FAST POST 56: 11th at Commitment

Maraming beses sa buhay ko na pinagsisihan kong naging committed ako. Relasyon, desisyon at kung ano-anong alanganing pagkakataon. Hindi lang naman isang tao ang rason ng pangmatagalang paninindigan. Minsan, dahil ito sa mga kasama mo o sa mga partikular na sitwasyon na nagpapatibay sa sinumpaang pangako. Alam kong minsan ay kaya ko, pero minsan, aminado akong kasalanan ko. Pero batid ko kung kailan ako kailangang maging committed… at sa iilang beses na iyon, may mga iilan akong napa-proud ako.

Ang blog na ito ang masasabi kong pinaka-pinanindigan ko sa buhay. Obviously, 11th anniversary na niya ngayong araw na ito.

Sinisimbulo ng Aurora Metropolis ang buong pagkatao ko: lahat ng pwede kong ipagmalaki at kinakahiya ko, lahat ng kalakasan at kahinaan ko, lahat ng kasipagan at katamaran ko, lahat ng kabutihan at kasamaan ko. Ang Aurora ang patunay na ang katawan ko ay lalaki at babae, hindi lang basta bakla. Ang Aurora ang dahilan kung bakit ako patuloy na naniniwala sa kapangyarihan ng Diyos sa kabila ng mga pananaw na ang pagiging bakla ay isang matinding kasalanan sa Panginoon. Ang Aurora ang nagpapakita ng totoong ako at ng mga ayaw ko sa sarili ko.

Mahirap maging manunulat, pero sa lahat ng hirap na sinuong ko sa mga nagdaang taon, ang pagsubok na itipa ang mga daliri ko para makabuo ng mga istorya at pananaw ang pinakadakilang paghihirap na kaya kong ibigay para sa sarili ko. At lagi kong uulit-ulitin: kapag kinalimutan kong magsulat ay parang kinalimutan ko na ring huminga.

Mahal kong Aurora, maligayang kaarawan. Masakit, mahirap pero patuloy kang mabubuhay dahil ikaw ay ako.

Muntik Na Akong Humintong Magsulat

2015-category-title-tambuli copy2021-headline-feature-fb-aurora-11

Alam mo ba ang pakiramdam ng “nagsawa”?

Masasabi kong kalahati ng buhay ko ay naging masaya dahil sa pagsusulat. Mula sa dyaryo noong kolehiyo hanggang sa magkaroon ng sariling blog site at umabot pa sa kung ano-anong ganap na kinakailangang magpahayag gamit ang mga nagsasalitang daliri at tintang hindi nagtatae. Bihira akong hindi nagsusulat, ngunit sa mga iilang araw ding iyon ay nagsusulat pa rin ako sa utak. Kulang ako kapag hindi ko natitipa ang mga gusto kong sabihin… hanggang tumagal nang tumagal ang pandemya.

Sa parehong panahon noong nakaraang taon ay pursigido pa akong magsulat, lalo na dito sa Aurora Metropolis na sampung taon kong inaalagaan. Napakarami ko pang sasabihin kaya sulat lang ako nang sulat, kahit pa ang iba ay mga rant at mga sentimiyentong hindi ko kayang ibulalas sa mga taong kinaiinisan ko. Basta makapagsulat, sige lang!

Ang masaklap lang: Marami pa akong gustong isulat, pero pumapalag na ang utak at kamay ko na magsulat. Bakit kaya?

Writer’s block lang ba ito? Katamaran? O baka hindi na kasi ito ang priority ko gawa ng pagtanda? O baka dumating na talaga ako sa punto na wala nang gana sa passion na nagbigay-kulay sa buhay ko sa napakahabang panahon?

May mga tagpong mas gusto ko na lang magsulat para sa pera o para sa iba, pero hindi na para sa tunay na dahilan kung bakit ipinanganak si Aurora at patuloy na nabubuhay ngayon.

