Para Kay Mayor Lim

2015-category-title-tambuli copy2015-post-featured-image-tambuli-OPEN-LETTER-TO-MAYOR-LIM

Ika-21 ng Disyembre 2015

Para kay Kgg. Alfredo Siojo Lim:

Magandang araw po! Nawa’y nasa mabuti po kayong kalagayan sa panahong nakarating po sa inyo ang mensaheng ito.

Kinunan po ang larawang ito noong October 18, 2013, ilang minuto bago magsimula ang event na inorganisa ng aking grupong Katipunan ng Kabataang Maaasahan tungkol sa mga heritage site at structure sa Maynila.

Nilapitan kita’t personal na pinasalamatan sa pagpapaunlak sa aking imbitasyon na magbigay ng inspirational message. Alam kong may pagkakataon kang hindi ito puntahan dahil noong mga panahong iyon ay hindi na ikaw ang alkalde ng Maynila. Sobra-sobra talaga ang pasasalamat ko dahil nandun ka. Kinumusta kita at sinabi mong maayos ka naman, tinatapos lang ang mga naiwang commitment at mamamahinga na muna sa serbisyo publiko. Nalungkot ako nang marinig ko yun (obvious sa picture hehe), kaya iniwas mo ang tingin mo’t pinunta ang usapan na patungkol sa topic ng event.

Ngunit sa ilang pangungusap lang ay nagbago ang tono ng beses mo. Ang sumunod mong sinabi ang hindi ko malilimutan sa maikling pag-uusap nating iyon.

“Ituloy mo lang ang mga ginagawa mo para sa kabataan natin. Kailangan nila ng mga ganito.”

Ilang araw bago ka bumaba sa puwesto, June 7, 2013, nagdesisyon akong manumpang maglilingkod bilang youth volunteer ng Maynila sa harapan mo. Naniniwala kasi akong hindi ka lang mayor kundi bilang lolo ko. Wala akong kinagisnang lolo sa aking kamusmusan kaya sa tuwing nakikita’t nakakamano sa’yo ay parang lolo na rin kita. Pinili kong sa’yo kumuha ng basbas dahil ikaw ang nagsilbing inspirasyon ko mula nang hamunin ako ng siyudad na gumawa ng mga bagay para sa bayan.

Nung mga oras ding iyon, sinorpresa mo ako nang ipagkatiwala mo sa akin ang pinakahuling youth project sa iyong ikaapat na termino – ang Manila Young Leaders’ Assembly.

Dalawang taon ang dumaan at narito pa rin po ako: nagbo-volunteer at patuloy na lumilikha ng mga bagay para makatulong sa mahal nating siyudad.

“Pwede ka namang magpabayad sa mga ginagawa mo, ‘di ba? Bakit kailangan mo yang gawin nang libre? Kailangan mo rin namang kumita para mabuhay, ‘di ba?”

Binubulabog ako ng mga tanong na ito mula sa mga taong nawiwirduhan sa mga ginagawa ko. Marami pang version ang mga tanong na yan, pero isa lang ang sagot sa kanila:

ITO LANG ANG KAYA KONG GAWIN PARA MAIBALIK SA MAYNILA ANG KABUTIHANG IDINULOT NIYA SA AKIN.

Alam na alam kong responsibilidad ng estado na pag-aralin ang kanyang mamamayan. Alam na alam ko rin na kahit hindi ikaw ang maging mayor ay gagawin pa rin ito ng City Hall dahil nga sila ang responsable rito. Alam na alam ko rin na kahit hindi ikaw ang nakaupo ay mayroon pa ring libreng serbisyo para sa mga nangangailangan.

Ngunit hindi ito ang punto ko… at hindi ito ang nangyayari sa Maynila ngayon.

Bilang produkto ng pampublikong sistema ng edukasyon, nais kong ihandog ang aking talento dahil responsibilidad ko rin ito bilang Manilenyo. Masyado tayong nagpapayaman pero para kanino? Para sa sarili o pamilya? Nagbabayad naman tayo ng tax kaya nakakatulong pa rin tayo, ganun ba?

