UNANG-UNA SA LAHAT: Ito ang una’t huling blog entry ng inyong lingkod para sa Aurora Metropolis ngayong 2017. Yearender rin ang huling entry ko bago ako nagdesisyong magpahinga sa pagsusulat. Aaminin ko: hindi ko pa alam kung handa na muli akong gisingin si Aurora Metropolis at makipagsabayan sa nagbagong mundo ng blogging. Tradisyon ko na ang paglalagay ng tuldok sa kanya tuwing magwawakas ang isang taon. Kakaiba lang ngayon na maglalagay ako ng tuldok sa isang espasyong wala ni isang pangungusap.
Magkagayunman, muli kong bubuksan ang pintuan ng aking kamalayan bilang si Aurora Metropolis sa pamamagitan ng post na ito. Maniwala man ang marami o hindi, alam kong maraming naghihintay sa pagbabalik ko sa blogging. Hindi man panatag pero narito muli ang bahagharing guryon, lilipad sa malaya ngunit mapanghamong kalangitan ng Maynila, maglalahad ng aking kuwento upang makapagbigay ng inspirasyon sa aking mga mambabasa.
—
Nagiging matatag ang tao dahil sa mga pinagdaraanan niya sa buhay. May mga pagkakataong sa malayo pa lang ay sinesenyasan na tayo ng tadhana para makapaghanda, pero mas marami ang pagkakataong binibigla niya tayo sa giyera sa mga panahong alam niya na hindi matibay ang ating mga armas o kahit ang ating kalasag. Naiiwan na lang tayo sa kawalan na nagtataka kung bakit niya tayo minamaltrato nang ganito na dumarating sa puntong pati ang ating pananampalataya ay nakukwestiyon na rin natin. Ngunit kung pagninilay-nilayang mabuti, ang mga pagsubok – parusa man yan o ligaya – ay mga sangkap ng makabuluhang buhay, lalo pa kung tayo ay inihahanda sa tulay patungo sa direksyong maaaring gusto ng tadhana para sa atin.
Alam kong hindi ako nag-iisa sa mga halos nabaliw sa taong 2017. Ito ang sa gunita ko’y maituturing na pinaka-“unpredictable” na taon ng aking magulong buhay. Kumbaga sa teleserye, ito ay katumbas ng limang taong pagko-kontrabida ni Gladys Reyes kay Judy Ann Santos sa Mara Clara! (Cheers sa mga batang 90s! Haha!) Pero pwera biro, sinagad ng taong ito ang lahat sa pagkatao ko. Naging sobrang laya ng mga pagkakataon para tadyakan ako, kilitiin ako, sampalin ako, patawanin ako, bigyan ng masarap na masahe, bigyan ng mabigat na krus, ibaon sa purgatoryo at iangat sa mundo.
Pinaranas sa akin ng 2017 ang sa palagay ko’y pinakadulo ng bawat ng dulo ng aking emosyon – ang mga pinakamasaya at pinakamalungkot sa akin sa ngayon. Ngunit sa araw na ito, sa pagtatapos ng 2017, habang binabalik ang bawat alaala, napagtanto kong ang lahat ng ito ay paghahanda sa mga bagay-bagay na pwede pang mangyari, lalong lalo na’t tutuntong na ako sa aking ika-tatlumpung taon bilang Romel Leal Santiago sa buhay na ito. At habang ginugunita ang mga ito, ang tangi kong magagawa upang tuldukan ang masaya, masalimuot, malungkot, mapanghamon at mabiyayang taon na ito ay ang MAGPASALAMAT.
Sa pagsasara ng 2017, hayaan ninyo akong ibigay ang aking tatlumpung pasasalamat bago tuluyang humakbang ang inyong lingkod patungong trenta:
I.
MARAMING SALAMAT sa mga bagong lugar na napuntahan: Mariveles, Lipa, Sto. Tomas, Laiya, La Union, Iba, Botolan, Legazpi, Naga. Bawat tanawin ay may mga alaalang nag-iwan ng marka ng aral at damdaming napakasarap balik-balikan.
II.
MARAMING SALAMAT sa mga talentong ipinahiram sa akin upang makatulong sa mga taong nangangailangan nito. Lagi akong handang ialok ang mga ito nang walang anumang kapalit, lalo pa kung ito ay para sa bayan.
III.
MARAMING SALAMAT sa isa sa pinakapaborito kong gawin – ang pagkuha ng litrato. Ano pa man ang gamit ko para mailagay bilang larawan, masaya akong ipinagkaloob sa akin ang ganitong kakayahan upang ipakita sa lahat kung paano ko nakikita ang mundo.