May nagsabi sa akin na masuwerte ang mga taong tumatanda at nakakapagsulat pa rin ng mga kasaysayan ng sarili nila at ng mundong inikutan nila. Ito ay sa dahilang kapag nalimot nila ang kanilang mga alaala ay may paraan pa para maibalik ito sa kanilang memorya. Noong simulan ko ang Aurora noong June 10, 2010 ay yun na ang gusto kong gawin — maging imbakan ng mga kuwento at opinyon ko sa mga bagay-bagay. Sa pagsusulat man lang ay may bilang ako sa lipunan, kahit katiting lang. Nagulat na lang ako na 10 years na ang Aurora dahil sa kasamaang palad ay hindi pa rin ako ganoon kasipag magsulat para sa “anak” ko.

Ang kagandahan kapag paparating ang mga panahong ganito ay sa kabila ng pagsasawa ay bumabalik ang pag-asa. Naiisip kong kahit nahihirapan akong magsulat ay kailangan ko pa ring sumulat. Muntikan na akong humintong magsulat, pero hindi pala pwede. Sabi nga ni Jessica Zafra na nakalagay sa bio ng Facebook account ko: “If I don’t write every day, I just feel bad.” Kapag kinalimutan kong magsulat, parang kinalimutan ko ring huminga.

Ngayong 11th birthday ng Aurora Metropolis, tulad ng dati, gusto ko pa ring ipangako na patuloy na magsusulat, kahit gaano pa kahirap, katamad at ka-unorganized magsulat. Sa mga pagkakataong nakakalimot na ako, mukhang mas dapat kong maitipa dito ang mga bagay na magpapaalala sa akin sa mga tao sa kamatayan ko o sa magiging kasaysayan ko — kung may susulat man.

aurora-11-logo

Maligayang Kaarawan, Aurora!

2015-category-title-tambuli copy2020-post-tambuli-happy-birthday-aurora

 

Dear Aurora Metropolis,

Madamot ang teknolohiya noong mabuo kita mula sa kaisipan kong buntis sa napakaraming ideya. Sa katunayan, napakarami ko nang niluwal na tulad mo na nauwi lang sa wala. Kaya nung alam kong hindi ako tinadhanang mabigo bilang manunulat sa makabagong panahon ng paglalathala, alam ko sa sarili ko na kapag hinayaan kitang mabuhay, mabubuhay ka habambuhay.

At dumating na nga tayo sa araw na ito, sa iyong 10th birthday. Kahit saan ay kasama kita, sa laptop man o sa smartphone app. Pero bago ang lahat, sana ay patawarin mo ako. Oo, marami akong pagkukulang sa’yo. Hindi naman ako naging perpekto bilang “magulang”. Pero kahit pa naging madalang akong magsulat sa’yo, lagi kitang dala kahit saan man ako magtipa ng mga letra. At kung tutuusin, malaki ang pasasalamat ko sa’yo dahil hindi ko inakalang ikaw ang magbibigay sa akin ng mga alaalang ituturing kong kasaysayan. Dahil sa’yo, narinig ang istorya ko sa radyo. Dahil sa’yo, nailagay ang komentaryo ko sa libro. Hindi lahat mangyayari iyon kung wala ka.

Pasensya na at ngayon lang kita nakausap. Patapos na ang araw noong maalala kong birthday mo pala. Pero ayokong matapos ang gabing ito na sasamahan ko ang isa sa pinakaimportang bagay na nangyari sa buhay ko — ang maging Aurora Metropolis sa mundo ng blogging.

Nangako ako noong pinanganak kita na ikaw na ang huling blog ko sa tanang buhay ko. Ngayon, sa ating ika-10 taon, patuloy tayong mabubuhay bilang mga tagatipa ng ating personal na kasaysayan at kasaysayan ng ating minamahal na bayan.

Maligayang kaarawan, Aurora!

Nagmamahal,
Lem

 

 

2020-headline-feature-fb-aurora-10-cropped.png