Obligasyon ng City Hall ang libreng serbisyo ngunit dahil sa interes ng iilan ay maraming hindi nakakaramdam nito. May bayad sa mga ospital, lumalaki ang binabayaran ng mga kawawang negosyante, mahal ang bayad ng renta sa mga puwesto sa mga palengke, o nagbabayad tayo sa mga bagay na pwedeng gawing libre para sa mga Manilenyo. Pero may napupuntahan ba ang mga binabayad natin? Wala. Para saan ang sakripisyo? Sa alak na iniinom nila gabi-gabi?

Kahit gaano pa karaming pera ang bumagsak sa kaban ng lungsod, kung wala naman tayong itinatanim na pagmamahal dito, hindi kailanman uunlad ang isang siyudad. Iyon ang ginagawa ko sa abot ng makakaya ko – ang mamuhunan ng pag-ibig at pagkilala sa kasaysayan, kultura at kagandahan ng Maynila.

Natutunan ko po ang mga iyon nang dahil sa inyo, Mayor Lim.

Darating na naman ang eleksyon.

Matagal po akong nag-isip kung may ikakampanya pa akong tao o grupo. Masyado nang magulo ang pulitika ng Maynila at nawawalan na rin ako ng pag-asang magkakaroon pa ng isang pamahalaang totoong nagkakalinga, hindi lang sa mga Manilenyo kundi sa kasaysayan at kulturang ipinamana sa atin ng ating mga ninuno’t nakalipas na mga pinuno. Aaminin ko po, may mga naging pagkukulang din po ang nakaraang panunungkulan ninyo na nagbigay sa akin ng alinlangan kung karapat-dapat pa kayong ibalik sa puwesto.

Sa huli, napagtanto kong bilang mamamayan ay kailangan kong bumoto at kumampanya sa mga taong may tinatanaw na maganda’t makatotohanang bukas para sa siyudad. Kailangan kong ihalal ang mga taong sa tingin ko ay totoong nagmamalasakit at hindi mag-pose lang sa picture. Kailangan kong dalhin sa pamumuno ang taong malinis ang hangarin sa paglilingkod at hindi dadalhin sa kahihiyan ang image ng siyudad dahil sa dumi ng kanyang pagkatao.

Lahat ng qualification pong nabanggit ko ay sa inyo pa rin nakaturo. KAYO PA RIN PO ANG PINIPILI KONG PAMBATO BILANG ALKALDENG MAGWAWAGI SA 2016.

Kailanman ay hindi ko kinonsidera ang edad sa abilidad para mamuno at gumawa ng mga desisyon para sa ikabubuti ng nasasakupan nito. Sa inyo ko po nasaksihan na ang paglilingkod sa bayan ay nakakagaan ng pakiramdam na parang nakakabata ng edad. Pinatunayan nyo po iyon at walang dudang kayang-kaya nyo pa po kaming pamunuan.

Bilang kabataang lider, handa po akong maging instrumento upang maibalik ang nawalang liwanag sa kabisera ng Republika ng Pilipinas. Handa po akong ikampanya kayo sa paparating na halalan.

Kaya ngayong araw na ito, sa iyong ika-86 na kaarawan, hayagan ko pong hinahayag ang aking suporta at nangangakong ipapakalat sa mga kapwa ko Manilenyo na nagkamali sila ng paglagay ng mga pulitikong ginamit ang kanilang kahinaan upang mapaniwala sa mga panaginip na kalauna’y naging bangungot sa marami.

Ito lang po ang maibibigay kong regalo sa’yo – ang panibagong pagtitiwala sa iyong kakayahan bilang aming ama sa lungsod ng Maynila.

Maligayang kaarawan po, mahal naming alkalde!

Gumagalang,
Lem Leal Santiago
Batang Tundo, Proud Manileño.

