Inspirational Message Para Sa Mga Manunulat Ng Aking Pamantasang Mahal

Ito ay isang mensaheng ipinahatid para sa Publication Staff 2012-2013 ng Ang Pamantasan, ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) nang ganapin ang kanilang team building activity noong July 29 sa Cavite.

***

Ang Pamantasan (AP)

Magandang araw sa ating lahat. Unang-una, nais kong humingi ng paumanhin sa hindi ko pagdalo ngayon dahil sa ilang mga naiwang gawain dito sa Maynila. Maaaring sa mga darating na araw ay makikita ko kayo’t makakausap nang personal tungkol sa maraming bagay.

Binabati ko kayong mga nakapasa bilang mga bagong mamamahayag at manunulat ng Ang Pamantasan. Hindi sa naglalagay ako ng pangamba sa inyong mga puso, pero ang pagiging kasapi ng isa sa mga pinakaaktibong organisasyon sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ay hindi isang medalyang dapat ipagyabang sa lahat. Ang AP ay isang pagsubok para sa isang estudyanteng ang hangarin ay ihatid sa kanyang kapwa estudyante ang nangyayari sa kanilang paligid at kung ano ang kanilang magagawa para sa kapakanan ng unibersidad.

Ang pagiging bahagi ng AP, bilang mata, tenga, ilong, dila, balat at puso ng lahat ng mag-aaral, ay isang pagkakataon upang ibahagi ang iyong dedikasyon, hindi lang para sa mga kapwa estudyante o para sa mga tao sa loob ng Pamantasan. Bilang iskolar ng Maynila, kayo ay naglilingkod sa mamamayan tulad ng isang tunay na journalist. Tangan ninyo ang panulat na makakapagpabago o makakapagpatatag sa pananaw, paniniwala, pag-iisip at panlasa ng mga kabataang sa kasalukuyan ay walang pakialam sa mga nangyayari sa kanyang kapaligiran. Ang AP ay binuo hindi lang para ihayag ang saloobin ng PLMayer sa mga hinaing at opinyon sa institusyon, kundi para maging salamin ng isang PLMayer sa mga bagay na dapat nyang gawin bilang produktibong parte ng Pamantasan at ng bayan.

Gayundin, ang AP ay isang organisasyong ang hangarin ay magkaroon ng iisang puso, hindi lang bumuo ng pagkakaibigan kundi magkaroon ng iisang puso para paglingkuran ang Pamantasan. Ang organisasyon ay hindi tatakbo dahil lang sa galaw ng isang tao. Ang AP ay isang pangunahing organisasyon na nagpapakita ng tunay na pagkakaisa at disiplina sa tinatamasang kalayaan. Ang responsableng panulat ay kailangan upang maging kapaki-pakinabang ang salita ng bawat isa. Kasama nito ang pagtuturingan ninyo bilang magkakapamilya at magkakapatid na magtutulungan at magdadamayan sa bawat gawain.

Umaasa sa inyo ang mga mag-aaral. Kayo ang magiging tagapagpatupad ng hiling ng marami na marinig ang boses ng kabataan at mag-aaral sa administrasyon ng unibersidad o sa tagapamuno ng ating pamahalaan. Maging responsable, maging mapanuri, maging isang tunay na modelo ng disiplina at ng katotohanan.

Sa walong taon kong konektado sa AP ay nasaksihan ko ang mga pagbabago. Naririto kaming mga kuya’t ate ninyo upang bigyan kayo ng mga payong maaaring makatulong sa pamamahala ninyo ng AP. Hindi kami mangingialam sa kung paano ninyo pamamahalaan ang AP, bagkus, pipilitin namin maging tagapangaral ng aming mga karanasan bilang mga batang mamamahayag na minsang nagalak, naiyak, nakipaglaban, nakiisa at nakipagtawanan sa mga nangyayari sa loob ng ating eskuwelahan. Ito lang ang aming magiging parte, dagdag pa ang aming panalangin na bigyan kayo ng Diyos ng karunungan upang magampanan ninyo ang tungkulin sa Pamantasan at sa bayan.

Sa ika-33 taon ng paglathala, nawa’y maging instrumento kayo ng katotohanan, kagalingan, pagkamalikhain at karangalan sa loob ng Pamantasan. Uulitin ko, ang AP ay hindi isang medalyang iyong ipagmamalaki sa lahat. Ang AP ay isang pagkakataon upang ipakita sa lahat na ikaw, bilang estudyante at kabataan ng Maynila, ay may magagawa para sa Diyos, para sa bayan at para sa kinabukasan.

