

Normal sa tao ang mga “plot twist”, for better man o for worst. Pero may mga plot twist na nagpapabago nang tuluyan sa direksyon ng ating buhay. Again, there may be for better or for worst. May pagkakataong tinatanong natin kung bakit ito nangyayari sa atin, na sana ay bumalik na lang sa dati ang lahat. O hindi kaya’y bakit ngayon lang ito nangyari kung kailan wala nang dahilan para mangyari pa ito? Pwede ring matatanto mong nangyari ang mga bagay-bagay dahil deserve mo ito o sadyang pinagpala ka ng Diyos para mangyari ang mga ito.
Habang unti-unti tayong umaalis sa panahon ng pandemya, pihadong lahat tayo ay may mga hindi inaasahang plot twist ngayong 2022 na humuhulma sa hinaharap natin. Kasama na ako doon.
Ito ang pang-labintatlong Yearender ko. Life changing ang mga plot twist ko nitong patapos na taon dahil naganap ang extremes na pwedeng maranasan ng isang tao. At kung tatanungin mo ako habang sinusulat ko ito, sasabihin kong ang 2022 na ang pinakamahalagang taon ng buhay ko.
—
New Year Plot Twist
Pumasok ang 2022 na wala ako sa piling ng pamilya ko, wala ako sa Maynila at wala ako sa mga lugar na pamilyar sa akin. Kasama ang ilang dating kasamahan sa trabaho at mga naging bagong kakilala dahil sa joiner ay napadpad ako sa sikat na San Juan, La Union mula December 31, 2021 hanggang January 2. Sa dagat ko sumalubong ang bagong taon at first time kong nalasing, nagka-hangover at uminom sa beach ng January 1. Medyo late bloomer na ako sa experience na ito pero never too late din naman, lalo pag kayang-kaya ng budget ang ganitong mga ganap.
Campaign Plot Twist
Ang 2022 elections na yata ang pinakawirdong plot twist ng bansa natin so far. Memorable din sa akin ito dahil first time kong mag-active crossover ng kampanya ng mga pulitiko. Sa lokal, naging hybrid part ako ng campaign team ni Manila 1st District Councilor Niño dela Cruz para sa kanyang ikaapat na termino. Hindi man ako nakasama sa mga house-to-house o mga rally, nagpapasalamat ako na nakatulong ako para makabalik siya sa Konseho ng Maynila sa pinakamahalagang aspeto ng bawat kampanya: ang branding niya. Sa Senado, naging parte ako ng social media team ng campaign ni Idol Raffy Tulfo (oo, si Idol, gulat kayo no? Hahaha!) na nagdiin sa akin ng dalawa sa pinakamahalagang lesson bilang political comms practitioner: trabaho lang ang ipaniwala sa iba ang gusto nilang makita at hindi lahat ng idol ng bayan, pwedeng maging lider ng bayan.
Pero yung talagang pinaka-proud ako ay ang pagbo-volunteer ko sa presidential campaign ni Vice President Leni Robredo. Half of my 2022 was spent for this, sa maliit na paraan man o kahit sa mga pinakamasasayang bagay, at binago nito ang pagtingin ko sa Pilipino. Bukod sa maraming rally na napuntahan, mga artistang naging kakwentuhan at nadagdag na mga kaibigan, napag-isa ng kampanyang ito ang mga grupong bihirang nagkakasundo sa usaping pulitika. Dahil dito ay naging mas kumportable ang bawat isa kapag nagkikita-kita. Hindi alam kung kailan ulit mangyayari ang ganitong phenomena sa isang halalan kaya tunay kong ipinagmamalaki na nakasali ako sa pagpapaalala sa bawat isa na sa “gobyernong tapat, angat buhay lahat”.
Travel Plot Twist
Ang 2022 rin ang taon na nakabiyahe ako sa napakamaraming lugar at isa sa mga factor doon ay ang mga nasalihan kong kampanya. Ang iba pa rito ay nabalikan ko nang pangalawang beses pagkatapos ng election season: Albay (April, August), Baguio (May, November) at La Union (January, June).
2022 rin ang nagsimula ng mga pinakapaborito kong travel experience na sana’y maulit pa sa mga susunod na taon: ang first time kong makasakay ng private chartered plane papuntang Agusan noong May 5 at first time kong magbakasyon nang mag-isa sa Baguio noong November 1 hanggang 4.
