Ngayong gabi ay ipinapalabas ng Pinoy Big Brother ang pag-amin ng housemate na Russu Laurente sa pag-sang-ayon niya sa #YesToABSCBNShutdown sa isang tweet. Humingi siya ng sorry kay Kuya.
Alam kong bata pa si Russu at naging limitado ang impormasyon na nakikita at nababasa niya kaya niya sinuportahan ang pagpapasara ng ABS-CBN. Pero hindi inutil si Russu para hindi niya maisip na dahil sa sinabi niya ay ginatungan niya ang pagkawala ng trabaho ng libo-libong empleyado at pagkawala ng libangan at pinagkukunan ng balita’t impormasyon ng milyon-milyong Pilipinong hindi maabot ng ibang istasyon.
Personal sa akin ang mga nangyari sa ABS-CBN at hindi naman iyon maikakaila. Bilang Kapamilya, napipikon ako. Naluluha ako sa sobrang pagkapikon habang pinapanood ang pagso-sorry niya. Napipikon ako sa pagpapasalamat niya kay Kuya na nakapasok siya sa PBB. Napipikon ako na nag-cite pa siya ng Bible verse. Napipikon ako dahil kahit sabihin nating wala siyang bilang sa mga naging desisyon ng mga pumatay ng franchise renewal, isa siya ngayon sa nakikinabang sa mga bagay kung saan kasama siyang tumulak sa pagpatay ng pangarap ng mas maraming Pilipino.
Madaling magpatawad, pero mahirap makalimot. Hindi ako gaanong nagpo-post na humihiling na ma-evict na siya sa Bahay ni Kuya. Bakit? Dahil alam kong habang nananatili siya sa loob ay mari-realize niyang mali ang ginawa niya at kokonsensyahin siya nito habang nananatili siya sa industriya ng showbiz. Tama na para sa akin na kung sakaling makatuntong siya nang tuluyan sa pag-aartista ay tatatak sa pangalan niya ang non-renewal ng Kapamilya franchise sa libreng ere noong July 10, 2020.
#LabanKapamilya