Sa ngalan ng daan-daang patnugot at manunulat sa nakalipas na 33 taon, tinatanggap namin kayo nang buong puso, ang Editorial Board at ang lahat ng mga bagong manunulat, sa institusyong aming patuloy na minamahal at ikinararangal, ang tunay na tagapagbantay ng katotohanan at demokrasya para sa PLM, para sa Maynila, para sa Pilipinas.

Para sa malayang pamamahayag, MABUHAY KAYO , ANG PAMANTASAN PUBLICATION STAFF 2012-2013.

KAHON: Pinoy TV Game Shows – PILIPINAS, GAME KA NA NGA BA?

 

 

 

 

Una Sa Lahat: Ang artikulong ito ay unang inilathala ng inyong lingkod noong Mayo 2006 sa Ang Pamantasan, ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Mayroon lamang kaunting pagbabago at dagdag na impormasyon sa iilang bahagi upang tumugma sa kasalukuyang panahon. Nilalaman nito ang ilan sa mga mahahalagang pangyayari sa Philippine television kung kailan umangat ang format ng game shows sa kultura ng lipunang Pinoy.

 

 

 

Sa loob ng 58 taon, naging malaking bahagi sa buhay ng mga Pilipino ang isang kahong may bintanang puno ng kamangha-manghang mahika – ang telebisyon. Ang bintanang ito ang nagsisilbing daan ng komunikasyon at impormasyon tungkol sa mga nagaganap sa kapaligiran. Ang bintanang ito ang naglalabas ng tunay na emosyon at ugali ng mga tao sa kani-kanilang estado sa buhay. Ang bintanang ito ang pumupukaw ng ating makabayang damdamin sa tunay na kondisyon ng ating ginagalawang lipunan. Ang bintanang ito ang nagsisilbing libangan at pag-asa ng mga gustong umangat ang kabuhayan.

 

 

 

Isa sa mga pinakamalaking hain ng telebisyong Pinoy sa masa ang konseptong tinatawag nating ‘game show’. May iba’t ibang istilo, iba’t ibang paraan ng paglalaro, at iba’t ibang laki ng premyo. Pero may maituturing tayong tatlong pinakamahahalagang layunin ng game show: ang magbigay ng impormasyon, ang magpaligaya sa mga tagasubaybay nito at ang magbigay ng mga papremyo para makatulong sa kapus-palad nating mga kababayan.

 

 

 

DITO TAYO MAGSIMULA

 

Bago pa man umusbong ang TV game show at maging ang mismong telebisyon, meron nang parehong konsepto ng programa ang tanyag sa radyong Pinoy, pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at noong dekada ’50. Isa rito ay ang ‘Kwarta O Kahon’ na pinangungunahan ng tinaguriang Hari ng Pinoy Game Shows na si Pepe Pimentel o Tito Pepe kung tawagin. Gayundin, ang sikat na noontime variety show noon na ‘Student Canteen’ ni Leila Benitez, kung saan ang mga segment nito ay mga palaro’t tunggalian sa pag-awit.

 

 

 

Ang konseptong ito ay sinimulang ipasok sa mahiwagang kahon noong 1958 nang ilunsad ng ABS-CBN Channel 3 ang kauna-unahang game show sa telebisyon, ang ‘What’s My Living?’. Hindi rin nagtagal, ang kinabaliwang laro ng bayan na ‘Kwarta O Kahon’ ay naging laman na rin ng libangan sa telebisyon sa pamamagitan ng ABS-CBN Channel 9 noong dekada ’60. Nagtagal ang programang ito ng mahigit 38 taon sa parehas na channel (RPN Channel 9) at parehong host, sapat upang tawagin itong longest running game show sa kasaysayan.

 

 

 

Napukaw din ng konsepto ng game show ang mga kabataang mag-aaral. Noong kalagitnaan ng dekada ’70, inilunsad ang ‘National Super Quiz Bee’ at ngayo’y nasa ikatlong dekada na ng pagsasagawa ng mga kompetisyon sa mga piling mag-aaral ng elementarya, sekondarya at kolehiyo.