(Unang inilathala sa aking Facebook page: https://www.facebook.com/lemorvensantiago/posts/10205021308593943)

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

2014 YEARENDER: #fortheloveofheritage

Minsan kong nabanggit sa isa sa aking mga Facebook post noong 2013 na gugulatin ko ang buong mundo sa 2014. Nang bitawan ko ang mga salitang iyon, bukas ang aking isipan sa realidad na binigyan ko ng pinakamalaking hamon ang aking sarili bilang isang Manilenyo at bilang isang Pilipino. Nagdaan nga ang tatlong daan at animnapu’t limang araw, masasabi kong hindi naging basta-basta ang taong magtatapos. Sa kabila niyon, hindi naman ako nabigo sa aking binitawang pangako. Katuwang ang daan-daang indibidwal na aking nakasalamuha, ipinagmamalaki kong sabihin na ginulat ko ang daigdig ngayong 2014.

Rescue, revive, relive Escolta!

Ilang buwan mula nang lisanin ko ang paglilingkod bilang kabataang lider ng pamahalaang lokal ng Maynila ay dinala ako ng aking mga prinsipyo sa isang tagong kalye sa tabi ng Ilog Pasig. Ang Escolta ay nakilala bilang isa sa mga pinakaunang pangunahing kalsada sa Pilipinas at siyang nagsilbing pangunahing pook pang-kalakalan ng bansa noong ika-19 dantaon. Kaiba sa kanyang katanyagan sa nakaraang apat na siglo, ang Escolta ngayon ay tinuturing na lamang bilang isang simpleng kalye sa Maynila na hindi nabigyan ng nararapat na pagkilala sa kanyang mga naging kontribusyon sa lipunan. Gamit ang kakayahang hinubog ng tadhana sa nakalipas na mga taon ay tumulong ako sa muling pagbuhay ng makasaysayang lugar na ito. Kasama ang mga kapanalig sa Heritage Conservation Society-Youth (HCS-Y) at Escolta Commercial Association Inc. (ECAI), naipalawig sa taong ito ang awareness campaign upang makilala ng mas nakararami ang Escolta. Bawat buwan ay naitatampok sa telebisyon, pahayagan, Internet at social media ang Escolta. Dahil dito’y mas dumami na ang mga taong gusto siyang makilala nang lubusan at karamihan sa kanila ay mga kabataan. Marami pang dapat gawin pero tiwala akong mapagtatagumpayan namin ito.

#selfiEscolta

Sa mga event na in-organize ko, ang #selfiEscolta noong July 5 na ang masasabi kong pinaka-makahulugan sa lahat. Bilang kauna-unahang street heritage festival sa Maynila, ibinandera namin sa madla ang kahalagahan ng Escolta sa pamamagitan ng sunod-sunod na tour, art market at night concert. Sa kabila ng muntikan nang pagka-postpone nito at iba pang naging problema, aberya at pagsubok habang dinadaos ang #selfiEscolta, ipinagpapasalamat ko sa Maykapal na naging matagumpay ang event na ito. Nagbukas ito ng mas maraming oportunidad upang dayuhin at kilalanin ng mga kapwa Pilipino at banyaga ang Escolta.

Boses ng Escolta

Nasanay akong magsalita sa harap ng maraming tao bilang youth leader ng lungsod. Ngayong taon, malugod kong ibinahagi sa marami ang lumalaking adbokasiya ng Escolta Revival Movement. Mula PLM, La Salle Dasma at UST hanggang Inquirer, TV5 at ANC, ginamit ko ang aking kakayahang mangaral upang ilahad kung gaano kaimportante ang Escolta sa kasaysayan at kung paano makakatulong ang sambayanan sa muli nitong pagsigla.

Mula Antipolo hanggang Iloilo

Bilang aktibong kasapi ng HCS-Y ay nagkaroon ako ng pagkakataong mapasyalan ang maraming lugar kung saan makikita ang mga kayamanang hindi matutumbasan ng modernisasyon at bagong teknolohiya. Ito ang mga istrukturang naging saksi ng pagbabago ng ating lipunan ay nananatiling nakatindig at ipinapakita kung gaano karangya ang Pilipinas noon. Nariyan ang mga bahay sa Malabon, ang Santos House ng Antipolo, ang aking muling pagbabalik sa makasaysayang lungsod ng Malolos at ang napakagandang downtown ng Iloilo City.

