Marami ang nagsasabi na ang 2020 ang taong pinakamahirap na balik-tanawan. May ibang ayaw nang makaalala dahil sadyang masakit lingunin ulit. Pero dito papasok ang primary sense ng kasaysayan – maganda man o trahedya, dapat itong itala para magsilbing imbakan ng mga bagay na pwedeng pagkuhanan ng aral o inspirasyon sa kinabukasan.
Ito ang pang-labing-isang Yearender ko, isang tradisyon na sa pagkakataong ito’y hirap na hirap akong himayin. May mga pangako ang 2020, ngunit dahil sa pandemya ay sunod-sunod na nalusaw. Lagi nilang sinasabi na “new normal”, ngunit sa tingin ko naman ay hindi. Kung titingnan pa natin ito sa mas makatotohanang pananaw, ang nangyari sa ating lahat ay pwersahang pagbabalik sa atin sa mas payak na buhay na mahirap para sa marami sa ating may nabuo nang direksyon.
Ika nga nila: we’re back to square one.
Breakdown
88 araw akong nasa loob ng bahay. Sa loob ng humigit-kumulang tatlong buwan ay wala pang isang oras akong nasa labas ng aming tahanan ng simulang ipatupad ang enhance community quarantine (ECQ) noong Marso. It’s either may kukunin akong delivery sa tapat ng bahay o yung kinuha ko ang bago kong phone dahil sa renewal ng aking plan.
Hindi ako home buddy. Distraction ang work from home, pero kahit ito ay pinagmumulan din ng stress na hindi nakabuti sa mental health ko. Mahirap aminin at ipaliwanag ang ganitong kondisyon sa marami, pero minsan, wala naman kailangang ipaunawa sa iba lalo na kung sila rin ang nagdudulot ng depresyon sa akin. Ito na yata ang taon na ilang beses akong umiyak sa isang sulok. Basta gusto ko lang umiyak.
Na-lift ang ECQ sa mga unang araw ng June at nakalabas ako ng June 11. Robinson’s Place Manila ang una kong pinuntahan para bumili ng mouse at paborito kong kape. Walang kasing-sarap ng pakiramdam ng kalayaan. Pero kahit natapos ang lockdown ay doon lumabas ang napakaraming realization. May dalawang mahalagang bagay akong napagtanto: ang lakas ay hindi ginagamit sa lahat ng pagkakataon para maipakitang malakas ka, at hindi ka maliligtas ng pera sa lahat ng klase ng kabaliwan.
Ang lockdown ang nagsilbing preno sa akin para lumingon sa direksyong mas makakahinga ako nang maayos at mananatiling buhay. Hindi ito ang direksyong nabuo ko sa aking isipan noon, pero para sa akin ay mas mabuti ito para manatiling buhay at may pag-asa. Hindi pa tapos ang pandemya, pero kahit papaano ay nakalaya na ako sa pagkakasakal ng mga pagkakataon.
Shutdown
Personal sa akin ang nangyari sa ABS-CBN. Masakit sa puso ang pagkawala ng Channel 2 at dzMM sa ere noong May 5 at lalo nitong naapektuhan ang pag-iisip at pakiramdam kong pinalala ng pandemya.
Hindi kaila sa mga malalapit sa akin ang pagiging Kapamilya ko mula noon. Hindi ako nahihiyang ipangalandakan na hinubog ng ABS ang pagkatao ko at ang talento ko. Hindi ako empleyado ng Kapamilya network, pero bilang batang lumaki sa harap ng telebisyon, batid ko na sila ay parte rin ng aking pamilya at karapat-dapat na ipaglaban kahit pa sa gitna ng lansangan.
July 18, Sabado, ilang araw pagkatapos patayin ng Kongreso ni Duterte ang prangkisa ng network, sa kabila ng banta ng virus ay kasama ako sa daan-daang nagprotesta sa harap ng Broadcast Center. Hindi lang ito para magbigay-simpatiya kundi upang ipakita rin ang pagmamahal sa lahat ng bumubuo ng ABS-CBN. Maaaring nabigo ang mga Kapamilya na makabalik sa telebisyon at radyo ng mas maraming Pilipino, pero kahit papaano ay mas dumami ang sumuporta sa tila pagkalat ng lahat ng elemento ng Kapamilya, lalo na sa online.