 

 

 

HUMANDA NA…

 

Nagbalik ang sigla ng game shows noong dekada ’90. Animo’y naging parlor game ang istilo ng ilang mga game show. Ilan sa mga sikat na game shows noong panahong iyon ay ang ‘Game Na Game Na!’ nina Roderick Paulate at Pangie Gonzales, at ‘Ready, Get Set, Go!’ nina Eric Quizon, Eula Valdez, Eagle Riggs at Patrick Guzman sa ABS-CBN Channel 2; at ‘Gobingo’ ni Arnell Ignacio sa GMA Channel 7, kung saan tinagurian siyang Game Master ng Philippine Television.

 

 

 

Sa dekada ring ito, halos naging game show format na rin ang mga noontime variety show, tulad ng pinagmulan nito noong dekada ’50. Ang mga programang Eat Bulaga (ang longest running noontime variety show) ang naglunsad ng ilang mga palaro noon na ‘Kaserola Ng Kabayanan’ at ‘Lottong Bahay’. Maging ang katunggali nitong ‘Sang Linggo nAPO Sila’ ng APO Hiking Society sa ABS-CBN 2 ay nagkaroon ng kinabaliwang ‘Grand Sarimanok Sweepstakes’ kung saan kailangan nong mag-purchase ng produkto ng mga sponsor upang makasali.

 

 

 

NEXT LEVEL NA…

 

Sa pagpasok ng ikatlong milenyo ay nag-iba ang dating simpleng Pinoy TV game show. Naging senyales ng pagbabagong-anyo ang pagdating ng mga tanyag na game shows mula sa ibayong dagat, ang ‘Who Wants To Be A Millionaire’ at ‘The Weakest Link’. Ang mga ito ay ipinalabas sa IBC 13 sa pamamagitan ng Viva Television. Dahil sa naging klik ito sa masa ay hindi nagpatalo ang mga Pinoy na gawa. Sinimulan ito ng ABS-CBN noon 2002 nang ilunsad ang kanilang 100% all Pinoy modern game show, ang ‘Game KNB?’ na pinangunahan ni Kris Aquino, kung saan tinagurian siyang Reyna ng Pinoy Game Shows. Sinundan ito ng ‘Korek Na Korek Ka Dyan!’ nina Vic Sotto at Joey de Leon ng TAPE Inc. (ang producer ng Eat Bulaga, kung saan nanggaling ang naturang game segment) at ng ‘K! The P1,000,000 Videoke Challenge’ ni Arnell Ignacio, parehong nasa GMA 7. Hindi rin nagpadaig ang ABC Channel 5 dahil kinuha nila ang mga sikat ding ‘Wheel Of Fortune’, ‘Family Feud’ at ‘The Price Is Right’. (Nitong mga huling taon ng unang dekada ng 2000 ay nakuha ng ABS-CBN ang franchise Wheel Of Fortune at The Price Is Right, samantalang nakuha naman ng GMA 7 ang franchise ng Family Feud) Lumikha naman ng malaking ingay sa tanghali ang mga game segment ng mga noontime variety show tulad ng ‘Pera O Bayong’ ng Magandang Tanghali Bayan at ‘Laban O Bawi’ sa Eat Bulaga, na nagpasikat sa Sexbomb Dancers.

 

 

 

Nabago na rin ang konsepto ng Pinoy TV game show sa kaanyuan ng reality shows, dahil sa kasikatan ng Fear Factor, isang banyagang reality challenge show sa America. Sinimulan ito ng ‘Extra Challenge’ ni Paolo Bediones at Miriam Quiambao sa GMA 7 (mula sa magazine show na ‘Extra Extra’ ni Bediones at Karen Davila) noong 2003. Nagbago rin ng game format ang ‘Game KNB?’ at naging ‘Next Level Na! Game KNB?’

 

 

 

Noong 2004, sa halos isang taong pagkawala, muling nagbalik ang ‘Game KNB?’ sa ere upang palakasin ang pantanghaling timeslot ng ABS-CBN. Tumagal ito hanggang matapos ang programa noong 2010 nang mapagdesisyunan ng bago nitong host na si Edu Manzano na sumabak sa halalan bilang kandidato sa pagka-pangalawang pangulo. Nagbago rin ng format ang ‘K!’ at naging ‘All Star K!’ nina Jaya at Allan K., kung saan ang mga manlalaro ay puro artista lamang. Noong Pebrero 2005, tuluyan nang nasakop muli ng game show ang noontime television dahil sa paglulunsad ng ‘Wowowee’ ni Willie Revillame sa ABS-CBN 2 na nilagay pagkatapos ng ‘Game KNB’. Natapos ang programa noong 2010 dahil sa insidenteng kinasangkutan ni Revillame at ng radio host na si Jobert Sucaldito. Sa kasalukuyan, nagtayo si Revillame ng sarili nitong production outfit (Wil Productions) at tinuloy sa TV5 (dating ABC 5) ang kinasanayan niyang game variety format na may titulong ‘WilTime Bigtime’.