Mula artista hanggang Arsobispo

Hindi sumagi sa aking mga ambisyon ang makilala, makamayan at makausap ang mga personalidad na magiging mahalagang bahagi ng kasaysayan sa hinaharap. Sabi ko nga, kung panahon lang ngayon ng Kastila o Amerikano, masasabi ko nang napakasuwerte kong indio. Nakadaupang-palad ko ang anak ni Comedy King Dolphy na si Eric Quizon upang hingiin ang basbas ng pamilya upang itampok ang kanyang dakilang ama sa Escolta. Hindi ko aakalaing makakasama ko sa adbokasiya ang tanyag na arkitektong si ICOMOS Philippines president Arch. Dominic Galicia. Nakausap at nakatext ko rin sa ilang pambihirang pagkakataon si MMDA Chairman Francis Tolentino. Naging personal na kaibigan naman namin ang butihing administrator ng Intramuros na si Atty. Marco Sardillo. Nakakamangha rin na makamusta ang dalawang mayor ng Maynila: sina Hon. Alfredo Lim at dating Pangulong Joseph Estrada. Higit sa lahat, nakakataba ng puso ang mahawakan ang kamay, maka-selfie at biglaang maimbitahan nang personal sa kanyang Noche Buena ng Inyong Kabunyian, Luis Antonio Cardinal G. Tagle, ang arsobispo ng Maynila.

Kung ano-ano

Patuloy pa rin akong nagsusulat, bagaman hindi gaanong makapag-post sa Aurora Metropolis. Pinipilit ko pa ring tuparin ang aking pangarap na makagawa ng libro karamay ang naluluma ko nang laptop at ilang tasa ng kape. Baka next time na lang. Hindi rin mawawala ang mga inuman session, magdamagang heart-to-heart conversation sa ilang mga kaibigan at ang magmahal-at-mahalin moments. Masarap ding malasing paminsan-minsan basta kasama ang mga taong pinagkakatiwalaan mo. Natututo na akong tumawid sa manipis na pisi para magtagumpay. Naniniwala pa rin ako sa tuwid na daan. Kahit di nagsisimba, marunong pa rin akong magdasal sa Kanya sa mga oras ng problema at saya. Masaya ang buhay at walang dahilan para malugmok sa kalungkutan.

Pangarap para sa Maynila

Pinili kong mahalin ang lungsod ng Maynila dahil alam kong karapat-dapat siyang mahalin. Bilang kabisera ng Pilipinas, pinapangarap ko ang mas maganda at mas maunlad na siyudad kung saan ang lahat ay nabubuhay nang payak at maligaya. Sa kabila ng patuloy na pagbura sa mga importanteng bakas ng kanyang nakaraan, hangad kong mamulat ang lahat – ang gobyerno at mga kapwa ko Manilenyo – sa katotohanang ang pagpapahalaga sa kasaysayan ay kaakibat ng pag-unlad ng ating tanging lungsod sa kinabukasan. Hindi lahat ng luma ay hindi na kapaki-pakinabang.

Pasasalamat at pagkilala

Hindi matatapos ang artikulong ito nang hindi nagpapasalamat sa lahat ng naging bahagi ng aking paglalakbay sa taong magtatapos.

Salamat sa aking mga kasama sa HCS-Y, lalong lalo na sa pamunuan at mga aktibong kasapi dito. Patuloy nating ipaglaban ang karapatan ng mga kayamanan ng ating bayan. Mabuhay po kayo!

Salamat sa mga namumuno sa ECAI, lalong lalo na kina Ms. Cely Sibalucca, Ms. Marites Manapat, at kina Sir Robert at Ms. Lorraine Sylianteng sa lahat ng tulong at suportang binibigay ninyo sa inyong lingkod habang ginagawa ang aking mga dapat gawin sa Escolta.