Dahan-dahang nakakabalik ang ABS-CBN, pero hindi nito dapat matakpan ang kasalanan ng 70 kongresista na nagkait sa prangkisa ng network. Hindi nito dapat matakpan ang kasalanan ng mga gahamang sinamantala ang kahinaan ng istasyon para itulak ang kanilang mga pulitikal na agenda. Hindi mabubura ang ginawa ng gobyerno sa malayang media na lakas ng mamamayang patuloy na pinapahirapan ng kanilang kapalpakan.
Goodbye
Hindi madaling magpaalam sa taong naging inspirasyon mo sa matagal na panahon. Pero mas mahirap na magpaalam sa taong hindi mo inaasahang mawala sa gitna ng ganitong mapanubok na panahon.
Nakakadurog ng puso ang pagpanaw ni dating Manila Mayor Alfredo Lim. Isa siya sa masasabi kong iilan na nag-iwan ng maraming alaala ng aking kabataan at parang lolo na rin ang turing ko sa kanya. Namatay siya noong August 8 dahil sa komplikasyong dulot ng COVID-19, at para sa taong nagpapakita ng lakas ng pangangatawan sa gitna ng katandaan, nakakalungkot na pandemya pa ang kumuha sa kanya.
Sa kabila ng panibagong community quaratine ay nakadalaw pa rin ako sa kanyang burol sa kanyang tahanan sa Tundo. Ang dating makisig na Ama ng Maynila ay nasa loob na ng berdeng urn, isa nang abo at napapalibutan ng mga bulaklak at mga larawang magsisilbing naiwang mukha ng isang mabuting lider ng kabisera. Magkagayunman, masaya ako na kahit papaano’y nasaluduhan ko siya at nakapagpasalamat sa lahat sa huling pagkakataon.
Bicol/Baguio
Dulo-dulo sa loob ng iisang Enero. Hindi naman totally nasira ng 2020 ang buhay ko. At least, bago niya sirain ay nakabuo pa ako ng dalawang masayang out-of-town adventure.
Nasa Baguio ako sa unang mga araw ng taon. Memorable ang biyaheng ito dahil unang beses kong mag-isang umakyat (dahil nauna sila) at first time kong tumayo sa bus pababa sa loob ng mahigit anim na oras (sa bandang Tarlac na ako nakaupo).
Nasa Naga naman ako ng mga kalagitnaan ng January dahil sa kasal ng isang kaibigan at dating kaopisina. Matagal-tagal din akong hindi nakapagsuot nang pormal at hindi ko naman gagawin iyon kung hindi required. At ang favorite ko sa trip na ito ay ang pagligo sa hot spring sa paanan ng Mount Isarog na isang active volcano.
Lem Santiago Vlog
Tawagin nyo akong late bloomer, pero ngayong taon ay – sa wakas – nagkaroon ako ng oras para gumawa ng video blog o vlog. Hindi halata pero mahiyain ako sa harap ng camera, pero sinubukan kong harapin ang takot. Nakadalawa lang ako mula nang nagsimula ako noong September dahil una, may mga ginagawa rin ako on the sidelines at, pangalawa, hindi madaling mag-edit ng vlog na may istorya.
Medyo mabagal ang pagbuo ko sa Lem Santiago Vlog sa YouTube dahil hindi ko rin alam kung mapaninindigan ko ito tulad ng paninindigan ko sa Aurora. Pero sabi ko nga, at least nandyan na yan at naka-standby. Bibilis yan kapag handang-handa na akong sumikat. Hehe.
Lucky/Kobe
Dalawang cute dogs ang dumating sa pamilya namin itong umpisa ng taon. Ang isa ay si Lucky, shih tzu, na sobrang liit pa noon. Pero dahil mahina pa ay mabilis siyang nawala sa amin. Pero kahit saglit lang siya ay sobrang nadurog ang puso ko sa kanyang mabilis na paglisan.