 

 

 

ANG JACKPOT…

 

Hindi maikakailang malaking hatak sa kasikatan ng game shows ang mga papremyo. Kung dati’y pupwede na ang ilang daang piso’t mga regalo mula sa sponsors, ngayon, hindi lang milyun-milyong pisong salapi kundi may mga sasakyan, appliances at house and lot pa. Kumpara sa mga dating game show, ilang patunay sa lalo pang kasikatan ng game shows ay ang mga libu-libong mail entries, text entries, at mga taong nakapila sa labas ng mga himpilan para sumali sa mga ito.

 

 

 

Sa mga nabanggit na patunay ay lumalabas ang positibo’t negatibong implikasyon ng makabagong TV game show sa Pilipinas. Sa ngayon, kaalinsabay ng iyong paglalaro sa mga game, meron kang mga tinatawag na home partners, text partners at charity na matutulungan mo kapag nagwagi ka sa nilalaro mo. Meron din namang mga game show na hangga’t hindi nakukuha ang jackpot prize ay lumalaki ito nang lumalaki. Meron namang sa pagnanais na manalo, kailangan nilang mandaya o manlinlang ng kapwa upang sila ang makuha. Halimbawa nito ang naging kaso sa anibersaryo ng Magandang Tanghali Bayan noon, kung saan sa anniversary edition ng ‘Pera O Bayong’, ang nagwagi para maglaro sa jackpot round ay nandaya pala dahil sumingit lamang siya sa mga nakapila sa tamang sagot. Dahil sa insidenteng ito, kinailangang pabalikin sa susunod na episode ang mga natanggal na kalahok upang maglarong muli.

 

 

 

Ang trahedyang naganap sa unang anibersaryo ng ‘Wowowee’ noong Pebrero 4, 2006 sa ULTRA Pasig ay isang resulta ng desperasyon para sa malalaking premyo sa isang game show. Isinakripisyo ng halos 70 kataong nasawi ang pagod, dumi sa katawan at pamilya, kapalit ang pag-asa na sila’y mapili at manalo ng mga naglalakihang papremyo. Hindi lang ang mga premyo ang naging implikasyon dito, pati na rin ang pamamahala ng isang malakihang pagganap ng isang programa sa labas ng himpilan at ang crowd control sa labas ng venue ay kinuwestiyon din dito.

 

 

 

 

Tulad ng isang TV game show, ang mga isyung tulad ng kahirapan at kawalan ng trabaho ang mga nagsisilbing katanungang hinahanapan ng kasagutan at kinakailangang malampasan. Kumbaga, tayo ang mga manlalaro sa isang malaking studio na kung tawagin ay Pilipinas. Kailan ba natin mahuhulaan ang kahong kinalalagyan ng ‘1’ para makuha ang P1,000,000 na lulutas sa ating mga problema? Kailan natin makikita sa Tarantarium at kailan natin masasakto ang pag-ikot ng roleta ang mga sagot na makapagbibigay sa ating bansa ng higit pa sa isang milyong pisong halaga ng magandang kinabukasan? Konting tiis pa! Think positive! Mahahanap din natin ang jackpot!

 

PASASALAMAT AT PAGHAMON: Paggunita Sa Ika-46 na Taong Pagkakatatag ng Pamantasan Ng Lungsod ng Maynila at Ika-150 Anibersaryo Ng Kapanganakan ni Gat. Jose Rizal

Nang malaman kong tatanggalin ang “The Flame” bilang tampok na istruktura sa harapan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, inaamin kong umiral sa akin ang pagtatampo sa mga namamahala ng unibersidad. Ang monumentong iyon ang unang bumungad sa akin noong una kong makita nang personal ang Pamantasan, Pebrero 2004. Tinatangi ko iyon hanggang ngayon dahil masasabi kong siya ang tunay na simbulo ng PLM at isa sa mga kapansin-pansing rebulto sa loob ng Intramuros. Mahal na mahal ko yon dahil mayroon pa akong larawan niya sa aking cellphone.