IV.
MARAMING SALAMAT sa mga pelikulang napanood ko at nagbigay sa akin ng napakaraming magagandang ideya. Special shoutout sa ANG LARAWAN dahil binalik niya ako sa mundong pakiramdam ko ay pinanggalingan ko bago ako napunta sa kasalukuyang daigdig.
V.
MARAMING SALAMAT sa mga librong binili ko at binasa ko. Mula sa mga kwento ng dakilang buhay ni Arsenic (Mayor Arsenio H. Lacson) at ni Ma’am Charo (Charo Santos-Concio) hanggang sa malalimang paliwanag ng liberalismo ni Leloy (Dr. Lisandro Claudio), binigyan nila ito ng mga panibagong gasolina para mas mahalin ang panitikang panlipunan. Marami pa akong hindi nababasa at sana’y mas marami na ang oras ko ng pagbabasa sa paparating na taon.
VI.
MARAMING SALAMAT sa mga idolong patuloy na minumulat ang aking isip at damdamin sa kanilang simple ngunit katangi-tanging paraan. Saludo sa inyo, Ms. Jover Laurio, Atty. Jesus Falcis, Miss Ethel de Borja, Ma’am Lualhati Bautista, Dr. Ambeth Ocampo, Prof. Roland Tolentino, Arch. Dunhill Villaruel, Arch. Joel Rico, Carlos Celdran, Prof. Danton Remoto, Atty. Kaye Malilong-Isberto, Atty. Marco Sardillo III, Dean Tony La Viña, Ms. Marian Roces at marami pang iba mula sa aking mundo sa social media hanggang sa tunay na mundong puno ng aral at realidad.
VII.
MARAMING SALAMAT sa mga kakaibang karanasan na nagdala sa akin ng sobrang saya at matinding takot. Nakakatawa lang na marami sa mga ito ang hinding hindi ko na uulitin. Hahaha!
VIII.
MARAMING SALAMAT kay Leonard Lim at sa lahat ng bumubuo ng TEDxXavierSchool 2017 sa pagpapaunlak sa aking maging special guest dito. Marami akong natutunan sa mga speaker ngayong taon at marami sa mga iyon ang baon ko na sa aking kamalayan habambuhay, kasama ng karanasan ko bilang speaker din dito noong 2016.
IX.
MARAMING SALAMAT sa anak-anakan kong si Dale Albores at sa mag-aaral at staff ng Far Eastern University Institute of Tourism and Hospitality Management sa pagkakataong maitampok ang short film naming “Hogar” sa 89th Foundation Day ng FEU noong January 20. Isa itong mahalagang sandali upang maipakalat pa rin ang adbokasiya ng pagbuhay ng Escolta sa mga kabataan.
X.
MARAMING SALAMAT sa Lopez Museum and Library sa pag-i-imbita sa akin noong May 27 para ibahagi yung mga nagawa namin sa Escolta. Isang karangalan ang makasama sa iisang pedestal ang mga tulad ng aking iniidolo sa pagka-positibo na si Arch. Dominic Galicia. Isa itong pangarap na inadyang matupad para sa pagmamahal natin sa Manila’s Queen of Streets.
XI.
MARAMING SALAMAT kay Bertha, ang dating pinakamatandang hippopothamus sa mundo. Malungkot pa rin ako sa iyong pagkawala pero hindi ko pa rin talaga inaasahan na ang pag-ibig ko sa’yo ang magdadala sa akin sa isang kakaibang biyaya. Sa simple’t maikling sandali ay naibahagi ko sa buong daigdig kung gaano ka kaimportante sa mga Manileño sa pamamagitan ng interview sa BBC World Radio Service noong July 11. Isang karangalan na makunan ka ng larawan at iyon ang ginamit ng ilan sa mga kilalang international news websites. Sa ganoong paraan man lang ay nakatulong ako itatak ka sa kamalayan ng mga nagmamahal sa’yo at sa mga tulad mong mahahalagang hayop sa kasaysayan ng ating planeta. Mananatili ka sa puso ko, Bertha.
XII.
MARAMING SALAMAT sa mga patong-patong na trabaho. Teka, nagkakamali kayo, hindi ako magrereklamo. Hahaha! Mapa-opisina man o sa adbokasiya, ang mga trabahong ginagapang ko ang patuloy na nagbibigay sa akin ng dahilan para laging matuto. Ang lipunan ay isang malaking pamantasan at ako ay estudyante ng buhay. Mangyaring nakakapagturo ako ng mga bagay-bagay sa iba ngunit mas mainam pa rin na magpatuloy na magtuklas, sumubok, patuloy na magkamali at patuloy na matuto upang sa susunod ay maging mas matagumpay. Oo, hindi rin talaga masaya ang tambak na gawain, pero bilang lingkod bayan, hindi dapat tayo mahinto sa pagkatuto sa pamamagitan ng mga ito.