Comeback Plot Twist
There’s no place like home. Pagkatapos ng eleksyon ay nabigyan ako ng pagkakataon na makabalik sa luklukan ng kapangyarihan sa Maynila. Ang akala ko noon ay mawawala na ako sa anino ng pulitika, pero may kakaibang tawag ang paglilingkod sa mga kapwa Manileño. Tulad ng dati ay katuwang ako ng tanggapan ni Konsehal Niño dela Cruz sa social media at sa mga tungkulin niya bilang mambabatas. Mas mapanghamon ang pulitika sa punong kabisera kaya dapat slow but sure ang level up ng trabaho.
Milestone Plot Twist
Isang biyaya at karangalan na mapagkatiwalaan ng isang mahalagang institusyon sa isang ‘legacy project”. Ang Book of Days ng Minor Basilica and National Shrine of San Lorenzo Ruiz ng Binondo ay isang ispesyal na organizer na matatago ng kahit sino habambuhay, ngunit higit sa gamit ito, tampok dito ang kasaysayan ng Simbahan ng Binondo at ang buhay ng ating unang Pilipinong santo na si San Lorenzo Ruiz.
At bago matapos ang 2022, inilabas ng Archdiocese of Manila ang kanilang 2023 Calendar kung saan biniyayaan tayo ng pagkilala bilang isa sa mga mukha ng paglilingkod para sa pananampalataya hango sa adbokasiya ng Simbahan na synodality. Bilang volunteer ng basilika ni San Lorenzo Ruiz, nakakataba ng puso ang simpleng parangal na ito hindi lang ng komunidad ng parokya ng Binondo kundi ng mas malaking Simbahan ng Panginoon sa Maynila.
Transfer Plot Twist
Sa loob ng dalawang taon ay naging aktibo ako sa mga gawain ng Binondo Church, pero niyanig ang Archdiocese of Manila ng total shuffle ng kaparian. Kasama na rito ang aming Kura Paroko na si Rev. Fr. Andy Ortega Lim na nalipat sa isa pang makasaysayang parokya ng Pandacan noong November 23. Sa kabila ng napakalaking misyon ng pagpapatayo ng simbahan matapos itong masunog noong 2020, nagdesisyon akong samahan ang tatay-tatayan namin sa pananampalataya para tumulong sa unti-unting pagbangon ng parokya.
Ilang buwan mula nang makalipat kami mula Binondo hanggang Pandacan ay nakita ko kung gaano kasigasig ng mga mananampalataya sa Parokya ng Sto. Niño. Nakakaganang maglingkod sa simbahang ito dahil aktibo sila sa mga gawaing simbahan, lalong lalo na ang mga kabataan na kapag may pagkakataon ay aking nagagabayan. Bilang taga-Tundo na lumaki sa piling ng Batang Hesus, nananalangin ako sa Kanya na patuloy Niya kaming bigyan ng sigla ng katawan at isipan upang palakasin pang lalo ang pananampalataya ng mga Pandaqueño.
Biggest Plot Twist
Sa kabila ng lahat ng plot twists ngayong taon, nangingibabaw sa akin ang pinakamalaking plot twist ng buong buhay ko, ang pagkamatay ng aking Nanay, si Avelina “Belen” Leal Santiago. November 11 ng umaga nang sumakabilang-buhay siya sa gitna ng pagkakahimbing. Masakit ito para sa akin dahil wala ako sa bahay sa mga huling sandali niya sa lupa. Ang kanyang pagpanaw ay tila simula ng aming pag-iisa sa mundo bilang kaming magkakapatid ay wala nang mga magulang.
Sa kabila niyon, lagi kong sinasabi na matagal na kaming hinanda ni Nanay sa buhay na wala sila sa piling namin. Masakit pa rin na hindi ko na siya nakikita o naririnig, pero sa bawat gawi ko, lagi siyang nasa gunita ko dahil siya ang isa sa mga bumuo sa kung anong pagkatao meron ako. Sa kahit anong plot twist ko sa mga susunod pang panahon, mananatili ang alaala niya para magabayan ako.
Mga Kasama sa Plot Twist
Masaya man o malungkot ang mga plot twist, nagpapasalamat pa rin ako sa lahat ng nakasama ko sa taong magwawakas.
Maraming salamat, Fr. Rudy, Jophet, Ate Beck, Noney, Ate Mhenmhen at sa lahat ng mga kasama namin sa kumbento at opisina ng Parokya ng Pandacan sa suporta sa ating malaki, mahirap pero makasaysayang misyon para sa Simbahan.