Salamat sa mga taong kumikilala sa Escolta at patuloy na kumikilala sa makulay na nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng minamahal nating Queen of Manila’s Streets. Darating ang panahon na makakamit din niya ang karangalang nararapat para sa kanya.

Salamat sa Heritage Conservation Society sa pangunguna nina Ms. Gemma Cruz-Araneta at Mr. Ivan Henares sa pagtitiwala sa mga kabataan upang maging sundalo ng ating adbokasiya.

Salamat sa aking mga kaibigan: Cherry Aggabao, Prof. Neriz Gabelo, Macky Macarayan, outgoing PLM-College of Mass Communication dean Ludmila Labagnoy, Stephen John Pamorada, Clara Buenconsejo at Jericho Carrillo ng HCS-Y; Sir Marco Sardillo, Marcus Luna, Christopher Hernandez, at Herbert Eamon Bacani at Albert Ampong ng HBOX.

Salamat sa’yo Escolta dahil dama kong ako’y iyong pinagkakatiwalaan. Mananatili ako sa’yo hangaang sa iyong muling pagsigla.

Salamat sa aking pamilya na patuloy na umuunawa sa akin. Sa kabila ng pagsubok na ating nararanasan ngayon, nawa’y manatili tayong malakas at manalig sa Maykapal. Kaya natin ito!

At ang pinakahuli, maraming salamat sa ating Panginoong Hesukristo, sa ating Inang Maria at Poong Sto. Nino. Salamat po sa pagbibigay Ninyo ng tuloy-tuloy na biyaya, sorpresa at talento upang gawin ang aking misyon sa mundong ito. Patuloy po Ninyong basbasan ang aming lungsod at tanging bansa ng pagpapala at lakas upang harapin ang mga pagsubok. Inaalay po namin ang tagumpay ng aming bayan sa Inyong karangalan. Amen.

Halos katumbas ng pagmamahal sa ating pamilya at Diyos ang pag-ibig natin sa ating bayan. Hangad ko na mas maraming Pilipino ang magmahal sa bansang ito sa darating na taon, lalo pa’t isa ito sa mga mahahalagang sangkap ng kaunlaran. Ang 2014 ay isang pahiwatig na tayo, bilang Pilipino ay nabubuhay nang may dahilan at ito ay para mahalin ang bayang ipinagkatiwala sa atin ng Langit. Sana’y pahalagahan natin ito.

2013 YEARENDER: Ako At Ang Mga Kwento Ng Pagbangon at Pagbabago

Tila ang taong 2013 ang nagparamdam sa akin na nagugol ko na ang kalahating panahon ng aking buhay. Hindi naman dahil nalalapit na ako sa dulo ng aking makulay na paglalakbay, ngunit para bang sa dami ng nangyari sa aking ika-dalawapu’t limang taon sa daigdig ay pwede na akong magsabi ng “mission accomplished”. Sa kabila nito, napagtanto ko na ang lahat ng taong aking nakilala at mga karanasang nagawa ngayong 2013 ay umpisa pa lang ng panibagong yugto sa aklat ng inyong lingkod. Ito ay ang yugto na nagpapatatag sa akin bilang isang simpleng Pilipinong bahagi ng kwento ng pagbangon at pagbabago, hindi lang ng aking sarili kundi ng aking kapwa.

 

Kwento ng pagiging “kuya” sa mga kabataan ng Tundo

Sa nakalipas na dalawang taon ng pagkakaugnay sa ahensiya ng lokal na pamahalaan na naghahatid ng serbisyong pang-kabataan, ang pagiging volunteer coordinator ng District 1 para sa Batch 2013 ng Special Program for Employment of Students (SPES) marahil ang pinaka-mapangahas sa lahat para sa akin. Silang daan-daang high school at college students mula sa unang distrito ng Maynila na nagsama-sama upang gawing makabuluhan ang kanilang bakasyon, ang sumubok sa aking kakayahan at pasensya bilang isang youth leader. Sa loob ng humigit-kumulang dalawang buwan ay nakasama ko ang mga piling kabataang ito sa kanilang mga gawain at ginabayan sa bawat kilos o gawi. May mga naging kaibigan, nakaalitan, nakasamaan ng loob at nakasundo – pero lahat sila’y naging parte ng aking maigting na pagsasanay bilang kabataang pinuno. Ang mga kabataang ito ay hindi lang nagsilbing alagain para sa akin kapag sila’y nasa poder namin, kundi parang naging mga nakababatang kapatid na dapat alalahanin at alalayan.

