FAST POST #33: Para Kina Christian at Eileen (… mula sa taong wala pang balak “lumagay sa tahimik”)

Isang pambihirang pagkakataon ang masaksihan ang isang kaibigan na nagmamartsa patungo sa kanyang panibagong kabanata – ang pagiging kabiyak ng taong kanyang minamahal. Puno ng sorpresa ang buhay sapagkat dumating na ang ganitong kaganapan kahit pakiramdam ko ay parang kahapon lang nung nagbibiruan pa kami sa loob ng AP office (student publication office ng PLM) tungkol sa kanyang buhay pag-ibig. Mahiwagang tunay ang tadhana: ang dating nene ay naging lawyer at di kalauna’y isa nang maybahay.

Ang mga kaibigan mula sa Ang Pamantasan kasama ang pinakamagandang babae sa Morong, Bataan noong April 9, 2015.

Ang mga kaibigan mula sa Ang Pamantasan kasama ang pinakamagandang babae sa Morong, Bataan noong April 9, 2015.

Selfie kasama ang bride

Selfie kasama ang bride

Ika-9 ng Abril 2015, alas-tres ng hapon ay ikinasal si Atty. Mary Eileen F. Chinte sa kasintahan niya ng humigit-kumulang limang taon na si Atty. Christian B. Cabrera. Naging saksi ang simbahan ng Nuestra Seniora del Pilar sa bayan ng Morong, Bataan sa pag-iisang-dibdib ng dalawang taong simple kung mamuhay pero walang kasing tibay ang tatag ng pagkatao.

Personal ko ring hindi makakalimutan ang araw na ito dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nag-emcee ako sa isang wedding party. Para sa akin, hindi lang ito basta simpleng hosting event dahil pinapangunahan ko ang isang kasiyahang panimula ng kanilang buhay bilang mag-asawa.

Alam nating lahat na may mga pagsubok na darating at marami sa mga iyon ang hindi ninyo makakaya nang kayo lang. Narito kaming mga kaibigan ninyo kung anuman ang kaya naming maitulong. Higit sa lahat, nariyan ang Panginoon at inyong pamilya upang maging mas matibay sa mga hamon ng buhay. Walang duda na magiging cool na magulang kayo kaya lalo kaming nananabik na makakita ng mga maliliit na version ninyo.

Masaya ang buhay, huwag masyadong sisimangot at manatiling positibo sa lahat ng bagay. Kailanman, ang mag-asawang masiyahin ay mag-asawang pagpapalain. Congratulations, Ian at Ei!

Si Mr. at Mrs. Cabrera.

Si Mr. at Mrs. Cabrera.

Tambuli: Sampung Taon Ng Pagsusulat Para sa Lahat

(TAMBULI ang pangalan ng opinion column ng may-akda noong siya’y bahagi pa ng Ang Pamantasan (AP), ang opisyal na pahayagan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila)

Ang larawan ng inyong lingkod na ginamit para sa kanyang kolum na "Tambuli" (2004-2005)

Ang larawan ng inyong lingkod na ginamit para sa kanyang kolum na “Tambuli” (2004-2005)

Mahal ko ang pagsusulat… pero tulad ng proseso ng pag-ibig, dumaan ako sa napakatagal at masalimuot na mga karanasan bago ako tuluyang mahalin ng aking mga sinusulat at mahalin ang aking sarili bilang tunay na manunulat. Para sa isang nilalang na sagana sa mga di-malilimutang alaala, itinulak ko ang sarili ko sa mundong kung saan ang mga tao ay nabubuhay sa mga salitang iniiwan nila bago tumawid sa kamatayan. Para sa akin, ang pagsusulat ay hindi lang talento o kakayahan, kundi kayamanang pinagpapaguran at pinakikinabangan sa takdang panahon.

Nagkaroon ako ng matinding interes sa pagsali sa newspaper sa aking paaralan noong elementary at high school. Pangarap ng inyong lingkod ang mailathala ang aking gawa sa pahayagang isang beses lang sa isang taon kung lumabas. Malakas ang loob ko dahil matataas lagi ang nakukuha kong marka sa mga sulatin. Ngunit sa iilang pgkakataong sinubukan kong kumuha ng pagsusulit sa dyaryo ng eskwela ay kabaligtaran nito ang nangyayari – rejected.

 

Tumuntong ako sa kolehiyo na hindi dinala ang ambisyong magsulat. Pero tila nahinog na ang panahon at mismong tadhana na ang nagbibigay sa akin ng oras upang patunayan ang meron ako pagdating sa pagsusulat.