XIII.
MARAMING SALAMAT sa lahat ng tao, grupo at mga pangyayaring nagtulak kay Konsehal Niño dela Cruz na ihain ang Pride Ordinance of Manila o ang Draft Ordinance No. 7832. Masyado nang huli ang Maynila para sa isang anti-discrimination ordinance ngunit hindi ibig sabihin nito na hindi na siya dapat ihabol. Hindi pa ganoon kalayo ang narating ang D.O., pero naniniwala akong sa tulong ng mas maraming Manileño at mga naniniwala sa pagkakapantay-pantay sa Punong Kabisera, positibo akong nananalig na magtatagumpay ang Pride Ordinance of Manila sa papasok na taon.
XIV.
MARAMING SALAMAT sa pagkakataong maging opisyal na “dilawan”. Isang pambihirang oportunidad ang maging “enemy of the state” tulad ng mga binabansag ng mga saradong utak na mga ka-DDS. Kung ang pagiging vocal sa mga bagay-bagay, positibo man o negatibo sa mga nangyayari sa ating bansa ngayon, at pagiging contributor ng mga malulusog na diskurso sa social media man o sa mga pisikal na diskusyon, proud akong maging dilawan.
XV.
MARAMING SALAMAT sa pagiging parte ng Millenials PH. Ito ang pinakamalaking bonus ng buhay ko ngayong 2017 bilang youth leader. Hindi biro ang maging bahagi ng isang nationwide youth organization kaya noong mas bata pa ako, hindi ko piniling sumali sa mga malalaking grupo. Pero nagbiro ang tadhana bago matapos ang 2017 dahil may kung anong humila sa akin para manatili rito. Maaaring isipin na baka dahil sa connections, pero sa dalawang buwan ko sa MPH, hindi kuneksyon ang nakuha ko kundi mga kaibigan. Sila ang mga kapatid sa adbokasiya na nagpapamukha sa akin na hindi natin dapat sukuan ang mga kabataan.
XVI.
MARAMING SALAMAT sa pagkakataong maging produktibong alagad ng aking Simbahan sa pamamagitan ng pagiging lector/commentator sa makasaysayang Minor Basilica of San Lorenzo Ruiz de Manila o mas kilala bilang Binondo Church. Tunay ngang ang pagsisilbi sa Tahanan ng Panginoon at ng Ina ng Santisimo Rosaryo at ang kinalakihang parokya ni San Lorenzo Ruiz ay nakapaghatid ng mga hindi mabilang na sorpresa at biyaya. Sabi nga ng Lumang Tipan: “Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Diyos at higit na matalas ito kaysa sa alin mang tabak na may dalawang talim. Bumabaon ito hanggang sa ikapaghihiwalay ng kaluluwa at ng espiritu at ng kasu-kasuan at utak ng buto. Nakakatalos ito ng mga pag-iisip at mga saloobin ng puso. At walang anumang nilikha ang makakapagkubli ng kaniyang mga gawa sa paningin ng Diyos. Ang lahat ay lantad at hayag sa kaniyang mga mata. At tayo ay magbibigay-sulit sa kaniya. (Hebreo 4:12-13)
XVII
MARAMING SALAMAT sa Out-Patient Department ng Metropolitan Medical Center sa ilang buwan na pagbibigay ng atensyon sa noo’y namamagang kaliwang paa ng nanay ko. Sa kabila ng sakit na naramdaman niya noon, binibigyan nyo ng dahilan ng nanay ko na hindi matakot bumalik sa inyo. Salamat sa mga tawanan at pagkalinga, hindi lang sa nanay ko kung pati na rin sa akin na umaakay sa kanya papunta sa inyo. Nakakalungkot na hindi na kami nakapagpaalam bago kami lumipat ng ospital kaya ipinapasa-Diyos ko na lang ang pasasalamat ko sa inyong lahat.
XVIII
MARAMING SALAMAT sa mga doktor at nurse ng Payward II ng Jose Reyes Memorial Medical Center. Nananatili kami sa Room 4214 sa humigit dalawang linggo dahil sa pag-aasikaso ninyo, pakiramdam namin ay nasa bahay lang kami. Hindi ko makakalimutan ang mga tawanan, kaunting kwentuhan at kalinga sa nanay ko, lalo na sa mga pinakamasakit na yugto ng kanyang buhay. Lubos ang pasasalamat ng aming pamilya sa inyo. Kayo ang buhay kong patunay na may pag-asa pang gumanda ang healthcare system ng mga ospital ng gobyerno sa buong Pilipinas. Pagpalain kayo ng Diyos.