Kwento ng pagpapahalaga sa kasaysayan ng lungsod

Nang muli kong buhayin ang aming organisasyong Katipunan ng Kabataang Maaasahan (KKM) ay ipinangako kong bibigyang importansya ang kasaysayan ng Maynila bilang instrumento sa pagpapaunlad ng kakayahang mamuno ng mga kabataan. Bilang punong kabisera ng bansa sa loob ng daan-daang taon, mayaman ang kasaysayan ng lungsod sa mga pangyayaring naghahatid sa atin ng mahalagang aral bilang isang Manilenyo at bilang isang Pilipino. Sinimulan ko ang adbokasiyang ito sa pagsasagawa ng kauna-unahang Manila Young Leaders Assembly na ginanap noong Hunyo 22-23 bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-442 Araw ng Maynila. Katuwang ang nakaraang administrasyon ng pamahalaang lungsod ng Maynila at Youth Development and Welfare Bureau, ang matagumpay na pagpupulong na ito’y naka-sentro sa pagpapahalaga sa pag-aaral ng kasaysayan dahil naniniwala ang inyong lingkod na dito natin makukuha ang solusyon sa kung anumang problema na kinakaharap ng ating siyudad at ng Pilipinas. Sinundan pa ito ng isa pang pagpupulong na pinamagatang Demolisyon noong ika-18 ng Oktubre, na tumalakay sa kung paano mapoprotektahan at papahalagahan ng mga kabataan ang mga heritage site sa Maynila na nanganganib mawasak dahil sa pag-unlad. Katulong ang United Architects of the Philippines Student Auxiliary-PLM Chapter (UAPSA-PLM) at PLM College of Architecture and Urban Planning, itinampok nito ang ilan sa mga kilalang personalidad sa industriya ng heritage conservation at social action na nagbigay-kaalaman at inspirasyon sa mga nagsipagdalo, na karamihan ay mga susunod na arkitekto at young heritage advocates ng ating bansa.

Kwento ng paninindigan sa tuwid na daan

Hindi na bago sa akin ang pagsuporta sa Partido Liberal na sinisimbulo ng kulay dilaw. Pero naging lantad ang pagsuportang ito nang muling tumakbo sa pagka-alkalde si Manila Mayor Alfredo Lim at apo niyang si Manila 1st District Councilor Niño dela Cruz. May mga nagsabing utang na loob lang daw ang pagtulong ko sa kanilang kampanya, pero para sa akin, kung iyon man ang itatawag nila sa paniniwala sa tunay at tapat na pamumuno, tatanggapin ko ang terminolohiyang iyon. Binigay ko ang aking makakaya upang ipakita sa lahat na ang prinsipyong dilaw sa Maynila ay hindi lang nakalingon sa pag-unlad na nakikita ng mata. Nanalo para sa kanyang ikatlong reeleksyon si Konsi (tawag namin kay Konsehal dela Cruz) ngunit sa di-inaasahan ay natalo sa napakaliit na lamang si Mayor Lim. Kung ako ang tatanungin ay hindi ito madaling tanggapin para sa tulad kong nananalig sa kanyang kakayahan bilang ama ng lungsod. Pero bilang isang mamamayan, ang pagtanggap sa pagkatalo ay isang hakbang upang ang buong Maynila ay umusad. Nagapi man sa halalan, alam kong marami pang matutulungan si Mayor Lim na tulad kong nagnanais ng magandang Maynila para sa kapwa ko kabataan. Hindi ako nahihiyang sabihing patuloy ko siyang sinusuportahan saan mang larangan ng paglilingkod siya muling mailalagay.