Pero dumating ang ilang linggo ay isang makulit na French bulldog ang bumisita sa aming tahanan. Siya si Kobe, ang pinakamakulit na asong nakilala ko. Siya ang kasiyahan namin, kahit pa inaaway niya lagi ang isa pa naming baby na si Bruce at kahit napakagaling niyang sumira ng kanyang tali at iba pang mga gamit. Pero kahit ang gulo-gulo niya ay napakalambing niya kaya pwede na rin talaga na wala akong someone dahil kay Kobe pa lang ay solb na ako. Haha.
Comeback
May mga lugar na sabik kang balikan, pero dahil sa mabilis na takbo ng panahon ay kailangan mo siyang bitawan. Sa kabilang banda, may paraan ang tadhana para ibalik tayo sa mga lugar na ito. Alam kasi niya na dito mo matatagpuan ang kaligayahang hindi nabibigay ng mga materyal na bagay.
Binalik ako ng pandemyang ito sa Binondo Church. Kung dati ay tagapagpahayag ako ng Salita ng Diyos sa ibabaw ng altar ni San Lorenzo, ngayon naman ay ibinigay sa akin ang isang misyon para dalhin ang Parokya ng Binondo, hindi lang para sa mga nangungulila niyang deboto kundi sa buong mundo. Sisiw ang livestreaming sa akin, pero ang i-livestream ang isang religious activity ay isang malaking pagsubok. Hindi ito simpleng show o vlog kundi isang presentasyon ng imahe ng isang Minor Basilica. Mula graphics hanggang anggulo ng camera ay iniingatan dahil ang binabato mo sa himpapawid ay ang katuparan ng Panginoon at ng ating pananampalataya tungo sa kaligtasan.
At sa aking pagbabalik ay hindi lang pagtawid sa kinabukasan ang pinagkatiwala sa akin kundi ang paghuhulma sa kasaysayan nito. Sa isang istrukturang giniba ng giyera, hindi madali para sa Binondo na ipunin ang pira-piraso niyang istorya. Kaya sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa 2021 ay napagbigyan akong tulungan ang Parokya na isulat ang istorya ng pananampalataya sa Binondo na ihahandog sa Inang Simbahan sa napakaimportanteng pagdiriwang ng Katolisismo sa ating bayan.
Salamat
Sa lahat ng sakit, hirap at lungkot na dinulot ng 2020 ay walang dahilan para hindi magpasalamat, lalo na sa mga taong nagpatunay na hindi mahahadlangan ng pandemya ang tunay na malasakit at pagkakaibigan.
Salamat, Sir Boom Enriquez sa pagtitiwala sa aking kakayahan sa loob ng humigit-kumulang tatlong taon.
Salamat, Geil Hernandez-Lonsania, Kuya Ely Lonsania, Nica Cordero, Josh Umlas, Monique Cabais, Kevin Magcalas sa pagkakaibigan kahit pa medyo magkakalayo na tayo ngayon.
Salamat, Rio Iwasaki, Nathan Figueroa at Rizza Duro sa mga random na kwentuhan na ay may kasamang foodtrip o kape.
Salamat, Nona Nicolette Bracia para sa mas matatag na pagkakaibigan. Ngayong may plus two ka na, ipinapangako kong magiging mas mabuti akong kaibigan sa isang magiging mabuting ina at ilaw ng tahanan.
Salamat, Kuya Ernest Perez, LJ Abadinas, Nathaniel Volckmann at Mike Shimamoto sa inspirasyon.
Salamat, Kurt Abalos, sa tulong nya sa akin sa Digital MNL at tinuturing kong kaibigan kahit hindi pa kami nagkikita nang personal gawa ng pandemic.
Salamat, Former Councilor Niño dela Cruz at Christine dela Cruz, Sir Robert and Ms. Lorraine Sylianteng ng First United Building at Rep. Janette Loreto Garin.