Unang linggo ng Hulyo 2004, sampung taon ang nakalipas, sa bulletin board sa ground floor ng Gusaling Lacson. Nakita ko at ng aking mga kaklase ang isang anunsyo kung saan ang unibersidad ay naghahanap ng mga bagong staff writer sa Ang Pamantasan, ang opisyal na dyaryo ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Marami sa mga kamag-aral ko ang interesadong sumali sa competitive examinations, at dahil interesado sila ay naging interesado na rin ako. Sa huling araw ng submission ng application form ay natuklasan kong iilan na lang kaming mga tutuloy sa pagsusulit sa AP. Hindi ko makakalimutan ang hapong iyon habang hawak ang form ko – ang hapong bibitawan ko ang isang desisyong babago ng aking buhay. “Wala nang atrasan!” Yan ang natatandaan kong sinabi ko at saka ko pinasa ang aking aplikasyon.

Ika-24 ng Hulyo 2004, kabado ako sa araw ng exam. Hindi pa kasi ako gaanong bihasa sa malalim na Ingles na siyang wikang gamit sa mga artikulong sinusulat sa AP. Mukha ring may mga karanasan na sa campus journalism ang mga kasama kong kumukuha ng pagsusulit. Ngunit sa loob-loob ko, kung ano ang alam ko ay yun ang gagamitin ko. Hindi na pwedeng mag-back out. Tinapos ko ang exam nang magaan ang loob at hindi tulad noon, wala akong hinihintay na resulta.

Lumipas ang mga araw at patuloy kong inoobersabahan ang buhay kolehiyo. Tutok ako sa pag-aaral at ginagamay ang mga pagsubok bilang freshman ng isang prestihiyosong unibersidad. Katatapos lang ng isang seminar sa gymnasium nang makasalubong namin sa hallway ng Gusaling Villegas ang presidente ng student council. Kami ang hinahanap niya, ako at isa ko pang kaklase na nagbigay sa amin ng kaba. Sinundan na lang namin siya at papunta kami sa Gusaling Atienza. Halos malapit na kami sa isa sa mga room nang itanong namin kung saan kami pupunta. “Nakapasa kayo sa AP! May interview kayo ngayon!”

Sa isang silid ay naroon at nakaupo ang labindalawang mag-aaral kung saan ang ilan sa kanila’y pamilyar sa aking paningin. Pinapuwesto kaming dalawa sa bandang gitna at sinabihang maghintay na tawagin para sa interview. Sa paglibot ng aking mata’y napansin kong sa itsura pa lang ay makikita ang pagkakaiba ng kanilang mga karakter. Sa pagpapakilala namin ay dito ko nalamang hindi lahat kami ay nasa kursong Mass Communication. Mayroong Accountancy, Business Administration, Education, Psychology at Social Work.

Dumating na ang pagkakataon ng aking panayam. Wala akong gaanong natatandaan noong oras na iyon kundi may anim na tao sa aking harapan at ilan sa kanila’y masasabing mga “makapangyarihan” sa Pamantasan. Hindi ko rin matandaan kung ano ang mga itinanong nila, kung ano ang mga naging sagot ko at kung ano ang pakiramdam ko nang matapos ang interview.

Ilang araw lang ang lumipas ay lumabas ang resulta. Nakapasa ako sa screening at opisyal na naging miyembro ng editorial board ng AP sa ika-25 taon nito. Nagbalik-tanaw sa akin ang lahat ng panahong nangarap akong magsulat at mailathala ang aking artikulo sa pahayagang nababasa ng aking mga kapwa mag-aaral. Ang aking pangarap ay nagkaroon ng katuparan pero ang kaakibat nito ang mas malaki pang hamon – ang aking kumplikadong buhay bilang estudyante at mamamahayag.

Matindi ang mga pagsubok sa loob ng college publication. Hindi na ito basta-bastang pagsusulat ng balita at lathalain. Mahirap sa tulad kong baguhan ang magipit sa mga bagay-bagay noong panahong naiipit sa dalawang pwersa ang AP. Sa kabila ng pagsuporta ng marami, may mga pangyayaring di-inaasahang maikokompromiso para maprotektahan ang karapatan sa kalayaan ng pamamahayag. Isa sa mga ito ang pagkalagay sa alanganin ng aking estado sa Pamantasan. Sa tuwing naiisip ko ang kinahinatnan ng senaryong ito, nananatili ang matatag kong paniniwalang hindi ako nagsisisi sa kung anuman ang naging parte ko sa AP noong panahong iyon. Hindi ko pinagsisisihan na pinasok ko ang pagiging rebelde sa panulat dahil alam kong tama kami sa paraan ng pakikipaglaban para sa katotohanan. Naging biktima man ako, nanalig akong sa dulo ng kadiliman ay may liwanag – ito nga ay naganap.