Kwento ng boluntirismo

Para sa akin, ang taong ito ang maituturing kong pinaka-natatanging panahon ng aking pagiging volunteer. Inadya ng Maykapal na buksan ang napakaraming pinto sa akin upang sa simpleng pamamaraan ay makatulong ako sa ating mga kababayan. Una na rito ang pagka-pormal ng aking pagiging youth volunteer leader sa Maynila nang ipanumpa ko sa pamahalaang lungsod noong ika-7 ng Hunyo ang KKM. Ito’y isang pambihirang pagkakataon para sa isang papasibol na samahan na mapagbigyan ng pagkakataong makapulong ang alkalde para itanghal ang nais gawin ng Katipunang ito para sa Maynila. Napabilang din ang inyong lingkod sa napiling tatlumpung kabataan upang maging kauna-unahang KaBayani o Kabataang Bayani ng National Youth Commission. Isa itong programang ang hangarin ay ipakilala sa mas maraming kabataan ang mga programa’t gawaing likha ng pamahalaan para sa kapakanan ng lahat ng kabataang Pilipino. Ang pagiging national youth volunteer din ang nagbigay sa akin ng daan upang makapunta sa lungsod ng Tacloban na kalunos-lunos na sinalanta ng bagyong Yolanda nitong Nobyembre. Ang karanasang ito bilang kinatawan ng Komisyon ang matinding sumubok sa akin bilang tao, bilang relief volunteer at bilang isang nagmamalasakit na Pilipino. Ang mapanubok na pag-a-assist at pagde-deliver ng relief goods mula Maynila hanggang Tacloban sa loob ng isang linggo ang nagbigay ng aral sa akin na sa gitna ng sakuna, lahat ng tulong, maliit man o malaki, ay isang makabuluhang pagtulong para sa mga nangangailangan.

Kwento ng mga pagkakataon

Mapalad akong napagbigyan ng tsansang makapunta at makiisa sa mga importanteng conferences ngayong taon. Bukod sa pag-o-organisa ng Manila Young Leaders Assembly at Demolisyon, naging bahagi rin ako sa writeshop bilang facilitator na bubuo sa youth participation guildelines ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2013 na inorganisa ng NYC, Center for the Welfare of Children at Juvenile Justice and Welfare Council noong ika-23 ng Oktubre sa Mandaluyong. Ikinalulugod ko ring maging makasama sa volunteer group ng Heritage Conservation Summit 2013 na ginanap noong ika-9 ng Nobyembre sa Luxent Hotel, Lungsod Quezon na naglalayong iangat ang adbokasiya ng pagpapanatili ng lahat ng heritage sites sa buong Pilipinas sa mga namumuhunan, negosyante at mga pinuno ng lokal na pamahalaan. Sa naganap naman na Google Youth Leaders Summit 2.0 sa Mint College, Bonifacio Global City ay di-inaasahang makatanggap ako ng palakpakan mula sa mga nagsipagdalo bilang simpleng pagkilala sa aking naging paglalakbay sa Tacloban na tunay namang nakakataba ng puso. At bago matapos ang taon, nabiyayaan akong maging bahagi ng National Youth Congress 2013 na inorganisa ng NYC, Armed Forces of the Philippines at Gawad Kalinga Foundation sa GK Enchanted Farm sa Angat, Bulacan. Masuwerte akong makakilala ng iilang mga kabataang lider mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na itinuturing kong mga bagong kaibigan sa paglilingkod-bayan.

Kwento kasama ang mga kaibigan

Nagpatuloy sa taong ito ang napakaraming “coffee bondings”, “birthday trips”, “videoke nights”, “grand eye balls” at iba pang mga di-planadong gala kasama ang mga minamahal kong kaibigan. Nagkaroon man ng ilang di-pagkakaintindihan o alitan, nabura nito ang katotohanang ang tunay na magkakaibigan ay isang grupo ng mga siraulong nauunawaan ang isa’t isa. Sila ang mga buhay na patunay na humihinga pa ako sa mundong ito sa kabila ng mga problemang nakakasalubong ko sa daan. Sila kasi ang bagsakan ko ng mga iyon at nagpapasalamat ako sa kanila dahil bahagi na rin sila ng aking itinuturing na pamilya. Kilala nyo na kung sino-sino kayo.

