinanap ang aking pangalan sa official list at umupo sa waiting list. Labinlimang minuto na ang nakalipas at hindi tulad ng mga kasama ko sa presinto ay pinilit kong maging kalmado sa hindi normal na paghihintay. Lumabas ang head ng board of election inspectors (BEIs) at sinabi sa mga naiinis nang botante na hindi gumagana ang PCOS machine at ilalagay ang mga balota sa isang itim na kahon, saka bibilangin pagkatapos ng alas-7:00 ng gabi. Sa puntong ito ay hindi ko na napigilang mangamba na hindi ko makakaharap ang makinang kinakapanabikan kong makita simula noong 2010. Kahit sinabi ng head ng BEIs na itinawag na nila sa Manila COMELEC office ang problemang ito’y pinipilit ko pa ring magtimpi ng pangamba sa nangyari. Itinatak ko nga sa sarili ko na hindi ako aalis sa presintong ito hangga’t hindi ko nakikitang kinakain ng PCOS ang aking balota.

Nagpatuloy ang mga minuto ng paghihintay at ang iba sa mga kasama ko’y sumambulat na ang galit sa sobrang tagal ng pagsasaayos. Habang nasa aking upuan ay nakita ko sa di kalayuan ang mga poll watcher ng partido ni mayoralty candidate Joseph “Erap” Estrada mula sa grupong Kaagapay. Nairita ako sa aking nakita nang may iilan sa kanila ang nanigarilyo sa mismong loob ng paaralan. Binabalewala nila ito kahit pa may mga paalalang nakapaskil sa paligid ng mga presinto. Hindi ako natakot at kinunan ko ng video ang isa sa kanila, ngunit hindi naman nila ako nahalata. Lalo lang nilang pinatunayan na tama ang pananampalataya kong si Mayor Alfredo S. Lim pa rin ang uupo sa pinakamataas na luklukan ng City Hall.

http://www.youtube.com/watch?v=dM_cSVZB4pc&feature=youtu.be

Dumaan ang mahigit isang oras na paghihintay. Upang hindi mabagot ay kinakabisado ko ang mga iboboto ko. Nilagay ko siya sa notepad ko sa smartphone para may kodigo ako habang bumoboto. Patuloy ang pagtagal ng oras at tuluyan na ngang nagalit ang mga katabi ko kaya hindi na ako nag-atubiling makialam sa sistema ng pila. Sa pakikisama ng mga kapwa ko botante ay naayos din kami at doon na nagsimulang sabihin sa amin na naayos na ang PCOS.

Sa loob ng dalawang oras na paghihintay ay nakapasok din ako sa presinto, pumirma sa listahan, kinuha ang balota at nilagay ang mga pinanindigan kong kandidato, at pinasok na nang tuluyan sa PCOS machine. Sa wakas, ako ang ika-41 matagumpay na botante sa aking presinto at natapos lang ang buong proseso sa loob lamang ng limang minuto.

Narito ang aking mga binoto:

SENATORS: Alcantara / Angara / Aquino / Belgica / Cayetano / Escudero / Hagedorn / Hontiveros / Legarda / Magsaysay, Ramon Jr. / Pimentel / Poe

PARTY-LIST: Agham

CONGRESSMAN: Asilo

MAYOR: Lim

VICE MAYOR: Veloso

COUNCILORS: Alfonso / Dela Cruz / Dumagat / Lim, Cristy / Lim, Moises / Venancio

Hindi perpekto ang mga makina kaya’t hindi mawawala ang posibilidad na magkaroon ito ng aberya. May ganito mang pangamba ay kailangan nating manampalataya sa hakbang ng mga awtoridad na mareresolbahan nila iyon. Tao pa rin ang kayang mag-manipula sa mga PCOS kaya’t kung maninindigan tayong magiging mapayapa at maayos ang halalan tulad ng pagtitiwala natin sa gobyerno, magiging maayos din ang takbo ng ating bansa kung saan bahagi ng proseso ang ating matiyagang pagboto.

#iwearyellow

Ang Daliri sa aking Kanang Kamay

FAST POST #19: Subliminal Messages

Wala ako sa tamang pag-iisip ngayon para bumuo ng isang article. Medyo masama ang pakiramdam ng inyong lingkod habang tinitipa ang post na ito kaya parang Twitter lang ang labas ng impormasyon galing sa utak ko. Cluttered ang mga ideya na di sapat para makabuo ng mas malaking pangungusap o talata. Ngunit kahit ganoon, hayaan ninyo akong magbahagi ng dalawampung bagay na nasa isip ko sa mga oras na ito.

1. Gusto kong bawasan ang pagkain ko ng kanin… pero lagi namang masarap ang ulam.

2. Kaya nagkasakit ako ngayon dahil (yata) sa pakikinig ko ng Wild Confessions noong October 16. Tawa kasi ako ng tawa nun kaya inubo ako nang malala.

3. Hindi ko trip makipagtext sa lahat. Mas gusto ko lang mag-GM.

4. Maganda ang bagong Christmas station ID ng ABS-CBN. Walang kokontra.

5. Panatag akong mananalo ulit si Barrack Obama sa U.S. elections. Kung hindi man, okay lang. Di naman ikabababa ng pride ko yun.

6. Kampante pa rin ako sa administrasyong Aquino. Mas tumatag ang paniniwala kong gaganda pa ang ekonomiya ng Pilipinas sa kanyang panunungkulan.

7. Nakakairita ang mga Pilipinong nagsasabi na racist daw ang mga Pilipino.

8. Nakakatawa (with sarcasm) ang ilang mga taong nagmamagaling at nagpapanggap na may alam kung paano mamanduhin ng pamahalaan ang Pilipinas. May ginagawa ba sila para makatulong sa gobyerno para sa bansa?

9. Walang pakialam ang ibang tao kung maka-Liberal ako. At wala rin akong pakialam kung maging oportunista sila sa gobyerno ngayon.

10. Ayoko na kay Isko Moreno. Akala nya ikakapanalo nya ang paninira kay Mayor Lim. Sana di na ginagatungan pa ni Erap.

11. Mas bilib pa rin ako sa mga pelikulang gawa ng Pilipino.

12. Masyado raw O.A. ang Pilipino kung mag-react kapag sinisiraan ang bansa natin o ang lahi natin. Kapwa Pilipino pa natin ang nagsasabi nun. Eh ano naman? Kaya nga tayo nagre-react dahil masakit ang katotohanan at di mo masisisi ang mga nasaktan dahil nanggaling na tayo sa panahong inapak-apakan na tayo pero di tayo lumaban.

13. Di ko type si Bella Padilla at Lovi Poe, at lalong di ko type si Marian Rivera

14. Maraming beses na di na ako natutuwa sa tatay ko.

15. Gusto kong mag-aral ng Creative Scriptwriting course sa Asian Academy of Television Arts.

16. Nangangati ang lalamunan ko. Kelan kaya mawawala ito?

17. Gusto kong mag-videoke.

18. Sinusumpa ko ang mga taong tutol na magkaroon ng prosesong pangkapayapaan sa Mindanao.

19. Nakakatuwa! May ANC na kami sa cable.; at

20. Bawal akong umibig ngayon.

Karamihan sa mga sinabi ko ay may sama ng loob. Sana, sa pamamagitan nito ay mabawasan ang bigat sa puso ko.