Maraming salamat, Achi Diana, Fr. Sigfred, Fr. Joaquim, Beshie Karl, Ate Joy, Ate Tina, Hazel, Kuya Kahoy at sa lahat ng mga malalapit sa atin sa Parokya ng Binondo dahil hindi tumitigil ang ating samahan at pagkakaibigan.
Maraming salamat, Sis. Flor, Kuya Ferdie, Joshua, Patrick at sa mga bagong kuya, ate, tito at tita sa Sto. Niño de Pandacan Parish na sobra-sobra ang pagsuporta para sa mahal naming simbahan. Sa tulong ninyo sa amin nina Fr. Andy, magiging mas mabilis at masigla ang pagbangon ng Pandacan. #BangonPandacan
Maraming salamat, Geil, Nica, Josh, Kevin, Rio, Monique, Ken, Shalom, Renee, Herzon, Ate Arlene, Livi, Savannah, Jeff, Ate Nini, at sa mga kaibigan kong hindi nakakalimot kahit wala na ako sa karerang kinabibilangan nila.
Maraming salamat, Ate Missy, Anton, Andre, Benedict, Ate Jheng at sa mga kapatid ko sa pananampalataya na kasama ko sa paglalakbay ko sa paglilingkod sa simbahan.
Maraming salamat, Tracy, Nona, Nathan, Joshua, Yvan, Lhance, Ate Kaka, JP, at sa lahat ng mga tinuturing kong kapatid na kahit hindi kadugo ay hindi nawawalan ng koneksyon saan man ako mapunta.
Maraming salamat, Ate Christine, Sir Paul, Ate Caren, Kuya Mike, Tita Zen, Kiko, at Mhalou na supportive sa mga gawa ko kahit wala ako sa opisina sa City Hall.
Maraming salamat, Councilor Niño dela Cruz sa patuloy na pagtitiwala sa aking kakayahan para makatulong sa iyong tungkulin sa bayan. Hindi lang po kayo boss para sa akin kundi isang kapatid.
Maraming salamat, Rev. Fr. Andy Ortega Lim sa pagtitiwala, pag-aalaga at suporta sa panibagong kabanata ng aking buhay kasama ang Panginoon.
Maraming salamat, Vice President Leni Robredo sa pagiging constant inspiration. Buhay ang pag-asa sa aking puso para sa ating bansa dahil sa iyo.
Maraming salamat sa aking mga pinsan, Ate Carol, Ate Tita, Kuya Amboy, Cathy at sa mga pamangkin namin na umaalalay sa amin ngayong pare-pareho na kaming walang magulang.
Maraming salamat, Kuya Jojo, na nagsisilbi nang magulang ko.
Maraming salamat sa iba ko pang kapatid, Kuya Abet, Kuya Ramon, Ate Airine, sa aking pamangkin na si Rmon at ang mahal naming babies na sina Bruce, Kobe at Coco, dahil kahit anong nangyari ay buo pa rin ang ating pamilya.
Maraming salamat, Tatay, Bruce Laki, Bruce Liit, Bunny at Lucky na mga bituing gabay namin sa langit.
Maraming salamat, Nanay. Kasama mo na si Tatay sa paggabay sa amin. Lagi mo kaming ipagdasal at bantayan. Mami-miss kita habambuhay.
Maraming salamat, mahal kong Maynila. Nagkakaroon na ng direksyon ang kanyang kadakilaan. Lagi kong ipinagdarasal na maging mas maunlad pa ang siyudad na ito para sa lahat ng Manileño.
Maraming salamat sa aking mga patron, San Lorenzo Ruiz, Ina ng Santo Rosario ng Binondo at Ina ng Pronto Socorro sa proteksyon at panalangin para sa akin. Dama ko ang inyong pagmamahal at patuloy ko kayong papupurihan sa aking puso.
Higit sa lahat, maraming salamat, Panginoong Hesukristo sa inyo ng Mahal na Poong Santo Niño dahil sa lahat ng plot twist na nangyari sa akin, naniniwala akong Siya ang patuloy na nagbibigay ng walang hanggang biyaya at lakas para magpatuloy tayo sa paglalakbay. Lahat ng aking ginagawa ay iniaalay ko sa Iyong lalong karangalan. Amen.
Pinatatag ako ng 2022. Aaminin ko, ayoko nang maulit ang taon na ito, hindi dahil sa sakit na dinulot niya kundi para manatili akong unique sa aking alaala. Marami pang plot twist na parating, pero dahil sa magtatapos na taon, mas handa na ako sa mga susunod pa.
—
Tuloy ang buhay, tuloy ang paglalakbay.
Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2023!