Kwento ng pasasalamat at pagbibigay-pugay

Ayokong tapusin ang 2013 nang hindi nagpapasalamat sa iilang taong ginawang posible ang ilan sa aking nabanggit. Kung wala sila ay wala rin ang mga karanasang iyon.

Maraming salamat kina dating Manila Mayor Alfredo S. Lim, Manila 1st district Councilor Niño M. dela Cruz at dating Youth Bureau director Architect Dunhill E. Villaruel na walang sawang sumuporta sa mga event na inorganisa ng KKM nitong taon;

Maraming salamat sa National Youth Commission, lalo na kina Chairman Leon G. Flores III, Mr. Patrick Umali, Ms. Christa Balonkita, Ms. Elsa Magdaleno at mga kapwa ko KaBayani na halos lahat ng activity ay kasama ko, Tin Baltazar at Ivan Ogatia;

Maraming salamat sa lahat ng kabataan ng lungsod ng Maynila, lalong-lalo na sa mga kasapi ng Katipunan ng Kabataang Maaasahan na sina Jerome Pamatian, Bernadeth Flores, Pearlie Resico, Ryan Diosana, Recy Nogueras, Gerand Binarao, Jeam Buhion at Cheng dela Cruz;

Maraming salamat kina Mr. Ivan Henares, Mr. Ivan Man-Dy at Ms. Gemma Cruz-Araneta ng Heritage Conservation Society; Prof. Ludmila R. Labagnoy ng PLM-College of Mass Communication; Daniel Franco B. Seña ng United Architects of the Philippines Student Auxiliary-PLM Chapter; at Mel Gabuya, Stephen John Pamorada, Clara Buenconsejo at ilan pang bumubuo ng Heritage Conservation Society-Youth;

Maraming salamat kina Mr. Lawrence Chan, Ms. Tats Manahan at Arch. Richard Bautista ng HCS; Ms. Inday Espina-Varona ng Change.Org, Atty. Romulo Macalintal at Mr. Paolo Bustamante ng The Filipinas blog na nagbigay ng kanilang oras para sa Demolisyon;

Maraming salamat sa aking kuya, Prof. Rafael Leal Santiago, Jr. sa patuloy na pagsuporta sa aking mga ginagawa na alam mo namang may kapupuntahan;

Maraming salamat sa lahat ng aking mga kaibigan, virtual friends from all over the world at sa mga patuloy na nagbabasa at nagpapakita ng paghanga sa Aurora Metropolis;

At maraming salamat sa nag-iisang Panginoon ng mundo, Panginoong Hesukristo, Mahal na Inang Maria, at Sto. Niño de Tondo. Alam ko pong marami na akong sabit sa Inyo, pero tapat at ipinagmamalaki ko pong sinasabi na ang Kayo po ang nasa puso ko at alam kong nananahan Kayo sa puso ko magpakailanman. Sa Inyong binigay na buhay at talento, lahat ng ito ay para sa ikabubuti ng aking sarili at ng kapwa ko, Amen.

 

Patuloy ang paglalahad ng ating sari-sariling kwento. Dumating man ang mga pagkakataong malungkot ang naaabutan nating pahina, lagi nating iisipin na hindi ito sinulat ng Maylikha para sa atin kung hindi naman natin kakayanin. Sa pagtatapos ng kwentong ito ngayong 2013, idinadalangin ko na gamitin Niya ang mga karanasang ito bilang maging sandata ko sa papasok na taong 2014. Kasabay ng kwento ng maraming tao, nawa’y maging matatag pa akong alagad ng Panginoon at ng Inang Bayan para tulungan ang aking kapwa sa pagbabago at pagbangon. Nang sa ganon, makamit na ng Pilipinas ang hinihintay nating kaunlaran at panatag ako na ito ay darating sa mabilis na kinabukasan.

Masaganang bagong taon sa ating lahat!