Wala Na Ba Talaga ang Diwa ng EDSA?

2015-category-title-tambuli copy2021-AURORA-02-EDSA

Aalalahanin ng bansa at maging ng buong mundo ang makasaysayang EDSA People Power Revolution. 35 taon na ang nakararaan ay napatalsik ng pinagsama-samang panalangin, paninindigan at pagkamakabayan ang diktaduryang nanamantala sa kahinaan ng ating demokrasya. Sa araw na iyon ay sabay-sabay na lumingon ang sangkatauhan sa kagila-gilalas na pagkakaisa ng maraming Pilipino upang ibalik sa bansa ang kalayaan, katarungan at tunay na kapayapaan.

Buhay ang mga alaala ng EDSA, pero sa panahong madali na tayong makalimot sa mga tama at mali sa ating kasaysayan, dekorasyon na lamang ang mga bantayog, mga patotoo at mga aral na dapat ay nanuot na sa bawat ugat sa sistema ng ating pamahalaan. Sinasabi ng marami na ang resulta ng People Power ay mas malalang paghihirap, mas malawak na gap sa pagitan ng mayayaman at mga dukha o mas talamak na korapsyon sa burukrasya. Para bang nagpalayas tayo ng iilang gahaman para palitan ng mas maraming kawatan.

May iniwang pangako ang EDSA at ito ay yung mga tinatawag nating diwa – mga pagkakamaling hindi lang basta-basta dapat limutin kundi mga pangyayaring dapat paghugutan ng karunungan. Ang mga kaalamang ito ay siya nawa nating magagamit upang manaig ang tama sa bawat maliliit na hakbang palayo sa malalim na nakaraan sa kamay ng rehimeng Marcos.

May napulot ang daigdig sa diwa ng EDSA. Nanganak ito ng maraming rebolusyon sa iba’t ibang lupalop kung saan tumindig ang mamamayan sa kani-kanilang mga diktador at nagwaksi sa paniniil ng mga abusado. EDSA ang naging inspirasyon nila at lahat ng ito’y nagbunga ng bagong hangin ng demokrasya sa maraming bansa.

Dito sa Pilipinas, maraming naniniwalang namamatay na ang diwa ng EDSA. Unti-unting nakakabalik ang mga taong minsang naging bahagi ng madilim na yugtong ito sa ating kasaysayan. May mga taong nilunod ng magagandang bagay para makalimot sa kademonyohan sa likod ng mga ito. Binabaliktad ng mga tinahi-tahing mito ang katotohanan para pabanguhin ang pangalan ng nabubulok na buto ni Ferdinand Edralin Marcos, ang naaagnas na balat sa likod ng foundation ni Imelda Romualdez Marcos at mga anak niyang nagmana ng kasinungalingan, pagkasakim at mataas na tingin sa sarili ng kanilang mga magulang. Wala nang pakialam ang ilang kabataan sa idinulot sa atin ng Martial Law at ng Bagong Lipunan, at ang gusto ay umusad na lamang na parang walang nangyari sa bawat ina, ama, anak, kaibigan, kasintahan o asawang pinatay, ikinulong, ginipit at pinatahimik ng diktadurya.

Maaaring natatabunan na ng mga alikabok ng nakaraan ang diwa ng EDSA, pero talaga bang ito’y malapit nang mabura?

Sa nakalipas na limang taon, maraming pagkakataon nang gustong baluktutin ng mga loyalista at troll ang matayog na kontribusyon ng People Power sa ating bansa. Pero kada taon mula 2016, walang dudang maraming tao na rin ang namumulat sa pagkakamaling dinulot ng populismo ni Duterte at ng pagkiling niya sa paniniwalang bayani si Marcos. Bagaman pinipilit na walang makita ang mga minsa’y naniwala sa aral ng EDSA, patuloy na binibigyang-liwanag ng mga nagigising sa katotohanang hindi ito ang gusto ng mga diwa ng EDSA para sa ating bayan. Na hindi ang diwa ng EDSA ang may kasalanan kundi tayong pinili na talikuran ang tagumpay ng People Power para sa kasalukuyang puro kabastusan, kayabangan at katatawanan ang inaatupag.

Buhay ang diwa ng EDSA kahit pa pilit itong binabastos ng mga hindi naniniwala sa kanya. Marupok ang demokrasya pero pinatunayan ng People Power na tayo mismo ang magtatanggol sa kanya gamit ang mga leksyong natutunan natin sa kanya. Mamamatay ang diwa ng EDSA kung papatayin natin ang panalangin, pagtitiyaga at paglaban para manatiling buhay ang demokrasya.

Mananatiling buhay ang diwa ng EDSA, at ngayong ika-35 anibersaryo nito, alalahanin natin na tayo dapat mismo ang magdala ng pagbabago habang niyayakap ang regalong mas makataong lipunan para sa atin at sa susunod na salinlahi ng ating bayan.

#EDSA35

 

2020-headline-feature-fb-aurora-10-cropped.png

Banta Sa Akin Ay Kadiliman: Isang Pananaw sa Cybercrime Prevention Act of 2012

Nailathala ang artikulong ito sa unang oras ng pagpapatupad ng Cybercrime Prevention Act of 2012 o ang Batas Republika Blg. 10175. Hindi ko masasabing buo ang aking pagtutol sa nasabing batas sa kabila ng pagiging isang malayang manunulat gamit ang worldwide web. Pero aaminin ko, kinakabahan ako at di maiwasang mapaisip sa pwedeng mangyari.

