FAST POST #30: Bonifacio – Ang Tunay Na Unang Pangulo Ng Pilipinas

Isang paggunita ng Aurora Metropolis sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio ngayong buwan ng Nobyembre. Siya ang ama ng Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, ang pinuno ng Haring Bayang Katagalugan at dakilang anak ng Tundo at Maynila. Hindi ito malalim na pagtunghay sa kanyang buhay pero sa pamamagitan ng artikulong ito, nais nitong maging pangmulat sa mga mambabasa at sa mga kinauukulan na ibigay sa kanya ang pinaka-akmang pagkilala.

Ang karapat-dapat na titulo para sa isang dakilang bayaning Manilenyo.

Ang karapat-dapat na titulo para sa isang dakilang bayaning Manilenyo.

Noong nakaraang taon ay binigyan ko ng panahon na panoorin ang pelikulang “El Presidente” kung saan tinampok ang talambuhay ni Heneral Emilio Aguinaldo. Pinagbibidahan ng aktor at pulitikong si E.R. Ejercito, tinalakay nito ang sinasabing ilan sa mga bahagi ng buhay ng dating Pangulo na hindi naibahagi sa anumang aklat ng kasaysayan. Dagdag pa nito ang pagpapalawig ng ilang pangyayari na nagresulta sa unang pagwawagayway ng watawat sa Kawit — ang hudyat umano na malaya na ang bansa mula sa mahigit tatlong-daang taong pananakop ng mga Kastila.

Unang-una sa lahat, hindi ko kinakailang may pag-aalinlangan ako kay Aguinaldo bilang unang pangulo ng Pilipinas, at nang matapos kong mapanood ang nasabing pelikula (salamat sa magaling na pagganap ni G. Cesar Montano at sa pagpapalabas dito na napakasama ni Andres Bonifacio), mas napatunayan kong hindi talaga si Aguinaldo ang dapat kilalanin bilang kauna-unahang presidente na totoong nagbigay-daan sa kasarinlan ng Pilipinas.

Sinulat ko ang artikulong ito hindi dahil ayaw ko kay Aguinaldo o dahil sa nagmamarunong lang ako, o hindi kaya’y Manilenyo ako’t si Bonifacio ang tinitingalang pambansang bayaning kumakatawan sa aming lungsod. Inihahayag ko ang pananaw na ito dahil mismong mga pahina ng kasaysayan ang nagtuturo sa kanya bilang totoong mitsa kung bakit naging malaya ang bansa sa kamay ng Espanya.

Si Andres Bonifacio y de Castro ay isang tipikal na batang Tundo, lumaki sa pamilyang may normal na pamumuhay, nangulila’t natutong magtrabaho para sa sarili at para sa kanyang mga kapatid. Hindi siya nawalan ng pagkakataon upang paunlarin ang kaalaman at matuto base sa mga karanasan. Humakbang siya sa mundo ng mga intelektuwal upang ikarangal na hindi hadlang ang kahirapan sa pagkamit ng personal na kagalingan at pagmamahal sa bayan. May mga tutol man sa paggamit niya ng dahas, ang mga digmaang kanyang inorganisa ay hindi lang basta karahasang walang saysay kundi paghihiganti para sa ating mga ninunong biktima ng kalupitan ng mga dayuhan. Kinuwestiyon man ng mga kinilalang “lider ng rebolusyon” ang kanyang kakayahan bilang pinuno, pinatunayan niyang isa siyang totoong tao na nagagalit kapag may tinututulan at nanindigan sa alam niyang tama para sa lahat. Nagtapos man ang kanyang buhay sa gitna ng pagnanais na lumaya ang bayan, isa siya sa mga naging pangunahing susi ng mga tunay na makabayan upang ituloy ang krusada ng kasarinlan, hindi lang noong panahon ng Kasila kundi pati noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano, Hapon at ang patuloy nating pakikipaglaban sa mga kasalukuyang kanser ng Pilipinas.

Sa kabila ng kakulangan sa mga pisikal na patunay, nagpapatuloy naman ang ilang tagapagsaliksik ng kasaysayan at maging mga tagasuporta sa sektor ng kabataan upang mismong ang mga datos na hawak ng mga historyador ang magpapatatag sa pagkilalang ito kay Bonifacio. Siguro’y hindi siya karapat-dapat para sa titulong pambansang bayani na iniatang kay Gat. Jose Rizal dahil sa mga kakulangang ito. Magkagayunman at kung tutuusin, sa mga katangian pa lang niya na idinedetalye sa mga kasulatan ay mga mismong ebidensya na ng kanyang katapangan at kagalingan bilang lider. Bukod kay Rizal at La Liga Filipina, si Bonifacio lang ang nagkaroon ng lakas ng loob upang magtatag ng pambansang kilusang aktibo para sa kalayaan sa pamamagitan ng Katipunan, ang samahang naging umpisa ng kauna-unahang pamahalaang buong pinapatakbo ng mga Pilipino.