"THE BIG 5". Kapag tinanong mo kung sino sila sa AP, sila yung mga taong gagawin ang lahat para makalusot at makapaglabas ng issue noong panahong ang AP ay nasa estado ng paghahanap muli ng pagkakakilanlan nito sa loob ng PLM.

“THE BIG 5”. Kapag tinanong mo kung sino sila sa AP, sila yung mga taong gagawin ang lahat para makalusot at makapaglabas ng issue noong panahong ang AP ay nasa estado ng paghahanap muli ng pagkakakilanlan nito sa loob ng PLM.

Tatlong taon akong naging bahagi ng AP ngunit isang ugat ng puso ko ang patuloy na dinadaluyan ng aking dugo papunta sa institusyong ito. Ang pinagpatuloy na pakikibaka ng aming samahan laban sa noo’y malupit na pamunuan ng PLM ay maituturing na kasaysayan at hanggang sa kasalukuyan ay pinakikinabangan ng mga sumunod sa amin. Ang aking dugong manunulat ay pinadaloy ko sa ibang kabataang tulad ko ay nangarap at marami sa kanila’y naging matagumpay. Masaya akong alam nila na lubos ko silang ipinagmamalaki.

Ang mga aral na natutunan ko sa loob ng student publication ay naging sandata ko sa napakaraming sitwasyon. Naging gamit ko ang mga ito sa patuloy kong pagtuklas sa napakalaking daigdig ng panitikan, usaping panlipunan at pangkalahatang kaunlaran. Lahat ng ito’y naghubog sa akin bilang taong ang nais para sa lahat ay maayos na kaisipan tungo sa maayos na lipunan.

Patuloy kong dadalhin ang tambuling binuo ko, sampung taon ang nakakaraan… at sisiguraduhin kong ang tambuling iyon ay patuloy pa ring magiging kapaki-pakinabang, hindi lang ako bilang manunulat kundi ako bilang Pilipinong naglilingkod sa bayan.

Sampung taon ang nakalipas. May nag-iba pero alam ko, nananalaytay pa rin sa lahat ang "Dugong Manunulat".

Sampung taon ang nakalipas. May nag-iba pero alam ko, nananalaytay pa rin sa lahat ang “Dugong Manunulat”.

2014 YEARSTARTER: Ang Paghahanda Sa Pagsasa-“Libro” Ng Aurora Metropolis

Pangarap ng bawat manunulat ang makapaglimbag ng kanilang sariling aklat. Para sa kanila, isa itong pagkaing niluto ng kanilang pinag-aralan para sa mga utak na gutom sa dagdag na kaalaman. Para naman sa iba, isa itong kapirasong punit ng kanilang karanasan para ibahagi sa mga taong tila may kakulangan sa buhay. Para sa ilan, isa itong mapa ng kanilang hindi malilimutang paglalakbay para ipakita sa lahat na ang lipunan ay punong-puno ng misteryo. Hangad ng bawat may-akda na isalin ang kanilang mga kuwento’t pananaw sa isang libro upang ipamulat sa mga mambabasa na ang daigdig, gaano man ito kabangis ay sadyang masaya at makulay.

Matagal ko nang hinahangad na makapaglathala ng sarili kong libro. Ito na lang ang nag-iisa kong childhood dream na nananatili sa aking gunita hanggang sa ngayon. Ilang beses akong nabigo na makapasok sa school paper noong elementarya’t hayskul, kaya maigi kong sinanay ang kakayahan kong magsulat. Ang pagpupursigi kong ito ay nagbunga nang mapalad akong makapasa bilang campus journalist at pagkatiwalaang maging kauna-unahang Filipino section editor ng Ang Pamantasan (AP), ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Isang matinding pagsubok bilang papasibol na manunulat ang maging bahagi ng AP sa mga panahong ang organisasyon ay nakikibaka para sa kalayaan sa malayang pamamahayag sa loob ng Pamantasan. Naging mitsa man ito ng aking kinabukasan, pinagpatuloy ko pa rin ang aking kayang gawin para sa publikasyon hanggang sa nararanasan na nito ang kalayaang pinaglaban naming mga patnugot noon.

