Kakaiba ang Pasko ngayong 2020. Saglit tayong magbalik-tanaw sa lahat at patuloy pa ring magpasalamat sa kabila ng kaliwa’t kanang pagsubok.
Andaming trahedya:
pandemya, paranoia,
presidenteng palpak,
mga pesteng buwaya,
kapangyarihan ay
inaalipusta,
ayudang tinipid
at pondong nawala.
Andaming nawala:
maraming namatay,
maraming nawalay,
laging naghihintay
sa mahal sa buhay
na nasa panganib
dahil sa pagsagip
sa mga maysakit.
Andaming nagbago:
kabuhayang bagsak,
trabaho’y nahinto,
lumala ang gutom,
relasyong gumuho,
mga kaibigang
sa Zoom at chat na lang
natin nakikita.
Andaming nangyari
‘di lang dito sa ‘tin.
Pati buong mundo’y
malalang niyanig.
Andaming nangyari
pero sa kabila
ng mga ito ay
may mananatili:
Nariyan si Hesus,
ang Batang hinandog
ng sangkalangitan,
ang Tagapagligtas
ng sangkatauhan,
tanging dahilan ng
ating pagdiriwang
ngayong Kapaskuhan.
Kakaibang taon:
maraming trahedya,
maraming nawala,
maraming nagbago,
maraming nangyari.
Subalit sa dulo
ng lahat ng ito —
tayo’y may’rong Pasko.
Huwag makakalimot
na magpasalamat
bago tumalikod
sa taong malupit.
Iniwan man ay sakit
ay ating isambit
sa isip at puso:
Maligayang Pasko!