XIX
MARAMING SALAMAT sa mga kaibigan na walang sawang nakakaalala sa kabila ng pagkaabala sa trabaho, eskwela at ano pang mga trip natin sa buhay. Gayundin sa mga bagong kaibigan na alam ko’y magkakaroon pa ng malaking parte sa buhay ko sa paparating na taon. Kilala nyo na po kung sino-sino kayo.
XX.
MARAMING SALAMAT sa Team NDC! Mapanubok ang 2017 sa ating opisina pero patuloy pa rin tayong naging masaya at kapaki-pakinabang para sa ating mga pinaglilingkuran. Ngayong dumami na ulit tayo, makatulong pa sana tayo nang mas malaki sa buong Maynila sa gabay at pangunguna ng ating Konsehal Niño.
XXI.
MARAMING SALAMAT sa lahat ng mga bagong kaibigan sa Binondo Church, lalo na sa aking mga magulang at gabay sa pananampalataya na sina Achi Diana Lee, Sister Beth Ngo, Sister Connie You, Kuya Gleo, Ate Joy, Ate Tina, Kuya Zards, Tatay Johnny at lahat ng aming mga padre sa pangunguna ng aming Kura Paroko na si Rev. Fr. Andy Ortega Lim. Gayundin ang mga sakristan naming sina Jhomarie Genita at Joshua Austria na naging nakababata kong kapatid sa pananampalataya. Special mention siyempre sa mga sister ate ko na sina Ate Missy Villaruel at Ma’am Beck (o Ate Che minsan) dela Cruz na mga guardian angel ko sa mga gawain ko sa simbahan. Masaya ako na pare-pareho kaming pinagpapala sa pamamagitan ng mga nakapagpapagaling na Habilin at mga Salita. Salamat sa Diyos!
XXII.
MARAMING SALAMAT sa mga kaibigang nabuo dahil sa pagsusulat – ang aking pamilyang binuo ng Ang Pamantasan. Napakaraming nangyari pero naniniwala akong pinagbuklod tayo ng pagkakataon para damayan ang isa’t isa sa lungkot at saya. Hinihintay ko ang panahong makukumpleto tayo ulit. Group hug tayo: Meng Lontayao, Diane Daseco, Kevin-Milner de Vera, Ran Perez, Che Aggabao, Macky Macarayan, Ei Chinte at sa mga honorary member na sina Ma’am Neriz Gabelo at Ma’am Ludz Labagnoy!
XXIII.
MARAMING SALAMAT sa isang taong kahit malayo ay hindi nakakalimot na maging anghel sa akin. May konting pagbabago man sa setup natin bago matapos ang 2017, nariyan ka pa rin para manindigan sa nabuo nating pagkakaibigan. Dear T, kampay para sa partidong walang tayo! Mahal na mahal kita mula Maynila pa-Mactan!
XXIV.
MARAMING SALAMAT sa Partido Liberal. Isang karangalan ang maging bahagi ng samahang naniniwala sa kalayaang may kaakibat na pagkakapantay-pantay, paggalang sa karapatang pantao at pagtatanggol sa mga nagigipit sa kumplikadong sistema ng lipunan at gobyerno. Bata pa lang ay alam ko nang Liberal ako kaya ang petsang November 7, 2017 ay hindi ko malilimutan dahil ito ang araw na nanumpa akong maninindigan sa ideolohiya ng liberalismo at nanumpang magiging marangal na miyembro ng tunay na partido ng Pilipino. #LiberalAko
XXV.
MARAMING SALAMAT sa mga bagong maaasahang kaibigan sa Millenials PH at LP Youth, lalong lalo na sa inyo: Jeffrey Reyes, Rizza Duro, Pipay Abuzo, Rio Iwasaki, David Renn Santos, Harvey Padilla, Marjon Fenis, Alex Salgado, Nathan Figueroa, Peter Manuel, Calvin Aquino, AR Angcos, Mito Tañada at JP delas Nieves. Gayundin sa mga gabay naming sina Ms. Rache Gillego, Sir Noriel Cabanela at Ice Cruz na naging posible para pagbuklod-buklurin ang aming mga puso para sa iisang prinsipyadong samahan at iisang damdaming makabayan.
XXVI.