 

Nang mabalitaan ko namang ang papalit sa “The Flame” ay estatwa ni Dr. Jose Rizal upang bigyang-pugay ang ika-150 kaarawan ng Pambansang Bayani, umiral sa akin ang lubusang pagtataka. Sinasabi sa kasaysayan na ang lupaing kinatatayuan ng Pamantasan ay kung saan nakatayo dati ang hukumang tumimbang sa sinasabing kasalanan ni Rizal sa pamahalaang Kastila. Bukod sa senaryong ito ay wala na ‘kong maisip na sapat na mga dahilan para ilagak ang isang Rizal memorial sa facade mismo ng PLM.

 

Hindi naman sobrang napakasama ng loob ko sa paglalagay kay Rizal sa harapan ng unibersidad. Lahat tayong mga Pilipino ay walang dudang sinasaludo ang kanyang kabaynihan. Siya nga ang nagsabing ‘ang kabataan ang pag-asa ng bayan’. Samantalang ang PLM, na itinatag noong 1965, sa mismong kaarawan ng pambansang bayani, ang isa sa mga pangunahing institusyon ngayon upang isakatuparan ang mahalagang pahayag na iyon ni Rizal.

 

Kung tutuusin ay wala akong karapatang sabihin ang mga ito dahil hindi naman ako nakapagtapos sa PLM at hindi ko maikokonsiderang alumnus ako ng Pamantasan. Pero mula nang huminto ako sa pag-aaral noong 2006 ay hindi huminto ang paglilingkod ko sa PLM hanggang sa kasalukuyan sa pamamagitan ng pagtulong sa opisyal nitong pahayagan na Ang Pamantasan (AP). Ang PLM ang institusyong naglantad sa akin sa kagandahan at pagsubok ng buhay, at kung paano haharapin ang mga hamong ito. Dito natupad ang aking pangarap na maging manunulat at magpahayag ng tunay kong damdamin na ang mga instrumentong gamit ko’y isip at panulat. Hindi man ako nagtapos ng pag-aaral ay patuloy pa rin akong nag-aaral, nananaliksik at natututo sa labas ng Pamantasan. Naglilingkod ako sa bayan sa pamamagitan ng pagtulong sa paraang kaya ko. Walang humpay ang aking pagmamasid sa mga nangyayari sa kapaligiran at malayang inilalahad ang aking saloobin sa pamamagitan ng social networking at iba pang makabagong teknolohiya. Sa mga bagay na iyon ay nagpapasalamat ako sa PLM sapagkat sa tulong niya ay naisasabuhay ko ang gustong makita ni Rizal sa ating mga kabataan.

 

Ang paggunita sa kaarawan ni Rizal ang patunay na nagpapaalala sa atin ng maraming bagay: na ang demokrasya ay ginagamit upang maipahayag nang tama ang lahat; na ang kalayaan ay ipinagtatanggol at pinangangalagaan sa maraming mapayapang paraan, hindi lamang ng dahas; na ang edukasyon ay napakahalaga, na kahit tayo’y wala sa loob ng paaralan ay importanteng paunlarin natin ang ating kaalaman sa mga bagay-bagay. Lahat ng ito’y bahagi siya at nagpapasalamat tayong naging bahagi siya ng ating kasaysayan.

 

Maaaring inilagay si Rizal sa harapan ng PLM upang ipaalala sa mga mag-aaral nito na nanguna siya sa pagpapahayag sa kahalagahan ng edukasyon. Pero kung sa aking pananaw lang, mapapaalala natin si Rizal hindi lamang sa paglalagay sa kanyang rebulto sa lokasyong lagi siyang makikita’t maaalala. Mas mapapaalala natin siya kung patuloy na maibibigay ng akademya ang kinakailangang kalidad ng edukasyon at paglilingkod para sa mga kabataan ng kasalukuyang panahon. Isa itong hamon sa unang pamantasang panglungsod sa Pilipinas upang mapabuti ang sistema ng kaalaman para sa mga estudyante. Para naman sa mga mag-aaral at mga kabataan, patuloy tayong mabuhay sa pagpapahalaga ng ating Pambansang Bayani sa edukasyon. Maging simula tayo ng mga ninanais nating pagbabago para sa kinabukasan ng ating bayan. Maging Rizal tayo sa sariling paraan.

 

Para sa aking Pamantasang mahal, maligayang ika-46 na taong pagkakatatag. At kung nasaan ka man, maligayang kaarawan, Pepe. Mananatili kang rebulto sa aming puso’t diwang makabayan.

 

 

June 17, 2011.10.45am