Walang duda na siya ang tunay na nagma-mayari ng nasabing titulo. Maaaring hindi pa kumbinsido ang marami tungkol dito, ngunit naniniwala akong darating ang panahon na papanig ang tadhana sa totoong karapat-dapat… at ito’y nagsimula sa ating pambansang pagdiriwang ng kanyang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan. Isang dakilang kapanganakan ng isang bayaning handog ng Maykapal para sa ating bayan.

Mabuhay ka, His Excellency, Andres de Castro Bonifacio, ang tunay na El Presidente, ang unang pangulo ng Pilipinas!

Si Kevin Cosme At Ako: Pagsaludo Ng Aking Henerasyon Kay Dolphy

(Habang tinitipa ang artikulong ito’y naaninagan ko sa aking news feed sa Facebook na muling nakararanas ng pneumonia ang King of Comedy na si Dolphy na ilang araw na ring nananatili sa ospital dahil sa kanyang matagal nang sakit.)

[Lumaki ako sa panahong si Kevin Cosme ang solidong imahe ng napakraming tatay sa lipunang Pilipino. Biro man sa aking nakagisnang kamusmusan ang taguring “Baldo”, sa paraang iyon ay para ko na ring naging tatay si Mang Dolphy, at sa nangyayari ngayon sa kanya, naroon rin ang takot at pag-aalala na anumang oras mula ngayon ay mawawala na sa aming piling ang aking tatay, ang tatay ng henerasyong kinalakhan ko.]

***

Sino ba sa hindi nakakaalala ng sitcom na “Home Along da Riles” sa ABS-CBN Channel 2? Walang sinuman ang makakalimot sa programang ito, lalong-lalo na ang tulad kong namulat sa kasikatan ng telebisyon noong dekada ’90.

Dahil sa palabas na ito’y nagpatuloy ang pagiging simbolo ni Dolphy bilang ama, mula kay John H. Puruntong sa longest-running sitcom na “John En Marsha” hanggang sa  tumawid sa katauhan ni Kevin Cosme. Isa ito sa mga di-mapapantayang programa sa nabanggit na dekada na nagpatatag ng kanyang estado bilang Hari ng Komedya sa Pilipinas. Higit pa roon, halos lahat ng nag-umpisang magkaisip nang panahong iyon ay tinuring si Kevin Cosme bilang kanilang pangalawang tatay… at kasama ako sa mga iyon.

Sa aming pamilya’y walang Huwebes ng gabi na nilagpasan namin ang istorya nito. Sa kasagsagan ng kasikatan ng “Home Along da Riles” ay sumikat din si “Baldo”, ang bunsong anak ni Kevin Cosme na ginampanan ng noo’y matabang bata na si Vandolph Quizon (anak ni Mang Dolphy kay Vanessa Laxamana na kilala bilang si Alma Moreno) , Sobrang taba ko noon (kahit hanggang ngayon) at pareho pa kami ng buhok ni Vandolph kaya’t ang biro sa akin ng lahat ay “Baldo”. Nakasanayan ko iyon dahil sa tuwing manonood kami ng “Home Along” at ipapakita si Baldo ay sa akin sila tumitingin at tumatawa. Nakakainis talaga pero napagtanto ko namang totoo iyon. “Anak ni Kevin Cosme” ang isa sa naging bansag sa akin noon ayon sa aking pagkakatanda, kaya’t minsan ay parang feel ko na anak talaga ako ni Mang Kevin.

Lumaki ako sa panahong si Kevin Cosme ang solidong imahe ng napakraming tatay sa lipunang Pilipino. Biro man sa aking nakagisnang kamusmusan ang taguring “Baldo”, sa paraang iyon ay para ko na ring naging tatay si Mang Dolphy, at sa nangyayari ngayon sa kanya, naroon rin ang takot at pag-aalala na anumang oras mula ngayon ay mawawala na sa aming piling ang aking tatay, ang tatay ng henerasyong kinalakhan ko.

Kung ako ang tatanungin ay hindi magiging kasing-saya ang telebisyon at pelikula ng dekada ’90 kung wala si Mang Dolphy. Isa siya sa mga dahilan para tumawa ang mga Pilipino sa mga panahong iyon kaya’t hindi maitatangging malaki ang naging impluwensiya niya sa mga kasing-edad ko ngayon. Ang kalagayan ngayon ni Mang Dolphy ay masasabi nating “given” na dahil na rin sa palagi niyang pagkakasakit at pagtanda. Pero pilit niyang ikinukubli ito sa mga nakaraang taong patuloy pa rin siyang nagtatrabaho para sa industriya.