Hindi ako nahinto sa pagsusulat nang matapos ang pagsisilbi ko sa AP. May mga nagawa akong blog accounts dati kung saan una kong isinapubliko ang mga artikulong hindi ko nailathala sa campus paper. Pa-minsan-minsan nama’y nagpo-post ako ng aking mga opinyon sa aking Facebook account sa pamamagitan ng Facebook Notes. Ngunit naging mas makahulugan ang aking pagiging manunulat nang iniluwal ko ang Aurora Metropolis, dahilan upang tuluyan kong mahalin ang pagsusulat bilang isang blogger. Mula sa isang blog site na tumatalakay sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian, ang Aurora Metropolis ay naging tahanan ng mga kuwento’t pananaw na nagpaibig, nagbigay ng pag-asa at naglahad ng kakaibang perspektibo ng lipunan sa mata ng tulad kong simpleng youth leader ng Maynila. Hindi pa man ito ganoon kakilala sa ngayon, ngunit ipinagmamalaki kong ilan sa mga kuwento ng Aurora ay tumatak sa mga online reader mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Sa loob ng mahigit tatlong taon, nakakagalak sa puso na makita ang mataas na statistics at makatanggap ng mga positibong komento’t mensahe mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Hindi man ako regular na nakakapaghandog ng mga artikulo (dahil sa iba pang gawaing personal) ay ginagawa kong inspirasyon ang mga tumatangkilik at lantarang tagasuporta upang lumikha ng mga istorya’t komentaryong makakatulong sa kaisipan ng sinumang bumabasa rito.

Sabi sa astronomy, masuwerteng taon ko raw ang 2014, bagama’t susubukin nito ang haba ng pisi ko sa mga bagay-bagay. Hindi man ako sagarang nananalig sa kapangyarihan ng mga bituin, kukunin ko ang oportunidad na ito upang subukang saluhin ang ‘pagpapala’ ng araw, buwan at kalawakan para sa aking sariling kapalaran. Naging makabuluhan at makasaysayan ang 2013 ko, kaya sa pagkakataong ito, gusto kong pagtuunan ng pansin ngayong taon ang naiiwan kong pangarap noong ako’y bata. Ito ay ang magkaroon ng sarili kong aklat na ipapangalan sa blog kung nasaan kayo ngayon.

AURORA book cover copy

Book cover. Pwede na siguro yan. 🙂

Malugod kong ibinabahagi sa inyo na sinusulat ko na ang Aurora Metropolis: Sampung Kuwento Ng Pag-ibig At Mga Pananaw Mula Sa Makulay Kong Daigdig. Ito ay isang nobela na tungkol sa sampung istorya mula sa sampung iba’t ibang sitwasyong maaaring hindi natin napapansin sa lipunang Pilipino. Ang mga kuwentong ito ay pag-uugnayin ng mga mahalagang pangyayaring magpapatanto sa atin na ang lahat ng tao ay magkakaugnay ng buhay sa mga pinakamakukulay nilang pagkakataon. Nakatuon ang mga ito sa buhay ng mga kapatid natin sa LGBT community na magbibigay-diin sa importansya ng pagmamahal at pagkakapantay-pantay sa lahat ng aspeto dito sa ating bansa. Hindi ito isang ordinaryong LGBT story dahil nais nitong imulat tayo sa kamalayang tayo ay nabubuhay sa iisang mundo at nagiging bahagi ng isang yugto ng buhay ng bawat isa, anuman ang ating kasarian, kaugalian o kalagayan sa buhay. Tayo ay magkakadugtong ng puso’t isipan bilang mga taong umiibig, naniniwala at lumalaban sa lahat ng hamon ng panahon.

Hindi biro ang paghahandang ito upang maisakatuparan ang posibleng pagsasalibro ng blog na ito. Para sa mga tumatangkilik sa Aurora dito sa WordPress, patawarin po ninyo ako kung madalang akong makapagbigay ng mga post sa inyo. Pagbigyan po ninyo akong tuparin ang pangarap ng isang batang ang gamit na sandata para makatulong sa kapwa ay ang kanyang pagsusulat. Hahayaan ko kayong malaman kapag tapos nang maisulat ang Aurora sa iba nitong anyo. Nawa’y suportahan po ninyo ang paglilimbag at paglabas ng “Aurora Metropolis: Sampung Kuwento Ng Pag-ibig At Mga Pananaw Mula Sa Makulay Kong Daigdig”, at sana’y hindi po ako tamarin sa pagtupad ng mithiing ito. Maraming salamat po!