Ang ama ko ay ipinanganak sa taong unti-unting lumalaya ang Pilipinas sa kamay ng mga Hapon, hudyat ng nalalapit na pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang ina ko nama’y ipinanganak sa taong unti-unti nang bumabangon ang bansa sa pagkawasak at unti-unting pagtataguyod ng kalayaang hiwalay sa pamamahala ng Amerika. Ang aking panganay na kapatid ay ipinanganak noong taong nag-uumpisa na ang pakikibaka ng iilan sa nagsisimula nang rehimen ni Pangulong Ferdinand Marcos, ang tinatawag nilang First Quarter Storm. Ilang buwan bago ipatupad ang Martial Law ay ipinanganak ang aking ikalawang panganay na kapatid. Ang ikatlo kong kapatid ay ipinanganak sa panahong masasabing unti-unti nang niyayakap ng marami ang disiplina ng Batas Militar tungo sa Bagong Lipunan. Halos eksaktong dalawang taon pagkatapos ang makasaysayang EDSA People Power Revolution ay ipinanganak ang inyong lingkod, ang nagsusulat ng artikulong ito.

Lumaki ako sa lipunan at kaisipan kung saan ang demokrasya ng bansa ay masayang dinadama ng mga Pilipino. Unang natuto ng mga aral ng kasaysayan sa kwento ng aking mga magulang at mga kapatid, at nagmulat sa akin na gamitin sa produktibong pamamaraan ang kalayaang tinatamasa ko. Heto ako ngayon, malayang nakakapaglahad ng aking saloobin sa ating lipunan. Isang simpleng Pilipinong dinadaan sa makabagong sistema ng pagbabahagi ng impormasyon ang mga karanasan ko sa buhay, masama man o mabuti. Isang payak na manunulat na tinatanggap ang papuri’t kritisismo ng mga taong nakakabasa ng aking mga sinusulat, at pinakikinggan ang kanilang opinyon ukol sa mga paksang nilalahad ng aking artikulo. Hindi man sikat ang aking blog site ay napatunayan kong may ilang bumabasa rito (ang ilan ay mga kaibigan) ang nagiging apektado sa aking mga tala, puno man ng kasiyahan o nalulunod sa poot. Ang maganda rito’y positibo ang pagtanggap nila sa mga ito at mas natutuwa akong marinig sa kanila na may naitutulong ako sa paghahatid sa kanila ng kaalaman.

Sa una’y hindi ako nabahala sa napapabalitang pagsasabatas ng Cybercrime Prevention Act of 2012, na noo’y hinahain pa sa Kongreso bilang Senate Bill No. 2796 at House Bill No. 5808. Ang alam ng karamihan ay isa itong batas na magpapalawig ng parusa sa mga nakakaganap na krimen sa loob ng worldwide web o gamit ang Internet. Ngunit sumingaw ang mga butas nito nang pirmahan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bilang batas ang nasabing panukala. Ilang oras bago mailathala ang artikulong ito’y lalong dumami ang Pinoy Internet users na tumuligsa at kumondena sa Anti-Cybercrime Law dahil sa mga probisyong hahadlang sa ating kalayaan sa pamamahayag. Marami ang nagsasabing kinikitil ni Pangulong Aquino ang kalayaang minsang pinaglaban ng kanyang mga magulang na sina dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino. Dito na ako nabahala nang kaunti.

Tulad ng aking mga sinabi, malaya akong nakakapagsulat dahil sa ganitong paraan ay nae-exercise ko ang kalayaan sa pamamahayag. Hindi naiwan sa pagiging campus journalist noong college ang pagsusulat kaya naging bahagi na ito ng aking buhay sa pamamagitan ng Aurora Metropolis. Pero tila nagiging horror movie ko ang batas na ito sa ilang mga kadahilanan. Tila nagkaroon ng limitasyon ang mga paksang dapat kong sulatin. Hindi ako ang tipong brutal sa salita kapag naglalabas ng sama ng loob sa pamahalaan, bagkus, tinitipa ko ito sa magaan ngunit malinaw na pagpapaliwanag. Magkagayunman, masyadong vague o kalat ang pakahulugan ng Anti-Cybercrime Law na maaaring magbigay ng maling interpretasyon dito. Kahit pa nasa napakamabait na anyo ng artikulo ang aking isulat ay maaaring makasuhan pa ako ng libel dahil sa nilahad ko lang ang alam kong tama o nararapat.

Konti lang ang takot ko sa bagay na ito dahil kaya kong manindigan para sa mga sinusulat ko. Ang malaking takot ko lang ay ang ginagawa nitong impact sa lipunang aking ginagalawan na maaaring magdulot ng anarkiya. Ang pagha-hack ng Anonymous Philippines sa mga website ng pamahalaan ay parang sa pelikulang V For Vendetta lang dati kong napapanood. At sa nangyayaring hidwaang ito, hindi imposible ang mga ganoong eksena sa ating pulitika at bansa sa kabuuan.

Umaandar na ang orasan ng sinasabing isang panibagong banta sa ating kalayaan. Tanging oras na lang ulit ang makapagsasabi sa kapalaran ng Pilipinas sa pagpapatupad ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

Pansamantala, ang araw na ito’y magdidilim ang Internet community ng Pilipinas.