Naging bulalas din ng napakaraming mamamayan ang panawagang gawin nang Pambansang Alagad Ng Sining si Mang Dolphy habang siya ay nasa piling pa rin natin. Bagama’t nakatanggap na siya ng maraming makasaysayang pagkilala ay iba pa rin ang pagkilalang binibigay ng larangan ng sining at ng pamahalaang Pilipinas sa mga taong tulad ni Mang Dolphy na nag-ambag ng gabundok na impluwensiya at tuwa sa napakaraming henerasyon ng mga Pilipino. Malamig pa rin ang tugon ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ukol dito kaya’t marami ang nalulungkot sa pahayag na ito ng ahensiya.

Sa kabila nito, hindi man siya magawaran ng National Artist award ay tayo na mismo ang nagluklok sa kanya sa ganitong pedestal. Maaaring pormalidad lang ang pagsusuot ng medalya ng pagiging National Artist, pero tulad ni Jose Rizal, si Dolphy ay isa nang National Artist kahit walang pormal na kasulatan. TAUMBAYAN NA MISMO ANG NAGGAGAWAD SA KANYA NITO.

Kahit minsan ay hindi ko nakausap, ni nakamayan man lang si Mang Dolphy kahit lagi ko siyang nakikita noon sa loob ng bakuran ng ABS-CBN. Pero kung bibigyan ng pagkakataon, gusto kong magpasalamat sa kanya bilang bata noon na kahawig ni Baldo na napatawa niya sa panonood ng “Home Along da Riles”. Gusto kong ibigay sa kanya ang gawad ng pagsaludo mula sa henerasyon ng dekada ’90. Gusto kong sabihin na ako, ang batang napagkakamalang si Baldo, ay nagpapasalamat kay Tatay Kevin sa pagiging mabuti’t responsableng ama sa kanyang mga anak na tagapagtangkilik ng telebisyong Pinoy.

Dumaan man ang tren at magiba man ang bahay mo dahil sa pagyugyog sa riles ay naririto kaming mga anak mo para ipanalangin ang iyong paggaling. Mahal ka ng Diyos, Mang Dolphy! Kaya mo yan, Tatay Kevin!

FAST POST: Si Father E

Marami ang nalungkot at nabigla sa pag-alis ni Father Erick Santos sa Parokya ng Sto. Niño sa Tundo nitong unang bahagi lamang ng taon. Ako man na hindi ganoong palasimba ay nanghinayang sa pagkawala ng minamahal na kura paroko na siyang nagmarka ng simbahan ng Tundo sa mapa ng pananampalataya ng Kalakhang Maynila at ng buong bansa. Siya lang ang bukod tanging pari na hindi ka hahayaang matulog habang pinapalawag sa masaya ngunit malamang sermon ang mga salita ng Diyos.

 

Noong Biyernes (08.19.11) ay ginanap ang values formation segment sa sinalihan kong programa para sa mga kabataan ng lungsod ng Maynila. Nakakagulat na makita si Father Erick at siya pang magiging panauhing tagapagsalita sa naturang bahagi ng programa. Hindi ko mapigilang mapangiti na makita siyang muli at makinig sa kanyang mga masasayang anekdota na nauugnay niya sa mga aral ng Katolisismo.

 

Sa mga taga-Tundo na naging tagahanga niya noong siya’y nasa ating parokya pa lang, masaya akong ipaalam na si Father Erick ay nasa mabuting kalagayan. Siya ngayo’y may tinatahak nang ibang landas sa Simbahan at sa media bilang si Father E sa isang Saturday evening show sa Tambayan 101.9 FM at sa isa sa mga bahagi ng Family Rosary Crusade show. Nararamdaman kong sa pamamagitan ko ay nais niyang ipaabot sa atin na miss na miss na niya ang Tundo at tayong mga naging kaparokya niya.

 

Hindi ako nabigong makapulot muli sa kanya ng mga mahahalagang salitang gagabay sa akin sa mga nalalabi pang panahon ng aking buhay, at gayundin sa mga nakinig sa kanya. Sana’y hindi ko lang ito guni-guni, pero alam ko, sa kanyang mga mata, ay nararamdaman kong natatandaan niya ako. Tulad ng sabi ko, hindi ako palasimba, ngunit kung magsisimba ako na siya ang nagmimisa, hindi pwedeng nasa likod o gitna lang ako ng simbahan. Dapat, lagi akong nasa harap at nakikita’t mas nararamdaman ng kanyang presensiya. At ilang beses na rin niya akong naispatan sa kanyang mga nakakaaliw na sermon.

 

Sa araw na muli ko siyang nakita ay labis akong nagpupuri sa Panginoon dahil nalaman kong nasa maganda siyang kinalalagyan at may mas makabuluhang misyon para sa ating pananampalataya.

 

MAHAL NA MAHAL KA NG MGA KATOLIKONG TAGA-TUNDO, FATHER E. HANGGANG SA MULING PAGKIKITA. 🙂

 

“Know yourself. Be yourself. Be your best self.”