MARAMING SALAMAT sa pinakahinahangaan kong mga pinuno: ang aking boss na si Konsehal Niño dela Cruz at ang nanay ng ating bansa na si Vice President Leni Robredo. Sila ang dalawang maningning na bituin sa aking langit na nagpapaalala na ang lider ay hindi isang panginoong nakalutang sa langit kundi isang manggagawang nadudungisan ng putik ang paa at lumalakad sa laylayan kasama ng mamamayan. Sila rin ang laging nagpapaalala sa akin na ang kababaang-loob ay isang karakter na mahalaga at kinakailangan upang maging epektibo ang isang pamumuno. Mataas na saludo para po sa inyo! Pagpalain po kayo ng Pinakadakilang Pinuno ng Sangkatauhan!
XXVII.
MARAMING SALAMAT sa aking sintang siyudad – ang Lungsod ng Maynila. Dear Manila, isa ka sa mga pinakaunang dahilan kung bakit ako patuloy na naglalaan ng pawis, dugo, laway at oras sa mga ginagawa ko. Marami pang dapat gawin para maipakita sa kanila na ikaw ang tunay at nararapat na pangunahing lungsod kaya hindi ako mapapagod na gawin ang makakaya ko para ipaglaban ka at ipagmalaki ka. Mahal kita, aking Maynila.
XVIII.
MARAMING SALAMAT sa aking pamilya. Walang salita ang pwedeng maglarawan ng mga nangyari ngayong taong ito, ngunit naririto tayo at pinapatunayang sa kabila ng bagyo ng buhay, nakatindig pa rin tayo at nagpapatuloy ng buhay. At kung may tinatangi man akong idolo sa buong buhay ko, ito ay ang nanay ko – si Avelina Lanoria Leal Santiago – at ang kuya ko – si Prof. Rafael Leal Santiago, Jr. Malakas ako at kapaki-pakinabang sa buhay at bayan ko nang dahil sa kanilang dalawa. Kung may papuri mang inilaan sa aking mga ginagawa sa bayan, ito ay nararapat na ibigay sa kanilang dalawa na walang sawa akong iniintindi sa mga kabaliwan ko. Sila ang lakas at inspirasyon ko sa lahat ng ito. Gayundin ang namayapa kong tatay (Rafael B. Santiago, Sr.) at ang mga baby namin na kasama na niya (ang Japanese spitz namin na si Bruce at ang kuneho naming si Bunny) na patuloy sa paggabay sa aming pamilya at pati sa baby namin ngayon na si Bruce Liit mula sa Langit.
XXIX.
MARAMING SALAMAT sa mga tala ng aking buhay-pananampalataya – ang Patron ng Tundo na si Sto. Niño at ang Patron ng Binondo na si San Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong santo. Bukambibig ko na hindi ako mukhang relihiyoso pero ipinagmamalaki kong ang puso ko para sa Diyos ay mas malaki kaysa sa aking pagkatao dahil sa aking mga personal na patron. Patuloy po sana ang inyong panalangin at paggabay sa aking buhay ispiritwal, mahal kong Sto. Niño at San Lorenzo.
XXX.
MARAMING SALAMAT sa Iyo, Panginoong Hesukristo at Mahal na Inang Maria. Ang lahat ng sakit, tagumpay, pagsubok, paglalakbay at biyayang natanggap ko sa papatapos na taon ay inaalay ko sa Iyo. Sa ngayon, ang nais ko lang ay makapagbahagi ng biyaya ng pakikipagkaibigan, karunungan at paggabay sa iba, lalong lalo na sa aking Nanay na unti-unting binabalik ang sarili sa normal. Bigyan Mo po siya ng mas malakas na pangangatawan at isipan dahil kapag malakas siya, magiging malakas po ako. Lahat ng ito ay para sa pagpupuri sa karangalan Mo, aming Diyos. Amen.
Walang nakakaalam kung ano ang ibibigay sa atin ng 2018, tulad ng kung paano natin hinintay ang 2017. Sa kabila nito, sa pagdating ng bagong araw para sa ating lahat, manatili nawa tayong positibo sa ating pananaw sa buhay. Sa kaso ko, wala na akong hangad para sa aking sarili dahil noon pa man, pakiramdam ko’y nakamit ko na ang katuparan ng aking buhay. Ang makaabot sa aking ika-tatlumpung taon ay isang malaking pagpapala bilang lingkod ng Panginoon at ng ating bayan. Kung ito man ang gustong patunguhan sa akin ng tadhana, patuloy akong magsisilbi upang maging biyaya naman sa iba.
Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2018!