Salamat sa Minor Basilica and National Shrine of San Lorenzo Ruiz, kay Rector Rev. Fr. Andy Ortega Lim at kina Rev. Fr. Joseph Mary Sigfred Arellano at Rev. Fr. Joaquim Mascarrenhas sa muling pagtanggap sa akin na makapaglingkod sa mahal nating simbahan.
Salamat, Ate Tina Enclona, Achie Diana Lee, Ate Beck dela Cruz, Ate Joy Asancha, Ate Missy Villaruel, Noney Reyes, Jophet Moina, Kuya Zardo, Vincent Lopez, Hazel Drio, Kuya Kahoy, Tita Elizabeth Ngo at sa lahat ng mababait na parokyano ng Binondo na nagsisilbing masayang pangalawang tahanan at pangalawang pamilya sa akin.
Salamat sa aking pamilya, kay Kuya Jojo at Nanay, Kuya Ramon, Kuya Abet, Ate Airine, Rmon at sa mga bunso naming si Bruce at Kobe.
Salamat Tatay, Bruce Laki, Bruce Liit, Bunny at Lucky sa inyong patuloy na pagbabantay sa Paraiso ng ating Maykapal.
Salamat, iniirog kong Lungsod ng Maynila dahil nananatili kang maningning sa gitna ng kaguluhan sa ating bansa. Karangalan kong itanghal ka sa aking sariling pamamaraan.
Higit sa lahat, salamat sa ating Dakilang Lumikha, sa ating Panginoong Hesukristo, sa ating Inang Maria at sa aking mga patrong Sto. Niño de Tondo, San Lorenzo Ruiz de Manila, Nuestra Señora del Santissimo Rosario at Nuestra Señora del Pronto Socorro sa walang katumbas na paggabay, panalangin at pagpapala kahit pa hindi naging maganda ang magwawakas na taon sa marami. Ibinabalik ko po ang lahat ng parangal at papuri na posible lamang sa inyong Kadakilaan at Kaluwalhatian.
Panalangin
Ama naming Lumikha, maraming salamat po sa isa na namang magsasarang taon. Hindi madali ang pinagdaraanan namin, pero dahil sa Iyong pagmamahal ay hindi kami magsasawang lumaban sa hamon ng isang mapanubok na panahon.
Gabayan at pagpalain Mo ang aking pamilya, ang aking mga kaibigan at lahat ng taong nagmahal at naniwala sa payak kong kakayahan bilang tao. Manatili nawa silang malusog, lalo’t wala pang katiyakan ang mga susunod na buwan dahil sa pandemyang aming kinakaharap.
Lahat ng ito ay may dahilan, Panginoon, ngunit nananalig akong ito’y kakayanin namin dahil nariyan Ka bilang Talang Gabay ng aming buhay. Sa Iyong itinakdang panahon ay matatapos ang lahat ng ito at makikita rin namin ang kinabukasang Iyo nang iniadya.
Pagpalain mo ang Iyong masaganang Siyudad at Bayan. Alalayan mo ang aming mga pinuno, lalo na yaong mga naglilingkod nang walang pananamantala sa kahinaan ng Iyong sambayanan.
Batid ko po na mahirap magsimulang muli, Panginoon. Pero sa Inyong mapagpalang Kamay ay alalayan Mo akong bumuo muli ng isang panibagong kabanata sa isang panibagong direksyon. Kung saan Mo ako gustong dalhin ay susunod ako dahil sa Iyo ang tiwala at pananampalataya ko.
Ako’y iyong lingkod, Panginoon. Sa pagdating ng panibagong taon, gawin Mo akong instrumento ng Iyong kabutihang loob. Hindi ako perpekto. Makasalanan ako. Pero sana ay bigyan Mo ako ng pagkakataong maging kamay Mo sa anumang sitwasyon, saan man, kailan man.
Lahat ng ito ay aking dinarasal at itinataas sa Iyo, sa tulong ng Iyong Inang si Maria na ina rin naming lahat at sa gabay ng Espiritu Santo. Amen.
Tuloy ang buhay, tuloy ang paglalakbay.
Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2021!